Psychology senior named as FEU’s new UAAP correspondent
- September 28, 2022 08:54
FEU Advocate
September 05, 2020 10:55
Nina Grace Roscia O. Estuesta, Luddie Trixie C. Salcedo, at Aurea Nicolette Lyn Lacanaria
Sa hamong pagtuklas sa ugat ng ating lahi at pagpapanatili nitong pagbunga sa modernong panahon, nagtanim ang isang kabataan ng pag-asang ito ay maisasakatuparan — sa paraan ng pananaliksik.
Pagtuklas sa sulating pananaliksik
Pinasimulan ni Bb. Nikita Roque, nakapagtapos ng Bachelor of Arts major in Advertising Arts sa Far Eastern University (FEU), ang inisyatibong maituro sa mga mag-aaral mula sa edad na pito hanggang siyam ang Baybayin na isa sa mga sinaunang sistemang panulat ng mga Pilipino. Naisagawa ito sa pamamagitan ng mga kagamitang pang-edukasyon na kanyang tinalakay sa kanyang sulating pananaliksik noong nakaraang taon.
“Gumawa ako ng ibang mga educational material na maaaring magpa-enganyo sa mga bata patungkol sa pag-aaral ng Baybayin, gaya ng activity book na naglalaman ng iba’t ibang activities; gaya ng tracing, character matching, at iba pa. Bukod sa activity book ay gumawa rin ako ng Baybayin flashcards, Baybayin chart at saka nag-design din ako ng Baybayin mobile app, pati na rin ng educational video animation patungkol sa Baybayin. Lahat ng ito ay bunga ng pag-aaral kung paano nga ba natuto ang mga bata at sa kung anong paraan nakukuha ang atensiyon nila para mag-aral ng panibagong aralin,” aniya.
Pinili niya ang isang maliit na paaralan sa Lungsod ng Taguig, The Living Miracle Foundation, upang isagawa ang pag-aaral na ito at pagbabahagi sa mga makabagong henerasyong magpapatuloy ng pagdidilig.
Pagdidilig sa butil ng kamalayan
Layon ni Bb. Roque sa kanyang papel na maipakilala ang Baybayin sa mga batang mag-aaral ang bahagi nitong pagkakakilanlan at maipalaganap ang pag-asang hindi tuluyang mabaon sa pandayuhang kultura ang kapwa Pilipino. Naniniwala rin siyang ang pagturo nito sa murang edad ay magdadala sa kanila upang baunin pa ito sa mas mahabang panahon.
“Naniniwala ako na ang kabataan pa rin ang pag-asa ng bayan, na kung ituturo natin sa murang edad ang kultura ng Pilipinas, maaari nila itong dalhin hanggang sa pagtanda. Hindi gaya natin ngayon na mababaw lamang ang kaalaman tungkol sa ating kultura dahil hindi ito masyadong nabigyan ng pansin sa eskwelahan at nalalaman lang natin ito dahil sa sarili nating research,” turan nito.
Dagdag pa rito, naibahagi rin niya ang kanyang pagkatuwa sa paggamit ng Baybayin sa mga pampublikong establisimyento, katulad na lamang ng paglalagay ng ganitong klaseng sulatin bilang bagong disenyo ng Lagusnilad Underpass sa Maynila. Maaari umano itong maging daan sa pag-usbong ng kuryosidad ng mga bata at maging dahilan upang subuking saliksikin ito.
Ayon naman kay Bb. Karen Mainit, guro ni Bb. Roque sa asignaturang Thesis 1 at Thesis 2, makatutulong aniya ang pag-aaral na ito ni Roque sa panibagong henerasyon dahil makikita rito ang pagkakakilanlan natin bilang mga Pilipino.
“I think importante siya kasi hindi lang para malaman ‘yong [kung] ano [ang] meron tayo dati, pero kailangan nilang malaman na ito ‘yong pinagmulan natin. Importante siya kasi makikita mo dito ‘yong identity mo as a Filipino, hindi siya pwedeng tanggalin sa atin. It’s like blood. It’s part of our DNA as Filipino… It’s very important to identify ourselves with something na concrete, so I think isa itong Baybayin, ‘yong initiative [na] mabigyan natin ng importansya ‘yong ating pinagmulan,” sambit nito.
Hamon na pagputol mula sa ugat ng pagkakakilanlan
Binigyang-pansin ni Roque ang patuloy na impluwensya ng kultura ng banyaga sa bansa at maging ang dulot nito sa kamalayan ng bawat isa sa kanilang pagkakakilanlan. Ito ay matapos na natuklasan niyang iilan lamang ang mga sangguniang tumatalakay rito, lalo na sa kasaysayan nito.
“Nakakalungkot lang isipin na tungkol sa kultura ng Pilipinas mismo ang mahirap aralin sa Pilipinas,” wika niya.
Pagpasa ng pag-asa at patuloy na pagpapatubo ng butil ng pagkakakilanlan
Naging hayag man ang hamon sa pagpapalaganap ng bahagi ng kulturang Pilipino kay Roque, hindi siya nawalan ng pag-asa na maipagpatuloy ang kanyang adhikaing maipasa ang isa sa ating mga mahahalagang pagkakakilanlan.
“Kailangan lang naman natin ng panulak parati para magsimulang matuto. Oras na siguro para tayong mga kabataan na nag-uumapaw ang respeto at pagmamahal sa ating bansa ang magturo sa susunod na henerasyon ng tamang kasaysayan ng Pilipinas at ibigin ang kultura nito,” paliwanag niya.
Kanyang binigyang-pansin na mayroon pang pag-asa na patuloy na patubuin ang kaisang pagkakakilanlan ng mga Pilipino. Sulating pananaliksik man ang kanyang naging pamamaraan ng pagbabahagi sa kamalayan, hindi nito matatawaran ang maiiwang yapak ng nakaraan sa pinasahang henerasyon ng hinaharap.
(Mga litrato mula kay Nikita Roque)