
Tick Tock
- January 13, 2025 19:45
FEU Advocate
April 18, 2025 20:15
Ni Eryl Cabiles
Kamatayan ang hangganan hindi lamang ng hininga ng katawan, kung ‘di pati ng diwa ng pagkatao sa lupa. At para sa iba, hustisya ang dala ng kamatayang ito.
Sinasabi ng Katolisismo na pagtubos sa kasalanan ng sanlibutan ang pagkamatay ni Hesukristo. Bilang Anak ng Ama, inialay niya ang kaniyang buhay kapalit ng kaligtasan ng sangkatauhan.
Kaya’t nagpapasalamat ang mga deboto sa pagkamatay ni Kristo. Sinisimbolo ng kaniyang dugo ang pagpapatawad sa mga nagkasalang nilalang sa mata ng Diyos—ang Siyang nagdidikta ng kasamaang itinutubos sa sakripisyo ng Banal na Anak.
Sa ganitong pagpapakahulugan tinitingnan ng marami ang araw na ito. May namatay dahil may kailangang iligtas. Ipinagpapakumbaba ito ng lahat ng Kaniyang iniligtas; ipinagpapasalamat sa pagpapatawad ng kani-kanilang kasalanan.
Ganito ang pag-iisip ng huwad na panginoon ng mga debotong Pilipino—hindi kay Hesukristo kung ‘di sa isang presidente.
Taglay niya ang lahat ng katangian ng isang Diyos; maliban sa kabutihan. Isa siyang banal na demonyo, santong diyablo.
Sa kaniyang sariling ‘kaharian’ na tinatawag ng marami na Malacañang, kailangang may mamatay upang mayroong mailigtas. Kailangang pumatay upang magkaroon ng seguridad.
Sa pamumuno niya bilang ‘banal-banalang’ diyos, hindi likas ang rason ng kamatayan ng isang nilalang kung ‘di nililikha ng isang polisiya. Hindi ito basta dumarating, ito’y pinipili. Pinipili ng panginoong ito ang pumatay ayon sa kaniyang interes, at ang mga pinapatay ay itinuturing na hudyat ng kapayapaan.
Kapayapaan bunsod ng katahimikan.
Bagama’t tao ang kaniyang imahe, naghangad siyang maging isang diyos, katulad ng Ama ni Hesus. Siya ang nagdikta ng hangganan at wakas ng mga buhay na kaniyang ipinapaslang. At siya ang ‘tatay’ na maghahatid nito sa kaniyang mga anak.
Para sa kaniya, at sa mga nananalig sa katulad niya, ito ang mukha ng hustisya.
Sa paningin ng kaniyang gobyerno, walang halaga ang mga pinapaslang. Wala silang kahulugan maliban sa pagiging numero sa isang listahan ng mga inilibing o itinapon sa kung saan, tantos na idinadagdag sa ulat ng pulisya, isang paalala sa publiko na ganito ang bagong kaayusan: patayin ang dapat patayin, linisin ang dapat linisin.
Ano nga ba ang ibig sabihin ng kamatayan? Kapareho ba ito ng sinapit ni Kristo, ang banal na sakripisyo para sa sanlibutan, mula sa kamay ng mga takot sa oposisyon? O ang kamatayan ay dikta ng kapangyarihan—kung sino ang walang laban ay ang siyang buhay na mawawakasan?
Kailan magiging makatwiran ang kamatayan? Kailan nagiging simbolo ng hustisya ang pagdanak ng dugo? Kaninong dugo ang maaaring hiranging banal? Dahil para sa mga namatay, hindi ito kailanman maituturing na kaginhawaan.
At kung makapagsasalita lang ang kaluluwa, hindi ni Hesus kung ‘di ng mga katulad niyang pinatay bunsod ng inhustisya, isisigaw nito ang hinagpis ng kawalang-katarungan.
Iisa ang mensahe na kanilang ipinababatid sa nauupos nilang bulong kaharap ng nagliliyab na tarangkahan ng langit at lupa: walang hustisya sa marahas na kamatayan. Hindi ito banal. Bulong nila, hindi ito kailanman magiging sanhi ng kapayapaan.