Tamaraws, nagpakita ng malakas na simula sa NBA 2K tournament

FEU Advocate
August 13, 2024 21:41


Ni Andrei M. Barrantes

Tinapos ng Far Eastern University (FEU) Tamaraws Esports nang matagumpay ang unang araw ng kauna-unahang University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 87 Esports Tournament nang manalo sa NBA 2K matches ngayong ika-13 ng Agosto sa Doreen Blackbox Theater ng Areté Ateneo sa Lungsod Quezon.

Sinimulan ni Justin Lorence Lagmay ang mga panalo para sa FEU Group B matapos makatakas sa laban kontra National University (NU) kung saan kanyang nilaro ang Oklahoma City Thunder at ginamit ng NU ang Boston Celtics, 48-47. 

Samantala, nakakuha ng dalawang panalo sa Group A si Nehemiah Maninit sa isang off-stream game kontra NU, at sa kanyang Milwaukee Bucks at Los Angeles Lakers na laban katapat ang University of the East, kung saan tinambakan niya ang koponan ng 52-34 sa pagdomina ng ilalim gamit si Giannis Antetokounmpo.

Sa panayam ng FEU Advocate, sinabi ni Lagmay na ang prayoridad nila ni Maninit ay makuha ang mga NBA team na “mismatch sa koponan at pagsunod sa mga nakalatag na plays.

As much as possible (Hangga’t maaari) kasi kinuha namin mismatch [teams] and cut to basket (mga liyamadong koponan at sumalaksak) lang din. In terms of (Sa usapang) shooting kasi naka[ga]gawa naman kami ng shooting pero matibay talaga ang depensa [nila]... Memorize (Kinakabisa) lang din kami nang memorize (kinakabisa) ng plays (mga plano) kasi ‘yun lang din magpapanalo sa amin eh,” aniya.

Bagaman nakamit nila ang mataas na ranggo sa standing, nagtamo sila ng tig-isang talo gamit ang Lakers laban sa De La Salle University Viridis Arcus ESports at sa Teletigers Esports Club ng University of Santo Tomas. 

“Ginawa naman namin ‘yung best (makakaya) namin so far (sa ngayon). Nakakuha naman kami pareho ng dalawang win (panalo), sadyang adjustments (pag-aayos) lang siguro [kulang] kaya kami nadali sa mga last game (huling laro) namin pero most likely (panigurado) may ire-ready (ihahanda) ulit kami,” dagdag ni Lagmay.

Nagtala ang tambalan ng tigdalawang panalo at isang talo sa unang araw ng NBA 2K tourney at itutuloy ang kanilang group elimination round bukas sa parehong venue

(Litrato mula sa UAAP)