Sa paglipad ni Potie: Pag-alala kay Jessica Marie Sibayan

FEU Advocate
August 26, 2023 10:07


Ni Jemina Eunice G. De Leon at Edrian M. Nabong

Isa sa mga kasabik-sabik na araw para sa mga Tamaraw ay ang makuha ang kanilang diploma. Ito ay hudyat ng panibagong kabanata para sa mga bata na minsang nangarap na makatapos ng kanilang pag-aaral. Ngunit hindi ito ang kaso para sa Far Eastern University (FEU) BS Tourism Management student na si Jessica Marie Sibayan, na namayapa bago pa man maranasan ang kanyang pinakahihintay na sandali.

Pumanaw si Sibayan noong ika-18 ng Hulyo, ilang araw bago ang nakatakdang seremonya ng kanyang pagtatapos. Dahil dito, ang kanyang lolo na si Wellington ‘Willy’ Pascual at tiyahing Wendy Lamug ang dumalo sa Philippine International Convention Center (PICC) upang tanggapin ang kanyang diploma.

Saksi ang mga kapwa-estudyante at propesor sa sandaling iyon habang bitbit nila ang litrato at unipormeng graduwasyon ng inaanak.

Kilala sa tawag na “Potpot,” puno ng pagmamahal at aruga ang dalaga sa mga nalalapit sa kanya. Para sa kanyang mga mahal sa buhay, walang kahit na anong hadlang para kay Sibayan upang tuparin ang kanyang mga pangarap.

Ating balikan ang kuwento ni Sibayan—sa kamusmusan, mga pangarap, at mga alaala niya bilang estudyante ng FEU.

Si “Potie,” mula Isabela hanggang himpapawid

Isinilang si Potie sa maliit na bayan ng Jones, Isabela at nag-iisang anak ng mag-asawang Joel at Winelyn Sibayan. Bukod sa kanyang mga magulang, si Sibayan rin ay inalagaan ni Lamug, ang kanyang tiyahin na itinuring niya bilang pangalawang ina.

“Sabi nga niya sa akin, ‘Ikaw ‘yung second mommy (pangalawang nanay) ko. Ikaw ‘yung best friend (matalik na kaibigan) ko.’ Sa akin niya sinasabi lahat ng mga achievements (parangal) niya sa school (paaralan) Lahat. Wala siyang nililihim,” pahayag ni Lamug.

Katuwang din ang kanyang Lola Bie at Lolo Willy, lumaking masunurin at may takot sa pamilya ang dalaga.

Spoiled (Maluho) si Pot sa lola and vice versa (kabaligtaran). Kahit bawal sa mama namin, binibilhan parati ni Pot si lola niya ng milk tea, fruit tea, at pizza. Isang sabi lang ni Pot sa lola at lolo niya walang hindi sa kanila," wika ni Lamug.

Batid ng kanyang tiyahin na sa murang edad pa lamang ay mataas na ang pangarap ni Sibayan kung kaya’t natuto itong magsumikap. Agad na sumuporta ang kanyang tita nang ipahayag ni Sibayan ang kagustuhan niyang maging isang flight attendant. Noon pa man, ay magaling na makisama sa mga tao ang kanyang pamangkin.

Matapos ang maagang pagkamatay ng ama ni Sibayan, hindi naging madali para sa kanya na magpatuloy at manatiling magsumikap para sa kanyang pangarap. Sa kabila ng pagkawala nito, nanatili siyang matatag at ipinagpatuloy ang kanyang pag-aaral.

Ibinahagi ni Nica Bangloy, isa sa matalik na kaibigan ni Sibayan, na bukod-tangi ang pakikipagsalamuha ni Potie sa ibang tao. Sa tagal ng kanilang pagsasama, itinuring na siyang kapatid ni Bangloy.

“Mayroon siyang friends (kaibigan) na kino-consider (tinuturing) na totoo, mayroong colleagues (kasamahan) lang kayo. Pero kung ano yung lambing na binibigay mo, mas angat pa yung lambing pa ‘yung ibabalik niya sa’yo,” pagbabahagi ni Bangloy. 

Ang mga sentimentong ito mula sa mga kaibigan, kaklase, at pamilya ng dalaga ay hindi na mabubura sa kanilang mga puso at isipan. Para sa kanila, hindi nagkulang si Potie sa pagbigay ng pagmamahal at kuwento sa mga nalalapit sa kanya.

Para sa karangalan

Ang tanging layunin ni Potie sa buhay ay hindi pabayaan ang kanyang pag-aaral. Kahit sa kanyang pangmatagalang sakit at karanasan niyang mawalan ng ama, saksi ang kanyang pamilya at kaibigan sa pagpupursigi upang makapagtapos sa kolehiyo.

Sa kanyang pagsusumikap, nakamit ni Potie ang karangalan ng Dean’s List Award - Second Honors sa kanyang huling semestre. Sa kanya namang internship program sa Pampanga, nakamit niya ang Best Panel Interview Award.

Hindi rin naging madali para kay Sibayan ang kanyang unang taon sa FEU dahil sa pangungutsa mula sa kapwa mag-aaral. Ngunit sa kabila nito, panatag si Lamug na hindi nag-iisa ang pamangkin.

“Ang sinabi ko lang sakanya ay mag-aral lang nang mabuti. ‘Kaya ka binubully (kinukutsa) ng mga ‘yan kasi siguro, inggit sila sa’yo’,” wika ng tiyahin. 

Inilarawan ni Ariza Baltazar, isa rin sa mga matagal nang kaibigan ni Sibayan sa FEU, na kilala ito bilang matulungin at makuwento. Ayon pa sa kanya, mukhang masungit ang dalaga sa unang impresyon, pero siya ay masiglahin kapag siya ay nakilala na nang mabuti.

During our internship and ditching class (Tuwing may pagsasanay at klase) namin noon, hindi sya marunong lumangoy but she’s eager (siya ay sabik) na matuto. I saw the strong side of her na she’s always willing (Nakita ko ang isang panig na matatag na siya ay kusang) matuto sa mga bagay na gusto niya ma-accomplish (matupad),” kuwento ni Baltazar.

Ibinahagi ni Krisha Eballar, isa sa mga nakasama ni Sibayan sa kanilang internship program, ang kuwento kung paano sila naging malapit ng dalaga.

“Simula kasi nung naging close (malapit) kami, lagi ako nakakatanggap ng random good morning and I love you’s message (palambing na mensaheng ‘I love you’ at ‘magandang umaga’) galing sa kanya,” pahayag ni Eballar.

Sa kabila ng kundisyon ni Potie, binanggit ni Baltazar na ninais pa rin ng dalaga na dumalo sa Baccalaureate Mass at makapagmartsa sa PICC.

Hindi naging hadlang ang pambu-bully o maging ang kanyang matinding karamdaman sa pagkamit sa kanyang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral.

Ang mga iniwang alaala ni “Potpot”

Para kay Lamug, may halong tuwa at pangungulila ang mga pinakaiingatan niyang sandali kasama ang pumanaw na pamangkin.

Hindi naging hadlang ang distansya sa kanilang pagsasama bilang mag-tiyahin. Noong mga panahong nasa Israel si Lamug, nilalapitan pa rin siya ng kanyang pamangkin sa mga oras ng saya at ng mga problema.

Maliit man o malaki, magkasama sina Sibayan at ang kanyang tiyahin sa mga hindi malilimutang sandali. Inalala ni Lamug ang kanyang pakikipag-isang dibdib nang may ngiti at sawi dahil ang pumanaw niyang pamangkin mismo ang nag-ayos sa kanya sa mahahalagang okasyon ng kanyang buhay.

Sa labas naman ng kanilang pamilya, hindi rin malilimutan ng mga kaibigan ni Sibayan ang halaga ng dalaga sa kanilang buhay.

Para kay Eballar, tumatak sa kanya ang alaala ng kaklase at kaibigan na pagiging masiyahin nito at pagkakaroon ng tapang sa gitna ng iniindang karamdaman. Sa kabila ng kaunting oras na kanilang pinagsamahan, tunay na bilib si Eballar kay Sibayan.

Binanggit naman ni Jerwin Ocampo, kasintahan at live-in partner ni Potie, ang kanilang pangarap na makapagpatayo ng negosyo. Kahit na wala na ang nobya, nais pa rin niyang ipagpatuloy ang mithiin nilang iyon.

“Siya dapat yung nandoon na nagmamartsa, sobrang sakit… ako nalang siguro ‘yung magtutuloy ng mga pangarap namin sa business (negosyo),” pagbabahagi ng nobyo.

Naging emosyonal si Lamug sapagkat hindi nahawakan ni Potpot ang kanyang pinaghirapang diploma. Sa kabila nito, inspirasyon para sa mga dumalo sa pagtatapos ang pagtungtong nina Lamug at Lolo Willy sa entablado bitbit ang larawan ng kanilang minamahal na yumao.

Dulot ng nakaaantig na imahe ng kanyang pagtatapos, nagkaroon ang FEU community ng pag-alala at pagbubunyi sa buhay at pagsasakatuparan ng pangarap ni Sibayan. Taimtim na nakiramay ang mga batchmate, kaklase, at kaibigan ni Sibayan na nakasama niya sa mahabang paglalakbay at pagpupursigi. 

“Kay Jessica, iyon ‘yong pinakaimportanteng araw sa buhay niya. Sa amin, iyon ‘yong pinakamalungkot,” wika ni Lamug.

Para sa mga nagmamahal kay Sibayan, nakaukit na sa mahabang panahon ang kanyang tagumpay. Patuloy na gugunitain ang kanyang buhay nang taas-noo at may kasamang ngiti sapagkat walang makapipigil sa kanyang matayog na paglipad, kahit pa kamatayan.