TamHunt 2024 displays Pinoy pop-themed booths
- September 12, 2024 19:49
FEU Advocate
August 26, 2024 21:50
Ni Mark Vincent A. Durano
Ibinahagi ng Makabayan Coalition ang kanilang 10-man senatorial slate para sa 2025 Midterm Elections upang isulong ang makamasang pamahalaan kasabay ng Araw ng mga Bayani na ginanap sa Liwasang Bonifacio, Lungsod ng Maynila kaninang hapon, ika-26 ng Agosto.
Noong nakaraang Hulyo, unang ipinahayag ng Makabayan ang kanilang planong bumuo ng kumpletong hanay para sa senado. Una nitong pinangalanan si Alliance of Concerned Teachers Party-list Rep. France Castro bilang kandidata.
Sinundan ito nina Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas, Kilusang Mayo Uno Secretary-General Jerome Adonis, dating Bayan Muna at GABRIELA Rep. Liza Maza, PAMALAKAYA Vice Chairperson Ronnel Arambulo, dating Bagong Alyansang Makabayan Chairperson at Bayan Muna Rep. Teddy Casiño, at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas Chairperson Danilo Ramos.
Inanunsyo rin kanina sa unang pagkakataon nina Filipino Nurses United Secretary-General Jocelyn Andamo, PISTON National President Mody Floranda, at Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY) Secretary-General Mimi Doringo ang kanilang pagtakbo sa eleksyon.
Sa kaniyang talumpati, hinimok ni Andamo ng Filipino Nurses United na magkaisa patungo sa pagbabago ng pangkalusugang sektor, kabilang ang pagtaas ng sahod ng mga manggagawang pangkalusugan sa gitna ng matinding kondisyon ng trabaho.
“Pero [mayroon] pa tayong magagawa. Mas marami pa tayong magagawa kung magkakaisa tayo para hindi lumala ang sitwasyon [sa serbisyong pangkalusugan]… Iparating natin ang boses ng karaniwang mamamayan sa senado,” wika niya.
Samantala, iginiit ni PISTON Floranda na walang nararanasang pagbabago ang mga drayber, opereytor, at mamamayan sa mga nagdaang termino lalo’t ngayong minamadali ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Public Utility Vehicle Modernization Program.
“Sa ngayon ay humaharap tayo sa matinding hamon sa ilalim ng bogus at huwad na modernization program na kung saan ang layunin ng gobyerno ay para pahawakan lamang sa malalaking mga negosyante at mga kapitalista na kung saan ay magdudulot na patuloy na pagpapahirap hindi lamang sa sektor ng transportasyon kung ‘di sa ating mamamayan,” aniya.
Kinakatawan naman ni KADAMAY Doringo ang mga hinaing at karapatan ng mga maralita upang “singilin” ang pamahalaan sa mga nararanasan ng mga komunidad na nasa laylayan gaya ng relokasyon, krisis sa klima, at mataas na bayarin.
“Bibitbitin namin ang lahat ng panawagan ng sambayanang Pilipino, hindi lamang ng kapwa naming maralita, para sa katiyakan sa hanapbuhay, katiyakan sa paninirahan, at mga serbisyong panlipunan na dapat tayong lahat ay nakikinabang,” saad niya.
Ipinabatid din ng mga kandidato ang kanilang mga kampanya ukol sa iba’t ibang sektor tulad ng agrikultura, karapatang pantao, kababaihan, overseas Filipino workers, at lakas-paggawa.
Bukod pa rito, nais ng koalisyon na maging “oposisyon ng bayan” kontra sa paghahari ng mga dinastiyang politikal, negosyante, panginoong maylupa, at imperyalista sa umiiral na sistema ng bansa.
Maaaring magparehistro bilang botante ang mga mamamayan hanggang ika-30 ng Setyembre habang gaganapin naman ang midterm elections sa ika-12 ng Mayo 2025.
(Litrato mula kay Mark Demayo/ABS-CBN News)