FEU Advocate
September 22, 2024 16:55
Kilala ang Cinemalaya sa pagbibigay-espasyo para sa mga kuwentong naiiba sa karaniwang mapapanood sa pampublikong sinehan, na may layuning talakayin ang mga isyung panlipunan at usaping pampolitika sa loob ng bansa. Ngunit sa kabila ng progresibo nitong representasyon, naglilitawan pa rin ang mga salungatang humahadlang sa pagkamit ng tunay na ‘malayang’ pelikula.
Taliwas sa adhikain ng pagdiriwang, pinaghihigpitan nito ang mga pelikulang mapangahas at may ipinaglalaban sa halip na gampanan ang kanilang tungkuling maging daluyan ng malayang pagbibigay-kahulugan sa karanasang Pilipino.
Isang malaking palaisipan ngayon, gaano nga ba kalaya ang ‘Cinemalaya?’
Mitsa ng makabagong sensura
Mapanganib ang anumang porma ng panunupil dahil nag-uugat ito sa kultura ng konserbatismo, represyon, at pasismo na kadalasa’y pumipigil sa malikhaing paggawa.
Ganito ang naging karanasan ng ilang dokumentaryong tumatalakay sa mga kontrobersiyal na paksa sa nakalipas na pagdiriwang ng ‘Cinemalaya Bente,’ isang opisyal na film festival sa Pilipinas na naglalayong isulong at paunlarin ang mga likhang independent film.
Tampok dito ang dokumentaryong ‘Lost Sabungeros’ kung saan matapang nitong inimbestigahan ang pagkawala ng mahigit tatlumpung sabungerong dinakip sa magkakaibang insidente noong 2021.
Ngunit liban sa nasabing paksa, naging malaking usapin ito sa midya matapos kanselahin ang kauna-unahang pagpapalabas nito dahil sa umano’y ‘pag-aalala sa seguridad.’
Ayon sa panayam ng FEU Advocate sa direktor ng ‘Lost Sabungeros’ na si Bryan Brazil, hanggang ngayo’y wala pa ring binibigay na karagdagang detalye sa kanila ang Cinemalaya hinggil sa sinasabi nitong ‘security reasons.’
“No’ng pinull-out nila [‘yong Lost Sabungeros], siyempre nagkaroon kami ng poot at sama ng loob sa ginawa nilang desisyon na ‘yon kasi umasa ‘yong team namin [at] umasa rin ‘yong characters namin na magkakaroon sila ng platform to voice out their concerns,” anito.
Nakaaalarma para kay Brazil ang pagsensura nang walang malinaw na dahilan dahil pinipigilan nito ang malikhaing pagpapahayag at kalayaan ng mga manlilikha.
Sa kabilang dako, pinatawan naman ng X rating ang dokumentaryong ‘Alipato at Muog’ dahil ayon sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB), ‘may posibilidad na pahinain nito ang tiwala at pananampalataya ng mga tao sa pamahalaan at awtoridad.’
Alinsunod ito sa patuloy na pag-iral ng Presidential Decree No. 1986 na itinatag noong Batas Militar, kung saan pinahihintulutan nito ang pagsupil sa mga pelikula at programang itinuturing na “imoral, malaswa, at nakapipinsala.”
Sa panayam ng direktor ng ‘Alipato at Muog’ na si JL Burgos sa FEU Advocate, ipinaliwanag nitong malaking hadlang ang binigay na klasipikasyon ng lupon sa kanilang pagkukwento ng katotohanan.
Bagama’t kalauna’y na-reclassify ito sa R-16, malinaw ang hindi pagkakaayon sa mga hakbangin ng MTRCB na nakaaantala sa hinihinging hustisya ng pelikula.
“Thankful kami sa second reviewers na, kumbaga pumanig sila sa katotohanan imbes na pigilan [nila] ‘yong pagpapalabas. … At ayon, malaking tulong ‘yon para sa aming kampanya—para ilitaw ang mga desaparecidos, para hanapin sila, at siyempre para sa hustisyang hinahanap parati ng mga pamilya [at] kaanak ng desaparecidos [mga nawawala],” paliwanag ni Burgos.
Ang ‘Alipato at Muog’ ay kuwento ng paghahanap sa aktibistang si Jonas Burgos na dinukot noong 2007 mula sa perspektiba ng kapatid nitong si JL Burgos.
Lingid naman sa kaalaman ng nakararami, nakaranas ng lantarang pagsasabotahe sa unang araw ng pagpapalabas ang documentary drama na ‘Asog.’
Batay sa pahayag ng pelikula, marami ang bigong makanood dahil sa kasinungalingang iginigiit ng mga tauhang sold out na umano ito. Subalit, walang nakapaskil na talakdaan sa ticketing site ng Ayala Cinemas na kilalang kasosyo ng Cinemalaya sa taunang pagdiriwang.
Makikita ang pagtatangka ng korporasyon na pigilan ang pagpapalabas ng pelikula, lalo na’t tinatalakay nito ang pagpapalayas ng Ayala Land sa mga maralitang residente ng Sicogon Island upang maipatayo ang kanilang mga negosyo.
Liban sa mga tangkang pambubusal, hamon din para sa independent filmmakers kung paano tatangkilikin ng masa ang kanilang pelikula.
Mula sa salitang ‘independent,’ malaya ang mga pelikulang nililikha ng mga ito mula sa impluwensiya, kapangyariha’t awtoridad ng mga ahensya. Subalit, kapalit nito ay ang kahirapang maabot ang masang manonood bunsod na rin ng mga kakompetensyang popular.
Ipinaliwanag din ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) Chair na si Jose Javier Reyes na hindi na dumadayo ang mga tao sa sinehan dahil kadalasa’y umaasa na lamang sa mga streaming platform tulad ng Netflix.
“Philippine cinema patronage is [now] a middle-class activity. The masses no longer watch. (Nagiging middle-class activity na lang ang pagtangkilik sa sinehan. Hindi na nanonood ang masa,)” sambit ni Reyes mula sa ulat ng Rappler.
Bagaman may itinuturing na ‘malayang’ espasyo, wala pa ring tunay na kalayaan ang mga kultural na sining dulot ng burukrasyang ugnayan nito. Sa huli, nawawalan ng pagkakahulugan ang salitang ‘malaya’ dulot ng mga limitasyon at hangganan sa pagkukwento.
Anino ng sensura sa kasalukuyan
Hindi na bago ang pagkakasangkot ng Cinemalaya sa usaping sensura.
Matatandaang tinanggal nito ang 7-hour film na ‘A Tale of Filipino Violence’ na dapat ay pambungad na pelikula noong 2023. Sa direksiyon ni Lav Diaz mula sa maikling kuwento ni Ricky Lee, tinalakay nito ang pag-iral ng pyudalismo, kaguluhang agraryo’t awtoritaryanismo sa unang taon ng diktadurang Marcos.
Matapang namang sinalaysay ng aktor na si John Lloyd Cruz, isa sa mga bumida sa pelikula, na ginawa ito ng Cinemalaya sa takot na hindi makakuha ng pondo mula sa Kongreso.
“I don’t know how to process it, but this local festival is connected to the Cultural Center of the Philippines, you do the math (Hindi ko alam kung paano ko ito ipoproseso, pero itong lokal na pagdiriwang ay konektado sa Cultural Center of the Philippines, kayo na ang bahalang mag-isip),” saad ni Cruz mula sa ulat ng INQUIRER.net.
Marahil ay naging batayan ang haba ng oras sa ginawang pagpapasya, subalit hindi rin imposibleng konektado ito sa naturang paksa. Binigyang-linaw naman ni Diaz na bagaman mali ang ginawang pagsensura, nauunawaan niyang usapin na rin ito ng kanilang kaligtasan.
Paliwanag naman ng presidente ng Far Eastern University (FEU) Film Society na si Luke Salazar sa FEU Advocate, hindi madali para sa mga gumagawa ng pelikula ang naganap na mga pagkansela dahil maraming kailangang isaalang-alang upang masiguro na maipalalabas sa publiko ang kanilang nilikha.
“Wala na yatang espasyo para sa mga ganitong uri ng kuwento, kasi kahit Cinemalaya na mismo o sa CCP [Cultural Center of the Philippines] na supposed to be cultural landmarks ay mayroon na ring censorship o oppression na nagaganap para sa mga artist,” ani Salazar.
Kaugnay rin nito ang saloobin ng copywriter ng FEU Film Society na si Randell John Bautista. Aniya, hindi na nakagugulat ang sunod-sunod na kaso ng sensura dahil posibleng may kaugnayan ito sa pag-upo ng panibagong Marcos sa Malacañang.
“Wala kasing guarantee kung kailan [ulit] susulpot ‘yong mga pagbabanta against these films and possible na mag-lead ‘to sa [panibagong] madilim na kabanata,” dagdag ni Bautista.
Mula pa noon, ang mga pelikulang kritikal sa maling pamamahala ay itinuturing nang ‘hindi katanggap-tanggap’ o ‘banta sa seguridad ng masa.’
Naiiba lang ang mukha ng mga may pakana, subalit iisa ang hulma at pamamaraan nila; tinutuldukan ang mga pampulitika’t panlipunang talakayan sa halip na palalimin ang mga produktibong diskurso’t paniningil ng pananagutan.
Pelikula bilang makinarya ng pakikibaka
Kahit gaano pa katapang ang isang pelikula, hindi dapat napipigilan ang karapatan ng mga manlilikha sa malayang sining at pamamahayag. Dahil ayon kay Brazil, mas malaki ang dagok ng sensura para sa mga independent filmmaker na walang ahensyang nakasuporta sa kanila.
“Hindi lang kasi ‘to [sa] usapin ng filmmakers o ‘yong [mga] gumagawa ng pelikula, eh. Sa pangkalahatang karanasan na ito. Kasi kung nangyayari ‘to sa mga filmmaker, paano pa ‘yong mga simpleng tao o ‘yung mga regular na tao na they just want to express themselves?,” anito.
Nag-iwan naman ng mensahe ang direktor at sinabing huwag magpatitinag sa anumang banta. Bagkus ay dapat na magpatuloy sa pagmulat sa masa at paghahanap ng platapormang maaabot sila.
Kaugnay nito, ibinahagi rin ni Burgos na walang dapat katakutan sa pagpapahayag ng katotohanan sapagkat walang maayos na lipunang hindi dumadaan sa proseso ng panunupil.
“Kapag may mali, kailangan nating sabihin kasi kung hindi tayo magsasalita, ang mali ay magpapatuloy at magpapatuloy. Kailangan [ding] magpakahusay sa sining, kasi kahit na anong ganda ng iyong nais sabihin, kung hindi rin naman visually appealing ‘to, nado-downplay ‘yong ating mensahe. So dalawang aspeto ang binabanggit ko rito, magpakahusay sa content at magpakahusay sa form,” mungkahi nito.
Sa pananaw naman ni Salazar, usapin din ito ng kaligtasan para sa kanilang student-filmmakers pa lamang na maaaring maging biktima ng sensura.
“It affects us naturally [and] creatively, kasi nagko-conceptualize ka pa lang, natatakot ka na. Hindi mo pa nasusulat ‘yong script, natatakot ka nang mag-pitch. Kasi alam mo na delikado ‘yong ginagawa mong istorya o yung kuwento na gusto mong ikuwento,” paliwanag niya.
Sa huli, binigyang-diin ng student-filmmaker ang kahalagahan sa pagbuo ng lipunang bukas ang isipan sa kamalayan para sa paglaya ng iba’t ibang kuwento.
Tila isang malaking sandata ang konserbatismo at sensura naman ang bala nito; isang pitik lang sa gatilyo’y kayang supilin ang likhang-obrang taliwas sa pang-aapi ng estado.
Ngunit sa kabila ng matinding pangamba, higit lalong kailangan ang paglikha ng mga pelikulang tumatalakay sa dinaranas at pakikibaka ng iba’t ibang sektor sa lipunan. Hamon ito para sa mga artista, prodyuser, manunulat, at direktor na tumindig laban sa iba’t ibang banta ng sensura, sapagkat magkakaroon lamang ng ganap na ‘malayang’ espasyo kung ligtas nitong naitataguyod ang sining at kulturang nag-aangat sa iba't ibang antas ng diskurso.
- Dianne Rosales
(Mga litrato mula sa Cinemalaya, GMA Network, IMDb, Surface Dexter and Bazoo)