Waluhwuh ka po ba?

FEU Advocate
April 06, 2026 18:35


Ni Mikaela Sindac

Hindi natatapos ang sakop ng women-loving-women (WLW) relationships sa mga bulaslas na ‘retired WLW,’ ‘Mio,’ at ‘na-hard reset.’ Sa bansang konserbatibo at relihiyoso, sapilitan pa ring itinatago ang naratibong totoo. Hindi ito isang trend na maaaring salihan at kapag nagsawa’y, tatalikuran. Ang sanang pagkilala sa iba pang parte ng bahaghari ang naging daan ng mga mapagsamantala na ilagay ang kuwento ng kababaihan sa lenteng mapanira at nakapanlulumo.

Kahit malayo na ang narating ng kalipunan sa diskurso ng pagiging bukas sa usaping kasarian, patuloy pa ring natatabunan ang iba’t ibang uri ng kababaihan sa harap ng midya. 

Mapagmasid ang nagpipigil

Sa usaping palabas sa midya, hindi mapagkakailang mayroong mga pelikula o serye na sumubok magpakita ng romantikong relasyon sa pagitan ng dalawang babae.

Ekstensibo ang pagkakaiba sa pagpapahayag ng isang pelikula, depende sa layunin nito. Kung sa pagpukaw ng atensiyon ng mga kababaihan, kadalasan mayroong pagkilatis sa pokus ng katha. Naroon ang pundasyon na bukas para sa komprehensibong diskurso.

Matatandaang marami ang nag-abang na maipalabas sa sinehan ang pelikulang ‘Adan’ pagsapit ng taong 2019. Dalawang dalagang nagtagpo muli at may balak na iwanan ang mga lugar na ginawa silang bilanggo. 

Mula sa kapanapanabik nitong trailer hanggang sa cinematography nitong nasa kabundukan ang tagpuan, tila garantiya ang pag-asang malaki ang ambag nito upang bigyang-liwanag ang pag-iibigan ng dalawang kababaihang magkasama sa saya at daluyong. 

Gayundin ang pelikulang ‘T-bird at Ako’ noong 1982 na pinangungunahan ng mga beteranong aktres na sina Vilma Santos at Nora Aunor, pati na rin si Odette Khan. Maraming batuhan ng matatalinhagang salita at malaman na usapan. Pati na rin ang paggamit ng mga katagang malapit sa puso ng may iisang danas.

Ngunit sa mga sumunod na eksena at natitirang oras sa pelikulang Adan, tinanggal ang diwa ng kanilang pagmamahalan at pinalitan ng pagtatalik. Pagtatalik sa malapit na talon sa probinsiya, gubat, loob ng tricycle, habang natutulog ang isa, at pagnanasang ipagtanggol ng makatarungan. 

Sa huli, pinaglaruan nila ang katawan ng kababaihan. Tinanggalan ang kanilang kakayahan magpasiya para sa sarili sa harap ng kamera habang idinedeklara itong malalim at bukod-tangi. 

Samantala, sa T-bird at Ako, tila isinantabi ang kabuuang punto ng kuwento. Biglaan din ang pagsambit ng mga salitang mula sa Bibliya tuwing ipinapahayag ng mga karakter ang paglihis nila sa nakasanayan bilang simbolo ng pagkondena. Bilang wakas, lantad ang kanilang nararamdaman sa isa’t isa ngunit nauwi sa pagpapakasal sa kalalakihan. Ipinahihiwatig na ang kanilang pagkagusto sa kapuwa babae ay isang phase na maaaring lampasan. 

Nananatiling ehemplo ang pelikulang Adan sa mga nanggagamit ng kababaihan upang ibunyag ang nais nilang pantasya. Inaangkla ang kuwento sa pagtatalik nang paulit-ulit imbes sa emosyonal na aspekto ng pagmamahalan. Samantalang nagsisilbing ehemplo naman ang T-bird at Ako sa wakas na nais mangyari ng lipunan sa mga kababaihang parte ng LGBTQIA+ community — ang ‘magbalik-loob’ sa mga kalalakihan.

Inilalantad ng mga pelikulang ito ang estereotipo sa pisikal na kaanyuan ng kababaihan. Kung ito ay femme sa loob ng isang WLW relationship, kadalasang seksuwal ang kahihinatnan ng kuwento. Samantala, kung ito ay masc, hahaluan ito ng katatawanan at bibigyan ng karakter na tila lalaki ang akto kahit babae naman ang pagpapakilala nito. 

Mula noon hanggang ngayon, ganito pa rin ang estado ng representasyon sa bansa — tinatrato bilang isang kasangkapan ang kababaihan na maaaring gamitin ng kalalakihan. Nananakot pa rin ang midya at sinusubukang bantaan na ganito ang kahihinatnan mo kung katulad ka ng bidang tauhan na nagkakagusto sa kapuwa babae.

Gagamitin ka para sa kanilang pantasya, ibabalik ka sa pagiging ‘pusong babae,’ pagsasamantalahan ka ng mga tao sa paligid mo, at lilipas ang panahon, mananatili kang nalilito at hindi mapalagay sa kasarian mo. Sa madaling salita, duwag pa rin ang midya — takot sa babaeng alam kung ano ang gusto niya. 

Nililimitahan ang kuwento ng mga kababaihan at pilit na ikinukulong sa paglalarawan na madaling tanggapin ng lipunan. Imbes na patungo sa progresibo at makabuluhang pagtalakay sa seksuwalidad ng kababaihan, nauuwi ito sa nakadidismayang diyalogo. Kaakibat pa rin ang pagtataka — para kanino nililikha ang mga ito? 

Hindi tunay na maituturing na representasyon ang mga pelikulang inilalagay sa alanganin na sitwasyon ang kababaihan. Hindi rin tamang ilakip at bansagang pagpapahayag ito ng pagmamahalan kung gagamitin lamang ang kababaihan bilang pulutan at instrumentong pantugon sa kababuyang kahibangan ng kalalakihan.

Pagkilala at pagtanggap                                                         

Ayon sa isang pagsusuring kinilatis ang WLW relationships hinggil sa representasyon nito sa midya, mula pa sa ibang bansa ang napapanood ng karamihan sa mga sumagot. 

Kaugnay nito, 45 porsiyento ng mga Pilipino ay hindi komportable kung aamin ang kanilang anak na ito ay bakla. Nakapaloob dito ang iba’t ibang salik tulad ng relihiyon at pagiging konserbatibo.

Ipinahayag ni Frances Mae Ann Bondoc-Palatino, isang guro mula sa departamento ng Interdisciplinary Studies sa panayam ng FEU Advocate, na ang kawalan ng representasyon ng WLW relationships sa bansa ay mula sa matinding pagtangan ng lipunan.

Gauge rin kasi ng acceptability ‘yung pagiging available ng mga information about it. So, right now, hindi masyadong available. Repleksiyon siya ng matinding conservative natin na tradisyon. Tapos ‘yung mga kababaihan din kasi, sa totoo lang, mas mahigpit ang lipunan sa kanila kompara sa mga kalalakihan. The moment they steer away doon sa expected behavior sa kaniya, mas matindi ‘yung indignation ng ibang tao sa kanila,” saad niya.

Para kay Bondoc-Palatino, dahil sa kulturang mayroon ang Pilipinas, nag-uukit ito ng pag-iisip kung saan napapailing ang karamihan sa mga WLW relationship

“Una, factor ng relihiyon, pangalawa, kultura, [at] pangatlo, ano ba ang itinuturo sa loob ng pamantasan, sa paaralan? Reflection [ito] ng substructure ng society [natin] na ito [straight relationships] ‘yung acceptable, ito ‘yung normal. ‘Yung women-to-women, hindi pa siya bahagi ng norm. [At] dahil underrepresented siya sa midya, hindi pa naiaangat ‘yung level ng acceptance [sa WLW relationships] compared doon sa mga gay relationships,” paliwanag ng guro.

Ibinubukas ang isipan ng lipunan sa isang sagradong paniniwala. Kalaunan, ito ang ginagawang basehan ng karamihan kung paano tingnan ang bakas ng pagiging tao. Kung ito’y pasok sa kanilang ideya ng pagiging marangal, tatanggapin. Kung hindi naman, pinandidirihan at ipagliliban sa dilim. 

Sa isang panayam kay ‘Zein,’ isang babaeng parte ng queer community sa Pamantasan, ipinahayag niyang mayroong hinahanap na tagatangkilik ang bawat pelikulang tinatalakay ang queer relationships.

“Ang BL [Boy’s Love] ay kadalasang ginawa para sa female audience. That’s why it’s focused on the emotion and the romantic storytelling. When it comes to media, mas madalas na sexualized ang WLW dahil sa‘male gaze,’ while ‘yung ang BL ay mas nakikita saperspective ng female gaze,” saad ng estudyante. 

Sinalaysay rin ni Zein ang kadalasang nakikita niya sa representasyon ng WLW sa midya.

“Maraming tao ang mini-misrepresent ang WLW lalo na sa social media. Kadalasan, those people, lalo na ang mga straight ones, tend to bait their audience,especially those who are part of the community to gain attention, support, and likes (‘yung mga taong nagkakagusto lamang sa kasalungat na kasarian, kadalasan nilang panlinlang sa mga manunuod [‘yung pagiging bakla] lalo na sa mga totoong parte naman talaga ng komunidad para lang makatanggap ng atensiyon, suporta, at magandang reaksiyon o likes), dahil alam nilang ‘sikat’ ito at magandang gawan ngcontent, at tanggap ito ng mga tao sa mgaspecific platforms lalo na sa TikTok,” ani ng estudyante. 

Iginigiit din niyang ang WLW relationships ay totoong bahagi ng karanasan ng ibang tao at hindi nananatiling kuwento at katha lamang sa harap ng telebisyon.

Kung tunay na tatalakayin ang danas ng mga babaeng parte ng queer community, kadalasang nauuwi sa mababang lente ang pag-unawa dito. Hindi ito natatapos sa pagtatalik at paglalahad ng katawan. Nararapat lamang na maipahayag ang iba’t ibang aspekto, tulad ng kanilang damdaming binubuo ng takot, pangamba, pagtataka, at pagdurusa.

Sa hiwalay na panayam, inilantad din ni Jm Delid, isang lesbiyana na first-year hotel restaurant services student sa Bulacan, kadalasang hindi ipinapakita ang danas ng kababaihan sa mga napapanood niyang ‘representasyon.’

“Dapat mas accurate [‘yung representasyon], ‘wag puro fantasy, hindi [kasi dito] nakikita kung ano pinagdadaanan ng mga WLW couples. Kung pa’no kami i-judge ng ibang tao, madalas pamilya rin mismo o kaya friends. Para mas maintindihan din ng ibang tao kung pa’no at ano ba talaga ang WLW. Walang sense [ang] mga storyline, eh,” paliwanag niya. 

Tinatanggal ng malaswang pagkilatis ang karapatan ng kababaihan na ipahayag ang hinagpis sa pangdidikta, pang-aalipusta, at pagkuwestiyon ng lipunan sa kanilang kasarian. 

Kaya nararapat lamang na tibagin na ang ganitong uri ng representasyon sa kanila sapagkat hindi pain ang isang babae para sa panghimok ng mga mapagnasa. 

Dahil kung patuloy na ipalalabas ang kalagayan ng WLW sa ganitong pamamaraan — seksuwal at hindi makatotohanan — maaaring pagdudahan ng kababaihan ang kanilang sariling pakikitungo sa kanilang mga kasintahan. Nananatili ang pagtataka na marahil dito natatapos ang pagmamahalan ng dalawang kababaihan bagaman hindi ito lehitimo.

Bakas ng pagiging babae

Totoo ang pagkakagusto ng kababaihan sa kapuwa nilang babae, ang pagkakagusto sa parehong kalalakihan at kababaihan, at ang pagkagusto sa anumang kasarian ng ibang tao. Totoong nangyayari ang pagiging isang ganap na indibidwal habang parte ng malawakang saklaw ng kasarian. 

Sapagkat maaari pa rin namang ilakip ang kultura at tradisyon sa pagsasalaysay ng WLW relationships. Maaaring talakayin ang pagiging politikal nito, ilakip ang mga panlipunang isyu, at talakayin ang landas na kanilang tinatahak sa pang araw-araw.

Pagtindig at katapangan ang kinakailangan upang talakayin ang kasarian. Ito ang pinanghahawakan ni Bondoc-Palatino upang tunay na mamulat ang mga Pilipino sa iba’t ibang mukha ng kababaihan.

“Siguro ‘yung tapang din ng mga nasa industriya. Kasi marami namang lesbiyana sa industry. May mga nag-uumpisa naman na. Halimbawa, sa music industry, may mga kilala naman na lesbian or queer artist. Hindi naman absolutely na wala. Pero, ‘yung traction, hindi pa naa-achieve ‘yung similar platform [tulad sa ibang bansa]. Kaya hindi naman talaga na walang pag-asa. Andun naman na ‘yung level, [kaso] nasa germination [stage] pa lang. Kung merong magpo-produce na mga mainstream ng mga ganitong production, magkakaroon ng education, magkakaroon ng discussion about it. Kasi hangga’t wala, hindi nabubukas ang kamulatan ng tao sa kanila,” aniya. 

Tulad ng nabanggit ni Bondoc-Palatino, nananatiling buhay ang industriya dahil sa mga pelikula na maaaring ipagmalaki sa larangan ng representasyon tulad ng ‘Open Endings,’ ‘Rookie,’ at ‘Bille & Emma’ na tinatalakay ang pag-iibigan ng dalawang kababaihan sa pagpapakita ng kanilang pagsubok, pagtalakay sa female friendships, paglalahad ng kanilang adhikain sa buhay, pagbabago sa sarili, at pagtukoy sa diwa ng WLW relationships sa paraang hindi ginagawang katatawanan ang kasarian. 

Gayunpaman, hirap iakyat sa malawakang plataporma ang mga pelikulang lumilihis sa kung ano lamang ang madaling tangkilikin ng lipunan.  

Dagdag din ng guro, hindi rin masisisi ang ibang nananahimik at hindi na sumusubok pang ipahayag ang kanilang kuwento sa midya bunsod ng kawalan ng kumpiyansa sa sarili dahil sa panunukso ng iba. Aniya, ang iba ay gusto lang mabuhay at magpakatotoo nang hindi ginagawang sentro ng atensyon ang kanilang kasarian. 

Sa pagtalakay naman ni Paulyn Capariño mula sa departamento ng General Education, kailangan ng representasyon dahil uri ito ng pagsasabing hindi ka nag-iisa. 

“Ang pangunahing epekto ng representasyon ay normalisasyon. Kung may representasyon ka sa media, hindi mo mararamdaman na mag-isa ka, na kakaiba ka o na may mali sa’yo. Mararamdaman mong walang mali sa pagiging ikaw,” paliwanag niya. 

Hinahamon niya rin ang mga akda na maging mapanuri, mapagmatyag, at sensitibo sa paggawa ng pelikulang isinasabuhay ang romansa sa pagitan ng dalawang kababaihan.

“Dapat gawing mas nuanced, complex, at maayos ang representasyon ng mga relasyon ng kababaihan. Bilang mga manunulat, may bigat ang mga akda nila, at may kaakibat itong mabigat [na] responsibilidad. Hindi lang ito basta fiction o kuwentong gawa-gawa lang. Mayroon itong tunay na epekto sa pamumuhay ng mga tao,” ani Capariño. 

Ang pagsasabuhay ng mga kuwento at naratibo ng mga kababaihang parte ng queer community ay hakbang sa mas progresibong pag-unlad ng lipunan. Ang paglalahad sa kanila bilang katatawanan hanggang ngayon ay pagpapakitang mababa pa rin ang pagtingin ng karamihan sa kababaihan lalo na kung siya ay lesbiyana, bisexual, pansexual, o ‘di naman kaya ay nonbinary.

Kung nais ipahayag ang relasyon ng dalawang babaeng nagmamahalan, busisiin nang mabuti ang nilalaman ng puso’t isipan nito, tuklasin kung paano maayos na maipapahayag ang daloy ng kuwento, at bigyan ng makatarungang representasyon ang mga kababaihan sa paraang binibigyang-pugay ang kanilang pagmamahalan — ipagbunyi at huwag lapastanganin.

Hindi kailangang imaniobra ng midya ang naratibo ng kababaihan. Ang WLW relationships ay may iba’t ibang mukha, ngunit hindi kailangang isakripisyo ang lalim nito upang maging ‘katanggap-tanggap.’ Ang kakayahan ng kababaihan na ibigin ng lubos ang kanilang kapuwa babae ay isang takda ng pagiging dakila sa kanilang dignidad. 

(Dibuho ni Darlyn Antoinette Baybayon/FEU Advocate)