Tibagin ang konserbatismo para sa kamalayang mapagpalaya

FEU Advocate
February 20, 2025 09:00


Nina Jasmien Ivy Sanchez at Dianne Rosales

Sa buwan ng mga puso, hindi lang pagmamahalan ang dapat pag-usapan, kung hindi pati ang katotohanang ikinukubli ng konserbatismo—isang realidad na nagtutulak sa maraming kabataan tungo sa maagang pagbubuntis. 

Hindi ito simpleng bunga ng kapusukan, bagkus resulta ng sistemang ipinagkakait sa kanila ang kaalamang dapat sana’y nagbibigay-laya sa pagpapasiya tungkol sa sariling katawan. Sa halip na iwasan ang usapin, panahon nang ipaglaban ang mas malawak at ingklusibong seksuwal na edukasyon bilang sandata para sa mas ligtas at mas tiyak na hinaharap.

Lampas sa labi

Kilala ang Pebrero bilang buwan ng mga puso. Sa pagpasok nito, hatid nito ang walang kapantay na kilig sa mga nag-iibigan; nagpapalitan ng pulang rosas at tsokolate bilang sagisag ng masidhing pagmamahal.

Subalit may isang tahimik na kuwento ng pag-ibig na may kasamang bigat ng responsibilidad at kawalang-katiyakan—ang maagang pagbubuntis o teenage pregnancy.

Ayon sa datos mula sa United Nations Population Fund (UNFPA) noong 2019, isa ang Pilipinas sa may pinakamataas na teenage pregnancy rate kompara sa ibang mga bansa sa ASEAN o Association of Southeast Asian Nations.

Batay naman sa Philippine Statistics Authority, bagama’t may pagbaba sa porsiyento ng teenage pregnancy mula 8.6 na porsiyento noong 2017 patungong 5.4 noong 2022, nananatili pa rin itong isang mahalagang isyu na dapat tugunan. 

Hindi lamang ito usapin ng maagang pagtatalik at pagkakamali, bagkus isang salamin ng masalimuot na lipunang takot pag-usapan ang seksuwalidad, at isang sistema kung saan ang kabataan ay binabalot ng kakulangan ng suporta at pag-unawa. 

Sa gitna ng mga numerong ito, isang panukalang batas ang inilunsad upang bigyang-solusyon ang lumalalang problema—ang Adolescent Pregnancy Prevention Act

Noong ikapito ng Marso 2023, pinangunahan ni Senador Risa Hontiveros, kasama nina  Senador Imee Marcos, Bong Revilla, at Sonny Angara, ang pagsulong sa Senado ng Adolescent Pregnancy Prevention Act, na inihain bilang Senate Bill No. 1979

Sa panayam ng FEU Advocate sa propesor mula sa Caloocan National Science and Technology High School na si Ronnel Agoncillo, layunin ng batas na ito na tugunan ang tumataas na bilang ng maagang pagbubuntis sa bansa.

“Maraming binabanggit na paraan sa panukalang batas. Isa sa pinakatampok dito [ay] ang paglulunsad ng Comprehensive Sexuality Education (CSE) na nagbibigay ng tamang edukasyon sa kabataan tungkol sa kanilang seksuwalidad at reproductive health na sumasaklaw sa maraming paksa tulad ng informed consent, adolescent reproductive health, contraceptives, HIV/AIDS, maging sa kanilang ugali at pamumuhay,” paliwanag nito.

Nagpahayag naman ng suporta ang iba’t ibang internasyonal na organisasyon, kabilang na ang UNFPA, sa panukalang ito. Naaprubahan din ito sa ikatlo at huling pagbasa noong ikalima ng Setyembre 2023 sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na may botong pabor mula sa lahat ng 232 mambabatas na dumalo. 

Gayunpaman, hindi nakaligtas sa pagtutol ang panukalang batas. Noong nakaraang buwan, ilang senador ang bumawi ng kanilang suporta sa mungkahing batas. 

Kabilang dito sina Presidente Pro Tempore ng Senado na si Jinggoy Estrada, kasama sina Senador Nancy Binay, JV Ejercito, Cynthia Villar, Bong Go, Bong Revilla, at Loren Legarda, sa mga nagpahayag ng pagbawi ng kanilang mga pirma mula sa Committee Report No. 41 na may kaugnayan sa panukalang batas.

Nagbigay rin ng pahayag si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. laban sa ilang bahagi ng panukala, na tinawag niyang “ridiculous” at “abhorrent.”

Para kay Agoncillo, nagmumula ang pagtatalo sa panukalang batas na ito sa nagsasabing ibabatay ang CSE sa ilang ‘internasyonal na pamantayan’. 

“Ang linyang ito ay pinangunahan na ng ilang personalidad, kung saan mababasa ang ilang kontrobersiyal na probisyon tulad ng child masturbation. Totoong hindi ito nababanggit sa anumang bahagi ng panukalang batas at pinangunahan lang ng ilang personalidad at in-assume na ito ang tinutukoy sa linyang ‘internasyonal na pamantayan,’” saad pa nito. 

May mga pangamba rin na magbibigay-daan ito sa mga menor de edad na makakuha ng kontraseptibo nang walang pahintulot ng magulang, na maaaring magdulot ng mas maagang pakikipagtalik ng kabataan. 

Subalit, nakasaad sa panukalang batas na  kinakailangang magkaroon ng nakasulat na pahintulot mula sa magulang upang makakuha ng kontraseptibo. 

May paniniwala rin na isusulong nito ang pagpapalaglag o abortion bilang bahagi ng reproductive health services. Gayunman, hindi ito kasama sa mga probisyon ng panukala, at nananatiling ilegal ang abortion sa ilalim ng batas ng Pilipinas. 

Naglalayon itong magbigay ng komprehensibong edukasyon at serbisyong pangkalusugan na naaayon sa edad at pangangailangan ng kabataan, habang isinasaalang-alang ang mga umiiral na regulasyon at gabay mula sa mga eksperto.

Bagama’t tinatalakay na sa ilang asignatura tulad ng Agham ang reproductive system at kalusugan, at sa Grade 10 Edukasyon sa Pagpapakatao (EsP) ang seksuwalidad, hindi pa rin ito sapat upang lubos na maprotektahan ang kabataan. 

Kinakailangan ng mas malalim, mas ingklusibo, at mas epektibong edukasyon upang tunay na mapangalagaan ang kinabukasan ng kabataan.

Kaligtasan para sa kalusugan at kapakanan

Mahalagang nagsisimula ang pagkatuto ng bawat bata tungkol sa ligtas na pagtatalik mula sa kanilang pamilya, komunidad, at hanggang sa loob ng mga paaralan.

Ngunit buhat ng umiiral na konserbatismo sa bansa, ang pagtrato sa usaping ito’y mayroong sensitibong konotasyon at itinuturing bilang isang taboo—tumutukoy sa kaugaliang panlipunan na isinasantabi o iniiwasang talakayan.

Subalit, malaking kabalintunaan ito sa naging datos ng ‘2024 Year in Review,’ kung saan naitala ang Pilipinas bilang ikatlong bansa na may pinakamaraming oras na ginugugol sa mga pornography video-sharing website.

Dahil sa madaliang akses sa mga pornograpiya, ito ang nagiging gabay ng mga kabataan para sa kanilang seksuwal na kalusugan at awtonomiya sa katawan. Inilalantad nito ang kakulangan sa wastong patnubay at komprehensibong impormasyon mula sa mga awtoridad.

Kung kaya’t karamihan sa kabataan ang nalalagay sa kapahamakan dahil sa mga hindi ligtas na seksuwal na aktibidad. Nariyan ang maagang pagbubuntis, mga sakit na nakukuha sa pagtatalik, at iba’t ibang uri ng pangmamaltrato o seksuwal na pang-aabuso batay sa kasarian.

Ayon sa mag-aaral ng Agham Pampolitika sa Far Eastern University (FEU) na si Marc Julius Clerigo, mahalagang isaalang-alang ng mga Pilipino na ito’y isang uri ng banta sa ating seguridad sa halip na tingnan bilang isang malaking kahihiyan.

“Makikita natin na hindi nila [ibang bansa] ginagawang sikreto ‘yung ganitong pag-a-address nila sa issue. Kasi, they recognize the fact that these specific issues already exist. And the only thing that they can do to stop it is to combat it (Kasi, kinikilala nila ang katotohanan umiiral na ang mga partikular na isyung ito. At ang tanging magagawa lamang nila para matigil ito ay labanan ito),” aniya.

Higit lalo itong nakapipinsala sa lagay ng mga ‘batang ina’ na nakararanas ng maaga at paulit-ulit na pagbubuntis.

Dahil batay sa pag-aaral ng Commission on Population and Development, kaakibat ng panganib sa reproduktibong kalusugan ay ang implikasyon sa kanilang pag-unlad gaya ng posibleng paghinto sa pag-aaral at kahirapan sa paghahanap ng trabaho.

Mula rito, binigyang-diin ni Agoncillo ang kahalagahan ng pagtataguyod sa kaligtasan at angkop na kaalaman ng kabataan sa kanilang magiging kapasiyahan.

Conservative [man tayo] o hindi, naghuhumiyaw ‘yung datos no’ng pataas na rate ng early [o] teen pregnancy at ‘yung iba’t ibang mga cases natin ng VAWC [Violence Against Women and Children] o ‘yung paglabag sa karapatan ng mga kabataan. So mula doon, ‘yung mga datos na ito ay hindi natin maitatanggi. So dapat, tayo ay data-driven. Doon tayo nagmumula sa kung paano reresolbahin ‘yung mga numerong ito,” mungkahi ni Agoncillo.

Sa kabila ng agam-agam at pag-aalangan ng publiko sa nasabing panukalang batas, ibinahagi ng Pangulo ng Far Eastern University Central Student Organization (FEUCSO) na si Christmer Ordanes na malinaw ang konteksto ng solusyon sa kasalukuyang kalagayan ng Pilipinas.

“Sa palagay ko, panahon na para basagin ‘yung gano’ng ideology and paniniwala ng mga Pilipino. Kasi unang-una sa lahat, ang tina-target naman nitong bill na ito eh hindi naman ‘yung mga katandaan. Ang maapektuhan dito is tayong mga kabataan at ‘yung mga ipapanganak pang kabataan na walang masisilayang proper resources, just because hindi alam nung mga magulang nila kung paano protektahan ‘yung mga sarili nila,” saad nito.

Bagaman mayroong mga aralin tungkol sa seksuwalidad at reproduktibong kalusugan, para naman kay Agoncillo, nananatiling lantay ang mga araling ito sapagkat hindi itinuturo ang pangangalaga sa kalusugan at pagbibigay-babala sa mga posibleng kapahamakan.

Kaya’t mas pinaiigting ang pangangailangan para sa agarang pagkilos upang isulong ang komprehensibong edukasyon sa seksuwalidad. Dahil ayon kay Agoncillo, “Ang kaalaman ay kapangyarihan. At ang kapangyarihang ito ang magbibigay-proteksyon sa kabataan.”

Mahirap mang pag-usapan ang konsepto ng seksuwalidad o pagtatalik sa mga kabataan, higit na mas nakababahala ang kanilang kahihinatnan kung patuloy lamang itong iiwasan.

Mahalagang kilalanin ang ganitong uri ng diskurso bilang isang normal at mabuting talakayan na naglalayong makabuo ng positibong pananaw sa seksuwalidad upang makagawa ng matalino at responsableng desisyon ang kabataan kaugnay ng kanilang sariling kalusugan at kapakanan.

Tungo sa lipunang may kamalayan

Edukasyon ang nagsisilbing sandata ng kabataan na maaaring pumrotekta sa kanilang kamusmusan. Sa pamamagitan ng paghahatid ng wastong impormasyon at pamamatnubay, winawaksi nito ang kanilang kamangmangan at pagiging malapit sa kapahamakan.

Sa pagsulong ng komprehensibong edukasyon sa seksuwalidad, hinihikayat nito ang bawat pamilya na maging bukas sa usaping relasyon, kasarian, seksuwalidad, at kalusugan.

Naglalayon itong maging tulay ng impormasyon sa mga magulang at kaguruan na maging mas aktibo sa pagtuturo sa kabataan upang sila’y magabayan sa kanilang seksuwal na karapatan at kalusugan, sa halip na hayaang masangkot sa mga mapanganib na kaugalian.

Kaugnay nito, ibinahagi ni Ordanes na mahalaga ang patuloy na pag-uusap ukol sa pagtatalik at huwag itong gawing katatawanan o kahihiyan.

“Kaya rin ang dami talagang unintended pregnancies, kasi hindi nila alam paano protektahan ‘yung mga sarili nila. So kung napag-uusapan ‘to daily, nashe-share mo ‘yung alam mo personally, [at] maaari kang makatulong kahit wala pang opisyal na batas... And, wala talagang mali sa ganitong klase ng batas and sexual activities, as long as it’s safe and consensual,” paliwanag nito.

Malinaw na ang komprehensibong edukasyon sa seksuwalidad ay naglalayong suportahan ang kapakanan at karapatan ng mga bata at tinitiyak na mayroon silang pagkakataon para sa isang mabuti at makapangyarihang kinabukasan.

Kaya para naman kay Agoncillo, kailangang maging obhetibo ng publiko at ituon ang kanilang pananaw sa kung ano ang isinasaad ng panukalang batas.

“Dapat mas maging objective, dapat mas mag-focus tayo dun sa bill at hand, at dapat talakayin natin ito kung ano ‘yung nasa black and white na nakalagay. Kasi at the end of the day, ‘yung interpretation nila is based on what is stipulated doon sa [panukalang] batas, at malinaw naman ‘yung nakalagay doon sa [panukalang] batas. So dapat, doon tayo naka-focus at hindi sa mga agam-agam ng ilang piling tao,” mungkahi nito.

Kahit anong pilit na iwasan, kalauna’y matutuklasan din ng mga kabataan ang usapin ukol sa pakikipagtalik. Dahil ito ang madalas nating marinig o makita saan mang sulok o dako—mula sa balita, palabas, hatirang pangmadla, maging sa mga produktong ibinebenta.

Mahirap mang pag-usapan ang konsepto ng seksuwalidad, hindi ito dahilan upang ipagkait ang kaalaman sa kabataan. Ang edukasyon ay hindi isang banta sa moralidad, bagkus isang sandata laban sa maling impormasyon, pang-aabuso, at kawalan ng proteksiyon. Kung tunay nating nais na mapangalagaan ang kinabukasan, kailangang basagin ang katahimikan at bigyang-lakas ang kabataan na pumili ng mas ligtas at responsableng landas.

(Dibuho ni Janine Raiza Batua/FEU Advocate)