Pula ang kulay ng simula at wakas

FEU Advocate
March 25, 2025 18:30


Nina Sean Clifford Malinao at Dianne Rosales

Ang rosas ay sagisag ng pagmamahal at matinding damdamin—dalawang bagay na sumasalamin sa wagas na pag-iibigan nina Billy at Nena. Ngunit sa kabila ng marikit nitong mga talulot ay tahimik na nagbabantay ang matutulis na tinik; isang tanda ng malaking panganib na nakaamba sa kapalaran ng magkasintahan, habang ang matingkad nitong kulay ay tulad ng dugong dadaloy sa makapal na niyebeng bumabalot sa Europa.

Tampok sa pinakabagong pagtatanghal ng Far Eastern University (FEU) Theater Guild na ‘Niyebe’ ang kuwento ng pag-iibigang nais higitan ang itinakdang promesa sa langit.

Anim na araw na pangungulila

Hindi ipinagkait ng dula ang katotohanan na ang pag-iibigan nina Billy at Nena ay sadyang maikli—hindi rin nito itinanggi na ang kaakibat nitong pighati ay mag-iiwan ng bakas at mananatili sa kaibuturan ng kanilang puso.

Sadyang ganoon nga siguro ang pagmamahal na maagang namaalam; katulad ng pabangong said ngunit may kaunti pa, na kapag ginamit mo ay maaamoy ang panghihinayang.

Mahusay na inilahad ng dula ang prosesong pinagdaraanan ng isang taong nagdadalamhati, ipinakita nito na ang pagharap sa kasawian ay hindi laging tuwiran. Dinala tayo ng mga pangunahing tauhan sa isang malubak na daang tila pilit hinihila ang ating paa pabalik sa umpisa kada nagtatangkang umusad.

Paano nga ba natin hahawakan ang sandali kung marahas itong hinahablot ng tadhana?

Tila walang naging hangganan ang anim na araw na paghihintay ni Billy—anim na araw na paghawak sa katiting na pag-asang sumilay ang kung sino mang nasa itaas na siyang magbibigay-milagro.

Anim na araw kung saan ang bawat segundong lumilipas ay isang dagok na mahirap lampasan ng pusong hindi handang bumitaw.

Galit ang naging sandata ni Billy sa mga araw ng walang kasiguraduhang paghihintay sa esposa—galit sa ospital, sa doktor, sa mundo na tila sila ay pinaglalaruan. Galit sa mga pangyayaring hindi niya mahawakan at sa kaniyang kawalang-kakayahang baliktarin kung ano man ang nakasulat sa langit.

Ngunit, anumang balot ng poot sa kaniyang puso, anong laban ang mayroon si Billy sa kamay ng tadhana?

Mitsa ng trahedya

Malinaw na ipinakita ng pagsasadula ang matiyagang paghihintay ni Billy na manumbalik sa kamalayan ang asawang si Nena, sa kabila ng kawalang-katiyakan at mga umiiral na pangamba; mula sa burukrasyang sistema na hindi kayang gapiin, sa distansiyang hindi matawid-tawid, hanggang sa kawalan ng malasakit ng mga tao sa paligid.

Ngunit, paano niya haharapin ang puwersang hindi matatakasan o mahahawakan—ang kapangyarihang higit na mas malupit sa batas na walang mukha? Paano niya susuwayin ang kapalarang hindi kailanma’y lumalabag sa sarili nitong mga tuntunin?

Mula pagkabata, tila isang aninong sumusunod nang walang pagtakas ang kamatayan sa buhay nina Billy at Nena.

Hindi nagmamadali ngunit laging nariyan at naghihintay.

Marahan itong nagpakilala bilang trahedyang matagal nang nakaukit sa kanilang pag-iibigan. 

Hindi ito ang tinatanaw ng kanilang mga pangarap, ngunit mapagkait ang tadhanang walang pakialam sa dalisay ng kanilang pag-ibig.

Dahil hindi kailanman nagpapaliwanag ang kamatayan sa sinuman. Dumarating ito nang walang babala, minsa’y walang dahilan na mauunawaan ng mga naiwan. Walang tiyak na sagot sa mga katanungan, walang paliwanag na kayang punan ang kawalan.

Sa pagsalubong ng kanilang nakaraan at kasalukuyang pagmamahalan ay ang hinaharap na hindi nila masusulyapan. Ito’y kuwento ng saglit na kislap na marahang napawi bago pa man ito tuluyang mag-alab.

Patunay ang kuwento nina Billy at Nena na ang buhay ay isang hibla lamang sa pagitan ng kasalukuyan at ng kawalan, at sa huli, lahat ay bumabalik sa malamig na yakap ng kapalaran.

Pag-ibig sa gitna ng paglisan

Hindi naman tayo nagpapatuloy magmahal dahil lamang sa kasiyahan.

Para sa pagmamahalan nina Billy at Nena, ang pag-ibig ay naiintindihan lamang sa naratibo ng lungkot. Isinabuhay ng dula ang pinakamalupit na bahagi ng pagkawala—na ang pinakamasakit na parte ay hindi ang katotohanang may lumisan kung ‘di ang may naiwan upang manatili.

Marahas na kakapit ang mga alaala sa bawat sulok ng ating gunita at mag-iiwan ng isang hungkag na espasyo sa puso na kailanma’y hindi mapupunan pang muli.

Ngunit, kahit hinagpis ang kinahantungan ng pag-iibigan ng mag-asawa ay naipakita nito na ang tunay na pagmamahal ay nananatili kahit wala nang dahilan para manatili. Ito ay pumipili kahit wala nang pinipili. Ito ay bumabalik kahit wala nang babalikan.

At kahit sa pinakamaikling yugto, ipinaramdam nina Billy at Nena ang kapangyarihan ng pag-ibig na may kakayahang tumibay laban sa estrangherong lungsod, sa sistemang hindi sumasang-ayon, at sa itinakdang paglisan ng panahon.

Sa huli, ito rin ang nagbigay-lakas para kay Billy upang magpatuloy at mahalin ang sarili. Lubos nitong inalala si Nena hindi sa sakit ng kaniyang pagkawala, kung ‘di sa init ng pagmamahal na hindi kailanman mawawala.

Malalanta ang mga bulaklak na inialay, kukupas ang mga kinuhang litrato, at unti-unti ay hindi na maaalala ang tunog ng kaniyang halakhak, ngunit mananatili ang pag-ibig.

Ang kamatayan, bagaman ay bayolente, ay isang tiyak na katapusan. At sa pagwawakas ng dula, may pangako itong binubulong para sa mga manonood—ang promesa na ang paghihiwalay na ito ay pansamantala, at sa huli ay mabubuo muli ang kanilang pagmamahalan sa langit.

Magpapatuloy ang pagtatanghal ng dulang ‘Niyebe’ sa mga karagdagang petsa mula Abril 2 hanggang 5 sa ganap na ikasiyam ng gabi sa FEU Center for the Arts Studio, Ground Floor ng Engineering Building.

(Mga kuha ni James Neil Tamayo/FEU Advocate)