Sa Mga Batang Masyadong Mataas ang Lipad

FEU Advocate
October 06, 2024 19:56


Ang bigat ng aking mga talukap ay tila hinahatak ako pabalik sa kama; ang malamlam na ilaw sa aking kwarto ay dinadamayan akong pasanin ang dinaramdam na bigat. Hindi ko na mabilang kung ilang oras na akong nakatitig sa laptop, binabasa ang mga reviewer na parang nakasulat sa wikang hindi ko kilala.

Kasabay kong nakahiga ang mga libro at papel sa kama; lukot ang ibang pahinang tulad ko ay tila sumusuko na rin. 

Akala ko, kaya ko. 

Lagi ko namang kinakaya. 

Kaya ko, hindi ba? 

Mula elementarya hanggang high school, walang hinto ang papuri at medalya. Ang pag-aaral noon ay parang paghinga sa akin— kusa, natural. Ngayon? Ang bawat grado ay tila pilit na hinahabol, laging kapos at kay hirap hulihin.

“Bata pa lang, alam ko nang kaya mong abutin ang langit,” sabi ng aking ina.

At naniwala ako. Bawat pagpapatunay ng galing ay idinaragdag ko sa aking kalawakan. Sa gabi ay kapiling ko ang buwan at sabay naming binabati ang umaga, ang aking kamay ay laging nakataas at inaabot ang mga tala. Hindi maikakaila ang pagod ngunit pinapawi ito ng kanilang mga palakpak.

Ngunit, ngayong ako na lang mag-isa, tila wala nang kapalit ang lahat ng paghihirap—wala na ang mga palakpak; ubos na ang mga papuri.

May deadline bukas, may exam sa susunod na araw. Sa bawat pagsubok ko na makamtan ang mga inaasahan nilang ako rin ang nagtakda, parang lubid ang mga pangarap ko na gumagapos sa aking mga pakpak. Siguro’y matagal na ngang lagas ang kakayahan ng batang dati ay mataas ang lipad.

“Minsan akong lumipad,” tanging bulong ko sa aking sarili.

Sinimulan kong pulutin muli ang mga nahulog na papel at sinalubong ang liwanag ng aking laptop. Sa bawat tipa at kabisa sa mga salita, nananalangin akong mahanap muli ang sarili. 

Matalino ako, at alam ko iyon. 

Ngunit kung hindi ko na maabot ang mga tala—kung ang pakpak ko ay hindi na kayang abutin ang kalangitan, sino ako? Sino ako kung wala ang mga papuri? Sino ako kung hindi ako nagbibilang ng mga karangalang nakakamit?

Matalino pa ba ako kung alam kong nalulunod na ako at hindi ko alam kung paano at kailan ako makaaahon?

Sino ako ngayon?

- Sean Clifford M. Malinao
(Dibuho ni Alexandra Lim/FEU Advocate)