Paglalakbay ang handog ng ‘Some Nights I Feel Like Walking’

FEU Advocate
September 18, 2025 17:58


#TAMlakayan: Walang kasiguraduhang paglaya ang inaalok ng mapusok na gabi. Bagama’t hindi lantad ang pagnanasang umalis, iniaalay ng kadiliman ang paglisan ng katawan mula sa kalagitnaan ng maingay na mundo. Ganito ang handog ni Petersen Vargas sa kaniyang pelikulang ‘Some Nights I Feel Like Walking’: isang kuwento ng pagtakas, paglaya, at pagbabalik. 

Ni Eryl Cabiles

Sinusundan ng pelikula ang pagkakaibigan, pakikipagsapalaran, at paghahanap ng puwang ng limang binatilyo sa Maynila patungong Pangasinan. Nagsisilbing tagpuan ang kalsada ng Recto kung saan ang gabi ay nilikha sa hulma ng pagnanasa, at ang bawat madilim na espasyo ay lugar ng pakikibaka. 

Tunggalian ang katawan

Malinaw na tungkol ito sa mga call boy o sex worker na naglalagi sa madidilim na sulok ng Recto, madalas sa sinehan ng Isetann. Ito ang hanapbuhay nina Uno (Jomari Angeles), Miguelito (Gold Aceron), Bayani (Argel Saycon), at Rush (Tommy Alejandrino), kung saan makatatagpo nila si Zion (Miguel Odron) na tumakas sa kaniyang pamilya upang hanapin ang puwang sa mga eskinita ng Maynila. 

Sa unang serye ng mga eksena, hayag ang kamunduhang bumabalot sa halinghing ng mga nagkukubli sa entablado at sa ilalim ng upuan. Subalit para sa mga nag-aalok ng “serbisyo,” hindi lamang ito seksuwal. Isa itong antagonismo sa pagitan ng pangangailangan at kagustuhan.

Hinabi sa hugis ng pagnanasa ang bawat gabi sa Recto—isang hulma na sa simpleng pagtingin ay maaaring maramdaman bilang gabi ng pakikipagsapalaran.

Ito ang tatambad kay Zion sa Maynila: pera para sa laman, laway para sa barya. Bilang bagong salta, mamumulat si Zion sa ‘kalakaran’ ng mga lalaking nakakapit sa mga parokyanong naghahangad ng panandaliang kaligayahan.

Sariwang pagsusuri ang inihain ni Petersen Vargas sa kaniyang bagong katha. Hindi lang ito usapin ng industriya at ng kadilimang umiibabaw sa mga sensitibong tagpo, dahil kuwento rin ito ng relasyon natin sa ating katawan. 

Klaro sa bawat eksena ang diskurso tungkol sa laman ng tao. Pinasayaw ni Vargas ang kaniyang mga karakter sa paraang magbibigay ng tensiyon sa mga manonood upang ipaalala na kahit sila ay bilanggo rin ng kani-kanilang karnal na pangangailangan. 

Mahalaga naman ang papel ng Recto sa pagtalakay ng temang ito. Ibinabalandra sa dingding ng bawat gusali ang pawis ng paghihikahos habang nakikinig ang gabi sa mga impit na dasal ng mga binatilyo. 

May buhay ang Recto sa pelikula. Hindi lang dekorasyon ang makipot nitong pasilyo, maliwanag na mga bumbilya, at maingay na kalsada kung hindi bahagi ng palabas na nakikialam sa bawat pagtatagpo. 

Tahasan ding ibinubunyag ng pelikula ang paghihiwalay ng katawan sa katauhan ng tao, kung saan nagiging “kapital” ang laman kapalit ng salaping papawi sa kanilang kagutuman. Binabaklas nito ang kapitalistang lipunan na kinalalagyan ng mga tauhan sa pelikula—o ng realidad sa Kamaynilaan. 

Kasabay nito, binubuksan ng kuwento ang posibilidad ng pakikipagtunggali. Kung mapapansin, ipinahihiwatig ng palabas ang namumuong pagkalas ng mga call boy sa heteronormatibong pamantayan katulad ng maskulinidad at pagkalalaki. Sumusuway sa dominanteng pananaw kung ano ang maaaring porma ng pagnanasa—hayag man o tago. 

Pumipiglas ang katawan sa pamamagitan ng pagnanasa. Nagiging espasyo ng pagtutol ang paglihis na ito na naglalakbay tungo sa alternatibong mundo ng pagiging malaya. 

Sa Recto, umiiral ang puwang ng posibilidad kung saan pinahihintulutan ng madidilim na pasilyo ang pagpiglas sa atas ng mapang-aping lipunan. Sariling kamay mismo ang humahabi ng mga espasyong tatanggap at kukupkop sa atin. Ito ang puwang sa kadiliman ng Recto, malayo sa panghuhusga ng araw. 

Lugar ang pamilya, hindi tao

Nakadikit ang tema ng pamilya sa pelikula. Mapapansin ito sa pagtatagpo nina Zion at ng kaniyang apat na bagong “kaibigan.” Para sa mga binatilyong ito, ang pamilya ay maaaring mabuo sa espasyo ng pakikiramay. 

Magsisimula ang tensiyon sa isang pangyayaring gagambala sa kanilang mga gabi—ang pagkamatay ni Miguelito dahil sa droga. Bago ang kaniyang huling hininga, nais niyang bumalik sa Pangasinan kung saan siya lumaki upang doon ilibing.

Ito ang magpapagalaw sa istorya mula sa Recto patungong probinsiya. Inilalarawan sa bawat hakbang ang paglayo’t pagtakas sa bisig ng pakikipagsapalaran pabalik sa kanlungan ng ‘pamilya.’ 

Subalit, madalas ay hindi kadugo ang tatanggap sa sarili nating bangkay. Hanggang sa huling yugto ng kaniyang buhay, patuloy na itinaboy pati ang kaluluwa ng kaniyang “maruming” katawan. Indikasyon na ang pamilya ay puwersa ng pagtakas, isang rason sa pagtunton ng kalayaan sa labas ng tahanan. 

Kaya’t nagbigay ng panibagong kahulugan ang pelikula para sa konsepto ng pamilya. Hindi dugo ang magsasabi kung sino ang tatanggap ng ating pagkatao. Minsan, estranghero ang kukupkop sa atin upang dalhin sa espasyo ng pagtanggap. 

Para sa iba, karnal na pagnanasa ang nagpapatakbo sa pelikula. Bagama’t ginamit na kasangkapan ang mga imahen ng katawan, higit namang itinatampok ni Vargas ang mundong hindi natin makikita sa ilalim ng tirik na araw. 

Matapang pa rin ang pagtatangka ni Vargas na ihayag ang mga kuwentong nagtatago sa mga gilid ng upuan ng sinehan. Esensiyal sa kaniyang pelikula ang konsepto ng pagtakas at paglalakbay, at kalauna’y ang paghahangad sa kalayaan ng katawan at sarili. 

Malikhain ang paggamit ng bus bilang instrumento ng paglalahad. Ginamit ito bilang linya ng pagkokompara: mula sa maingay na Recto patungo sa tahimik na probinsiya ng Pangasinan. 

Sa huling bahagi ng eksena, mapangahas na inihambing ng mga anggulo ang pagkakaiba sa kalungsuran at kanayunan. Dito, ipinakita ang magkaiba ngunit mahalagang pagsipat sa konsepto ng “paglaya.”

Sa malayong sulok ng kanayunan, na binalak tuklasin ng magkakaibigan sa huling parte ng palabas, ipinagdiriwang ang kalayaang magpakatotoo sa sarili—hindi itinatago, hindi ipinipilit. Dito, ipinagkakaloob sa iyo ang tsansang maging malaya.

Potensiyalidad ng pelikula

May ilang mintis ang direksiyon ng pelikula sa pagtalakay ng mga temang magbubunyag sa kondisyon ng komunidad kaugnay ng kalakhang lipunan. 

Bagama’t epektibo ang paggamit ni Vargas ng ilaw upang iparamdam ang kadiliman, itinago naman nito ang mga kuwento ng kanilang kasaysayan. Bakit tumakas si Zion? Kaninong boses pa ang dapat mapakinggan, at kaninong boses ang agad na pinatay sa mga eksena?

Ano ang relasyon ni Zion sa kaniyang magulang? Saan nanggagaling ang mga karakter nina Bayani, Miguelito, Uno, at Rush?

Kinakapos ito sa malalim na pagsipat sa katayuan ng kaniyang mga karakter. Hayag sa papel ang pagiging “queer” ng palabas, ngunit kulang sa pag-uugat ng kanilang danas bilang mga tao. 

Nakukulong sa direksiyon na ginagawang literal na “palabas” lamang ang kasarian ng mga tauhan, hindi bilang isang buhay na kasaysayan na patuloy hinuhubog ng kanilang kondisyon.

Totoo na tunggalian ang katawan, ngunit ano-anong puwersa ang nagtutulak sa kanilang magpaanod sa parehas na agos ng kapusukan? Ano ang kuwento sa pagbulusok ng ganitong kalakaran sa sinehan ng Recto?


Sa paglimot na sagutin ang mga tanong na ito, nakukulong ang pelikula sa seksuwal na eksena sa halip na paigtingin ang paggalugad sa komplikadong sensibilidad ng kaniyang mga tauhan. Buhat nito, nawawala ang mas malawak na ugnayan sa lipunang patuloy silang itinataboy.


Ito ang kahinaan ng pelikula: hindi napanindigan ang pangunahing interseksiyon ng pagnanasa at kalakhang lipunan. Hanggang sa huling sandali, hindi pinagsalita ng direktor ang nagsasariling katawan ng mga sex worker

Ngunit, maaaring nakasandig ang layunin ng palabas sa potensiyalidad ng mga kuwento ng magkakaibigan; magsisilbing simula ang ‘Some Nights I Feel Like Walking’ ng mga diskursong babagabag sa ating kaisipan. 

Sa huli, hindi naman kailangang sagutin ng pelikula kung ano dapat ang kahihinatnan ng bawat karakter. Minsan, sapat na ang pagpapakita na nariyan sila sa parehas na espasyo kung saan tayo naglalagi. 

Dahil ang buhay ay parang Recto. Araw-araw dinaraanan, gabi-gabing binabagtas ng mga taong hindi mapakali para maglakbay at tumuklas ng mga puwang na sa kanila’y tatanggap.  

Inaanyayahan tayo ng pelikula na makisangkot, magtanong, at makinig. Ganito ang papel ng ‘Some Nights I Feel Like Walking’ sa pelikulang Pilipino: pundasyonal sa paghiraya ng paglalakbay ng mga taong naghahangad ng mas payapang gabi.

Ipinalabas ang pelikula sa piling sinehan noong ika-27 hanggang ika-30 ng Agosto 2025 matapos itong maitanghal nang ekslusibo sa Tallinn Black Nights Film Festival sa Estonia noong Nobyembre 2024. 

(Litrato mula sa IMDb)