Tamaraws improve standing to third spot, advance to semis
- November 28, 2022 10:59
FEU Advocate
October 15, 2024 18:00
Ni Johna Opinion
Bawat nilalang ay may pag-aasam, hayag man o nakakubli, na makaramdam ng pagmamahal. Bitbit sa kanilang araw-araw na pamumuhay ang hiling na madama na bahagi sila ng isang relasyon; ng pagkakaibigan; ng pamilya; ng komunidad. Kung kaya’t maging ang mga residente ng Isla Esteban ay handang ialay ang lahat – ang kanilang buong puso’t sarili – para sa isang misteryosong makisig na tila bitbit ang kanilang inaasam na pagsinta.
Tampok sa pinakabagong pagtatanghal ng Far Eastern University (FEU) Theater Guild ang kuwento ng mga indibidwal na nag-alinlangan, nahumaling, at nabighani sa ‘Pinakamakisig sa mga Nalunod sa Buong Daigdig.’
/Isang misteryosong higanteng nilalang/
Sa unang pagdaong ng mga manonood sa Isla Esteban, isa-isang ipinakilala ang mga pangunahing tauhan: ang Buntis na walang asawa, ang Haliparot, si Lola, ang Hipokrita, at ang Pipi.
Gagabayan tayo ng kabalintunaan na ang Pipi ang nagsisilbing tagapagsalaysay ng dula. Ang kaniyang himig ang aalalay sa mga manonood sa paglalayag sa kuwento ng misteryong babalot sa mga karakter nang mapadpad sa isla ang bangkay ng higanteng nalunod sa karagatan.
Sasalubungin nila ang nilalang ng pag-aalinlangan at pangamba na ang kaniyang pagdating ay may kaakibat na sumpa at kamalasan sa payak na pamumuhay ng mga taga-Isla Esteban.
Ngunit nang matuklasan ang taglay nitong kakisigan, unti-unting bubuo ng kani-kanilang imahe ang mga residente sa kung ano ang pagkataong nakakubli sa misteryosong Makisig na napadpad sa isla.
At sa bawat imahinasyong nabubuo tungkol sa pagkakakilanlan ng Makisig, isinasambulat nito ang hangad na pagmamahal at pangungulilang bitbit ng mga karakter sa kanilang puso.
Mula sa pag-ibig ng Lola na naging saksi sa agos ng buhay ng bawat isa sa Esteban, sa Buntis na patuloy na nangungulila sa kaniyang asawa, ang Haliparot na naghihintay sa pagdating ng tunay na iibig sa kaniya, at sa Pipi na patuloy na nananalanging makilala ang kaniyang tunay na pamilya’t pinagmulan; ang pagdating ng Makisig sa kanilang isla ay isang pangako mula sa karagatan.
Pangako na may magandang kinabukasan na sa kanila’y naghihintay.
/Ang buhay sa isla ay nakatali sa alon ng dagat/
Mahusay ang produksiyon ng dula, mula sa paggamit ng ilaw, ng disenyo ng entablado, maging sa paggamit ng tubig, tuluyan kang isasabay ng pagtatanghal sa pagsuong sa alon ng bawat kuwento ng mga karakter.
Nakatali sa mga kuwentong ito ang mga temang binibigyang-pansin, at mga aral at nais iwan ng dula sa mga manonood. Mga aral na maiuugnay sa kapangyarihan ng pagkakaisa, pagkalinga sa kapuwa, at pagtangkilik sa sariling bayan.
Kung palalalimin, tinalakay rin ng dula ang iba’t ibang uri ng diskriminasyon.
Mula sa pangungutyang naranasan ng Haliparot buhat ng kaniyang tapang na ihayag ang kaniyang sarili’t pagmamahal sa mga lalaking kaniyang iniibig. Maging sa pang-aaping naranasan ni Pipi dala ng kaniyang kawalan ng kakayahan na ipagtanggol ang sarili.
Sa huli, makikita rin ito sa pagtingin ng mga kababaihan sa mga kalalakihan ng isla matapos makakita ng mas maganda, ng mas malaki, ng mas makisig na nilalang.
Ngunit sa mga kuwentong ito, lahat ay nag-uugat sa pagmamahal — ang pakiramdam ng pagkakaroon at paghahanap nito.
Inaanyayahan tayo ng dula na makibahagi at maghayag ng pagmamahal sa kapuwa. Binibigyang-diin na sa bawat alon at unos na ihinahampas ng buhay, tanging pag-ibig ang magsisilbing bangka upang payapa tayong makapalaot sa karagatan.
Maaaring tingnan ang dula mula sa iba’t ibang lente at perspektiba, lalo na kung patuloy na sisisirin ang bawat lalim nito. Ngunit sa huli, ito ay kuwento ng buhay at pag-ibig.
Dahil muli’t muli, ang pagdating ng Makisig ay isang pangako mula sa mga taga-Isla Esteban. Pangako na unti-unting susubukang bumuo ng magandang kinabukasan, hindi lamang para sa kanilang mga sarili, kung hindi para na rin sa mga pamilyang kanilang nabuo at natagpuan sa mumunting isla.
Mula sa pagdaong sa Isla hanggang sa paglalayag realidad
Sinasalamin ng nabuong mundo sa Isla Esteban ang pangunahing kalakasan ng produksiyon – payak ngunit may pagpapalalim.
Payak ang pagpapakilala sa mga karakter ngunit may lalim ang bawat kuwento nito, lalo na kung ilalagay sila sa konteksto ng mga pangkasalukuyang isyung panlipunan.
Nariyan ang isyu ng fake news at misinformation sa mga binibitawang pahayag ng Hipokrita kaugnay ng Makisig at ni Pipi. Karugtong nito ang inhustisyang nararanasan ng mga indibidwal na may kapansanan na makikita sa unang pagtrato ng Isla kay Pipi.
Dagdag pa rito, maari ding mabasa ang kolonyalismo at kaisipang kolonyal kung ikukumpara ang pagtrato ng mga kababaihan ng Isla sa “dayuhang” si Makisig sa pagtrato nila sa mga kababayan nilang kalalakihan.
Payak ang naratibo ng dula ngunit may lalim sa bawat aral na maaari nating bitbitin hanggang sa paglabas ng tanghalan.
Tinuturuan tayo ng karakter ng Hipokrita na makibahagi at makialam, ngunit nang may hangganan at sa katotohonan. Dala naman ng Haliparot ang aral ng patuloy na pagmamahal ng tunay sa kabila ng mga kabiguan.
Sa buntis na walang asawa natin matutunan ang pananatiling positibo at pagtanggap sa responsibilidad na ibibigay ng karagatan. Pangaral naman ng Lola ang pagiging mabuting kaagapay sa ating kapuwa.
Tinuturuan naman tayo ng Pipi na patuloy na magpursigi, mangarap, at magmahal nang walang halong galit at hinanakit.
Sa huli, sinasalamin ng mga karakter na ito ang ating mga kaibigan, kapamilya, maging ang ating mga sarili; at bawat isa’y tinuturuan tayong maglayag nang may tapang, pagmamalasakit sa kapuwa, at pagmamahal sa tuloy-tuloy na alon ng buhay.
Patuloy na mapapanood ang dulang ‘Ang Pinakamakisig sa mga Nalunod sa Buong Daigdig’ mula Oktubre 19, 23, 30 at Nobyembre 6, 7, 8, 13, 14, 15, 20, 21, 22, at 23 sa ganap na 6 PM sa FCA Studio Ground Floor ng Engineering Building
(Kuha ni Justine Jaerigg/FEU Advocate)