Pagtindig sa mga Daluyong: Isang Panawagan Tungo sa #LigtasNaBalikEskwela

FEU Advocate
July 27, 2021 10:55


Nina Aurea Lyn Nicolette F. Lacanaria at Melanie E. Uson

Maingay at puno ng tawanan ang nakasanayan sa loob ng paaralan--na ngayo’y nabalot na ng nakabibinging katahimikan. Ang silid-tulugan ay nagmistulang silid-aralan. Ang lahat ay naantala sa presensya ng unos na tila’y isang mapaminsalang daluyong. Ang mga araw na nagdaan ay nabalot ng pangamba, ngunit sa kabila nito, nagliliyab pa rin ang hangarin para sa ligtas na pagbabalik sa eskwela.

Kalagayan ng Edukasyon ngayong pandemya

Mahigit isang taon na ang nakalilipas mula nang magsimula ang pandemya sa buong bansa. Nagdulot ito ng pag-antala ng operasyon ng iba’t ibang institusyon, kabilang na pisikal na pagpasok sa mga paaralan.

Upang maipagpatuloy ang edukasyon, nagkaroon ng mga pagbabago sa midyum ng talakayan sa pagkatuto tulad ng paggamit ng iba’t ibang gadyet upang makasama sa klase. Hindi maipagkakaila na nagdulot ito ng dagdag dagok kasabay na ng iba pang suliranin sa iba’t ibang mga tahanan. 

Ayon sa sarbey isinagawa ng Social Weather Stations o SWS sa huling bahagi ng 2020, mayroong 87% o tinatayang 29.8 na milyong mga mag-aaral ang nagpatuloy sa pag-aaral, samantalang 4.4 na milyon ang nahinto sa ilalim ng sistema ng flexible learning. 

Ang 7% nito ay mga mag-aaral mula pre-elementary; 45% naman ay mga mag-aaral mula sa elementarya; 29% mula sa Junior High School; 13% mula sa Senior High School; at ang 6% ay mula sa kolehiyo. 

Ayon naman sa sarbey na isinagawa rin nito, tungkol sa mga learning delivery modalities sa huling bahagi rin ng taong 2020, 89% na pamilyang Pilipino ang batid na mas mahirap ang sistema ng blended learning kumpara sa nakasayang face-to-face classes. Kaakibat nito ang mga problemang pang-ekonomikal dulot ng pagkawala ng panghanapbuhay at kawalan o kakulangan ng kakayanan sa aspektong pinansyal para matugunan ang pangangailangan sa new mode of learning.

Samantala, Mayo 21 ngayong taon nang ipinahayag ni Commission on Higher Education (CHED) Chairperson Prospero “Popoy” de Vera III, na nagpatibay na ang ahensya ng polisiya upang magpatuloy pa ang flexible learning ngayong taon at sa mga susunod na taon pa. Ayon sa kaniya, hindi na babalik pa sa tradisyunal na face-to-face classes upang maiwasang mailagay sa panganib ang mga mag-aaral dala ng banta ng COVID-19. Dagdag pa nito, masasayang din ang mga nilaan para sa teknolohiya, pagsasanay sa mga guro para sa panibagong sistema, at retrofitting ng mga pasilidad. 

Ang flexible learning ay pinaghalong digital learning -- o ang paggamit ng mga bidyo, podcasts, online conferences o ang tinatawag na synchronous classes; at non-digital mode of learning o ang paggamit ng mga printed modules bilang paraan ng pagkatuto. Bagaman hindi ito nangangailangan ng internet lamang, isang hamon pa rin ang pagsanay at pagkatuto rito para sa ibang mga mag-aaral. 

Hamon ng panibagong normal sa pagkatuto

Noong mga unang buwan ng pandemya, isa si Micaella Arcemo, isang 3rd year Bachelor of Science in Psychology student, sa mga mag-aaral na nahirapang makasabay sa flexible learning. Pagkukwento niya, naranasan niya ang tumambay sa harap ng computer shop upang makikonek sa internet.

Bagaman unti-unting nakakasabay na sa sistema ng flexible learning, batid niyang hindi pa rin epektibo ang ganitong pamamaraan ng pagtuturo lalo na sa kurso niya na nangangailangan din ng laboratory classes. 

Biggest challenge ko rin yung parang 24/7 kang nasa harap ng laptop. Kasi minsan may mga activity na parang hindi naman kayang gawin lang within class hours. Hindi gaya dati noon na kapag nasa school ka estudyante ka; ‘pag nasa bahay ka, anak ka o ‘di kaya bahagi ka ng pamilya,” ani Arcemo. 

Isa ring hamon ang halos magdamagang oras na iginugugol sa gawaing pang-akademya. Pagdidiin ni Arcemo, may mga gawain na hindi kayang tapusin sa oras lamang ng klase kung kaya’t tumatagal ito na nagreresulta sa mahabang oras ng paggawa.

Pangamba naman ni Razel Kate Gabutan, isang 2nd year Bachelor of Science in Nursing student, ang pagpapatuloy ng flexible learning sa mga susunod na taon pa ay magdudulot ng negatibong epekto sa kalidad ng edukasyon.

“Syempre ‘yung trabaho namin, buhay ’yung at risk. Maganda lang kasi pwede mong ulit-ulitin yung [lecture] videos, kaso lang ang pasyente namin stuff toys, unan; [at] hindi actual [demonstration], [kaya] hindi namin nalalaman kung tama ba ginagawa namin kasi wala kaming nakikitang dugo. Hindi namin alam kung nasasaktan na ba ‘yung pasyente [base] sa facial expressions,” pagpapaliwanag niya.

Dagdag pa niya na bagaman may natututunan, hindi sapat ang mga resources na natatanggap nila ngayong flexible learning. Bilang mag-aaral ng kursong Nursing, parte ng kanilang kurso ang pag-duty sa mga ospital, tyansang naipagkait sa kanila dulot ng banta ng pandemya.  

Mayroon din itong negatibong dulot nito para sa mental na pang-kalusugan ng mga mag-aaral. Ayon kay Gabutan, hindi lang pag-aaral ang isinasaalang-alang ngayong pandemya, bukod sa peligrosong sakit, nariyan ang mga natural na kalamidad gaya ng bagyo, lindol, at kasalukuyang banta ng Bulkang Taal. 

Sinang-ayunan din ni Julius Supnet, isang 3rd year Bachelor of Science in Medical Technology student, ang hirap at hamon ng flexible learning higit na lalo sa kanilang kurso kung saan sinubok ang kanyang determinasyon ngunit patuloy siyang kumapit sa kanyang tinatanaw na pangarap.

“Sa aking kurso bilang isang MedTech student, sapat naman ang mga teorya at prinsipyo ng amin mga tinatalakay na aming pinag-aaralan ‘di nga lang naisasagawa sa aktwal na pamamaraan. Masasabi kong mahirap at nakakawalang gana pero nasa iyo iyon kung magpapaiwan ka o mas huhusayan mo upang makasabay ka sa mga tinatalakay,” sambit niya. 

Panawagan ng mga mag-aaral 

Mahigit isang taon sa new normal set-up ng edukasyon, hindi na lingid sa kaalaman ng iba ang dulot nitong mga suliranin na kinakaharap ng ibang mga mag-aaral. Kaya naman patuloy pa rin ang malawakang panagawan para sa #LigtasNaBalikEskwela sa pag-asang ito’y papakinggan din. 

“Naiintindihan kaya dumadaing” sagot ni Gabutan nang tanungin siya sa kaniyang saloobin tungkol sa pahayag ni CHED Chairperson De Vera tungkol sa pagpapatuloy ng flexible learning sa sistema ng edukasyon.

Dagdag pa niya, ang mga mag-aaral naman ay may pagnanais na makasabay sa takbo ng buhay ngayong new normal, ngunit hindi lahat ay may kapasidad para rito--gaya ng pagkakaroon ng disenteng gadget at maayos na internet o data connection. Higit pa rito ang suliraning pang-pinansyal gaya ng mga magulang na nawalan ng trabaho at mga mag-aaral na binabalanse ang paghahanap-buhay at pag-aaral.

Sinang-ayunan din ito ni Arcemo, ika niya ay walang mali sa paghahangad ng mga mag-aaral na bumalik sa mga silid-aralan. Ayon pa sa kaniya, hindi iresponsable ang mga mag-aaral na hahantong sa puntong magkakalat ang mga ito ng sakit. Kaya mahalaga ang maayos na koordinasyon ng mga ahensya, mga pamantasan, at ng mga mag-aaral upang maisakatuparan ang ligtas na pagbabalik-eskwela.

Suhestyon din niya na dapat maglaan ang ahensiya ng angkop at sapat na mga resources sa mga mag-aaral, guro, at mga institusyong pang-edukasyon. 

“Ang hirap noong nag-i-impose lang sila o nag-i-implement sila na parang kulang sa actions and kulang sa funding, kulang sa resources na ang nahihirapan ay ‘yung mga teachers at universities na wala naman silang alam paano gagawin itong inuutos ni CHED or ni DepEd,” pagpapaliwanag niya.  

Nanatiling positibo naman si Julius Supnet na sa kabila ng mga pagsubok dulot ng pandemya ay nananatili ang pag-asang kanyang kinakapitan. Isinatanbi niya ang mga hirap na nararanasan at binigyang diin din na nag mga pagsubok at hamon ay siyang huhulma upang patuloy na mangarap para sa destinasyong nais marating sa buhay at naniniwalang ang pagsubok na ito ay may katapusan din. 

“Mas paigtingin nila ang pagpapatupad ng mga polisiya at implementasyon ng bagong pamamaraan ng pag-aaral ngayong new normal upang mas mapaigting ang kalidad ng edukasyon,” pahayag ni Supnet.  

Pinagdiinan ni Supnet na huwag sana nating isantabi ang kahalagahan at diwa ng pagtutulungan sa ganitong sitwasyon kung saan kinakailangan nating magkaisa upang sikaping walang maiiwan upang magpatuloy at magpursi. 

Samantala, hiling naman ni May Florence Franchesca Javier, isang 2nd year Bachelor of Science in Accountancy student, na pag ukulan munang mabuti ang kalagayan ng bansa at isaayos ang sistema upang maging maayos ang pundasyon bago tuluyang bumalik sa dati.

Ibinahagi din niya ang kalidad ng edukasyon sa pahanon na ito ay hindi nagiging sapat, nagbabayad ng malaking halaga sa pag aaral ngunit ang inaasahang pagkatuto ay hindi nasisiguro.  

“Hindi lang siya [isang] papel” pagdidiin ni Arcemo.  

Bilang iskolar, naniniwala si Arcemo na ang pagtatapos ng pag-aaral ang pangunahin niyang paraan upang makatulong sa pamilya. Bilang mag-aaral naman ng sikolohiya, naniniwala siya na ang pagtatapos ay isang malaking oportunidad na mas makatulong at mapagsilbihan ang kapwa. 

“‘Yung ‘yung nag-dadrive sa akin ngayon, na kapag may mga naririnig ako na estudyanteng nahihirapan, lalo ako nade-determine na ‘wag sumuko para sa kanila. Gusto ko na kapag kasama nila ako o tuwing nakikita nila ako nagiging safe space nila,” dagdag na paliwanag nito.

Ngayong panahon ng unos, maging sandigan nawa ng bawat isa ang mga pangarap na ipinaglalaban. Kaya naman patuloy ang panawagan para sa epektibo at kongkretong plano para sa  #LigtasNaBalikEskwela na hindi makokompromiso ang kalidad ng edukasyon at ang pisikal at mental na kalusugan ng mga mag aaral. Kung hindi magkakaroon ng kooperasyon, pakikinig, at magiging maingay ang panawagang ito, maaaring marami ang mapagkaitan ng oportunidad na matuto at umunlad dahil sa mabilis na takbo nito.

Hindi maipagkakaila ang mga pangamba at mga hamon ng kasalukuyang panahon. Sa kabila nito, nananaig pa rin ang pagnanais na patuloy na makasabay sa mga daluyong, kasama ang hangarin na nawa’y umayon na sa wakas ang panahon. 

(Dibuho ni Maria Margarita Corazon P. Rivera)