FEU Advocate
August 17, 2016 06:05
Ni Ronica Trina Faye R. Francisco
Patnugot ng Filipino (2016-2017)
Ano nga ba ang kahulugan ng isang bayani sa modernong panahon na ating kinabibilangan? Ano nga ba ang pamantayan para maituring kang isang bayani? Sino nga ba ang nararapat na maging isang bayani?
Hindi pa man ako buhay, mainit nang pinag-uusapan ng napakaraming Pilipino ang pangulong nagpairal ng Martial Law sa bansa. Marami ang nanindigan na isang maling hakbang ang pagkuha sa karapatan ng mamamayan para lamang magawa niya ang lahat ng kaniyang gusto para sa bayan. Ngunit, kung iisipin, hindi pa ba sapat ang mga nagawa niya para maituring siyang bayani hanggang sa kaniyang huling hininga?
Sino nga ba ang paniniwalaan ko sa mundong iba’t iba naman ang pananaw tungkol sa kung sino nga ba talaga si Marcos? Ngunit para sa akin ang pagiging isang bayani ay wala sa himlayan o sa titulo na isa kang bayani kung hindi nasa pagtingin ng mga tao sa kung sino ka talaga.
Nakatutuwang isiping tunay ngang totoo ang kasabihang kung ayaw mong gawin sa’yo ng iba ay ‘wag mo rin itong gawin sa iba nang hindi rin nila ito gawin sa’yo. Kung saan ang pagdadamot sa kaniya sa mahabang panahon upang mahimlay at ituring na bayani ay kaparehas lamang ng pagdadamot niya sa karapatang matagal na panahong ding nalimitahan sa ilalim ng kaniyang pamumuno.
Para sa akin, hindi makatarungan na ipagpilitan ang maaaring ibigay at kayang ibigay ng mga tao sa paligid mo dahil kung nahihirapan man silang ibigay kung ano ang sa tingin ninyo ay nararapat para sa kaniya, patunay lang ito na may mali talaga sa nangyari sa nakaraan. Marahil, ang pagtingin ng isa sa isang bagay ay iba sa pananaw ng isa ngunit para paghintayin ka sa loob ng ilang dekada para sa isang mapayapang pamamaalam, hindi ito karapatdapat sa aking palagay.
Alam kong wala ako sa posisyon para manghusga kung nararapat nga ba o hindi ang pagbibigay ng pagkakataon sa minsang naging bahagi ng ating pag-unlad. Alam ko ring wala ako sa lugar upang sabihin kung tama ba o mali ang bawat desisyon patungkol sa usapin na ito. Ngunit nararapat nga bang pagsamahin sa iisang lugar ang mga taong lumaban para sa karapatan ng kanilang mga kababayan at ng taong minsan ay lumaban din taliwas sa kanilang ipinaglalaban?
Matagal na panahon na ang nakalilipas, ilang dekada na rin ang nagdaan ngunit hindi pa rin sumusuko ang mga tao na ipaglaban kung ano sa tingin nila ang tama sa kani-kanilang mga opinyon. Saloobin na maaaring magbalik sa nakaraan at baguhin ang kasaysayan.
Ngunit para sa akin na walang muwang sa kung ano nga ba ang dapat paniwalaan sa nangyari sa nakaraan, ating timbangin ang hustisya para sa nakararami. Ikaw may alam ka ba sa nangyari? Halina't iyong ilabas ang kinikimkim mo sa nakalipas sa rtfrfrancisco@gmail.com.