Pagsipat sa Bulag na Pananampalataya para sa Isang Himala

FEU Advocate
November 11, 2025 20:22


Ni Sean Clifford M. Malinao

#TAMlakayan: Mabilis mauto ang mga tao—mabilis mabulag, makontrol, at mamanipula. Ngunit, hindi ito basta-basta lamang nagaganap. Ito ay binubuo, pinapanday ng panahon, at kalauna’y sinasabayan ng mga tao sa kung anong ilusyon ang maigagatas nila. Mula sa 'Himala' ni Ricky Lee noong 1982 na pinagbidahan ni Nora Aunor, muling binuhay ni Pepe Diokno ang diwa ng himala sa kaniyang musikal na pagtatanghal ng 'Isang Himala' noong ika-25 ng Disyembre.

Ito ay ang mga palaisipan na para sa kanila ay isang himala na hindi kailangang totoo upang paniwalaan.

Sa Baryo Cupang, araw-araw gumagapang

Mariing sinundan ng Isang Himala ang kuwento ni Elsa at ng bawat residente ng Cupang sa naunang pelikula. Ang disenyo ng entablado ay payak; mababalas ang katuyutan sa imahen ng lupang tigang habang pinagmamasdan ng nakatirik na araw ang mga residente. Dito, taimtim na naghihintay ang bawat isang makalaya.

Malungkot ang mundo at salat sa pag-asa, kaya nang malaman nilang nagpakita ang Birheng Maria kay Elsa ay sumilay ang pag-asa mula sa kanilang mga mata. Pananalig kay Elsa ang kanilang naging paraan ng kaligtasan sa gitna ng kawalang-kakayahang makatakas sa gapos ng kahirapan. Naging mitsa ito ng bulag na pananampalatayang unti-unting sumakop sa kanilang mga puso. Sa bawat pagkakataong makakaya ay nagiging alipin ang tao ng isang paniniwalang mayroon pang higit sa kanila—na mayroong itinakda at pinili upang sila ay tulungan.

Dahil sino nga ba ang aayaw sa isang tagapagligtas?

Naniniwala ang mga tao sa himala dahil may kagustuhan silang makabuo ng kahawig na langit sa mundong ibabaw. Kailangan ng himala na magkaroon ng pagkain sa lamesa, ng bubong sa ibabaw ng kanilang mga ulo, ng mga kasuotan upang sila ay damitan, magkaroon ng marangyang trabaho, at makamit ang maayos na kalusugan at edukasyon. Sa ganitong paraan, ibinubunyag ng pelikula na ang pagnanais nating makaalpas ay bunga ng kabiguan ng nasa itaas na tugunan ang batayang pangangailangan ng lipunan.

Lahat tayo ay mga santa-santita

Ang bawat tao sa Cupang ay parehong banal at nagpapanggap na santa, at iyon ang malaking problema.

Malinaw ang pagkakahati sa Cupang: ang mga banal ay nasa simbahan at namamanata habang ang mga makasalanan ay nasa kabaret at naghahatid ng ligaya. Ngunit binubura ng pelikula ang linyang iyon. Ipinakikita nito na ang mga kababaihang nagbebenta ng aliw at ang mga babaeng nagkamit ng debosyon ay iisa lamang sa mata ng lipunan—parehong inaakusahan, parehong sinasamba, parehong ginagamit. Sa bawat pagpapagaling ni Elsa ng may sakit ay katumbas ng unti-unting pananamantala sa kaniya ng mga nangangailangan. Nagiging transaksiyon ang pananampalataya at kapangyarihan ang bawat himala na kaniyang ginagawa.

Sa ganitong paraan, ipinakikita ng pelikula na ang bawat pagpapagaling ni Elsa ay sumasalamin sa katotohanang kapag pinakialaman ng tao ang kabanalan ay nagiging instrumento ito ng pang-aabuso. Kapag ang pananampalataya ay ginagamit bilang pangkabuhayan, nagiging hamak na negosyo na lamang ang kaligtasan. Isinisiwalat nito na ang relihiyon ay madaling maging puhunan at produkto sa kamay ng mga taong desperado. 

Nagiging puhunan ang mga dasal, ibinebenta ang mga banal na imahe sa merkado, at nagiging isang palabas ang milagro. Sa lenteng ito, hindi lamang mga taga-Cupang ang saksi kung hindi pati na rin tayong mga manonood na araw-araw namumuhay sa lipunang ginagamit lamang ang ating pananalig bilang kasangkapan ng panlilinlang.

Naging makasalanan si Elsa dahil sa matinding pagnanais na madama ang kaniyang kahalagahan, at sa bawat pagpapako niya sa sarili bilang tagapagligtas, unti-unti niyang binubura ang sariling pagkakakilanlan. Naging simbolo siya ng himala na maski siya ay hindi ito lubos maunawaan. Sa kaniyang kagustuhan na maging banal, naging bilanggo siya ng pananampalatayang siya mismo ang lumikha.

Ngunit kung tutuusin, hindi lamang si Elsa at ang mga babae sa kabaret ang tanging makasalanan sa pelikula. Ang mga debotong nagtitinda ng banal na tubig at rebulto ay makasalanan. Ang mga lider na ginagamit ang relihiyon para sa kapangyarihan ay maksalanan. Ang mamamahayag na mas piniling manahimik sa nasaksihang karahasan ay isa ring makasalanan. Ang mga kakilala ni Elsa na hinayaan siyang magamit ng masa ay mga makasalanan rin kung susumahin.

Ang mga banal at santa-santita sa Cupang ay iisa lamang ng mukha—mga taong sabik magmahal at mabuhay, kahit ang kapalit nito ay ang sariling kaluluwa. Lahat sila ay mga santa-santitang makasalanan na produkto ng parehong kalungkutan, pagnanasang mapansin, at gutom sa kaligtasan.

Pananampalataya sa huwad na himala

Lampas sa moralidad, mas malalim ang politikal na komentaryo ng pelikula. Ang pananalig ng bawat taga-Cupang kay Elsa ay larawan ng kanilang kolektibong pagnanais na makaalpas sa paghihirap. Ngunit lahat ay naghihintay lamang sa milagro at walang nais kumilos upang gumawa ng pagbabago. Katulad sa tunay na mundo, marami sa atin ang naghahanap ng Elsa dahil pagod nang paulit-ulit mayurakan ng tiwaling sistema.

Ang pelikula ay hindi lamang tungkol sa panlilinlang ni Elsa kung hindi pati na rin sa ating sariling kagustuhang malinlang. Sa bansang binulag ng kahirapan, pananalig ang nagiging kasangkapan ng mga naghaharing-uri, at milagro ang nagiging daan upang magpatuloy ang kanilang pananamantala. Sa bawat mamamayan ng Cupang na nakipila, nagdasal, at nanalig ay katumbas ng mamamayang bumoboto sa mapanlinlang na pangako tuwing eleksiyon. Sa politika, sa relihiyon, at sa pang-araw-araw na buhay, ipinagpapalit natin ang ating kalayaan para sa pangakong milagro.

Kinukompronta ng pelikula ang konsepto ng populismo na hindi pa rin natin maihiwalay sa lipunan. Tulad sa kasalukuyang sitwasyon ng ating bansa, sabik ang masa sa isang pinuno na nagdadala ng himala. Ang karisma ni Elsa sa kaniyang mga ka-baryo ay hindi naiiba sa mga karismatikong politiko na nananamantala sa mga gutom at desperado.

Sa ganitong paraan nagbibigay ng paalala ang pelikula na nagtatagumpay ang populismo hindi dahil sa mga makapangyarihang lider, bagkus dahil sa naratibo ng masa na may kailangan silang sundin na mas mataas sa kanila. Hindi ipinapataw ng nasa itaas ang himala na ating hinahanap; ito ay bunga ng kolektibo nating pagnanais na lumayo sa realidad.

Dito rin lumalabas ang kabalintunaan na ang mga handog na milagro ng mga lider na katulad ni Elsa ay hindi kailanman nakapagpapagaling bagkus nakapagpapatahimik. Hindi sinusuway ng obra ang ating kahuwarang manampalataya sa mga ganitong ilusyon, bagkus nais nitong ipakita ang katototohanang nalululong tayo sa langit na binuo natin sa mundong ibabaw. Nais ibunyag ng pelikula na ang lipunan mismo ang lumilikha ng pangangailangan nating manampalataya.

Sa bawat institusyong bumibigo sa atin—mapa-edukasyon, kalusugan, o ekonomiya—ay wala tayong ibang mapupuntahan kundi ang ating paniniwala. Ang matibay nating pananalig sa relihiyon ay ang nagpapanatili ng kaayusang may kiling sa naghaharing-uri. Sa mga paglalantad na ito ay mas itinitutulak tayong harapin ang katotohanang tayo lang din ang salarin sa kung paano tayo nagiging biktima. Sa huli, ang pelikula ay mag-iiwan sa bawat manonood ng isang tanong.

Kailan natin tatanggapin na ang tunay na himala ay hindi dumarating mula sa itaas, kung hindi mula sa ibaba?

Ang sagot ay patuloy na makikipagbuno sa alikabok na bitbit ng tagtuyot, hanggang sa dumating ang araw na magpasya ang masa na sila mismo ang hinihintay nilang isang himala.

Ipinalabas ang pelikula bilang bahagi ng Metro Manila Film Festival noong Disyembre 2024 at muling ipinalabas sa Netflix noong ikaanim ng Nobyembre.

(Mga litrato mula sa CreaZion Studios; Latag ni Phoemella Jane Balderrama)