Pagtaas sa presyo ng langis, daing ng PUV drivers sa ilalim ng Oil Deregulation Law

FEU Advocate
December 19, 2024 20:14


Nina Shayne Elizabeth T. Flores at Julliane Nicole B. Labinghisa

Bitbit ang bigat ng presyo ng langis at ang kalakip na epekto ng Oil Deregulation Law sa kanilang kita, kinondena ng mga drayber ng Public Utility Vehicle (PUV) ang sunod-sunod na pagtaas sa presyo ng petrolyo.

Simula Oktubre, patuloy na umaangat ang presyo ng langis sa halagang umaabot ng lima hanggang anim na piso kada litro. 

Ang Republic Act No. 8479, o Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998, ay isang batas na naglalayong liberalisahin ang industriya ng langis at palakasin ang kompetisyon sa pagitan ng mga pribadong kompanya. Sa ilalim ng batas na ito, walang kontrol ang gobyerno sa presyo ng petrolyo, bagkus ay nakabatay lamang sa kagustuhan ng mga pribadong kompanya ng langis.

Sa panayam ng FEU Advocate, ipinaliwanag ni Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Chairperson at Makabayan senatorial candidate Teddy Casiño kung paano nagdudulot ng hindi makatarungang pagtaas ng presyo ng langis ang kawalan ng kontrol ng gobyerno rito.

“‘Pag hinayaan mo ‘yung oil companies na magtaas na lang basta-basta without going through any public hearing or regulations (nang hindi dumadaan sa pagdinig o mga regulasyon), talagang itataas nila ‘yung kaya nilang itaas na presyo… Nahirapan na tayong bantayan ‘yung overpricing and manipulation of oil prices (at manipulasyon ng presyo ng langis) na alam nating nagaganap ‘yan sa industriya ng langis,” aniya.

Taliwas sa inaasahan na ‘healthy competition,’ pansin ng mga konsyumer ang halos magkakaparehong dagdag-singil ng mga kompanya.

Perhuwisyo ng pagtaas  

Ipinahayag din ng mga drayber ang suliraning dala ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa kanilang pang-araw-araw na hanapbuhay.

“Imbis na ibibigay na lang namin sa pamilya namin, 

tumaas pa ‘yung gasolina, mababawasan [pa] ‘yung maibibigay namin sa pamilya namin,” hinaing ni Mark Sembrano, isang drayber ng UV Express. 

Inilahad ng mga drayber ang kanilang pagkabahala sa dagdag-pasakit ng pagtaas ng gastusin dahil sa umaalsang presyo ng langis na litro-litro ang kailangan upang makaikot sa biyahe. 

“Dati ano lang, sa tatlong ikot namin, maggagasolina lang kami ng P1,500. Ngayong tumaas... Nadagdagan siya ng P300, malaking bagay na rin 'yon, ‘yong P300 na pagtaas,” dagdag ni Sembrano. 

Dahil sa iba’t ibang gastusin kagaya na lamang ng boundary na binabayaran ng mga drayber sa kanilang opereytor, at mataas na presyo ng langis ay mas lumiit ang kita ng mga namamasada. 

“Isang litro [ng diesel], bali P60 dati. Eh, sa maghapon, 20 litros ubos, edi P1,200 na iyon. Eh, ‘yung boundary pa, P800. Edi P2,000 [ang kabuuang ginagastos araw-araw], kaya ‘yung sobrang P500, sa drayber na 'yun,” sambit ng Bise Presidente ng Gastambide-Divisoria-Morayta Jeepney Operators and Drivers Association (GDMJODA) Crispin Tadeo.

Dagdag pa niya, halos hindi sumasapat ang kita ng mga drayber nang magtaas ang presyo ng langis. Nagdulot din ito ng pagtumal ng biyahe para sa mga dyip. 

Gayunpaman, dahil sa holiday rush ngayong Disyembre ay mas naging malakas ang biyahe ng mga PUV dahil sa pamimili para sa nalalapit na Pasko. 

Mula sa P500 hanggang P600 noong Setyembre at Oktubre, dumoble ang kanilang kita kada araw ayon sa Bise Presidente ng GDMJODA, lalo at ang kanilang ruta ay sa Divisoria kung saan maraming namimili tuwing Kapaskuhan.

Bukod sa pagtaas ng presyo ng langis at mga bilihin, dumagdag ang makabagong paraan ng transportasyon sa suliraning kinahaharap ng mga drayber.

Ang pagtaas ng bilang ng mga toktok at iba pang alternatibong paraan ng pagbiyahe katulad na lang ng mga online transportation service ay nakaaapekto sa matumal na biyahe ng mga PUV. 

"Kasi, lalo ngayon, kalaban namin mga toktok na ganiyan, wala na kaming kinikita, wala namang mga lisensiya, wala namang rehistro, pinapayagan[g] bumiyahe," giit ni Tadeo. 

Multiplier effect

Kasabay ng mataas na presyo ng langis ay ang pagtaas din ng pamasahe upang mapunan ang pangangailangan ng mga tsuper, kung saan apektado ang mga komyuter.

“S’yempre, dahil kailangan nilang i-maintain ‘yung kanilang kita para mabuhay ‘yung kanilang pamilya, ang pressure ay itaas ang pamasahe. So kasabay ng pagtaas ng presyo ng langis, nakikita rin natin [‘yung] pagtaas ng presyo ng pamasahe,” saad ni Casiño.

Matatandaan noong Abril, naghain ng petisyon ang Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board na itaas sa P15 ang minimum na pamasahe sa mga tradisyonal na jeepney sa gitna ng mga pagtaas sa presyo ng langis.

Ayon naman kay Arman, isang traditional jeepney driver, masasabing halos “fixed” na at mahirap itaas ang presyo ng pamasahe.

“Ang pamasahe naman fixed naman, hindi naman tumataas. Mahirap magtaas ang pamasahe kasi unang-una, karamihan ng sumasakay estudyanteng katulad niyo. ‘Pag tinaasan mo ‘yan, pa’no ‘yung baon niyo niyan?” aniya.

Dagdag pa ng Makabayan senatorial candidate, may “multiplier effect” ang langis, kung saan maraming kaakibat na epekto sa ekonomiya ang pagtaas sa presyo nito.

“‘Pag tumaas ang pamasahe, tataas din ang presyo ng lahat ng produktong gumagamit ng transportasyon. Lalaki rin ang pressure para sa mga manggagawa na humingi ng mas mataas na sahod kasi tumataas din ‘yung cost of living nila… In general, nagmamahal talaga ang presyo ng lahat ng kalakal kapag tinaas mo ‘yung presyo ng langis,” paliwanag niya.

Pagbalik sa sistema ng regulasyon

Gayunpaman, mahalagang mapawalang-bisa ang Oil Deregulation Law at bumalik sa sistema ng regulasyon para sa mas makatarungang presyo ng langis ayon kay Casiño.

“Para sa isang napakahalagang produkto katulad ng langis at gasolina, tingin namin importanteng transparent ang pricing, ibig sabihin nakikita natin [kung] saan napupunta ‘yung pera at saan napupunta ‘yung sinisingil,” aniya.

Gayundin ang hiling ng mga tsuper na nahihirapan sa malabo at pabago-bagong presyo ng petrolyo na kontrolado ng mga kompanya.

“Pabago-bago ‘yung taas, baba… Mas maganda ‘yung fixed na kaagad. Fixed na ‘tong taon na ‘to, [tapos] sa susunod na [‘yung] taas. Eh, hindi mo makokontrol ‘yan kasi unang-una maraming mga malalaking kompanya niyan, na siyempre united ‘yung mga ‘yon, si Petron, si Shell… ‘Pag nag-meeting-meeting ‘yan, may magagawa ba? Edi saan ba tayo kukuha? Sa kanila lang,” saad ni Arman.

Subalit, hindi sapat ang pagbasura sa batas dahil posibleng tumaas pa rin ang presyo ng langis sa kabila ng regulasyon. Ayon kay Casiño, dapat ding paigtingin ang kakayahan ng Pilipinas na itaguyod ang sarili nitong industriya ng langis sa pamamagitan ng pagbili muli ng gobyerno sa Petron.

Mula sa pagmamay-ari ng estado, isinapribado ang Petron noong 1993 nang bilhin ng Arabian American Oil Company o Aramco ang 40 porsiyentong equity nito hanggang sa tuluyan itong naibenta sa kanila. 

“Kailangan natin ibalik ‘yung kakayahan natin bilang Pilipino na mag-produce o mag-process ng sarili nating oil and fuel products so ‘yung tingin naming importanteng kaakibat na hakbang, ‘yung buy-back ng Petron. Ibig sabihin, ibalik ang Petron sa pampublikong pagmamay-ari so that Petron can serve as a check-and-balance (upang magsilbing balanse ang Petron) sa iba pang mga private oil companies,” giit niya.

Kasabay nito ang sentralisadong pagbili ng langis, kung saan idadaan sa gobyerno ang pamimili ng gasolina upang matiyak ang pinakamababang presyo nito.

Suhestiyon pa ng BAYAN chairperson, marapat na paunlarin ang industriya ng langis sa pamamagitan ng oil exploration sa West Philippine Sea at pagpapalakas muli sa Philippine National Oil Company upang matiyak ang mababang presyo ng petrolyo sa bansa.

(Kuha ni Mark Vincent A. Durano/FEU Advocate)