Sa Paghayo ni Kudoy sa Maynila

FEU Advocate
September 26, 2024 16:55


Sa bawat ikot ng gulong, sambit mo ang munting sigaw,
Mga pangarap mong itinanim, ngayo'y umaawit na raw.
Sa bintana ng bus, mga tanong mo ay dumaraan,
Sa iyong diwa ay bumabalik ang tahanang iniwan.

Sa gitna ng biyahe, tila ang takot sa’yo ay sumisiko,
Ang Maynila ay masyadong malaki para sa muwang mo.
Napapaisip kung ang mga pangarap ba ay totoo;
Sa bawat umagang mag-isang gigising, paano ka tatayo?

Ngunit ang Maynila’y marami ring maihahandog sa’yo;
Maaari mong mahanap ang mga bagay na iyong gusto.
May pagkakataon kang buuin muli ang iyong pagkatao,
Mababawi mo ang lahat ng sa nakaraan ay sayo’y bumigo.

Sa Maynila, may bago kang liwanag na sasalubungin,
Magsisimula ka ulit kasabay ng mga pangarap na iyong bubuuin.
May pangamba man, ngunit lahat ay makakamtan mo rin,
Sapagkat sa puso ay alam mo ang kaya mong gawin.

At sa pagbaba sa bus ay iyong tuluyang napagtanto,
Marami kang kayang gawin at rason upang hindi sumuko.
Kaya, ‘Doy, ngayon ay harapin mo ang mundo nang mag-isa,
Dahil ikaw ay magiging kung ano ang iyong inaasam pa.

- Sean Clifford M. Malinao
(Dibuho ni Miles Munich Jimenez/FEU Advocate)