FEU CAPO launches webinar series 'PEP Talk'
- June 07, 2020 09:40
FEU Advocate
August 28, 2023 10:03
Nina Brit Charles V. Quevedo at Nichola Gayle D. Manguerra
Sa patuloy na pagbuhos ng malamig na ulan, tila’y naging tema na ng buhay ng bawat Tamaraws ang kantang ‘Raining in Manila’ ng Lola Amour. Kahit malamig ang panahon, hindi ito hadlang para sa kahit na sino na magkaroon ng pampalipas oras habang inaantay ang banaag ng araw.
Sa bagong edisyon ng #TAMBuzz, narito ang pitong bagay na maaaring gawing pampalipas oras, umulan man o umaraw, habang nananatiling ligtas at tuyo sa loob ng tahanan.
Wala nang mas sasarap pa sa pakiramdam na nakabalot sa kumot habang nagbabasa ng magandang libro. Sa bawat patak ng ulan, tiyak na pinapaganda nito ang karanasan sa pagbabasa.
Para kay Dan Jose Cuden, isang second-year Medical Technology student, pinipili niya na magbasa bilang pampalipas oras sa tuwing bumubuhos ang ulan.
“Personally, I like reading books since reading books help me to expand my vocabulary po. And also to know other perspective from other authors since I am a writer also (Para sa akin, mahilig akong magbasa ng mga libro dahil ito ay nakatutulong sa akin upang mapalawak ang aking bokabularyo. At para malaman din ang ibang perspektibo mula sa ibang awtor dahil ako ay isang manunulat),” paliwanag ni Cuden.
Inirerekomenda naman ni Cuden ang The Song of Achilles ni Madeline Miller para sa mga naghahanap ng librong pwede pang mapagkaabalahan.
Isa sa mga paboritong pinagmumulan ng kasiyahan ng nakararami ang panonood ng pelikula sa sinehan. Ngunit para sa mga ayaw naman lumusob sa baha dala ng ulan, maaari nang makanood sa ating devices, habang nasa silid o sariling kama.
Kabilang na rito si Margarette Macatangay, isang second-year BS Accountancy student na sinabing kinakailangan niya ang oras na iyon upang mapanood niyang muli ang mga nais niyang pelikula.
Ibinahagi ni Macatangay na ang panonood ng pelikula ay kaniyang libangan dahil sa bigat ng mga gawain sa eskwelahan.
“Currently kasi, ang nire-rewatch ko ay ang High School Musical na movies. If want ng iba d’yan na ma-relive ang childhood nila, if part ang HSM nito, maganda s’yang i-rewatch,” dagdag ni Macatangay.
Para naman sa mga hindi mahilig sa mga karaniwang palabas na patok ngayon sa mga Gen Z, napakarami nang pagpipiliang mga pelikula at genre—mula sa horror, comedy, hanggang sa mga sarswelang musikal, o hindi kaya’y produksyon ng teatro.
Tunay ngang nakabibighani ang itsura ng kahit anumang bagay sa loob ng isang larawan. Kaya naman para sa second-year BS Nursing student na si Davonn Ashley Asuncion, ang pagkuha ng litrato ay isang libangang hindi na mawawala sa kanya kahit bumuhos man ang malakas na ulan.
"Everytime na unfavorable ‘yung weather, I still love taking photographs as my hobby and past time… the first thing I do is I want to take IG [Instagram] worthy photos (Tuwing hindi pumapabor ‘yung panahon, gustong-gusto ko pa rin ang pagkuha ng mga litrato bilang aking libangan at pampalipas oras…ang unang bagay na gagawin ko ay ang pagkuha ng IG [Instagram] worthy na litrato)," siyasat ni Asuncion.
Ilan sa mga suhestiyon ni Asuncion ng paksang pwedeng kuhanan ng litrato tuwing panahon ng tag-ulan ay ang langit at ang ganda ng lansangan na pinaaaliwalas ng mga poste ng ilaw sa tabing bangketa.
Tuluyang naimpluwensiyahan si Sean Hope Namuco, isang estudyante mula sa kursong BS Nursing na kinahiligan ang pagluluto dahil sa angking gilas ng kanyang pamilya sa kusina.
Sa kabila ng makulimlim na panahon, hindi ito naging balakid sa saya na dala ng pagluluto ni Namuco kapag siya ay nasa kusina. Gamit ang ilang sangkap na mayroon sa kanilang bahay, tuluyan siyang nabibigyan ng gana na maging masaya sa kabila ng malungkot na panahon.
"'Yun 'yung comfort ko tuwing umuulan. Parang napaka-fulfilling kasi ang ganda ng weather at ‘yun ‘yung paboritong hobby ko,” sagot ni Namuco.
Sa sandamakmak na pasteleryang kaniyang niluto noong siya ay baguhan pa lamang, brownies ang kaniyang paborito. Kung kaya't ito ay isa sa mga rekomendang i-bake ni Namuco dahil ito ay madali at mabilis lamang gawin.
Sa pamamagitan ng mga likhang panitikan, garantisado rin ang pagiging produktibo sa gitna ng matinding buhos ng ulan. Isa sa mga nakapagpapatunay nito ay si Eli Carl Calma, isang BA Communication - Digital Cinema student.
Hindi lang isang kakayahan o talento, ngunit isa ring abenida ang pagsusulat upang maipahiwatig ang ating nararamdaman. Sa pagsusulat ni Calma, nagagawa niya ang mga trabaho sa kanyang organisasyong sinasalihan.
"Ang ginagawa ko kasi, since mahilig ako magsulat, gumagawa ako ng mga written works. Nagj-journal ako, para masanay ko ‘yung writing skills ko, nagsusulat ng mga script, mga ganun, mga kwento," paliwanag niya.
Ilan sa mga halimbawa ng literaturang posibleng gawin ay ang talaarawan, tulang malayang taludturan, at nobela.
Isa sa laging kapares ng kawalan ng oras para sa sarili ay ang kaguluhan ng gamit. Sa kabila nito, ang pag-oorganisa gamit ay isa pa sa mga maaaring pagtuunan ng oras tuwing tag-ulan.
Para kay Marielle Briones, isang first-year BS Nursing student, mas masayang maglinis tuwing tag-ulan. Ayon sa kanya, mula sa pag-aayos ng damitan hanggang sa paglilinis ng mga kalat, nakagagaan ito ng pakiramdam lalo na kapag nakararanas ng matinding pagod o stress.
“Parang therapeutic siya or comforting. Also to become productive sa times na alam mo sa sariling nakakatamad talaga parang big achievement kasi siya kahit simpleng paglilinis lang,” sambit ni Briones.
Kadalasang isinasantabi ang paglilinis dahil ang oras na kinakailangan ilagay sa paggawa nito ay napakahaba. Ngunit tuwing tag-ulan at nangangalailan ng pampalipas oras, ang pag-aayos ng gamit ay isang produktibong paraan upang maghintay sa pagtila ng patak ng ulan.
Nakagagaan sa pakiramdam ang pag-iyak habang dinadama ang lamig ng panahon. Dahil tuwing tag-ulan, mas pinipili ng karamihan na manatili sa loob ng kanilang tahanan at ang emosyon na lamang natin ay madaling mapukaw ng wala sa oras.
Para kay Abigail Del Mundo, isang fourth-year BSBA Marketing Management student, magandang oportunidad ang tag-ulan para siya ay makapagmuni-muni.
“Usually pag umuulan, natitigil ‘yung mga plans natin so parang it gives us a pause to either self-reflect or mentally checking on yourself,” ani Del Mundo.
Dahil na rin sa lakas ng loob na kinakailangan sa paglalabas ng mabigat na damdamin, nararapat lang ang mahabang pahinga o tulog na kaakibat nito pagkatapos.
Sa kabila ng mga pagsubok na dala ng tag-ulan tulad ng basang damit at sapatos, ‘di maitatagong kalungkutan, o mga kanseladong plano—napakarami pa ring mga bagay ang pwedeng pagkaabalahan. Sa ilalim man ito ng bubong, silong ng payong, lilim ng tolda—saan mang sulok ng mundo!