Sa Piling ni Lola

FEU Advocate
August 30, 2025 16:41


Ako’y isang batang mistulang anino,
Laging nasa likod, palaging nakasunod.
Hindi napapansin, ‘di kailanman naging tampok,
Napag-iiwanan sa agos ng buhay, punong-puno ng poot. 

Walang espesyal sa aking katauhan. 
Parang kape na walang init sa araw na maulan, 
Parang sabaw na walang alat o sarap, 
Isang batang walang sinag, walang pangarap. 

Ngunit nariyan si Lola, ang tangi kong takbuhan, 
Sa gitna ng unos, siya ang aking kanlungan. 
Kapag ang mundo’y hindi sang-ayon sa akin,
Yakap ni Lola ang nagpapagaan sa bigat ng damdamin. 

Sa mundong tila ako’y nalilimutan, 
Sa kaniyang bisig, naroon ang aking tahanan. 

- Gerielle Anne Afos

(Dibuho ni Elysse Duller/FEU Advocate)