12th Musica FEUropa hosts first-ever virtual 'non-competitive' choral fest
- May 14, 2021 06:56
FEU Advocate
December 20, 2024 18:28
Yumayakap sa ating balat ang malamig na simoy ng hangin,
Tahimik ang lahat at ang dinig lamang ay ang mga panalangin.
Tanging kalansing ng kalis ang pumupuno sa sagradong misa,
At ang amoy ng kandila ay tila paanyaya na ngayo’y maging mahina.
Kada taon nating pagsubok sa tadhana’y hindi mawala ang pangamba,
Sa kung ano ang maaaring sabihin, kung sakaling malaman nila.
Ngunit hinawakan mo ang aking kamay—dulot ay pagkalma
At kahit sa ating katahimika’y ramdam ko ang iyong mga salita:
Huwag pansinin ang kanilang titig at makinig lamang sa homiliya;
Ngayong araw ay hindi para itanggi ang init na makapiling ka.
Ngayong ikasiyam na araw ng simbang gabi, ang mga parol ay sisindi—
At mapupuno ang mundo ng ngiti ngayong ikaw ay aking katabi.
Kaya kahit hindi ako relihiyoso ay patuloy akong mananampalataya—
Kahit pa ito ay tawagin nilang huwad na pamamanata.
Bawat taon ay mas humihigpit ang kapit natin sa ating hiling,
Pupukawin ng ating debosyon ang puso nilang nahihimbing.
Taon-taon kitang sasamahang lumuhod sa Poong Maylikha,
Dahil alam kong dito ay makakasama kita sa banal na Eukaristiya.
Papawiin ng Ama Namin ang pag-aasam nating maghawak-kamay, sinta.
Dadamhin natin ang init ng palad, lingid sa kanilang lantad na panghuhusga.
- Sean Clifford M. Malinao
(Dibuho ni Abilene Reglos/FEU Advocate)