Tigil-pasada, kinasa kontra sa pagpatuloy ni BBM ng PUVMP

FEU Advocate
August 14, 2024 21:30


Nagsulong ang mga tsuper, opereytor, at progresibong grupo ng malawakang tigil-pasada matapos isawalang-bahala ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang resolusyon ng Senado na pansamantalang isuspinde ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) sa Welcome Rotonda ngayong araw, ika-14 ng Agosto.

Salungat sa iginiit ng mga grupo, itinanggi ni Marcos Jr. na minamadali nito ang implementasyon ng programa dahil aniya’y ilang beses nang ipinagliban ang pagsasatupad ng PUVMP. 

Isinaad din ng Pangulo na minorya lamang ang mga nananawagan sa suspensyon ng PUVMP.

Gayunpaman, idiniin ng tagapagsalita ng mga Igorot sa Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon na si Oliver Manalili na hindi nararanasan ni Marcos Jr. ang totoong nangyayari sa sektor ng transportasyon.

“Hindi niya siguro nakikita ang totoong nangyayari sa grounds (kalsada). Hindi niya kasi binisita ang grounds (kalsada) kung ano ang totoong nangyari. Sabihin minority (minorya) pero nag-cause (naging dahilan) kami ng grabeng traffic (trapiko),” saad nito.

Kinuwestyon din ng Pambansang Pangulo ng Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) na si Mody Floranda kung saan hinugot ng Department of Transportation at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang sinasabing 80 porsyento na ang nakapag-comply sa PUVMP.

“Batay sa datos ng LTFRB ay halos 12,772 pa lamang ang tumatakbo na mga modern bus sa bansa. Ang tradisyonal na dyip ay halos umaabot sa 170,000 o 160,000 na mga drayber at opereytor. Ibig-sabihin, majority (karamihan) pa rin na tumatakbo sa lansangan ay ang ating mga tradisyonal na jeepney. Kaya saan kinuha ang 80 percent na sinasabi ng administrasyon?” kuwestiyon nito.

Sa panayam ng FEU Advocate, ibinahagi ni Elmer Cordero mula sa PISTON ang dahilan kung bakit tutol sila sa konsolidasyon ng PUVMP.

“Nandito kami sa initan, pinaglalaban namin kabuhayan at sikmura namin. Ayaw namin i-consolidate (ikonsolida) kasi mawawalan kami ng prangkisa, ayan ang kalagayan namin. Tulad ngayon, hina-harass (ginigipit) pa kami ng mga pulis… Ang hirap. ‘Di naman kami nanggugulo,” giit nito.

Higit pa rito, hinarangan ng kapulisan mula sa Manila Police District ang protesta sa kahabaan ng Welcome Rotonda kaya’t ipinagpatuloy na lamang ang programa sa nasabing lugar imbis na sa Mendiola.

Saad ng Tagapangulo ng MANIBELA na si Mar Valbuena, hindi magkakaroon ng problema kung pinadaan lamang sila ng Manila Police District papuntang Mendiola.

“Wala naman sanang problema kung makakadaan tayo. Magbibigay tayo ng daan at hindi na tayo makakatrapik… Maiparating natin ang ating hinaing, okay na po sana,” aniya.

Ayon sa tagapangulo, walang binigay na malinaw na kasagutan ang kapulisan kung bakit hindi tinuloy ang martsa.

Sa gitna ng programa, binantaan ng Quezon City Police District ang mga tsuper na hihilahin ang kanilang mga sasakyan kung hindi raw nila ito tatabi.

“Kanina sinabi ng mga pulis sa amin na ito-tow (hahatakin) ‘yung mga sasakyan namin kung hindi kami tumabi. Ang sagot lang naman namin ay padaanan kami, papuntahin kami sa Mendiola, mawawala ang harang o bara ng trapiko dito,” pagbabahagi ni Manalili.

Nananawagan ang mga grupo na ibasura ang PUVMP at ibalik ang limang taong prangkisa.

Sa ilalim ng modernization program, inihayag ni Manalili na ginamit lamang ng Chairman ng LTFRB na si Teofilo Guadiz ang consolidation sa ligal na pamamaraan upang maagaw ang kanilang prangkisa at isuko sa kooperatiba.

Magtatagal nang tatlong araw ang tigil-pasada ng MANIBELA at PISTON hanggang ika-17 ng Agosto.

Kasharelle Javier
(Kuha ni Shane Claudine Rodulfo/FEU Advocate)