Tamaraw Farin, nangibabaw sa unang panalo ng FEU sa UAAP MLBB

FEU Advocate
August 17, 2024 18:23


Ni Leiniel A. Santos

Pinangunahan ni Dashmielle Farin ang Far Eastern University (FEU) Tamaraws Esports para masungkit ang panalo laban sa Ateneo de Manila University (AdMU) Blue Eagles sa kauna-unahang Mobile Legends: Bang Bang (MLBB) tournament sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 87 ngayong araw, ika-17 ng Agosto, Hyundai Hall ng Areté Ateneo sa Lungsod Quezon.

Sa panayam ng FEU Advocate, binanggit ng Player of the Game sa buong series na si Farin na naging gabay ang mga naging karanasan ng koponan sa mga sinalihan nilang mga paligsahan.

“Nakatulong ‘yung mga pinagdaanan naming mga talo sa ibang tournaments (mga paligsahan). Up to this day (Hanggang ngayon), nailabas naman namin ‘yung bawi saka ‘yung mga learnings (natutuhan) namin,” aniya. 

Inumpisahan ng Tamaraws ang matchup gamit ang Ruby ni roamer at team captain Jordan Eder, Zhask ni mid laner Paolo Sanchez, Nolan ni jungler Farin, Barats ni exp laner Benedict Ablanida, at Roger ni gold laner Micole Justin Wage laban sa Hayabusa, Hylos, Faramis, Terizla, at Karrie ng Blue Eagles.

Sa unang clash ng game one, naunang sumugod ang Ateneo ngunit matagumpay na nakuha ng FEU ang first blood at turtle sa pangunguna ng Nolan ni Farin na naging dahilan ng kanilang maagang lamang sa gold.

Nakuha pa rin ng Tamaraws ang ikalawang turtle kasama ang pagnakaw ng blue buff ng kanilang kalaban para panatilihin ang momentum sa kanilang panig.

Dahil dito, maagang nakabasag ng dalawang turret ang FEU sa mid lane na lalong nagpahirap sa Ateneo na makakuha ng mga objective.

Maayos namang nadepensahan ng AdMU ang kanilang inhibitor turret sa middle lane subalit tagumpay na naubos ng FEU ang mga turret sa top lane.

Kasama ang ikalawang lord, agad na nakuha ng FEU ang panalo sa loob ng 13:34, 12-4.

Natapos ang unang game nang walang nabasag na turret sa koponan ng Tamaraws kasama ang kanilang higit 10,000 na gold lead. 

Naging maganda rin ang laro ni Ablanida gamit ang Barats na may 0-1-11 kill-death-assist (KDA) ratio.

Sa ikalawang laban, ginamit ni Ablanida si Ruby, Farin si Hayabusa, Sanchez si Lylia, Wage si Natan, at Eder si Minotaur laban sa Zhask, Alpha, Terizla, Kaja, at Valentina ng Katipunan-based squad.

Naunang nakapuwesto ang Ateneo para kunin ang unang turtle ngunit naagaw ito ng Ruby ni Tamaraw Ablanida kasama na rin ang first blood.

Sa kasamaang palad, napatay ng blue-and-white Zhask ang Natan ni Wage sa top lane. Ngunit sa pamumuno ng Hayabusa ni Farin, nagwagi ang green-and-gold squad sa ikalawang turtle fight.

Pataas nang pataas ang lamang sa gold ng Tamaraws kaya naging madali para sa FEU na makuha ang unang lord at ma-wipe out ang Blue Eagles.

Naging masikip na ang mapa para sa AdMU dahil sa pagsubok ng FEU na tapusin ang laban kung kaya’t sa huling clash ng matchup, naging matagumpay ang green-and-gold squad na ma-wipe out ang blue-and-white squad para makuha ang ikalawang panalo sa loob ng 11:45, 20-5.

Naging malaking tulong din ang 3-4-14 KDA ratio ng Ruby ni Ablanida at 3-1-15 Lylia ni Sanchez.

Dahil sa kanilang 2-0 na lamang sa laban, nakakuha ang Tamaraws ng tatlong puntos para matiyak ang top spot sa Group A ng paligsahan.

Susubukang ituloy ng Tamaraws ang kanilang magandang simula laban sa De La Salle University Viridis Arcus Esports bukas, ika-18 ng Agosto, sa parehong venue.

(Litrato mula sa UAAP)