Talaingod 18: Sa kasaysayan ng militarisasyon, pang-aabuso sa mga Lumad

FEU Advocate
July 23, 2024 19:22


Nina Johna Faith Opinion at Shayne Elizabeth Flores

Saksi ang kasaysayan sa ilang dekadang karahasan at pambubusabos laban sa mga katutubo ng bansa. Ngunit, saksi rin ang kasaysayan sa kung paanong ang hukbo't pamahalaan na responsable sa pangangalaga ng kanilang kaligtasan ang siyang nagsisilbing ugat ng kanilang mga pasakit at paghihirap. 

Patunay ang naging hatol ng Tagum City Regional Trial Court laban sa ‘Talaingod 18’ sa umiigting na banta laban sa kaligtasan ng mga Lumad buhat ng militarisasyon sa kanilang komunidad. Ang Talaingod 18 ay bahagi ng Save Our Schools Network (SOS Network) na nag-abot ng tulong sa mga paaralan sa Talaingod, Davao del Norte noong Nobyembre 2018. At nitong ika-15 ng Hulyo, hinatulan sila ng kasong paglabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act

Kasaysayang inukit ng karahasan

Kung titingnan, kaligtasan dapat ang nararamdaman sa paligid ng hukbong militar. Payapa sa pangako ng kanilang serbisyo at proteksiyon. 

Ngunit, ilang dekada nang hinaing ng mga katutubong komunidad, partikular na ng mga Lumad, ang patuloy na pag-usbong at pagdami ng presensya ng hukbo sa kanilang mga lupain at pamayanan. 

Sapagkat kaakibat ng patuloy na pagdami ng kanilang puwersa ay ang kabi-kabilang paglabag nila sa karapatang pantao, marahas na pagpapaalis sa sariling lupain, at pati na ang sunod-sunod na pagpatay sa mga katutubo. 

Kung kaya’t nagbabala na ang ang mga eksperto mula sa United Nations (UN) noong 2018 pa lamang sa maaaring negatibong epekto ng patuloy na militarisasyon sa mga lokal na komunidad ng mga katutubo, lalo na sa Mindanao. 

Nitong taong 2018 lamang, iba’t ibang kaso na ng pagpapalayas, pagpapasara ng mga paaralan, pananamantala sa kababaihan, at pagpatay sa mga katutubo ang naitala sa mga komunidad ng Lumad sa Mindanao. 

Nagpatuloy naman sa taong 2020 ang pagtaas ng mga naitalang kaso ng pagpapasara ng mga paaralan ng mga Lumad at ilegal na pag-aresto sa mga mag-aaral nito. 

Ilan lamang ang mga insidenteng ito sa patuloy na nag-uukit ng karahasan at paniniil na dulot ng militarisasyon sa mga pahina ng kasaysayan. 

At magpapatuloy ang panganib na dulot nito hindi lamang para sa mga Lumad, ngunit pati na rin sa mga mangangahas na tulungan ang naghihirap na komunidad.

Pagtulong na nauwi sa kriminalisasyon

Pinangunahan ng Save Our Schools Network (SOS Network) ang isang National Solidarity Mission (NSM) sa Talaingod, Davao del Norte noong Nobyembre 2018.

Layunin nitong manawagan sa pamahalaan na ipagpatuloy ang klase sa mga silid-aralan ng Salugpungan Ta’Tanu Igkanogon Community Learning Center Inc. at Community Technical College of Southeastern Mindanao (CTCSM) sa Dulyan at Nasilaban. Hinihiling din nilang mabigyan ng mga pagkain, gamot, at iba pang pangangailangan ang komunidad.

Naging emergency rescue mission ang NSM nang humingi ng tulong ang mga guro at estudyante ng Salugpungan at CTCSM matapos puwersahang isara ng grupong parliyamilitar 'Alamara’ ang kanilang paaralan at bantaan silang lisanin ang lugar noong ika-28 ng Nobyembre.

Nakipagkita ang Talaingod 18 sa mga evacuee, ngunit sa kalagitnaan ay sinalubong ng mga pulis at militar upang ipadala sa tanggapan ng pulis sa Talaingod.

Mula roon, ang Talaingod 18 na kinabibilangan ni Alliance of Concerned Teachers (ACT-Teachers) Party-list Rep. France Castro kasama ang kanyang aide at assistant, dating Bayan Muna Party-list Rep. Satur Ocampo, Salugpungan Executive Director Meggie Nolasco, siyam na mga guro, at apat na mga pastor ang inaresto sa kasong kidnapping and failure to return a minor, human trafficking, at paglabag sa Republic Act 7610 o ang batas laban sa child abuse.

Walang nakitang posibleng dahilan ang tagausig na si Norman Solis para sa unang dalawang kaso na nag-udyok sa pagsasampa ng kaso laban sa “other acts of child abuse” sa ilalim ng R.A. 7610 lamang.

Sa pagpapatuloy ng kaso, karamihan sa mga ebidensya ay nagpatunay sa pahayag ng depensa na walang pang-aabusong naganap at ang Talaingod 18 ay tumugon lamang sa panawagan ng mga bata na tulungan sila.

Gayunpaman, nasentensiyahan sila Castro, Ocampo, Ma. Eugenia Victoria Nolasco, Jesus Madamo, Meriro Poquita, Maricel Andagkit, Marcial Rendon, Marianie Aga, Jenevive Paraba, Nerhaya Talledo, Ma. Concepcion Ibarra, Nerfa Awing, Wingwing Daunsay ng apat hanggang anim na taong pagkakakulong.

Pinagbabayad din sila ng multa na P10,000 bilang civil indemnity at P10,000 bilang moral damages bawat isa sa 14 na sangkot na menor de edad.

Inhustisyang dagok sa laban para sa mga Lumad

Ang SOS Network ay isa sa mga organisasyon sa Pilipinas na nagsusulong ng karapatan ng mga kabataan sa edukasyon sa harap ng militarisayon ng kanilang mga paaralan.

Sa isang Facebook post noong ika-17 ng Hulyo, idiniin ng SOS Network na ang kanilang kaso ay sistematikong pagpapatahimik sa mga tagapagtanggol ng karapatang pantao ng mga Pilipinong katutubo.

It underscores the urgent need for protections against judicial harassment and the criminalization of humanitarian work. This case highlights the critical importance of defending the rights and dignity of marginalized communities against state-sponsored violence and intimidation (Binibigyang-diin nito ang agarang pangangailangan ng proteksiyon laban sa hudisyal na panliligalig at ang kriminalisasyon sa pagkakawanggawa. Itinatampok ng kasong ito ang kritikal na kahalagahan ng pagtatanggol sa mga karapatan at dignidad ng mga marhinalisadong komunidad laban sa karahasan at pananakot ng estado),” ayon sa pahayag.

Kasama ng SOS Network, kinondena rin ng ilang grupo ang paghatol sa mga aktibista kabilang ang ASEAN Parliamentarians for Human Rights at ACT-NCR Union.

Samantala, nagpahayag ng pagkadismaya sina Castro at Ocampo sa ‘hindi makatarungang’ hatol sa kanila at, sa halip, iharap sa hustisya si dating Pangulong Rodrigo Duterte at ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa pag-atake sa mga paaralang Lumad.

The persons who are actually responsible for the forcible closure of the schools as well as the threats and harassment have never been investigated (Ang mga taong tunay na responsable sa sapilitang pagsasara ng mga paaralan pati na rin ang mga pagbabanta at panliligalig ay hindi kailanman naimbestigahan)," giit nila sa isang joint statement.

Sa isang press briefing, ipinahayag nina Castro at Ocampo ang kanilang planong iapela ang desisyon ng korte at nanawagan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tulungan ang mga Lumad.

“Sa matagal nang panahon, napabayaan ‘yung ating mga Lumad children … Kaya nananawagan tayo na review-hin ‘yung pagsasara ng mga Lumad school na ‘to para makapag-aral ang ating mga katutubong Lumad sa Mindanao at mabigyan sila ng edukasyon,” ani Castro.

Ang panawagan para sa karapatan ng Lumad at ang pagtigil sa militarisasyon sa kanilang mga komunidad ay matagal nang ipinaglalaban ng mga aktibista. Kaya naman para sa mga aktibistang grupo, ang kamakailang kriminalisasyon ng Talaingod 18 ay hindi lamang pagsupil sa aktibismo kundi hadlang sa patuloy na pagpupunyaging ipagtanggol at protektahan ang mga Lumad, na isinilang at karapat-dapat manatiling malaya sa lupa ng Kamindanawan. 

(Litrato mula kay Mark Dehayo/ABS-CBN News)