Pili(t)in mo rin ang Pilipinas

FEU Advocate
May 28, 2024 04:00


Ni Johna Faith Opinion

Mayaman sa kultura, magagandang tanawin, sa kalupaan man o sa katubigan, pati na rin sa mga tradisyon at paniniwala. Ngunit sa paglipas ng panahon, unti-unti nang nauubos ang isa sa pinakamahalagang yaman ng perlas ng silanganan, ang yamang tao.

Ano nga ba ang nag-uudyok kina Juan at Juana upang lumisan at piliing bagtasin ang landas tungo at kasama ng mga dayuhan; ano ang kinakailangan upang sila’y manatili?

Sa ritmo ng kakulangan at kawalan

Naging tanyag sa iba’t ibang hatirang pangmadla ang trend kaugnay ng kantang ‘Piliin Mo Ang Pilipinas’ ni Angeline Quinto na tumatalakay sa kultura at yamang ipinagmamalaki ng mga Pilipino at ng Pilipinas. 

Layunin ng mga bidyo sa trend na ito na bigyang pansin ang iba’t ibang dahilan kung bakit nararapat na patuloy na “piliin ang Pilipinas.”

Ngunit kasabay ng mga ito, pumapangatlo ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamataas na bilang ng migranteng nagtatrabaho sa ibang bansa; ayon ito sa pinakabagong ulat ng Statista ukol sa bilang ng mga migrante mula sa iba’t ibang nasyon. 

Ayon sa ulat na ito, humigit-kumulang 1.89 milyong Pilipino o halos dalawang porsyento ng ating populasyon ang nangingibang bansa. 

Ayon naman sa artikulo ni Cagoco-Guiam para sa Inquirer, nag-uugat ito sa kawalan ng oportunidad, hindi maayos na kondisyon ng paggawa, at ang kakulangan sa sapat na sahod. 

Sa huli, napipilitan ang mga Pilipinong punan ang mga kakulangang ito sa pamamagitan ng pagtatrabaho at paninirahan sa ibang bansa.

Panawagan ng perlas ng silanganan

Sa panayam ng FEU Advocate kay Francesca Roa, isang nursing student mula sa Makati Medical Center, nagsisilbing pangunahing motibasyon ang kakulangan sa sapat na sahod at kalagayan ng pamamahala sa bansa kung bakit mas pinipili ng mga Pilipinong mangibang bayan. 

For the work I do, I feel na mas naco-compensate ako if I work outside the country than here (Para sa trabahong ginagawa ko, nararamdaman kong mas mababayaran ako ng tama kung sa ibang bansa ako magtatrabaho kaysa rito),” paliwanag niya. 

Para naman sa architecture student mula sa Far Eastern University na si Noel II Belza, malayang paglikha ang nag-uudyok sa kanyang mas piliing magtrabaho sa ibang bansa. 

Ayon sa kanya, “mas free ‘yung outside the Philippines (mas malaya sa labas ng Pilipinas).” Dagdag pa niya, mas pinapahalagahan ang industriya ng arkitektura sa ibang bansa. 

Magkasundo namang naging panawagan ni Belza at ni Roa ang pagsasaayos ng pamamahala ng gobyerno sa Pilipinas. 

Mabibigyang solusyon ng maayos na pamamahala ang mga suliraning hinaharap ng mga mamamayan. Magkakaroon ng dahilan ang mga Pilipino na manatili rito—na hindi kinakailangang mangibang-bansa upang maghanap-buhay. 

Need natin ng good governance to make everything right (Kinakailangan natin ng mabuting pamamahala upang maisaayos ang lahat [mga isyung panlipunan]),” pahayag ni Belza. 

Sa huli, mayaman ang Pilipinas sa iba’t ibang aspeto bilang bansa–mula sa kultura, kalupaan at katubigan, pati sa tradisyon at paniniwala. Ngunit, mawawalan ng saysay ang mga ito kung ang mismong yamang-tao ng Pilipinas ay napipilitang tumalikod at piliin ang ibang bayan. 

Kung kaya’t bago ang pagpili, pilitin natin; pilitin nating maitaguyod ang mga panawagan para sa mas maayos at mas maka-Pilipinong pamamahala ng mga nasa posisyon. Pilitin nating maging bansa na nararapat para sa mga Pilipino. Sa pamamagitan nito, mabibigyan sila ng kalayaan at ng dahilan na piliin ang Pilipinas.

(Dibuho ni Alexandra Lim/FEU Advocate)