Panawagan para sa susunod na tatanglaw

FEU Advocate
April 22, 2024 05:45


Mula klasrum hanggang lansangan, bitbit ng mga lider-estudyante ang boses ng mga kabataan na siyang nararapat na nangingibabaw. Mula rito, sila ang bubuo sa bagong henerasyon ng mga lider ng bansa na siyang sumasalamin sa kabuuang kalagayan ng demokrasya sa Pilipinas. 

Ngunit, hanggang saan ang kaya nilang suungin upang patuloy na itaguyod at pairalin ang demokrasya mula sa loob hanggang sa labas ng mga pamantasan?

Ningas ng kabataan

Sa mga nakalipas na taong pang-akademiko, ang mga lider-estudyante ang nangunguna sa pagbibigay-pansin at solusyon sa iba't ibang daing ng mga mag-aaral sa loob ng pamantasan. 

Sa pamamagitan ng kanilang mga programa, paghahain ng mga petisyon, at pakikibahagi sa kongreso, mas nailalapit nila sa mga kinauukulan ang iba't ibang mga isyung kinakaharap ng mga mag-aaral sa loob ng paaralan. Buhat nito, nagiging bahagi ng kanilang responsibilidad ang pagbitbit ng interes ng mga estudyante sa bawat plataporma at proyekto na kanilang binubuo.

Higit pa rito, sa pamamagitan ng pagbibigay ng plataporma para mas maiangat ang interes ng nakararami, nagiging daan ang kanilang pagiging lider-estudyante upang mas lalong pairalin ang mga pangunahing prinsipyo ng demokrasya, mula sa loob hanggang sa paglabas ng mga pamantasan. 

Ugong ng Altabos

Kritikal ang mga platapormang binubuo at ibinabahagi ng mga kandidato sa kabuuang proseso ng pagpili para sa mga botante. Dito nasusukat at nakikita ang mga suliraning nais pagtuunan, at mga adbokasiyang isinusulong ng bawat kandidato at ng kani-kanilang mga partido.

Pinaiingay ng mikropono't altabos ang mga platpormang ito sa pamamagitan ng mga talumpati, kampanya sa loob ng mga klasrum, pati na rin sa mga inoorganisang debate sa pagitan ng mga kandidato't kanilang mga partido. 

Ngunit, marapat na kaakibat ng bawat platapormang inihahain ng mga kandidato ay ang kredensyal at karanasan na kinakailangan kaugnay ng kanilang mga proyekto. Ito ang siyang magpapatibay sa kakayahan ng bawat kandidato na tunay na maisagawa ang mga nasabing plataporma. 

Kaugnay nito, nakapanayam ng FEU Advocate si Reynold Agnes, isang propesor mula sa Department of Political Science sa Far Eastern University. Ipinaliwanag niya na higit pa sa mga inihahaing plataporma ng bawat kandidato, mahalaga ring suriin ang kanilang kakayahan sa pagpapatotoo at tunay na pagsasagawa ng mga ito.

“Hindi lang plataporma [ang tinitingnan], and then ang kakayanan ng taong nagbibigay ng plataporma. So, ibig sabihin, hindi lang ‘yung program mo [ang dapat tanungin]; may kakayanan ka bang i-implement [at] i-execute [ang mga nasabing programa], ” saad ni Agnes. 

Kung kaya’t higit sa kagandahan ng mga programa’t proyekto, mahalaga ring suriin ang kakayahan ng bawat kandidato upang masiguro na ang mga platapormang kanilang inihahain ay hindi mananatiling ugong ng mikropono’t altabos.

Dahil sa huli, kung hindi nila mapaninindigan ang mga platapormang ipinapangako nila sa mga estudyante, wala silang pinagkaiba sa mga trapo ng gobyerno na hindi nagagampanan ang kanilang tungkulin.

Buhat nito ang panawagan para sa mga botanteng mag-aaral para sa kritikal na pakikibahagi sa halalang pangkampus upang maihalal ang mga lider-estudyanteng tunay na may malasakit at pagpapahalaga sa interes ng mga estudyante’t kabataan.

Sa kabilang banda, mahalaga ring bigyang pansin ang iba’t ibang mga salik na nagsisilbing hadlang para sa mga lider-estudyante upang tunay na maisakatuparan ang kanilang mga gampanin.

Kabilang na rito ang mga ulat kaugnay ng iba't ibang uri ng panunupil sa mga organisasyon ng mga mag-aaral, militarisasyon sa mga pampublikong pamantasan, pati na rin ang umiigting na red-tagging na nararanasan ng mga aktibista at lider-estudyante mula sa iba't ibang mga paaralan. Dagdag pa rito ang kabuuang kakulangan ng pondo para sa sektor ng edukasyon sa bansa dala ng tuloy-tuloy na kaltas sa kanilang badyet at alokasyon. 

Isang partikular na halimbawa ng mga ito ay tumitinding red-tagging sa mga lider-estudyante buhat na rin ng naipasang Anti-Terror Law sa bansa. Kabilang dito ang lider-estudyante at aktibista mula sa University of the Philippines Los Baños (UPLB) na si John Peter Angelo Garcia.

Isa si Garcia sa mga masigasig na tagapagtaguyod ng karapatang pantao sa loob hanggang sa paglabas ng pamantasan. Dulot nito, isa si Garcia sa mga isinasangkot kaugnay ng paglabag sa terror law bunsod ng kaugnayan umano nito sa New People's Army (NPA).  

Ang patuloy at umiigting red-tagging na nararanasan ng mga aktibista at lider-estudyante sa bansa ay tanda na kung hindi matimtimang itataguyod ang ating karapatan sa loob at labas ng pamantasan, magiging madali para sa mga kinauukulan ang panunupil sa boses at daing ng bawat mag-aaral. 

Bunsod nito, marapat na kaakibat ng ating pagsuri sa mga susunod na lider-estudyante ay ang panawagan para sa pagpapairal ng mga pangunahing prinsipyo ng demokrasya sa loob ng pamantasan. Ito ang makapagbibigay ng kakayahan sa mga lider-estudyante upang malaya at tunay na magampanan ang kanilang mga tungkulin.

Tawag ng demokrasya

Sinasalamin ng mga halalang pangkampus ang kabuuang kalagayan ng demokrasya sa bansa. Sapagkat dito hinuhubog ang mga susunod na henerasyon ng mga lider sa bansa, pati na rin ang susunod na henerasyon ng mga botanteng maghahalal sa kanila.

Kung kaya’t, ayon kay Agnes, mahalaga na sa konteksto pa lamang ng mga pamantasan ay nabibigyan na ng malayang espasyo ang mga mag-aaral upang maitaguyod ang kani-kanilang mga adbokasiya’t hangarin. 

“‘Yung accomodation na binibigay ng university sa student politics ay magandang sensyales… na university is performing its role as an agent of political socialization. Ibig sabihin, nando’n ‘yung element ng democracy na bigyan mo siya ng kalayaan, ang mga estudyante,” paliwanag pa ni Agnes.  

Para naman kay Noel II Belza, isang third-year Architecture student mula sa FEU, ang mga halalang pangkampus ang nagiging daan upang ihanda ang mga mag-aaral sa kritikal na pagkilatis sa mga kandidatong kanilang iboboto, lalo na pagdating sa konteksto ng halalang pambansa. 

“Ang purpose no’n [halalang pang-kampus] is ‘yung kumilatis ng tamang ihahalal nila doon sa student elections. Kasi do’n mate-test ‘yung kung paano ka mamili ng iboboto,” paliwanag ni Belza. 

Kaya kung madaling nalilimitahan at nasisiil ang mga lider-estudyante at ang kanilang mga plataporma, tanda ito ng karupukan ng umiiral na demokrasya sa loob ng pamantasan, pati na rin sa buong bansa. 

Mula rito, umiigting ang pangangailangan para sa patuloy na pagtataguyod ng demokrasya at kalayaan lalo na para sa mga mag-aaral.

Higit pa rito, umiigting din ang panawagan para sa mga lider-estudyanteng may kakayahan, paninidigan, at malalim na nauunawaan ang pangangailangan ng mga mag-aaral at kabataan na nais nilang pangatawanan. 

Payo ni Agnes para sa mga tumatakbong lider-estudyante ang malalim na pag-unawa sa kanilang mandato at ang paninindigan sa mga platapormang ipinangako nila sa mga mag-aaral. 

Dagdag pa niya, “[Ang] mga student leaders kailangan alam nila ‘yung basic tenets ng democracy. ‘Yung pagrespeto doon sa kagustuhan ng mga constituents nila.”

Pithaya naman ni Belza para sa mga nangangandidato na tandaan na ang pagiging lider-estudyante ay daan upang makapag-alay ng serbisyo sa mga tao at hindi para mag-ipon ng palakpak at pagkilala. 

“Tumakbo ka because you want it, because you feel like na mayroon kang mai-aambag. Hindi ‘yung tatakbo ka lang para may mai-lagay ka sa résumé, para makilala ka ng tao…” paliwanag pa niya. 

Dahil sa huli, ang mga lider-estudyante ang magsisilbing boses ng bawat mag-aaral upang mailahad ang kani-kanilang mga daing, adhikain, at hangarin tungo sa mas inklusibo at progresibong sistema ng edukasyon at demokrasya, mula sa loob hanggang sa labas ng mga pamantasan. 

Sa patuloy na pag-usbong ng iba't ibang isyung pampaaralan at panlipunan, mas umiigting ang pangangailangan para sa mga serbisyo at kapasidad na magdudulot ng pagbabago. Walang lugar sa posisyon ang mga kandidatong pansariling interes ang inuuna. Dahil sa huli, ang pag upo bilang lider-estudyante ay dapat manatiling isang responsibilidad at hindi pribilehiyo. 

Ni Johna Faith Opinion

(Dibuho ni Elysse Nicolle Duller/ FEU Advocate)