Sa loob ng pamantasan matatagpuan ang alternatibong katotohanan

FEU Advocate
November 21, 2025 11:30


Nina Shane Tapican at Bianca Bumatayo

Kung abilidad ng mainstream media na iparinig ang tinig ng karamihan, layunin naman ng campus press na isigaw ang mga bulong ng henerasyon sa lipunan na kinagagalawan—mga kuwentong pilit na ikinukubli sa dilim. Ipinakikita na ang bawat pamamahayag ay hindi lamang pag-uulat, bagkus ay matapang na paglaban kahit pa sa loob ng pamantasang mulat sa katotohanan.

Sumisiwang sa makatotohanang kinabukasan ang tapang ng campus press—ang tunay na anyo ng alternatibong midya na humuhubog sa kamulatan, paninindigan, at pananaw ng kabataan.

Subalit sa panahong nangingibabaw ang mainstream media, unti-unting natatabunan ang tinig ng mga publikasyong pangkampus; nilulunod ng ingay ng kulturang mas pinahahalagahan ang sikat kaysa sa makatotohanan, at mas pinakikinggan ang matunog kaysa sa makabuluhan.

Dahil dito, tila nabubura sa kamalayan ng marami ang halaga ng isang midyang nagsisilbing boses ng kritikal na pag-iisip at tapat na paglilingkod sa katotohanan.

Pagbabago’y palitawin, payabungin

Mahalaga ang instrumento ng pahayagan noong unang panahon. Sa katotohanan, nagsimula ito sa panahon ng mga Espanyol na nagawang itaguyod ang pundasyon ng adbokasiya para sa kalayaan ng bansa. 

Ginamit ito ng mga ilustrado at ibang Pilipino bilang daluyan ng kaisipan at pagkamulat ng mamamayan. Nagsilbing sandata ang mga pahayagan na pumukaw ng inspirasyon sa mga rebolusyonaryo na ipinaglaban ang kanilang kasarinlan. 

Isa ang Manila Times sa mga unang nagtaguyod ng peryodiko ng bansa gamit ang pamamahayag sa Ingles, kung saan naging pinakamalaking pahayagan ito pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. 

Subalit nang ipatupad ang Batas Militar sa Pilipinas noong 1972, ipinatigil ang operasyon ng pahayagan na nagresulta sa sapilitang pagtahimik ng malayang midya. 

Nawalan ng boses ang masa sa pagsapit ng diktadura. Nang makamtan ng Pilipinas ang demokrasya, muling itinuloy ang paglilimbag ng mga pahayagan noong taong 1986. 

Kung kaya’t sa ulat ni Krixia Subingsubing, isang mamamahayag mula sa Inquirer noong 2022, ipinahayag niya na mula noon ay mainstream media na ang nanatiling pangunahing pinagmumulan ng impormasyon ng publiko. 

"Nakabukod sila sa mga partikular na komunidad, at ang kanilang nilalaman ay ibinabahagi lamang ng parehong mga madla," saad niya sa artikulo.

Kilala ang mainstream media bilang tradisyonal na midya na pinamumunuan ng malalaking organisasyon. Isa ito sa tagapaghatid ng impormasyon sa madla sa pamamagitan ng iba't ibang midyum. Buhat nito, hinuhubog ng midyang pangmadla ang pampublikong opinyon.

Ngunit sa kalauna’y naging plataporma ito ng paghikayat sa pansariling ambisyon, lalo na sa mundo ng mga politiko at social media influencers

Kabilang sa halimbawa nito ang paggamit ng dating pangulo na si Rodrigo Duterte sa mainstream media bilang instrumento ng paghihikayat sa kaniyang politikal na ambisyon. Nagsimula ito sa kaniyang administrasyon na umiral mula 2016 hanggang 2022. 

Kasagsagan ng kaniyang termino nang mabawi ang prangkisa ng ABS-CBN at masampahan ng mga kasong cyber libel at tax evasion ang Rappler upang parusahan ang mga kritikal na organisasyon ng midya. Ito ang mga naging epekto ng kaniyang taktika upang gawing tagapagsilbi sa interes ng pamahalaan ang mga mamamahayag.

Sa artikulo ni Anthony Divinagracia, isang mamamahayag ng Kyoto Review of Southeast Asia noong 2020, isinaad niya ang “Trimmed” media co-optation toolbox—ang ekonomikong taktika ng administrasyong Duterte upang pahinain ang kritikal na perspektibo ng mainstream media. 

Tinalakay rin nito ang pagpapalakas ng illiberal democracy na kung saa’y pinapaguho nito ang kalayaan sa pamamahayag. Kasabayan din nito ang paggamit ng social media bilang kasangkapan sa pagpapalaganap ng propaganda at sa pagpapahina sa kredibilidad ng mainstream media.

“May tungkulin pa rin ang mga mamamahayag na ipaalala sa pangulo ang kaniyang mga pagkakamali. Subalit si Duterte, na bilang pangulo, ay may sapat na kapangyarihang ‘diktahan’ ang mga balita. Sa katunayan, siya mismo ang nagsisilbing ‘tagapagtangkilik’ ng sariling publisidad,” tugon niya sa artikulo.

Bunsod nito, naging kahinaan na ng mainstream media ang paghahatid ng impormasyon sa publiko dahil sa makabagong impluwensiyang pinanghahawakan ng mga nasa puwestong makapangyarihan. 

Ayon pa sa artikulo na isinulat ni DKmm Watanabe, isang propesor, full-stack web developer, at mamamahayag mula sa Nipino noong 2024, naging isang malaking pagbabago sa Pilipinas ang introduksiyon ng social media. Naging lunsaran ito ng pampublikong opinyon at espasyo ng diskurso.

“Sa pamamagitan ng pabago-bagong ugnayan ng mga boses at ideya, patuloy na binabago ng social media sa Pilipinas ang mga naratibo, hinahamon ang mga nakasanayan na, at pinalalakas ang mga komunidad tungo sa mas ingklusibo at impormadong lipunan,” pahiwatig niya sa artikulo. 

Mabilis na daluyan ng impormasyon ang social media. Ngunit kadalasan, naglalaman ito ng mga hindi beripikadong pahayag mula sa iba’t ibang anggulo ng plataporma nito. Halimbawa nito ang Facebook, Twitter, at Tiktok, na mga naging pangunahing sanggunian ng madla dahil sa maikling daloy ng pamamahayag nito, kung kaya’t mas marami ang napupukaw na paniwalaan ito.

Hindi tulad sa sistema ng mainstream media, ito ay walang etikal at propesyonal na pamantayan sa pamamahayag. Dagdag pa rito, naging hamon din sa mainstream media ang bilis ng sistema ng pagbabalita sa social media kung kaya’t napangungunahan nito ang beripikadong impormasyon mula sa tradisyonal na midya. 

Napilitan itong maging mas bukas, digital, at mas aktibo sa pakikipag-ugnayan sa publiko upang mapanatili ang kredibilidad ng isang pamamahayag.

Sa panahon ngayon, maaaring nangingibabaw ang mainstream media sa pagbabalita, ngunit hindi nito kayang palitan ang diwang isinusulong ng alternatibong midya.

Mag-ulat ay ‘di biro, tahimik ang nakaupo

Lunod man kung minsan ang ilang midya sa alon ng interes at takot, nariyan ang isang sektor na patuloy pa ring sumusulat laban sa agos ng katahimikan—ang campus press.

Dito, hindi lamang pag-uulat ukol sa mga usapin at pangyayari sa paaralan ang ipinahahayag, kung hindi kamalayan, paninindigan, at pag-asa. Nakapaloob din dito ang mga hinaing na nilulunod ng mga makapangyarihan, at katotohanang pilit na binubura kapalit ng paspasang pagbabalita.

Naging sandigan na ng mga kabataang may paninindigan ang pamahayagang pangkampus mula pa noong panahon ng pananakop ng mga Amerikano.

Lumitaw na hindi man malaya ang bansa sa kamay ng mga banyaga, naitala pa rin na nasa bilang ng 30 mula sa 106 na mataas na paaralan ang may sariling campus newspaper.

Tumibay lalo ang tradisyon ng pamahayagang pangkampus nang maitatag ang College Editors Guild of the Philippines (CEGP) noong 1931. Layunin nitong pagtibayin ang pagkakaisa ng mga estudyanteng mamamahayag at igiit ang kalayaan sa pamamahayag sa loob ng mga paaralan. 

Kasunod nito, tahasang nasubok ang campus press nang mapasailalim ang bansa sa Batas Militar. Maraming publikasyon ang ipinasara ng pamahalaan dahil sa kanilang mga kritikal na artikulo laban sa diktadura.

Kabilang sa mga ipinasara noon ang FEU Advocate na naglathala ng mga artikulong pumupuna sa katiwalian at pang-aabuso ng rehimeng Marcos.

Gayunpaman, ipinagpatuloy ng mga kabataan ang pagiging liwanag sa dilim, ipinakikita na sa bawat pagtatangkang busalan ang katotohanan, may mga kamay pa ring patuloy na sumusulat para sa bayan.

Sa kaliwa’t kanang red-tagging at mga pekeng balita na kumakalat sa social media, nananatiling ilaw sa dilim at ingay sa gitna ng katahimikan ang pamahayagang pangkampus.

Patuloy na humahawak ng panulat ang mga kabataang mamamahayag bilang kanilang sandata—hindi man metal tulad ng espada, ngunit kasingtalim ng rebolusyon at armas para sa makabuluhang pakikibaka.

Sa ilalim ng tanikala

Subalit sa likod ng kanilang tapang, nananatili ang pangamba na dulot ng kakulangan sa proteksiyon.

Bagaman may batas ukol sa kalayaan ng campus press, iniulat ng national spokesperson ng CEGP na si Brell Lacerna na umaabot sa 206 ang bilang ng kasong paglabag sa kalayaan sa pamamahayag sa loob ng paaralan mula 2023 hanggang 2024.

“Hindi sapat, luma, at tila wala nang pag-asang batas ang Campus Journalism Act of 1991, dahil pinapayagan nitong hindi obligahin ang pangongolekta ng publication fees, at hindi rin nito iniaatas sa lahat ng kolehiyo at unibersidad sa Pilipinas na magtatag ng mga pamahayagang pangkampus,” pahayag nito.

Kaugnay nito, ibinunyag ng Reporters Without Borders noong 2024 na isa sa pinakamalalaking hamon sa kalayaan ng pamamahayag sa Pilipinas ay ang impluwensiya ng mga interes na pampolitika at pangnegosyo.

Sa katunayan, naglakas-loob ang An Lantawan, ang pamahayagang pangkampus ng Leyte Normal University, na manindigan para sa kalayaan sa pamamahayag matapos silang kasuhan ng cyber libel noong 2023.

Isinisiwalat nito na kahit sa loob ng akademya, nananatiling delikado ang pagsasabi ng totoo. Subalit sa kabila ng takot, kinilala pa rin sila bilang Campus Press of the Year noong 2024 dahil sa kanilang tapang at integridad.

Kung kaya’t ayon kay Troy Ortega, punong patnugot ng An Lantawan, ang tunay na diwa ng pamamahayag ay hindi nasusukat sa mga medalya o parangal—ito ay sa patuloy na paghahanap at pagpapahayag ng mga kuwentong may saysay sa lipunan. 

“Higit pa sa mga medalya at parangal ang tunay na diwa ng pamamahayag. Nawa’y magsilbing paalala ang RTSPC [Regional Tertiary Schools Press Conference] ngayong taon sa mga kabataang mamamahayag—na patuloy nilang hanapin, pakinggan, at ipahayag ang mga kuwentong dapat marinig ng lipunan,” aniya.

Pinatunayan ng An Lantawan na ang lakas ng loob ay hindi nasusukat sa edad, sapagkat tunay na katapangan ang patuloy na pagtindig laban sa sistemang kumikitil sa boses ng katwiran.

Samakatwid, hindi lamang nagsisilbing tagapag-ulat ng mga “school event” ang pamahayagang pangkampus. 

Mula sa kanilang pakikibaka sa loob ng pamantasan hanggang sa kanilang pakikilahok sa lipunan, saklaw nito ang kabuoang realidad ng mga estudyante.

Ngunit sa kabila ng kani-kanilang kahinaan at kalakasan, hindi maikakailang nagmumula sa alternatibong midya ang tinig na malaya sa dikta ng kapangyarihan kaya naman nararapat lamang na bigyang-pansin ang papel na kanilang ginagampanan.

Dahil sa pamahayagang pangkampus, bawat pahayag ay paninindigan, bawat balita ay laban para sa hustisya. Hindi nananahimik sa pandaraya, sa baluktot na impormasyon, at sa mga puwersang kumukubli sa katotohanan.

Ngunit sa halip na tanungin kung kaninong tinig ang dapat pakinggan, mas makabuluhang itanong kung paano natin mapalalakas ang iba’t ibang tinig upang mas maging buo ang larawan ng katotohanan.

Kung pagninilayan, sadyang hindi sapat ang simpleng pag-uulat ng mga pangyayari, sapagkat ang tunay na tungkulin ng pamamahayag ay ang ipaglaban at ipagtanggol ang totoo laban sa mga puwersang naghahangad na ito’y baluktutin o tuluyang patahimikin. 

Sa pamamagitan ng campus press, muling nabubuhay ang tunay na diwa ng malayang pamamahayag: ang balita ay hindi lang basta datos, kung hindi panawagan; ang editoryal ay hindi lamang opinyon, kung hindi tinig ng paninindigan—sigaw ng mga kabataang hindi kailanman tatahimik hangga’t may dapat ipaglaban.

(Latag ni Armina Juliana Guerrero/FEU Advocate)