Sa may bandang Retro Station lang po!

Ni Bianca Camille Bumatayo

Nakagisnan na ng mga Pilipino ang paghahanap ng kaaaliwan sa gitna ng mabibigat na isyung bumabalot sa lipunan. Iba’t iba man ang mga hamong kinahaharap sa kasalukuyan, patuloy na kumakapit ang mga Pilipino sa payak na ginhawang hatid ng nakaraan.

Lumipas man ang ilang dekada, nananatiling buhay sa kulturang popular ng Pilipinas ang nostalgia o pananabik at paglingon sa nakaraan. Sa muling pagsikat ng mga naging uso, nabibigyang-buhay ang mga estilo, musika, at kulturang minsan nang naging bahagi ng buhay ng mga nagdaang henerasyon.

Bati ng kahapon

Hindi hiwalay sa kasaysayan at pagbabago ng lipunan ang kulturang popular sa bansa. Naging bahagi na ito ng pang-araw-araw na buhay, mula sa mga napapanood sa telebisyon hanggang sa mga nababasa sa diyaryo, tabloid, at magasin. 

Kasabay nito ang paghanga sa mga artistang naging mukha ng mga uso sa musika, pelikula, pananamit, at iba pang larangan.

Kabilang dito ang patok na Y2K style, na maihahalintulad sa natatanging estilo ng tinaguriang Queen of Philippine Pop Culture na si Jolina Magdangal. Isa si Magdangal sa mga kinikilalang multimedia icons noong dekada ‘90 dahil sa kaniyang mapaglarong pananamit at paggamit ng matitingkad na kulay at palamuti. 

Gayunpaman, hindi lamang nakatali sa panahong pinagmulan ang mga ganitong estilo. Sa paglipas ng panahon, muling lumilitaw ang mga ito at inaangkop ng mga bagong henerasyon sa kanilang panlasa, dahilan upang magkaroon ng panibagong anyo ang mga dating uso.

Sa panayam ng FEU Advocate, tinalakay ni Maria Sofia Amparo Santiago-Jimenez, isang guro ng Philippine Popular Culture and Discourses sa Far Eastern University (FEU), ang pananaw niya sa kasalukuyang kulturang popular ng bansa.

“Masasabi nating may trend ng ‘glocalization’ o ‘yung proseso ng pag-angkop ng global products, serbisyo, o mga ideya para maging ‘fit’ sa lokal na kultura at mga preferences o kagustuhan. Maliban dito, makikita rin ang pagbabalik ng ilang mga trend o uso, kaakibat ng pagiging nostalgic,” saad ng guro. 

Hindi maipagkakailang magkaugnay ang nostalgia at pagkakakilanlan sa kultura ng mga Pilipino. Bukod sa muling pagbibigay-buhay sa mga dating estilo, nagiging daluyan din ng libangan at malikhaing pagpapahayag ang pagbabalik ng iba’t ibang larangan at anyo ng sining.

Hindi lamang simpleng panggagaya sa nakaraan ang nostalgia. Sa halip, isa itong proseso ng pagbibigay ng panibagong kahulugan sa mga dating anyo, pati na rin ng pag-uugnay nito sa kasalukuyang mga karanasan.

Makikita ang prosesong ito sa mga kabataang nahuhumaling sa retro. Isa na rito si Iris Mendoza, mag-aaral ng arkitektura sa FEU, na nagbahagi tungkol sa kaniyang unang pagkahilig sa mga bagay na may kaugnayan sa mga naunang panahon. 

“I’ve always been interested in the retro way back. Feel ko mga five or six years old, given na I’m surrounded by lolos and lolas. Plus, my parents are both old souls. Whenever we travel, ang tumutugtog sa radio ay ‘yung mga lumang kanta in their era (Matagal na akong interesado sa mga bagay na retro. Pakiramdam ko, mga lima o anim na taong gulang pa lang ako noon, dahil napalilibutan ako ng mga lolo at lola ko. Bukod pa roon, parehong may pagka-old soul ang mga magulang ko. Tuwing bumibiyahe kami, mga lumang kanta mula sa panahon nila ang tumutugtog sa radyo),” aniya sa hiwalay na panayam. 

Mula rito, mas lalong lumilitaw ang ningning ng estilong retro sa buhay ng mamamayang Pilipino. Unti-unti nitong ipinakikita kung paano pinahahalagahan ng bawat henerasyon ang pagbabalik-alaala sa payak na pamumuhay ng nakaraan.

Binigyang-pansin din ng gurong si Jimenez ang dedikasyon ng mga Pilipino pagdating sa pagtangkilik sa mga makalumang estilo.  

“Kitang-kita ito sa usong pananamit, sa graphic design, sa pag-usbong ng ilang trends din sa musika. Ang daming banda o grupo ngayon na biglang nag-reunion, nagkaroon ng sold-out concerts, gaya ng SexBomb Girls, Barbie’s Cradle, etc., gumawa ng bagong mga kanta. Bumalik din ang 90s aesthetic — mapa make-up, pananamit, brands,” pahayag niya.

Hindi lamang binubuhay ng retro ang mga nausong humubog sa kulturang Pilipino; nagsisilbi rin itong pahinga sa mundong patuloy na nagbabago at lalong pinabibilis ng teknolohiya. Sa gitna ng mabilis na pag-usad ng panahon, nagiging kanlungan ang nakaraan at nagpapaalala ng mga simpleng saya na patuloy na hinahanap sa kasalukuyan.

Simoy ng noon

Sa kabila ng paglaganap ng modernisasyon at teknolohiya, hindi maiiwasang alalahanin ng mga Pilipino kung gaano kagaan ang pamumuhay bago lumaganap ang Wi‑Fi, gadyets, at iba pang teknolohiyang nagpabago sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao. 

Gaano man kalayo ang marating ng teknolohiya sa bawat sulok ng mundo, nananatili ang mga alaala at nakagawiang tradisyong nagbibigay ng pamilyaridad sa mga tao.

Para kay Jimenez, may kaugnayan ang pag-usbong ng nostalgia sa bigat at kaguluhang nararanasan sa kasalukuyan.

“Dahil ang gulo ng mundo ngayon. Lumalabas at mas nararamdaman ang krisis dahil sa constant exposure sa mundo ngayon dahil sa social media. Nais ng mga tao na bumalik sa mas simpleng buhay kung saan mas nararamdaman ang pakikitungo, pakikipagkapuwa, at ang sense of community,” paliwanag niya. 

Sa gitna ng mga krisis na higit na nakikita sa social media, nagiging pahinga ng mga Pilipino ang pagbabalik-tanaw sa payak na pamumuhay noon.

Kasabay nito, nagiging pandayan din ang teknolohiya para sa malikhaing pagpapahayag at paghahanapbuhay sa pamamagitan ng paggawa ng content, gaya ng mga vlog.

Dagdag ng guro, naging instrumento rin ang social media sa muling pagpapasikat ng mga dating uso, mula sa pananamit at musika hanggang sa mga pelikula at laruang kinaaliwan ng mga mamamayan. 

“Naging distributor [ito] ng trend. Napalakas pa ang distribusyon dahil tailor-fit o nakaakma ito sa preferences ng bawat user dahil sa kaniyang built-in na algorithms. Pero dahil rin sa algorithm na ito, nahihirapan rin ang tao na mas mag-explore o tumingin ng iba pang uso o content,” paliwanag niya. 

Ipinaliwanag naman ni Mendoza na ang kakayahan ng nostalgia na magpagaan ng loob ang dahilan kung bakit nahuhumaling ang Generation Z rito.

“Nostalgia feels so safe; like a warm hug. Given na we are living in chaos, backtracking to the things that [have] been done before — the vibe, the setting — it gives us comfort kasi people already lived through that (Nakapagbibigay ng pakiramdam ng seguridad ang nostalgia; parang isang mainit na yakap. Sa gitna ng magulong mundo natin ngayon, ang pagbabalik-tanaw sa mga bagay na naganap na noon — ang vibe at ang setting — ay nagbibigay sa atin ng kapanatagan dahil alam nating may mga taong nakaranas na nito),” saad niya.

Mula rito, hindi lamang pag-alala ang nostalgia, nagsisilbi rin itong paraan ng paghihilom na mahirap matagpuan sa gitna ng mga pagbabago sa kasalukuyan. 

Maituturing din itong isang haplos ng yakap kung saan ginugunita na minsang nakayanan ng mga Pilipino ang magkaroon ng simpleng pamumuhay, at maging masaya kahit sa mga maliliit na bagay lamang.

Hay, sis… nakakamiss! 

Samot-sari man ang mga isyu at krisis na pumapalibot sa Pilipinas, nakapagbibigay-sigla at kulay ang retro o nostalgia sa malikhaing sining ng lipunan at nagsisilbi ring malayang pamamaraan upang mapanatili ang pagkilala sa kulturang popular ng bansa. 

Hindi lamang ito isang uri ng panunumbalik sa nakaraan, kung hindi nagsisilbi ring paraan ng paghihilom na mahirap matagpuan sa gitna ng mga pagbabago sa kasalukuyan.

Sa mata ng kasalukuyang henerasyon, ipinahayag ni Mendoza ang pagninilay nito hinggil sa malaking impluwensiya ng retro o nostalgia sa kaniyang buhay.

“I believe each generation truly enjoys the feeling or the vibe of their era. It is fun to explore and to experience what they experience too. Plus, nostalgia gives me a sense of comfort kasi it’s me just looking back and re-experiencing things without being too scared to try new things. Kasi they already exist (Naniniwala akong tunay na nasisiyahan ang bawat henerasyon sa pakiramdam o vibe ng kanilang panahon. Nakatutuwang tuklasin at maranasan din ang mga bagay na naranasan nila. Bukod pa rito, nagbibigay sa akin ng kapanatagan ng loob ang nostalgia dahil para lang itong pagbabalik-tanaw at muling pagdanas sa mga bagay-bagay nang hindi natatakot sumubok ng pagbabago dahil nariyan naman na ang mga ito),” paliwanag ng retro enthusiast.

Sa pamamagitan ng pagkahilig sa mga dating uso, nagkakaroon din si Mendoza ng pagkakataong mapalapit sa nakatatandang henerasyon at maipakita na nananatiling kawili-wili ang mga bagay na kinagigiliwan nila noon.

“It also helps me to connect with the past generation by showing them na yes, we are far from who they were, but what they enjoyed before is still enjoyable now. Maybe that can encourage them to open themselves to our trends ngayon (Nakatutulong din ito sa akin na mapalapit lalo sa nakatatandang henerasyon sa pamamagitan ng pagpapakita sa kanila na — bagaman malaki ang pagkakaiba natin sa kanila, may mga bagay na kinagigiliwan nila noon ay nananatiling kawili-wili hanggang ngayon. Marahil, ito ang maghihikayat sa kanila na buksan ang loob nila sa mga uso ng kasalukuyan),” dagdag niya. 

Bukod sa mga dating estilo at uso, bahagi rin ng pang-akit ng retro ang mga katangiang nagbibigay ng kakaibang dating sa mga lumang kagamitan. Kabilang dito ang garalgal na tunog ng mga lumang radyo, mga gasgas sa CD, at ang mababang kalidad ng mga bidyong naitala noong mga naunang dekada.

Sa ganitong pananaw, nagiging daan din ito para sa mga kabataan upang gamitin ang mga impluwensiya ng nakaraan sa pagbuo ng sarili nilang estilo at malikhaing pagpapahayag.

“Kakaiba ang talentong Pinoy, lalo na sa paglikha. I feel like hindi lang siya trend kasi I see the cycle na lahat ng nauso noon will eventually come back. Retro is not just a trend; it is where some of us anchor or build our styles, hilig, and our expression of our creativity (Sa tingin ko, hindi lang ito basta uso; nakikita ko ang isang siklo kung saan ang mga bagay na sikat noon ay muling sumisikat sa kalaunan. Ang retro ay hindi lamang isang uso; pundasyon ito na ibinabatay ng ilan sa atin ang ating mga estilo, hilig, at malikhaing pagpapahayag),” pahayag ni Mendoza. 

Mula sa mga pananaw na ito, masasalamin sa kulturang popular ng Pilipinas ang likas na pagpapahalaga ng mga Pilipino sa nakagawiang pamumuhay at mga kaugaliang nakaugat sa kanilang kultura.

Hindi binabalikan ang ideya ng retro o nostalgia upang makisabay lamang sa uso ng kasalukuyang lipunan. Isa itong instrumento upang higit na mapayaman ang kasaysayan ng bansa sa pamamagitan ng muling pagkilala sa mga paraan ng pamumuhay ng mga naunang henerasyon.

Kung sisipatin, madaling sabihin at isipin na naaalala ng bawat Pilipino ang panunumbalik sa simpleng pamumuhay sa iba’t ibang paraan. Ngunit sa mas malalim na pagtatalakay, mahihinuhang ideya ito ng pagkakakilanlang patuloy na humuhubog sa pagiging isang Pilipino. 

Lumipas man ang panahon at mapalitan man ang mga dating uso, mananatiling hindi kupas ang mga legasiyang iniwan ng nakaraan. Naaalala man ito sa isang liriko ng kanta o sa tela ng lumang kagamitan, nabibigyan nito ang bawat isa ng pagkakataong muling balikan ang simpleng buhay na minsang nakapagpasaya sa mga Pilipino — isang karanasang hindi natutumbasan ng pera o kayamanan mula sa kasalukuyan.