Red-tagging sa mga estudyante, laganap pa rin—Tam activists

FEU Advocate
August 20, 2024 10:00


Iginiit ng mga aktibistang estudyante mula sa Far Eastern University (FEU) na patuloy ang banta ng red-tagging sa demokratikong karapatan at kalayaan ng mga mag-aaral, matapos ang Senate hearing ni Senador Bato Dela Rosa ng P.S. Resolution No. 863 o Continuous Radicalization and Recruitment of Students to Local Communist Terrorist Groups noong ikaanim ng Agosto. 

Sa isinagawang pagdinig ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs, pinaratangan ni Bato na umano’y may isinasagawang mga “recruitment activity ng communist-terrorist groups” sa ilang mga pamantasan.

Patuloy na banta

Sa panayam ng FEU Advocate, isinalaysay ng coordinator ng Anakbayan (AB) - FEU na si Joanne Pagkaliwangan na nakatatanggap ang grupo niya ng pananakot mula sa kapulisan kapag pumupunta sa mga komunidad ng batayang masa.

“Naka[ra]ranas kami ng intimidasyon mula sa kapulisan at palaging binabanggit ang mga katagang kami ay ‘legal fronts ng NPA (New People's Army).’ Delikado ang mga paratang na ito dahil libo-libo na ang napatay dahil sa panre-red-tag ng estado,” aniya.

Ayon sa ulat ng Human Rights Foundation, ipinanumbalik at pinaigting ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang red-tagging laban sa mga kritiko ng gobyerno. Nakapagtala ang pundasyon ng 801 political prisoners at 442 na biktima ng extrajudicial killings sa pagtatapos ng termino nito, kung saan ang karamihan ay biktima ng red-tagging.

Matatandaang inaresto si Pagkaliwangan kasama ang mag-aaral ng University of the Philippines (UP) - Diliman na si Gabriel Magtibay noong nakaraang taon sa isang kilos-protesta kontra Balikatan Exercises.

“Bago pa naman kami makapasok sa selda ay panay red-tagging na ang ginawa sa amin ng kapulisan at kahit sa loob ay patuloy kaming sinisigawan na ‘wag kalabanin ang gobyerno at magpokus na lang kesyo sa pag-aaral at [napagsabihan pa ng] mga red-tagging remarks,” ika ni Pagkaliwangan. 

Samantala, idinagdag ng General Secretary ng AB National at isa sa mga nagtatag ng AB - FEU na si Alicia Lucena na isa ang red-tagging sa mga dahilan sa kanyang pag-drop-out sa pag-aaral noong siya ay nasa ika-11 baitang sa FEU High School.

“Dahil naging active kami sa pag-iikot at pangangampanya sa loob at labas ng eskwelahan, pinagbabantaan kami ng Disciplinary Office na isu-suspend o ie-expel kami,” pagbabahagi nito.

Pinadalhan sila ng repressive waivers kasabay ng ilang beses na pagpapatawag sa kanilang mga magulang. Ayon kay Lucena,nakatanggap din sila ng pananakot at panre-red-tag mula sa mga disciplinary officer.

Naging ulo ng balita noong 2019 ang pagsampa ng kasong kidnapping at reklamong war crimes ng kanyang inang si Relissa Lucena laban sa mga kasamahan ni Alicia. 

Subalit, karamihan sa mga ito ay ibinasura ng Assistant State Prosecutor na si Noel Antay Jr. dahil sa kakulangan ng ebidensya.

Idinagdag naman ng Chairperson ng Kabataan Partylist (KPL) FEU na si Maya Ferrer na ginagamit ng estado ang red-tagging upang gipitin ang mga makademokratikong karapatang magmobilisa at mag-organisa. 

Even pagiging kritikal dine-demonize siya dahil nga ine-equate ‘yung struggle ng mga mass organization sa armed movement when in reality different  sila at ‘di sila linked at all (Kahit pagiging kritikal ay minamasama dahil itinutumbas ‘yung kahirapan ng mga pang-masang organisasyon sa armadong pakikibaka pero ang katotohanan ay magkaiba sila at ‘di konektado),” giit nito. 

Binanggit din ng KPL FEU chairperson na sa kabila ng pagkilala ng Korte Suprema ng red-tagging bilang banta sa “buhay, kalayaan, o seguridad,” patuloy pa rin ang marahas na paggamit nito ng estado laban sa mga progresibong kabataan.

Pinapahintulutan din ng Mandatory Reserve Officers’ Training Corps ang panghihimasok ng mga puwersang militar sa mga komunidad at pamantasan ayon sa AB National secretary general.

Panganib sa karapatang estudyante

Dagdag pa rito, idiniin ng Chairperson ng League of Filipino Students (LFS) - Morayta na si Lavigne Araque na isang anyo ng pag-atake sa karapatang estudyante ang naging Senate hearing ni Bato.

“Ito ay direktang atake sa ating karapatan at kalayaan bilang mga kabataan sa paaralan. Lubos lamang nitong jinu-justify (binibigyang-katwiran) ang paglala ng mga atake laban sa mga lider-estudyante at mga kabataang aktibista,” saad nito. 

Sa parehong sesyon, nagbigay ang Philippine National Police ng listahan ng mga paaralang may pinakamaraming aktibidad ng recruitment ng Communist Party of the Philippines-NPA. Kabilang dito ang Putian National High School sa Capiz, UP Diliman, Polytechnic University of the Philippines Manila, UP Manila, at UP Tacloban.

Hinimok ni Dela Rosa ang mga guidance counselor ng mga pamantasan na i-profile ang mga estudyanteng “matatalino, mahihiyain, at magagalitin” dahil sila raw ang madaling makalap ng NPA. 

Dahil dito, kinontra ni Pagkaliwangan ang hamon ng senador na i-target ang mga mag-aaral dahil aniya’y hindi maisusulong ang tunay na makamasang pagbabago kung hindi kritikal ang mga estudyante sa sitwasyon ng lipunan.

“Pinapamukha lang ni Bato na ang ideal (ideyal) na estudyante ay subservient (sunud-sunuran) lamang sa awtoridad,” diin nito.

Aktibismo sa demokratikong lipunan

Inilahad naman ng coordinator ng AB - FEU na sa pakikibaka ng mga mamamayan ang naging daan sa pagkamit ng mga ‘bare minimum’ na karapatang pantao gaya ng 8-hour work day, pagtakda ng minimum wage ng pamahalaan, universal suffrage, at student organizations.

Inihayag din ni Lucena na nauudyok ang mga mag-aaral na makibaka kasama ng masa dahil sa pagkakaugnay ng mga pinaglalaban nito sa iba pang mga isyung panlipunan kagaya ng pagtaas ng matrikula, implasyon, at jeepney phaseout.

Salungat nito, isinaad ni Dela Rosa na “naloloko lamang” ang mga taong sumasali sa armadong pakikibaka.

Samantala, nanawagan ang mga kinatawan ng iba’t ibang grupong pangkabataan na panagutin ang dating pangulong Duterte sa mga krimen nito at singilin si Bato sa pagyurak sa mga karapatan ng kabataan. 

“Manawagan ng hustisya para sa libo-libong buhay na nawala,” dagdag ni Pagkaliwangan.

Binigyaang-diin ng mga lider-estudyante ang pagbasura ng Anti-Terror Law at pagbubuwag ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) dahil anila’y hinahadlangan lamang ng mga ito ang karapatan ng mga mag-aaral sa freedom of speech.

Hamon nila sa iba pang mga pambansang demokratikong organisasyon na ipagpatuloy ang pakikibaka upang kundenahin ang mga represibong batas at para sa tunay na kalayaan ng mamamayang Pilipino.

Matapos ang dalawang araw na hearing, sumali ang Chairman ng Commission on Higher Education na si Prospero De Vera sa NTF-ELCAC bilang tagapamahala ng diseminasyon ng impormasyon sa mga paaralan noong ikawalo ng Agosto.

- Kasharelle Javier
(Kuha ni Ralph Mari Castro/FEU Advocate)