Pithaya ng mga Manggagawang Maralita: Sapat na Umento at Sistemang Makakapahinga
- September 29, 2023 17:38
FEU Advocate
July 17, 2020 10:00
Nina Clarisse Kaye L. Sanchez, Grace Roscia O. Estuesta at Norwin D. Trilles
Dibuho ni Glenda Corocoto
Hahamakin ang lahat, makapamuhay lamang sa punong lungsod ng Pilipinas – ang Maynila.
Kung tila imposibleng makaraos sa buhay na salat sa salapi, makakain at walang permanenteng masisilungan, hindi ito alintana ng mga pamilyang pinipilit na magpatuloy at mabuhay sa Maynila. Sa hinuha pa lamang ng mga kabahayang matatanaw sa iba’t ibang lugar dito, huwad na makikita ang pagkakaiba sa uri ng pamumuhay.
Ito ay isa lamang sa maraming dahilan ng pagkakaroon ng iba’t ibang lebel sa social classes o uring panlipunan.
Ang populasyon at uring panlipunan
Itinuturing ang Maynila bilang ‘most densely populated city’ o pinakamataong lungsod sa buong mundo. Naitala ritong naninirahan ang halos 14M katao nito lamang taong 2019. Ayon sa Philippine Statistics Office (PSA), aabot sa 42.88 katao ang dapat na magkasya sa kada isang kilometrong kuwadrado (km2).
Nangunguna naman sa pagiging pinakamataong distrito ang Tondo na binubuo ng 600,000 o tinatayang 38% bahagdan ng kabuuang populasyon ng Maynila. Kasunod nito ang Sampaloc na may 20.7% at Sta. Ana na 10.7% ng populasyon ng nasabing lungsod ang bumubuo.
Binigyang-linaw ni G. Diego Odchimar III, propesor ng Agham Panlipunan at Pilosopiya mula sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) at Far Eastern University (FEU), ang pagkakaroon ng iba’t ibang lebel sa social classes. Ayon umano kina Friedrich Engels at Karl Marx, ang pagsusuri ng kasaysayan ng mga lipunan ay naglalahad na ang pag-usbong ng mga uring panlipunan (social classes) ay nagsimula noong sinasarili ang pag-aari (private property) ng mga bagay na dati ay binabahagi sa pamayanan (communal).
Sa pagpapalawig, simula noong sinasarili na ang mga pag-aari ay nagkaroon ng pagsasamantala (exploitation) sa pagitan ng mga mayroong pag-aari at walang pag-aari. Lumalarawan sa sitwasyong panlipunan ng bansa ang tunggalian ng mapang-aping uri at inaaping uri. Sa isang sosyalistang lipunan na mulat sa tunggaliang gaya nito, tungkulin ng pamahalaan na pakialaman ang pagsasamantala sa pamamagitan ng pagbuwag ng sinasariling pag-aari.
Sa ganito kalaking populasyon, hindi maikakaila ang pagkakaiba-iba ng kabuhayang kanilang dinaranas. Sa tala pa lamang na ibinigay ng PSA, imposible kung iisipin na magkasya ang nasabing dami ng tao sa laki ng lugar na nabanggit. Dito pumapasok ang pagkakaroon ng iba’t ibang uring panlipunan. Ito rin ang dahilan kung bakit iba-iba ang tugon ng mga pamilyang nakakaranas ng kahirapan.
Dagdag pa ni G. Odchimar III, kabilang sa marginalized sector ng lipunan ang informal settlers. Sila ay mula sa mga lalawigan na nakipagsapalaran sa kabisera para sa ikakaraos ng kabuhayan. Larawan ng lumalalang agwat ng mga uring panlipunan ang pagdami nila sa kabisera.
Isa si Gng. Gina Hernandez sa mga pamilyang apektado ng kahirapan sa Maynila. Aminado siyang mahirap ang kanilang sitwasyon ngunit tinitiis nila ang hirap ng buhay dahil wala na umano silang ibang mapupuntahan.
“Sa construction lang nagta-trabaho ‘yung asawa ko, kapag wala pang trabaho, walang pera, walang pangkain. Mahirap dito ‘pag bumabagyo, nasisira ‘yung bahay na pinagpatong-patong na lang na yero, pero ‘di pa rin kami aalis. Wala naman kaming ibang titirhan, kaysa sa kalsada, at least dito mas safe naman kami kung iisipin. Kahit wala kaming pera, basta magkakasama kami,” aniya.
Samantala, si Gng. Estrella Concepcion, may permanenteng trabaho at matutuluyan ngunit ramdam pa rin umano ang hirap ng buhay sa Maynila.
“Hindi kami direktang apektado kung kahirapan ang pag-uusapan, pero iba ang hirap ng buhay dito sa Maynila. Kahit mag-OT [over time] ka pa at may dagdag na salary, parang hindi pa rin sapat para masabing nasa middle class kami. May mga panahong wala talaga kaming makain at hindi nakakabayad agad sa bills. Pasalamat na lang talaga ako na may nauupahan kaming bahay kasi wala naman kaming sariling bahay,” banggit nito.
Ang kalutasang proyekto: Tondominiums
Bilang malaking tulong sa mga pamilyang walang permanenteng tahanan at may kakapusan sa buhay, inihain ang proyektong Tondominiums 1, 2 sa Vitas at Binondominium. Sa pangunguna ng kasalukuyang alkalde ng Maynila na si Francisco Moreno Domagoso o mas kilalang Isko Moreno, maisasakatuparan sa taong 2021 ang inaasahang kasagutan sa kakulangan ng pabahay sa nasabing lungsod.
Sa panayam ng FEU Advocate kay G. Julius Leonen, punong tagapamahala ng Manila Public Information Office (PIO), marami umano ang inaasahan nilang matutulungan nito.
“Under this program, about 301,092 people [ang] projected namin na magbe-benefit from here. These are mostly informal settler families, mga walang tirahan. Bali imbis na mag-relocate sila outside the city, mayroon na tayong relocation within the city. Ang intended talaga dito ay 'yung for informal settler families. This is free housing. We don't charge people,” sambit nito.
Dagdag pa niya, naiiba ito dahil condominium type ang pabahay na ipinagagawa para rito.
“Ang kaibahan nito is aside from the usual housing program, condo-type kumbaga kasi 14-storeys ito, eh. Magtatayo tayo ng dalawa, Tondominium 1 and 2, and isa pang Binondomenium.”
Sa kumento ni G. Hernandez, magiging lutas ito sa kanilang problema sa tirahan kung sakaling isa sila sa mabibigyan ng pagkakataong makatira sa nasabing Tondominiums.
“Ay, talaga! Sana nga mapasama kami sa may chance na makatira doon, kahit para na lang sa mga anak ko, kawawa naman at nagsisik-sikan kami sa papag. Magiging magandang simula sana ‘yon kapag nagkataon para sa aming isang kahid, isang tuka talaga,” sabi nito na hindi naglaho ang ngiti.
Binigyang linaw naman ni G. Leonen ang magiging mga hakbang ng gobyerno sa pagpili ng mga pamilyang matutulungan ng proyektong ito. May mga kasunduan din ito umano.
“Obviously, hindi pwede 'yan [na ibenta]. We have our Manila Department of Social Welfare naman to help us with regards sa implementation kung kanino iga-grant and paano siya ime-maintain. 'Yung social welfare ang tutulong para i-grant ang units sa families. May process, may screening, data gathering for them.”
Sinang-ayunan naman ito ni G. Odchimar III. “Sa isang kapitalistang lipunan tulad ng Pilipinas, ang magagawa ng mga lokal na pamahalaan tulad ng kabisera ay gamitin ang kapangyarihan ng mga ahensiya nito tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang bumalangkas at magpapatupad ng mga proyektong kagalingan at pagpapaunlad ng panlipunan, sa tulong ng mga bankong pambansa tulad ng Land Bank at Development Bank of the Philippines.”
Samantala, naisagawa ang seremonya para sa groundbreaking ng nasabing mga proyekto ng Tondominiums sa Vitas nito lamang Hunyo 1.
Mga nakikitang implikasyon at pambungad na hatol
Sa usaping panlipunan, marami ang inaasahang magiging positibong epekto nito lalo na sa mga mabibiyayaan ng proyektong ito. Magiging tulay ito ng pag-asa para sa mga matutulungan at magiging isang paraan upang magpatuloy na mangarap sa buhay.
Malakas ang paniniwala ni G. Leonen na malaki ang magiging tulong ng pagkakaroon ng Tondominiums lalo na sa mga nangangailangang pamilya.
“Bukod sa magkakaroon sila ng sarili nilang tahanan, they won't need to subject themselves to more debts, more loans, para lang maka-acquire ng housing sa mga private renters, mga private owners. Bali malaking bawas sa daily expenses nila. They'll have more time to focus sa mga ibang bagay tulad ng pag-allocate ng budget nila sa pagpapakain ng kanilang mga anak, mga relative, kung sino man 'yung kasama nila,” paliwanag nito.
Isang malaking hangarin umano ng proyektong ito ang pagbibigay ng pantay na pagkakataon para sa mahihirap, pahayag ni G. Leonen.
“We really aim [to equalize] para 'di ba itong middle class, they get these privileges. Para maging at par na rin 'tong lower classes, binibigay namin 'tong mga social welfare programs, parang nagiging similar to a social welfare state na ang Manila. Iyon ang pangarap natin for Manila, na kung ano 'yung mayroon sa middle class or higher class, mayroon din 'yung mga lower classes,” malugod na paliwanag nito
Nahahawig naman ang sinabi ni G. Odchimar III sa pagkamit ng pantay na karapatan para sa mga mamamayan. Pinaliwanag niya ang kahalagahan na anuman ang uri sa lipunan, may kaya man o walang kaya, pare-pareho tayong tao.
“Magpapatunay ito na maaari pa lang mamuhay nang makatarungan ang sinumang mamamayan, anuman ang uri niya sa lipunan. [Mahalagang] mulat ito sa tunay na kalagayan ng tunggalian ng mga uri sa lipunan at ginagampanan nito ang tungkuling ipamahagi (redistribute) ang yaman mula sa may kaya tungo sa [nangangailangan],” pahayag niya.
Dagdag pa nito, “Bilang isang guro na mulat sa tunggalian ng mga uri sa lipunan, naniniwala akong ang proyektong ito ng Maynila ay patunay na maaring makamit ang katarungang panlipunan sa kabila ng tunggalian kung sumasangguni tayo sa ating pamayanang katauhan (common humanity).”
Binigyang-diin ng propesor na makakatulong ang proyektong ito hindi lamang sa pagtiyak ng kanilang kalusugan at kaligtasan, kundi maging sa pag-angat ng kanilang dignidad bilang tao.
Mayroong malaking harang sa mga lebel ng uring panlipunan na mayroon sa bansa, lalo na sa kabisera nitong Maynila. Sa lumolobong populasyon, hindi maisasawalang-bahala ang patuloy na pagkakahati ng mga uri ng pamumuhay dito.
Gayunpaman, hindi naman naiiba ang tingin ng isang Pilipino sa kanyang kapwa sa panahon ng pangangailangan. Sa unti-unting pag-ahon ng ilan mula sa kumunoy ng mga suliranin, nawa ay maibahagi nila sa iba ang tagumpay sa paglampas dito. Dumating nawa ang araw na maisabuhay ang pantay na karapatan ng bawat tao sa lipunan at matamasa ang buhay na nararapat para sa kanya.