
FEU holds Special Commencement Exercises for Batch 2020 and 2021
- December 06, 2022 16:38
FEU Advocate
December 22, 2024 18:00
Kapana-panabik ang Paskong Pilipino dahil sa mga tradisyong hindi nagbabago, tulad ng paghahanda para sa Noche Buena at pagbisita ng mga kamag-anak na matagal na nating hindi nakita. Subalit, kaakibat ng malaking pagtitipon ay ang mga hindi napapanahong tradisyon mula sa ating mga kamag-anak. Nariyan ang kanilang pagbibigay ng mga insensitibo at mapanghimasok na komento tungkol sa iba’t ibang aspekto ng ating buhay.
Katwiran nila, ito ang kanilang nagsisilbing panimula ng mga pag-uusap at paraan ng pangungumusta. Ngunit, paano nga ba ito nakaaapekto sa ating mga karanasan tuwing Kapaskuhan?
Panahon ng pagkabalisa
Lubos na kilala ang kulturang Pilipino sa pagiging ‘collectivist,’ kung saan mas pinahahalagahan ang pangangailangan ng pangkat na kinabibilangan kaysa sa kagustuhan ng isang indibidwal, na nakikita sa isang pamilya.
Madalas itong makita sa ating pakikilahok sa mga pagtitipon—isa sa mga pangunahing aktibidad tuwing panahon ng Pasko.
Kalakip ng diwa ng Paskong Pinoy ay ang muling pagsasama ng mga kamag-anak na mula pa sa probinsiya o ibang bansa. Bitbit ang kaniya-kaniyang handa, inaasahan ang kumpletong pagdalo ng bawat pamilya para sa malaking pagsasalo bago matapos ang taon.
Ngunit sa kabila ng mga kagalakan, para sa ilan, ang ganitong pagsasama-sama ang nagiging sanhi ng kanilang pagkabalisa o tinatawag ding ‘holiday anxiety.’
Isa sa pangunahing rason nito ay ang mga pasaring at panunukso ng mga kamag-anak na nakakubli sa kanilang mga “pagbati” at “biro.”
Sa panayam ng fourth-year Far Eastern University (FEU) Communication student na si Danielle Ibus sa FEU Advocate, kadalasan itong nakatatanggap ng komento tungkol sa pagbabago sa kaniyang pisikal na itsura tuwing Pasko.
“Isa na dito [ay] ‘yung sinasabi nila always na ‘Apay naglukmeg ka metten?’ In Tagalog, it translates into, like, ‘Bakit ang taba-taba mo na?’ or minsan sinasabi nila sa’kin na ‘Apay nakadaddu met pimples mun?’ or in Tagalog, parang ‘Bakit ang dami mo nang pimples?’ and I really don’t understand where this entitlement comes from,” pahayag ni Ibus.
Nagbigay-paalala rin ang estudyante na hindi na dapat pinupuna ng ating mga kamag-anak ang mga bagay na malinaw o madalas na nilang nakikita sa atin, lalo na kung hindi ito madaling baguhin.
“Kasi, it’s one thing if it comes from a place of concern. Pero, it’s another [thing], if it comes from a place of spite (Kasi, maaaring nagmumula ito sa pag-aalala. Pero, ibang usapan na rin kapag alam mong nagmumula na ito sa panunuya),” diin nito.
Sa kabilang banda, ibinahagi naman ng first-year Law student na si Dee Agojo ang madalas na pagpuna ng kaniyang mga kamag-anak sa kaniyang kasarian.
“‘Yung mga backhanded compliments na parang ‘O! babaeng babae ka na,’ or, ‘Uy! Parang mas maganda ka pa sa’kin,’ ‘Mas maganda ka pa sa pinsan mo,’ ‘yung mga gano’n? And in addition to that, in my case, lagi nilang ipapamukha sa’kin na nag-transition ka na, gano’n. So there is a lot of misgendering that is happening sa akin,” sambit ni Agojo.
Dagdag pa niya, hindi na naiaalis sa kaniya ang kaba sa tuwing dadalo ng mga pagtitipon ng kanilang kapamilya.
“Before, siguro no’ng mga early stages of my transition, I keep arguing talaga and I always assert myself. But I realized, ‘yung pag-a-argue ko sa kanila, parang somehow, it also makes me toxic. Kapag sumagot ka kasi sa argument, it spoils the mood of the holiday and it affects not only the both parties, but it gives a bigger tension doon sa buong pamilya. In my case, I prepare mentally. And also, pino-program ko ‘yung sarili ko to not argue with them para hindi maapektuhan ‘yung holidays or ‘yung family gathering na ina-attend-an ko,” paliwanag ni Agojo.
Hindi rin mawawala sa mga pagtitipon ang family pressure mula sa mga kamag-anak na mayroong mataas na ekspektasyon sa ating mga magiging tungkulin.
Ayon sa WRP music instructor na si Thrishia Vanne Sagun, madalas itong nakaririnig ng tanong mula sa mga kamag-anak ukol sa pagtatrabaho sa ibang bansa.
“I just started working this year [and] I just graduated this year as well. So, it’s a bit toxic whenever I hear them forcing me to consider working abroad (Ngayong taon lang ako nagsimulang magtrabaho at ngayong taon lang din ako nakatapos. Kaya hindi nakatutuwa sa tuwing naririnig ko na pinipilit nila akong magtrabaho sa ibang bansa),” sambit ni Sagun.
Minsan, ang ‘pagmahahal’ at ‘pagsuportang’ ipinakikita sa atin ng ating mga kamag-anak ay nagdudulot ng mas malaking pinsala kaysa sa kabutihan.
Bagama’t likas sa ating mga Pilipino ang pakikisama, pakikibagay, at pagiging masayahin, hindi ito nangangahulugang may pahintulot ang sinuman na lagpasan ang ating mga personal na hangganan—mula sa ating kasuotan, pangangatawan, pinansiyal na kalagayan, trabaho, at maging sa ating seksuwalidad o kasarian.
Katahimikan o kahihiyan?
Hindi madaling pilitin ang sarili na bumisita sa mga pagtitipon, lalo na’t kung tiyak na hahantong lamang ito sa alitan. Minsan, maaaring distansiya ang pinakamainam na paraan upang mapanatili ang ating kapayapaan.
Subalit para sa ilan, ang kanilang natatanging paraan ay pagtibayin ang sarili at sikmurain ang mga hindi kanais-nais na pananalita hanggang sa oras ng pagpapaalam.
Alinsunod ito sa naging pahayag ni Ibus, kung saan tila nagiging obligasyon sa kanilang pamilya ang pagdalo sa mga pagtitipon, partikular tuwing araw ng Pasko.
“Kung kailangan ko talagang dumalo, dadalo ako pero panandalian lang. Kasi sa family namin, and maybe other Filipino families din, ‘no, meron itong toxic tradition din na kailangan may representative ‘yung family mo during celebrations, especially during Christmas. And dahil nga ako ‘yung panganay at wala ‘yung papa ko dito, kailangan mandated akong um-attend. Very toxic siya because, bakit ko ‘yun gagawin when I know naman na hindi healthy ‘yung environment in the first place?” aniya.
Pilit na itinutulak sa atin ang pakikihalubilo sa mga kamag-anak upang hindi ituring na walang pakikisama, kaya’t para kay Ibus, lumalayo na lang ito sa mga kamag-anak na hindi maganda ang pakikitungo sa kaniya.
Ibinahagi rin ni Agojo ang kaniyang kahirapan sa pakikitungo sa mga kamag-anak tuwing sasapit ang Kapaskuhan.
“Because of those toxic traits, nawawala na ‘yung drive ko to enjoy Christmas. It’s more likely that I’m just being there [and] I’m just being present. Alam mo ‘yun? I’m there physically, but gusto kong maging invisible in order na hindi na ko mapansin (Dahil sa mga hindi magandang pag-uugali na ‘yun, nawawala na ‘yung gana ko na magsaya sa Pasko. Parang dumadalo na lang ako [at] nandoon lang ako. Alam mo ‘yun? Nandoon ako, pero gusto kong hindi nila ako nakikita para hindi na ko mapansin),” sambit nito.
Para kay Agojo, pinipili na lamang nitong huwag magsalita nang sa gayo’y hindi magkaroon ng lamat ang kanilang pakikipag-ugnayan.
“Hindi naman sa gusto mo silang hayaan na i-disrespect ka. However, parang your silence kasi is already a response to their disrespect. So I feel like by being silent, I still maintain my respect for them [and] at the same time, I put my respect more to myself (Hindi naman sa gusto mo silang hayaan na bastusin ka. Gayunpaman, parang ‘yung katahimikan mo na kasi ‘yung tugon sa kawalan ng respeto nila. Kaya ‘yung pananahimik ko, alam kong pinapanatili ko pa rin ‘yung respeto ko sa kanila pati na rin ‘yung pagbibigay-respeto ko sa sarili ko),” dagdag pa niya.
Ipinaliwanag naman ng propesor sa Social Studies na si Mariedelle Turla ang dagok sa ating mental na kalusugan bunsod ng ganitong komplikadong tradisyon.
“Scars can actually heal after a few days or after a few weeks. But words can actually make your mind go insane. Because these comments are not healthy for someone to think about everyday. (Maaaring maghilom ang mga sugat pagkatapos ng ilang araw o pagkatapos ng ilang linggo. Ngunit, ang mga salita ay nakaaapekto sa iyong pag-iisip. Sapagkat hindi nakabubuti ang mga komentong ito upang isipin ng isang tao araw-araw),” ani Turla.
Paliwanag ng propesor, hindi madaling harapin ang mga kamag-anak hinggil sa kanilang pananalita at pag-uugali dahil sa usapin ng generation gap.
“But it’s not really talking back, it’s just that, we are putting people in their place where we have to educate them about the things that are not right to say. However, you can’t just talk back in a disrespectful way to your relatives, especially to those that are really older than you (Pero hindi naman ito pagsagot nang pabalang. Tinuturuan lang natin sila kung ano ‘yung mga hindi nararapat sabihin. Gayunpaman, hindi ka pwedeng makipag-usap sa iyong mga kamag-anak sa paraan nang walang-galang, lalo na sa mga mas nakatatanda sa iyo),” sambit ni Turla.
Tuwing Pasko, karamihan sa ati’y abala sa pagbabalot ng mga regalo at pamimili ng pagkain, habang ang iba’y abala naman sa pag-iisip kung paano matatakasan ang lungkot at pangamba na nararamdaman.
Marahil, ang diwa ng Paskong Pilipino ay hindi pare-pareho sa bawat isa.
Pagbasag sa mga makalumang kasanayan
Sa loob ng isang pamilya, malaking bahagi ng pagbabago sa mga hindi magandang pag-uugali o kasanayan ay ang pagkakaroon ng kamalayan. Sapagkat minsan, hindi natin namamalayang naiaangkop na rin natin ang kanilang mga nakagawian.
“Kapag may family member ka na toxic, mapag-uusapan niyo ‘yan ng mga close mong family members. And somehow, it creates a toxic culture lalo sa family kasi ‘yun nga, nagba-backstab-an kayong magpapamilya instead of addressing it,” paliwanag ni Agojo.
Kaya’t paalala ng estudyante, dapat nating tandaan na hindi lahat ng miyembro ng ating pamilya ay nakapipinsala sa atin. Subalit, mayroon lamang tendensiya ang ilan sa kanila na magpakita ng hindi magandang pag-uugali.
“Ang pinaka-advice ko na lang to every family member is kindness. Kasi ‘di ba? If you will bring kindness to your family, it would create a positive energy doon sa gathering na pupuntahan niyong pamilya. In that way, mas napi-feel niyong nagba-bond kayo together,” mungkahi ni Agojo.
Mula naman sa mensahe ni Ibus, mahalagang pinag-uusapan ng bawat pamilya ang mga hindi magandang nakagawian, nang sa gayon ay magkaroon ng magandang ehemplo para sa mga nakababatang kapamilya.
“Meron at meron tayong family member na gusto siya lang ‘yung nagsasalita [o] gusto siya lang ‘yung napapakinggan. [But] we have to give one another a chance to talk [at] hindi ‘yung isang tao lang ‘yung magsasalita,” anito.
Hindi man natin maiaalis ang mga kaugaliang ‘bahagi na ng kultura’ mula sa ating mga kapamilya, mayroon pa rin tayong kakayahang putulin ang mga hindi magandang nakasanayan, kahit pa ang ibig sabihin nito’y lumabas mula sa ating karaniwang kaginhawaan.
Walang anumang bagay ang higit na dapat nating isaalang-alang kundi ang ating sariling kapakanan. Maaari tayong magtakda ng ating sariling tradisyon at gawin ang mga bagay na mas nakabubuti para sa ating sarili. Sapagkat, ang diwa ng Pasko ay mananatiling puno ng pagkakaisa at pagmamahalan kung ito ang ating ipinakikita at pinahihintulutan.
- Dianne Rosales
(Dibuho ni Janine Raiza Batua/FEU Advocate)