Panunupil ng rehimeng Marcos Jr. sa katubigan, patuloy—mga mangingisda

FEU Advocate
November 23, 2024 15:38


Ni Shayne Elizabeth T. Flores

Iniinda ng mga mangingisda mula sa iba’t ibang rehiyon ang mga inisiyatibang walang-tinag na nananalasa sa mga karapatan ng sektor ng pangisdaan sa ilalim ng kasalukuyang administrasyong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. 

Sa isinagawang kilos-protesta para sa ‘World Fisheries Day’ sa kahabaan ng Recto Avenue noong ika-21 ng Nobyembre, idiniin ni Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) Vice Chairperson at Makabayan senatorial candidate Ronnel Arambulo na walang dapat ipagdiwang sa gitna ng paghihirap ng mga mangingisda.

“Walang dahilan upang tayo ay mag-celebrate sapagkat patuloy na dumaranas ng matinding kahirapan ang mga mangingisda mula pa sa nagdaang administrasyon hanggang sa kasalukuyang administrasyon ni Bongbong Marcos,” aniya.

Batay sa ulat ng Philippine Statistics Authority noong 2021, ang sektor ng pangisdaan ang pinakamahirap sa bansa na may 30 porsiyentong poverty incidence. Sinundan ito ng mga magsasaka, kabataan, at mga residente sa kanayunan.

Iginiit ng PAMALAKAYA vice chairperson na dulot ito ng pagpapatupad ng mga nagdaan at kasalukuyang administrasyon ng mga polisiya at proyektong taliwas sa interes ng mga mangingisdang Pilipino.

Mga patakarang kontra-mangingisda

Isa ang Republic Act (RA) No. 8550 o Philippine Fisheries Code of 1998 sa mga naipatupad na polisiya kung saan nakapaloob ang pamamahala, pangangalaga, at pagpapaunlad sa pangisdaan ng Pilipinas. Kalaunan ay inamendya ito ng RA No. 10654 na naglalayong sugpuin ang iligal na pangingisda.

“Ang [Philippine Fisheries Code of 1998] na RA 8550 hanggang sa inamyendahan na RA 10654 [ang] lalong nagpahirap at hindi angkop ang batas na ito sa aming mga mangingisda. Pinaliit ang aming mga pook-pangisdaan. Imbes na ang zoning ay para sa mga dayuhang mangingisda na pinigilang pumasok na mangisda sa ating Philippine territory, [sila] ay pinapabayaan lang mangisda sa ating teritoryo,” saad ni TIMEK La Union-PAMALAKAYA Chairperson George Cacayuran.

Inihayag din ni Cacayuran ang kasalukuyang sitwasyon sa La Union, kung saan lumiliit ang mga pook-pangisdaan dulot ng isinasagawang zoning para sa mga proyektong walang kinalaman sa kanilang hanapbuhay.

“Meron ding mga ordinansa na inamyendahan ng munisipyo na hindi kinokonsulta sa mga talagang mangingisda. Ginagawa na lamang ito sa harap ng [mga barangay official]... Kaya ang mga ginagawang ordinansa ay nagiging aprobado kahit na walang abiso sa’ming mga mangingisda ng La Union,” dagdag nito.

Kuwento pa ni Cacuyaran, hinanap siya ng 50th Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army nang hindi isinasaad ang pakay sa kanilang tahanan sa Barangay San Manuel Norte, isang araw bago ang komemorasyon.

Humigit-kumulang 10 armadong elemento ng 50th IB rin ang namataang sakay ng KM450 Truck na dumako sa barangay hall.

Kaliwa’t kanang reklamasyon

Kinondena rin ni Arambulo ang mga malawakang proyektong reklamasyon sa iba’t ibang mga baybayin ng bansa. Dulot nito ang pagguho sa baybayin at kakulangan sa suplay ng isda, na nagbabanta sa kabuhayan mga mangingisda.

“Ang pinakamatindi na kinakaharap ngayon ng mangingisda ay ang delubyo, ang irreversible reclamation na sumisira sa ating kalikasan at pangisdaan at nagpapalayas sa mga mangingisda sa mga baybayin para bigyang-daan ang proyektong ito,” aniya.

Ayon sa Philippine Reclamation Authority, 187 ang kabuuang bilang ng mga naaprobahan at isinasagawang reclamation project sa bansa. Mayorya nito ay nasa Manila Bay, na may 22 proyekto noong 2023.

Pinuna rin ng Makabayan senatorial candidate ang kabalintunaan ng pagbibigay ng Department of Environment and National Resources ng Environmental Compliance Certificate sa mga nasabing proyekto.

“Ang lahat ng ito, ‘yung 22 reclamation project sa Manila Bay ay na-issue-han ng Department of Environment and National Resources ng Environmental Compliance Certificate. Nakakagalit dahil ang departamentong ito, bilang departamentong para sa pangangalaga ng ating kalikasan, na dapat sila nagpoprotekta sa kalikasan subalit sila pa ang nagpapahintulot sa mga proyektong ito,” ani Arambulo.

Pinangalanan naman ng mangingisda ang San Miguel Corporation at ang may-ari nitong si Ramon Ang bilang pangunahing kontribyutor ng proyektong reklamasyon.

“Kasama ‘yung 2,500, ‘yung isang project diyan sa bahagi ng Bulacan na kung saan ang dating mapayapa, maayos, maalwan na buhay ng mga mangingisda ay pinalayas ang mga kapatid nating mangingisda at nagsira sa mga mangroves na napakahalaga para protektahan sa panahon ng mga storm surge ang mga baybayin at mahalaga rin sa pag-mitigate ng climate change,” saad nito.

Kabilang din sa mga proyekto ng korporasyon ang 650 ektaryang Navotas Coastal Bay Reclamation Project, na nagdulot ng pagtanggal ng ilang tahungan ng mga mangingisda.

Samantala, nagpapatuloy ang dredging operations o paghuhukay ng San Miguel Corporation sa ilang parte ng Cavite bilang bahagi ng dump-and-fill project para sa New Manila International Airport sa Bulacan.

Alinsunod sa isinulong ni dating City Mayor Lani Revilla noong 2020, dalawang reclamation project na aabot sa 420 ektarya naman ang isasagawa sa Bacoor, Cavite na kinabibilangan ng Bacoor Reclamation and Development Project at Diamond Reclamation and Development Project. 

Ayon kay Arambulo, kasabay ng paglubog ng mga baybayin, sinisira rin ng mga proyektong reklamasyon ang kabundukan, kung saan apektado ang lahat ng Pilipino.

“Kailangan nilang magwasak ng mga bundok tulad ng nagaganap sa Bulacan para gamitin du’n sa reclamation kaya marami ngayon ang namatay din dahil sa mga landslide. Kaya itong reclamation project na ito ay hindi lamang isyu ng mga mangingisda kundi isyu din ng sambayanang Pilipino na pinapatay tayo sa iba’t ibang pamamaraan,” aniya.

Tensiyon sa WPS

Maliban sa mga isyu sa baybayin, nanalasa rin sa mga mangingisda ang okupasyon ng Tsina sa West Philippine Sea (WPS).

“Tayo ay patuloy na nakikipaglaban sa ultimo nating karapatang mangisda sa sarili nating karagatan upang sinong pakainin? Ang taumbayan, tayong lahat,” ani PAMALAKAYA-Zambales Provincial Coordinator Joey Marabe.

Noong Setyembre, 251 barko ng Tsina ang naitalang namamalagi sa WPS.

Samantala, 29 na vessels naman ng China Coast Guard at People's Liberation Army Navy Liberation ang namataang dumaan sa WPS noong Oktubre.

Ayon kay BAYAN Secretary General Mong Palatino, ang patuloy na negosasyon ni Marcos Jr. sa Estados Unidos ang nagpatitindi sa tensiyong nararanasan ng bansa.

“Paano tayo magkakaroon ng maayos na kabuhayan kung ang ginagawa ng pamahalaan ay magtayo ng mga base militar, magsagawa ng mga military exercises, at patindihin ang tensiyon dito sa ating bayan at dito sa ating rehiyon,” saad nito.

Para naman kay Arambulo, ang mga panunupil na ito ay repleksiyon ng kawalan ng plano ng Pangulo na paunlarin ang sektor ng agrikultura, taliwas sa kaniyang mga pangako.

“Napakalinaw na itong si Bongbong Marcos ay walang plano at hindi totoo ang kaniyang sinasabi na plano niya na i-angat ang kabuhayan ng mga mangingisda sa agrikultura at palakasin ang produksiyon ng ating agrikultura, dahil batay sa ating buhay na karanasan, ang kaniyang pinapatupad ay ang mga pangwasak sa kabuhayan ng mga tagapaglikha ng pagkain ng ating bansa,” giit niya.

Nito lamang ika-20 ng Nobyembre, namataan ang ilang military vessels ng Tsina na nagkukunwaring mga Coast Guard vessels at bangkang pangisda kasabay ng pagbisita ni US Defense Secretary Lloyd Austin sa Palawan.

(Kuha ni Melvin James Urubio/FEU Advocate)