Panaghoy ng Mindoreño: Lumpong Kabuhayan sa Naghihingalong Karagatan

FEU Advocate
May 27, 2023 18:47


Buhay kung ituring ng mga Mindoreño ang karagatan. Ito ay  tila may malalim na  koneksyon sa kalamnan ng bawat taong umaasa sa yaman ng katubigan. Ito ay animo’y katawang kumikilos at nagpapagal patungo sa isang layunin—ang maipagpatuloy ang agos ng isang magaan na buhay para sa pamilya. 

Sa sitwasyong naghihikahos ang katawang tubig, paano uusad ang daloy ng pangarap na para sa pamilya?

Dumapong karamdaman sa karagatan

Binalot ng pangamba ang mga mangingisdang Mindoreño matapos lumubog noong ika-28 ng Pebrero sa bahagi ng karagatan ng Naujan, Oriental Mindoro ang Motor Tanker (MT) Princess Empress na pagmamay-ari ng RDC Reield Marine Services ni Reymundo Cabriel.

Base sa impormasyong ibinigay ng Philippine Coast Guard (PCG), lulan nito ang 800,000 litro ng industrialized fuel oil na siyang nagdulot ng pinsala sa karagatan. Naging mabilis ang pagkalat ng langis sa katubigan ng iba’t ibang bayan ng probinsya. 

Tinatayang nasa 20 katao ang laman ng MT na sila namang matagumpay na nailigtas. Problema sa makina kasabay ng masamang kondisyon ng dagat ang itinuturing na rason ng paglubog ng tanker. 

Sa sitwasyong nangyari, agarang nagpatupad ng fishing ban ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa mga piling bayan ng probinsya tulad ng Pola, Naujan at Pinamalayan. Ito ay hakbang ng ahensiya upang maproteksyunan ang kalusugan ng mga apektadong residente. 

Sa kabila ng pagkakaroon ng fishing ban sa piling mga bayan, may mga mangingisda pa rin ang nakapapalaot at nakapag-hahanapbuhay. Gayunpaman, nag-aalala pa rin ang ilang residente sa kalidad ng mga isda at pagkaing mula sa dagat. Bunsod nito, kapansin-pansin ang pagbaba ng bolyum ng mga bumibili ng produktong hango sa dagat ng probinsya. 

Ayon naman sa Kagawaran ng Turismo (DOT), naapektuhan na rin ang iba’t ibang tourist destinations sa probinsya tulad ng St. John the Baptist Marine Sanctuary, Song of the Sea Fish Sanctuary at Stella Mariz Fish Sanctuary. Nakitaan na rin ng langis sa katubigan ng ilang bayan ng Verde Island na kung saa’y nasa puso ng Verde Island Passage (VIP).

Ang VIP ay tinaguriang “Center of the Center of Marine Shore Fish Biodiversity” ng mga eksperto. Makikita rito ang tinatawag na highest concentration ng iba’t ibang uri ng isda, bahura, damong-dagat at mga bakawan kung kaya’t malaking pinsala ang inaahasan sa oras na lamunin pa ng langis ang malaking parte nito.

Malaking dagok para sa mga Mindoreño ang nangyaring oil spill lalo na at maraming sektor ang umaasa sa yaman ng karagatan. Malaki rin ang negatibong epekto nito sa turismo na siyang tumutulong sa maraming residente ng lugar. Ngunit higit sa lahat, dahil sa sakunang ito, nasa panganib ang kabuhayang pangingisda na siyang natigil magmula ng mangyari ang insidente. 

Paralisadong kabuhayan 

Hindi makagalaw ang mga mangingisdang apektado dulot ng sakit na siyang pumilay sa kanilang inaasahang katubigan. Hindi nila maipagpatuloy ang mga nakasanayang gawi tulad ng pagtatrabaho sa karagatan. Sa sitwasyong pilay ang kabuhayan, malaking palaisipan kung hanggang kailan magtitiis ang mga mga Mindoreño gayung sila ay tunay na dehado.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC), Tinatayang nasa 3 bilyon na ang lugi pagdating sa kabuuang kabuhayan ng mga apektadong mangingisda. Malaking halaga na tunay namang pumipilay sa ekonomiya ng probinsya. 

Halos 40,000 pamilya o 179,000 indibidwal sa CALABARZON, MIMAROPA, at Western Visayas ang apektado ng oil spill. Sa bilang na ito ay halos 24,000 na mangingisda ang napilitang tumigil sa paglaot.

Una nang nilinaw ng BFAR na halos 19 milyong piso ang nawawala araw-araw sa sektor ng pangingisda dulot ng oil spill. Tila sinasakal din ang mga indibidwal na nagtatrabaho sa sektor ng turismo sa bayan ng Puerto Galera sapagkat sa araw-araw ay limang milyong piso ang nawawala

Isa si Christopher Paala, kagawad ng Brgy. Estrella, Naujan, Oriental Mindoro, sa mga saksi kung gaano kahirap ang katayuan ng mga mangingisda sa lugar na nasasakupan. Aniya, talagang isang malaking kawalan sa kaniyang mga kabarangay ang idinulot ng oil spill.

“Napakalaki pong kawalan kasi po hindi po kami makapag hanapbuhay [ng] mga taga rito, [ng] mga kabarangay ko kasi ang unang-unang pinagkukunan dito ng pangangailangan ay ang mangisda, manghuli ng isda, ganon po [at] mag-laot ano po kaya malaki pong kawalan sa amin,” turan ni Paala.

Dagdag pa niya, masasabi na ang panahong ito ay panahon ng paghihinagpis sapagkat tila namatay sa kanilang presensya ang hanapbuhay na dating maasahan. Talagang bumabagabag din sa kaniya kung hanggang kailan ang delubyong gumagambala sa payapang karagatang ng Mindoro.

 “Parang tinalo pa nyan yung dating sa amin ng COVID-19 kasi kami noon sa COVID-19, nakakalaot kami, nakakapaghanapbuhay kami,” ani Paala.

Sa kabilang banda, ipinahayag naman ng 64-taong gulang na si Maria Marilyn Albufera, residente rin ng Brgy. Estrella at may asawang mangingisda ang kanyang saloobin sa nangyaring oil spill.

“Napakalaking pangangailangan namin dahil ho talagang di kayo pwedeng lumaot, hindi kayo pwedeng maghanapbuhay. Lumusong man sa tubig sa dagat, hindi po pwede. Talagang bawal na bawal,” sambit ni Albufera.

Para kay Albufera, dapat pangalagaan ang yamang dagat sapagkat ito ang pangunahing pinagkukunan at pinagmumulan ng kanilang kabuhayan. Naniniwala siya na mahalaga ang pagkakaroon ng malinis na karagatan upang masigurong malinis ang mga isdang mahuhuli, gayundin ang iba pang lamang dagat.

Masasabing hindi lang basta sakit ang dumapo sa katubigan ng Oriental Mindoro, kundi ito ay maituturing na tila isang epidemyang inaatake ang buhay at pag-asa ng mga residente sa paglipas ng mga araw. Ang nararanasang oil spill ay tila isang malubhang sakit na siyang bibitbitin ng mga Mindoreño. 

Panaghoy sa dalampasigan

Dulot ng kabuhayang napilay, walang magawa ang mga apektadong mangingisda kundi humingi ng saklolo mula sa dalampasigan. Makikita ang panlulumo ng bawat mangingisda habang tinatanaw ang karagatang dinapuan ng mapinsalang sakit. 

Sa sitwasyong nangyayari, lumalangoy sa kanilang kaisipan ang hangganan ng dinaranas na paghihirap at kung paano mararating muli ang nakalakihang pamumuhay—malayo sa nakasasakal na pagdaralita. 

Isa ang mangingisdang si Darmo Albufera mula Naujan na mahigit 60 taon nang nangingisda sa mga nakararanas ng paghihirap dulot ng oil spill. Bunsod ng pangyayaring ito, hindi makatungtong si Albufera sa kaniyang bangka upang makapaglayag at makapanghuli ng isda. 

Paglilinaw niya, malaki ang ginagampanan ng karagatan sa kanilang pamumuhay. Dahil walang bukirin na maaaring sakahin o di kaya’y palayan na maaring taniman—tanging sa dagat lamang sila umaasa upang maitawid ang pang-araw-araw at sila'y tumutungo upang mayroong magasta araw-araw.

“Kaya nakaapekto ho ay ‘di na po nakakapalaot. Wala naman ho kaming pinagkukunan lalo’t sa dagat laang ho ang aming [hanapbuhay]. Wala kaming sinasakang kahit ano man dito,” sambit ni Albufera.

Dagdag pa niya marami na ang natulungan ng karagatan. Ito ay piping saksi para sa kanilang mga tagumpay sa buhay kung kaya’t malaking dagok ang nagyaring insidente sa karagatang katuwang nila sa buhay. 

“Dahil yan po ang aming ikinabubuhay eh, dito ho kami, nanggagaling ang aming ikinabubuhay ng mga mandaragat. Sa dagat ho kinukuha yung kanilang paunti-paunting pagpapaaral. Awa ng Diyos ay may mga seaman din dito, may mga engineer,” turan ni Albufera.

Kabilang din si Herman Moreno, 70 taong gulang, sa mga residenteng patuloy na umaasang maaayos ang mapaminsalang langis na kumakalat sa karagatan sa kanilang lugar. Nilinaw niya na siya ay hindi na nakapapalaot subalit ramdam pa rin niya ang hinagpis na dinaranas ng mga kasamahang mangingisda. 

Aniya, sa kanyang karanasan bilang mangingisda, nakahuhuli sila ng mga lamang-dagat na ibinebenta upang mayroong pantustos at may makain, tatlong beses sa isang araw. 

Pero nang dumating ang pandemiya, mas pinili na lang niyang tumigil sa paglalaot dahil sa kaniyang pagkakasakit.

“Dyan lang po kami nabubuhay eh, d’yan lang kami nakuha ng aming ibibili ng mga pagkain [at] bigas. Lahat ho diyan pati yung pag-aaral ng mga apo, mga pamasahe sa pagpasok.” ani Moreno.

Sa sitwasyong paghihirap na ibinabato sa mga mangingisdang ang tanging kagustuhan lamang ay gumaan ang buhay, humihingi ng tamang aksyon mula gobyerno si Moreno; aksyon na makatutulong sa mga mangingisdang katulad niya. 

Gamot sa karamdaman

Sa karamdamang bumalot sa katawan ay lunas ang panawagan hindi lamang ng mga Mindoreño, kundi pati ng maraming Pilipino. Lunas na sa tingin ng marami ay tutulong upang maampat ang sakit na nararanasan sa karagatan.

Dalawang buwan na ang nakalilipas matapos magsimulang maramdaman ang epekto ng oil spill sa Oriental Mindoro. Hanggang ngayo'y danas pa rin ang walang kasiguraduhang kinabukasan ng mga mangingisda sa probinsya. Patuloy pa rin ang kanilang pagtitiis at pananaghoy sa dalampasigan.

Sa insidenteng ito, kinundena ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil sa malamyang tugon nito sa pangyayari. Anila, tila walang kakayahan ang ahensiya na habulin at panagutin ang mga may-ari ng oil tanker

Nanawagan sila na dapat pagbayarin ang may-ari ng MT Princess Empress sa mga sira na idinulot nito. Hiling din nila na dapat itigil ang pagbibigay pahintulot sa mga maruruming energy projects na sumisira sa kalikasan at mga komunidad.

Isang grupo naman na binubuo ng 91 abogado ang naglabas ng pahayag upang kondenahin ang mabagal na pagresponde ng gobyerno sa nangyaring oil spill. Anila, ang nagyaring insidente ay isang sakuna na nagdudulot ng malaking pinsala sa probinsya ng Mindoro. 

It is posing serious health risks, and is compromising the well-being of the people including the elderly, the women and the children (Ito ay nagdudulot ng malubhang panganib sa kalusugan at nako-kopromiso ang kapakanan ng mga tao kabilang ang mga matatanda, kababaihan at mga bata),” pahayag ng grupo. 

Kabilang sa mga abogadong lumagda sa pahayag ay sina Jose Manuel “Chel” Tadeo Diokno, Gloria Estenzo Ramos at Renecio “Luke” Espiritu, Jr. na mga tanyag pagdating sa mga isinusulong na adbokasiya kaugnay ng karapatang pantao at kalikasan. 

Ayon naman sa opisyal na pahayag ng kalihim ng Kagawaran ng Katarungan (DOJ) na si Jesus Crispin Remulla, magsusulong sila ng writ of kalikasan laban sa mga responsable sa nangyayaring oil spill sa probinsya.  

Ang writ of kalikasan ay isang legal na aksyon sa ilalim ng batas ng Pilipinas na nagbibigay ng proteksyon sa konstitusyonal na karapatan ng isang tao sa isang malusog na kapaligiran. Ito ay isinasagawa upang masigurong mayroong mananagot sa nangyaring insidente sa Oriental Mindoro. 

“Meron kaming deadline na binigay and if they are not able to abide by the deadline, we’ll file a writ of kalikasan case (at kung sila ay hindi makasusunod sa itinakdang panahon, tayo ay magsasampa kaso sa ilalim ng writ of kalikasan),” ani Remulla. 

Mayroong sampung araw mula Abril 25 ang mga indibidwal na sangkot sa oil spill upang magpaliwanag. Sa mga pagkakataong sila ay hindi tutugon o magpaparamdam, itutuloy ng DOJ ang pagsasampa ng kaso.

Nilinaw ni Remulla na maaaring madamay ang ilang opisyal ng gobyerno at mga indibidwal mula sa pribadong sektor sa kasong isasampa dahil sa kapabayaan at tila walang aksyon ng mga ito hinggil sa isyu.

Sa ngayon, pananabik ang tumutukoy sa nararamdaman ng mga mangingisda. Pananabik na maibalik ang malalim na koneksyon sa kalamnan ng karagatan. Ito ay nagtutulak sa posibilidad ng muling pagkilos sa nakasanayang trabaho.

Sa suliraning bumabagabag sa damdamin at kaisipan ng mga Mindoreño na apektado, masasabi na wala pa sa katiyakan kung kailan muli malalasap ang kabuhayang ipinagkaloob ng karagatan sa mga mangingisda.

Sa kabila nito, iisa ang sigurado—lumpuhin man ng pagkakataon ang mga mangingisdang Mindoreño, ay masugid na tatanaw sa malalim at mapagpatibay na pag-asa ng katubigan tungo sa matiwasay na agos ng buhay. Patuloy silang mag-aabang sa dalampasigan hanggang makamit muli ang sigla ng kabuhayan at maibalik ang malusog na karagatan. 

- Hanz Joseph B. Ibabao