Tamaraws, ininda ang unang dalawang linggo ng hybrid learning modality

FEU Advocate
August 26, 2025 12:55


Ni Shayne Elizabeth T. Flores

Inireklamo ng mga mag-aaral ng Far Eastern University (FEU) ang hirap sa pag-aaral dala ng hybrid learning modality, dalawang linggo pa lamang ang nakalipas sa taong panuruan 2025–2026.

Sa bagong moda ng pag-aaral, itinakda ang onsite classes sa Lunes hanggang Miyerkules habang synchronous o asynchronous online setup naman sa Huwebes hanggang Sabado, depende sa programa at sa kurso ng mga mag-aaral.

Nang ganap itong ipinatupad sa pagsisimula ng klase noong ika-11 ng Agosto, naglabas ng kani-kanilang mga hinaing sa One Piyu Community Facebook group ang mga estudyante batay sa kanilang mga naging pangamba bago pa man ang implementasyon nito.

Karanasan sa hybrid learning

Sa panayam ng FEU Advocate, pinuna ng fourth-year Medical Biology student na si Lex Linga ang aniya’y magulong sistema ng paraan ng pag-aaral at ang kawalan ng kahandaan ng mga guro at mag-aaral para dito.

Even professors aren’t fully adjusted to the hybrid system. Some struggle with connectivity issues, while others clearly have difficulty handling online teaching tools. On top of that, studying at home isn’t always conducive. Many factors affect learning, such as noise, power interruptions, and unstable internet connection (Kahit ang mga guro ay hindi pa sanay sa bagong sistema. Ang ilan ay nahihirapan sa mga isyu sa koneksiyon at paggamit ng mga panturo sa online. Higit pa rito, hindi palaging maayos ang pag-aaral sa bahay. Maraming salik ang nakaaapekto tulad ng ingay, pagkaputol ng kuryente, at mahinang internet),” aniya.

Lahat ng mga lecture at laboratory na kurso ni Linga ay naapektuhan ng hybrid modality, habang ang Wellness and Recreation Program lamang ang bukod-tanging fully onsite.

Batay sa inilabas na Student Blended Learning Toolkit, may nakalaang mga lugar sa Pamantasan na maaaring puntahan ng mga estudyante tuwing araw ng online learning, gaya ng FEU Library at mga klasrum sa Arts Building.

Subalit, sa sitwasyon ni Linga noong unang araw ng kanilang online class, sarado pa ang library kaya mas pinili niyang magklase sa FEU Pavilion kung saan samot-saring balakid ang nakaapekto sa kaniyang pag-aaral. 

I had my first online class sa FEU Pavilion, pero it wasn't a good one. Malakas ang ulan at maingay. Wala ring available outlets to charge my laptop. [Laggy] ang internet. I couldn't come to the library kasi 7:30 a.m. start ng class ko at sarado pa ang library (Sa FEU Pavilion ako pumunta para sa aking unang online class ngunit hindi maganda ang aking karanasan. Malakas ang ulan at maingay. Wala ring maaaring pagsaksakan ng aking laptop. Mabagal ang internet. Hindi ako nakapunta sa library dahil 7:30 a.m. ang simula ng klase ko at sarado pa ito),” kuwento niya.

Bukas ang FEU Library mula 8 a.m. hanggang 7 p.m. tuwing weekdays, habang 8 a.m. hanggang 6 p.m. naman ang oras ng operasyon nito tuwing Sabado. Ang paggamit ng mga estudyante sa e-library, na mas maagang nagsasara tuwing 5 p.m., ay limitado rin sa 20 oras kada isang semestre. 

Samantala, limitadong digital devices at mahinang signal naman ang kinahaharap ng ibang estudyanteng mas piniling mag-aral sa kanilang tahanan.

Ayon sa first-year Psychology student na si Kirsten Garcia, cellphone ang kadalasan niyang ginagamit sa online class at kung minsan ay nanghihiram pa siya ng desktop sa kaniyang kapatid. Madalas din siyang maantala sa klase dahil sa mahinang signal sa kanilang lugar.

“Medyo mahina po kasi ang signal sa lugar namin at kadalasan nawawalan ng Wi-Fi. Medyo madalas po mag-lag at biglang hindi ko na maririnig ‘yung professor,” aniya sa isang panayam.

Ganito rin ang naging sitwasyon ng second-year Psychology student na si Ace Julia Llenas. Cellphone lamang ang ginagamit niya sa klase dahil sira ang kamera ng kaniyang laptop, isang dagok lalo na’t kinakailangan sa lahat ng kurso ang pagbubukas ng kamera habang nasa klase.

Dagdag pa niya, napilitan siyang bitiwan ang advance course na balak niya sanang kunin ngayong taon dahil sa on-camera requirement nito na hindi niya kayang matugunan kung sakaling nasa kalagitnaan siya ng biyahe.

Nag-delete ako ng advance course na kinuha ko, which is ‘yung Life and Works of Rizal [GED0102]... ‘Yung oras ng Rizal dapat is oras din sana ng pag-alis ko sa bahay at pagbiyahe papuntang FEU. Kung required na on-cam all the time, hindi po ako makakabiyahe para sa next kong klase (Tinanggal ko ang kinuha kong advance course na GED0102. Ilalaan ko sana ang oras ng kursong iyon sa pagbiyahe papuntang FEU. Kung kinakailangang parating nakabukas ang kamera, hindi ako makabibiyahe para sa susunod kong klase),” paliwanag ni Llenas sa isang hiwalay na panayam.

Iginiit din ng mga estudyante na hindi epektibo ang kanilang pag-aaral sa bagong moda dahil mabilis silang mawalan ng pokus bunsod ng iba’t ibang balakid.

Reklamo pa nila, malabo ang alintuntunin ng ibang guro at kung minsan ay walang anunsiyo o binibigay na materyales sa oras ng kanilang asynchronous session.

Hiling na maibalik sa fully-onsite o independent study

Samantala, inihayag naman ni Garcia ang panghihinayang sa kasalukuyang sistema ng Unibersidad, lalo na’t isa sa mga rason kung bakit niya piniling mag-aral sa FEU ay ang inaakalang niyang fully onsite na klase nito.

“Pinili ko ang FEU dahil ang sabi ay full face-to-face daw ito kompara sa ibang mga eskuwelahan. Nagtanong din ako sa Admissions bago ako mag-enroll kung full face-to-face ba ang FEU, at kung hindi man, ilan ang araw ng face-to-face at ilan ang araw ng online. Ang sinagot sa'kin ay ‘Full face-to-face po kami sa FEU Manila, Miss.’ Kaya laking gulat ko na lang nang mag-announce ang FEU bago magpasukan na blended learning na,” saad ng freshman

Sa kabilang banda, hindi napigilan ng ilang estudyante na ihambing ang hybrid learning modality sa isinagawang Independent Study (IS) Weeks noong nakaraang semestre, kung saan lahat ng General Education subjects at professional courses ng Institute of Arts and Sciences at Institute of Education ay apektado.

Ayon sa kanila, mas magaan ang IS kaysa sa bagong modaliti dahil mas maluwag ito at kontrolado ng mga mag-aaral ang kanilang iskedyul.

“Mas okay po ‘yung independent learning week, mas nakakahinga ang mga estudyante at may oras talagang gumawa ng backlogs at hindi required magbukas ng mga camera kahit may online class sa major subjects (Mas mabuti pa ang independent learning week dahil mas nakahihinga ang mga estudyante at may oras na tapusin ang mga gawain. Hindi rin kinakailangang magbukas ng kamera kahit sa online class ng mga major na kurso),” ani Llenas.

Dahil dito, nagbabakasakali ang mga mag-aaral na maibalik sa face-to-face modality ang lahat ng klase sa FEU, o kung hindi posible, isagawa na lamang muli ang IS Weeks sa halip na hybrid modality.

Kung hindi man matugunan ang hiling na ito, binigyang-diin ni Linga na dapat bawasan ng FEU ang tuition fee at gawing mas angkop ang mga lugar sa Unibersidad para sa online learning.

If they won’t shift back to [IS] or full face-to-face, they should at least lower the tuition fee or find ways to help students maximize what we’re paying. The campus should also be made more online-learning friendly (Kung hindi nila ibabalik ang IS o buong face-to-face na klase, babaan man lang sana nila ang matrikula o gumawa ng paraan upang mapakinabangan ng mga estudyante ang binabayaran namin. Ang Pamantasan ay dapat ding gawing mas angkop sa online-learning),” aniya.

Sa isang Facebook post noong ika-16 ng Agosto, hinikayat ng FEU Central Student Organization ang mga estudyante na sagutan ang sarbey tungkol sa kahandaan nila sa implementasyon ng hybrid learning modality.

ERRATUM: Bukas ang Far Eastern University Library mula 7:00 a.m. hanggang 9:00 p.m. tuwing Lunes hanggang Miyerkules, at hanggang 6:00 p.m. naman tuwing Huwebes hanggang Sabado.Samantala, mayroong walong oras na libreng akses ang mga estudyante sa E-Library kapag may nakatakdang online na klase.

(Kuha ni Melvin James Urubio/FEU Advocate)