Pagpiglas ni Clarita sa Rehas ng Nakalipas
- April 11, 2023 07:07
FEU Advocate
October 26, 2025 15:59

Nina Jasmien Ivy Sanchez at Joana Angelika Mikaela Sindac
Naging lunsaran na ng pakikibaka ang lupa ng mga magsasaka’t katutubo. Sa pagitan ng bakod ng mga korporasyon at huwad na reporma, isinusugal nila ang kabuhayan at dangal kapalit ng kakarampot na salapi. Kaya’t nananatiling banyaga sa sariling lupa ang mga tagapag-alaga ng lupa sa bansang binuo sa pawis at kalyo ng mga pesante.
Hanggang ngayon, patuloy na hinaharap ng mga manggagawang-bukid at katutubo ang kawalan ng lupang masasaka, kakulangan ng suporta mula sa pamahalaan, at kalamidad na pumipinsala sa kanilang ani.
Nakikipagbuno sila sa mga problemang nakaugat sa mabagal at madalas na maruming implementasyon ng mga batas gaya ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) at Indigenous Peoples’ Rights Act (IPRA).
Lantad ito sa mga proyektong tulad ng Kaliwa Dam na nagpapaalis sa mga Dumagat sa Sierra Madre at sumisira sa kanilang kabuhayan.
Kaya naman sa kabila ng mga pangakong reporma, nananatiling tanong kung paano at kailan mararamdaman ng mga tunay na tagapag-alaga ng lupa ang hustisyang matagal na nilang hinahangad na anihin.
Isang butil, isang bulas
Pinatahimik, ginawang sunod-sunuran, at pinagsamantalahan na ng gobyerno ang mga magsasaka sa lupang sila mismo ang nag-araro, humubog, at nag-alaga. Sinubukan nilang tapalan ang lalim ng paglilinang gamit ang marahas na pamamaraan.
Ngayon, patuloy pa rin ang pagtakbo ng mga magsasaka at katutubo papalayo sa pamahalaang handang kitilin ang buhay ng mga susubok mag-alsa. Ipilit man ng gobyernong ibenta ang kanilang sarili bilang makatao, pinabubulaanan ito ng mga naninirahan sa kanayunan.
Saksi ang kasaysayan nang ipatupad ang Presidential Decree No. 27 noong ika-21 ng Oktubre 1972. Isinulong ito upang bigyang-karapatan ang mga magsasaka upang maging opisyal na tagapagmay-ari ng kanilang lupang sinasaka.
Samantalang ipinatupad naman ang Comprehensive Agrarian Program (CARP) noong ika-10 ng Hunyo 1988 na may layuning ipamahagi ang mga lupain sa mga magsasakang walang sariling lupa.
Subalit hindi pa rito natatapos ang laban ng magsasaka at katutubo. Kamakailan din, marami sa kanila ang naging biktima ng militarisasyon at red-tagging dahil sa kanilang pakikibaka para sa lupa.
Noong huling bahagi ng Hulyo ngayong taon, nagtayo ang 50 hanggang 100 sundalo ng Armed Forces of the Philippines ng kampo sa Barangay Naibuan, San Jose, Occidental Mindoro, bilang bahagi ng kanilang militarisasyon sa kanayunan at bilang pagtutok sa mga organisadong magsasaka at katutubo sa lugar.
Dito umusbong ang tensiyon sa pagitan ng militar at ng mga lokal na magsasaka.
Natagpuan naman ng grupong KARAPATAN si Juan Sumilhig, isang sibilyang magsasaka mula sa Maranao, na wala nang buhay sa kalagitnaan ng kanilang humanitarian mission. Ayon sa mga opisyal at saksi, hindi ito simpleng engkuwentro; planadong operasyong militar ang isinagawa laban sa kaniya.
Dumaan na ang iba’t ibang administrasyon ngunit napag-iiwanan pa rin ang mga suliraning agraryo. Palaging iisa ang daloy ng kuwento: gagawan ng reporma, itataas ang taripa, pambabarat sa presyo ng mga magsasaka, at sa huli, papatayin kapag nag-alsa.
Hindi maipagkakaila na ang mga repormang ito ay nanatiling nakapako sa nakaraan. Sa mundong progresibo, dapat kalakip nito ang mga makabagong repormang sagot sa adhikain ng mga magsasaka.
Buwis ng buhay
Makalipas ang ilang dekada ng mga pangakong reporma, nananatiling palaisipan kung kanino nga ba talaga ang lupa. Sa bawat administrasyong dumaan, may panibagong programang ipinangako—nag-iiba ang pangalan, ngunit pare-pareho lang ang laman.
Marami sa kanila ang patuloy na nagtatrabaho sa lupang hindi nila pag-aari, umaasang darating ang panahong may mahuhukay na katiyakan sa bawat bungkal ng lupa.
Sa pakikipagpanayam ng FEU Advocate kay Angel Cacayan, isang estudyante at anak ng magsasaka sa Isabela, inilarawan niya ang araw-araw na realidad ng kanilang komunidad.
“Karamihan ay umaasa lang sa ani na minsan ay hindi sapat dahil sa taas ng presyo ng abono at binhi, at mababang presyo ng palay o gulay kapag ibinenta. Marami rin sa kanila ang wala pa ring sariling lupa at hanggang ngayon ay nangungupahan lang, kaya hindi tiyak ang kanilang kabuhayan at kinabukasan,” saad ng estudyante.
Ngunit higit pa sa kakulangan ng kita, nananatiling mababa ang presyo ng lokal na ani dahil sa patuloy na pag-aangkat ng bansa ng bigas mula sa mga karatig na bansa.
Nakapanlulumong barya ang itinalagang kapalit sa bawat sako ng palay, bunga ng pawis at pagod ng magsasaka sa bukirin.
Dagdag pa ni Cacayan, kawalan ng sariling lupa ang madalas na pangunahing dagok ng kaniyang mga magulang na magsasaka, kasama na ang iba pang magbubukid sa kanilang komunidad.
“Kahit matagal nang nagtatanim sa iisang lupain, hindi pa rin sa kanila nakapangalan. Bukod doon, kulang din ang suporta ng gobyerno. Mahina ang irigasyon, kulang ang subsidiya sa abono, at kadalasan hindi abot ng mga programa ng DA [Department of Agriculture] ang mga maliliit na magsasaka,” aniya.
Ibinahagi rin niya na maraming kabataan ang napipilitang tumigil sa pag-aaral at pinipiling magtrabaho na lamang nang mas maaga buhat ng kahirapan.
Kung kaya’t inihalintulad ng guro sa FEU General Education Department na si Juanito Anot Jr. ang kalagayan ng mga magbubukid sa kanayunan kay Kabesang Tales sa El Filibusterismo.
“Siya [Tales] ay isang magsasakang nagsikap na pagyamanin ang nasasakupang lupa subalit inagaw ng mga prayle at pamahalaang kolonyal. Sa kasalukuyan, isa rin ito sa isyu ng mga magsasaka at katutubo, pang-aangkin ng lupain na madalas na walang pahintulot ng komunidad—madalas na mga [iilang] korporasyon, dayuhang interes at/o panginoong maylupa,” paliwanag ni Anot sa panayam ng FEU Advocate.
Ipinakikita ng halimbawa ng propesor na patuloy pa rin ang pangangamkam ng lupa mula sa panahon ng mga prayle at kolonyal na pamahalaan hanggang sa kasalukuyan sa pamamagitan ng malalaking korporasyon at dayuhang interes.
Pinabibigat din ng sunod-sunod na kalamidad ang kanilang kalagayan. Paliwanag ni Cacayan, madalas na hindi sapat ang kanilang kinikita upang tugunan ang pangunahing pangangailangan tuwing sakuna.
“Nakakalungkot lang sapagkat pinaghirapan ng mga magsasaka na magtanim at dahil lang sa isang sakuna nawala lahat ng sakripisyo at paghihirap nila,” pagbabahagi ng estudyante.
Isa rin sa pangunahing suliranin ng mga magsasaka ang mababang balik mula sa kanilang pinaghirapang ani na lalo pang bumagsak dahil sa malawakang pag-angkat ng bigas sa ilalim ng Rice Tariffication Law na ipinatupad noong 2019.
Batas ito na naglalayong gawing mas mura ang bigas sa mga mamimili sa pamamagitan ng pagbabawas ng kahigpitan sa pang-aangkat at pagpapataw ng taripa.
Subalit ayon sa mga pag-aaral, nagdulot ito ng pagbaba ng kita ng mga magsasaka dahil sa pagbaba ng presyo ng palay at pagtaas ng kompetisyon mula sa mga bigas na inaangkat.
Bagaman may mga programang tulad ng Rice Competitiveness Enhancement Fund na layong tulungan ang mga magsasaka, nananatiling mabagal at kulang ang implementasyon nito, kaya hindi lubos na nararamdaman ng mga magsasaka ang benepisyo.
Mula rito, malinaw na pasakit sa mga magsasaka ang kasalukuyang sistema. Buwanang pagod at pawis ang kanilang inilalaan sa bukirin ngunit mababa pa rin ang kita sa ani. Habang nalalagay naman sa panganib ang kanilang buhay tuwing sila'y mag-aaklas bunsod ng militarisasyon.
Kung kaya’t para sa kanila, ang pakikibaka ay hindi natatapos sa anihan; dapat nagpapatuloy ito sa paninindigan na ang lupa ay para sa mga kamay na araw-araw na nakalubog sa putik at pawis upang mapanatiling buhay ang bayan.
Bulong sa bukid
Dinadala ng bawat katutubo at pesante sa kanilang isipan ang posibilidad na tuluyan silang mabura sa kasaysayan ng bansa.
Unti-unti na itong ginagawa ng pamahalaan tulad ng militarisasyon sa kanayunan at pagtatag ng Kaliwa Dam sa Sierra Madre kung saan maaaring mawalan ng tirahan ang libo-libong katutubo. Pareho ang layunin nitong mapawalang-bisa ang karapatang pantao ng mga magsasaka.
Kinikilala dapat ang mga katutubo at pesante bilang mahalagang parte ng lipunan, tama lang na aralin ang kulturang nagpayabong sa paglilinang.
Sapagkat kung totoo ang hangarin ng pamahalaan na bigyang-diin ang repormang agraryo, kinakailangan nilang bigyang-pansin ang karanasan ng mga magsasaka.
Kaya para kay Cacayan, importante ang mapakinggan at mabigyan ng hustisya ang mga taong bumubuhay sa hapagkainan ng bawat Pilipino.
“Pakinggan niyo po ang mga magsasaka at katutubo. Hindi kami humihingi ng limos, ang hinihingi namin ay hustisya at pagkilala sa aming karapatan. Ang lupa ang bumubuhay sa amin, at kung wala ito, mawawala rin ang pagkain sa hapag ng bawat Pilipino. Hindi lang patungkol sa mga kailangan kung hindi dugo’t pawis ng bawat magsasaka ang nakasalalay at sana ay mabigyan ng pansin pati na rin sa mga katutubo,” aniya.
Dagdag pa ng estudyante na hindi sapat ang umiiral na batas tulad ng CARP at IPRA upang protektahan ang karapatan ng mga magsasaka sa lupa. Aniya, inilatag lamang ito bilang pampalubag-loob upang masabing nililingunan pa rin ang mga katutubo.
Binigyang-pansin din ito ni Anot sa pamamaraan ng pagsusuri sa Certificate of Ancestral Domain Title sa ilalim ng IPRA kung saan maaaring magkaroon ng opisyal na dokumento ang mga magsasaka sa kanilang lupang sinasaka.
“Maaaring sipatin ang implementasyon ng CARP at IPRA, marami pa ring katutubo ang ‘di nakakatanggap ng Certificate of Ancestral Domain Title, marami rin ang ‘di tunay na nakikinabang sa lupa dahil sa iba’t ibang balakid—maaaring legal o panggingipit sa kanilang karapatan. Tulad ni Tales, marami pa ring Pilipino ang nahihirapang makamit ang tunay na reporma sa lupa,” saad niya.
Iisa ang ginigiit ni Anot at Cacayan—ang butas sa pagpapatupad ng mga umiiral na batas.
Itinuturing ng gobyerno na bayani ang mga magsasaka. Pinarangalan ng puspos na dangal at samot-saring puri ang ikinakabit sa kanilang pangalan bilang gantimpala kahit na wala namang tunay na benepisyo para sa mga naninirahan sa kanayunan.
“Gusto ko sanang makakita ng gobyerno na talagang nakikinig sa mga magsasaka, hindi lang tuwing eleksiyon. Dapat magkaroon ng tunay na reporma sa lupa, dagdag na subsidiya sa abono at kagamitan, at murang pautang para hindi kami umaasa sa kakaunting ayuda na hindi pa sapat para samin,” saad ni Cacayan.
Para kay Anot, ang mabisang paraan upang higit na maitaguyod ang lupa sa gitna ng umiiral na balakid ay ang suporta mula sa iba’t ibang kagawaran at pagsagot sa pangangailangan ng mga magsasaka batay sa kanilang lente.
“Sa akademya, mahalaga ang suporta gayundin ng simbahan at civil society. [Halimbawa], sa akademya, pagtuturo sa kaalaman sa mga batas at karapatan sa lupa. Siyempre pa, pagpapalakas ng mga samahan ng magsasaka at katutubo sa pakikibaka at baka makatulong din ang mga alternatibong modelo sa pamamahala ng lupa na batay sa pangangailangan at danas ng mga magsasaka at katutubo,” saad niya.
Tapos na ang panahon na bulong lamang sa bukid ang mga boses ng mga magsasaka.
Hindi ang pangako, elitistang reporma, ayuda, at puri ang magpapaunlad sa kanila kung hindi ang progresibong pakikinig at abot-kamay na tulong.
Isinalaysay rito ang mga kuwento ng mga magsasaka at katutubo na pinagkaitan ng lupa bilang paalala na hindi pa rin natatapos ang kanilang laban. Patuloy ang kanilang pakikibaka sa pag-asang makakamtan ang pagbabagong inaasam.
Maraming katutubo at pesante ang namamatay nang hindi kailanman natitikman ang tagumpay sa buhay. Hanggang sa huling hantungan ay patuloy silang naninirahan sa lupang hindi nila pagmamay-ari. Ang pagsasaka, lihis man sa kaalaman ng iba, ay hindi basta pagtatanim lang. Walang sawang nakikipagtunggali ang mga magsasaka’t katutubo upang mapakinggan ang kanilang hinaing at pag-aasam sa araw-araw na sila’y pinagkakaitan ng magandang kinabukasan.
(Latag ni Phoemella Jane Balderrama/FEU Advocate)