DepComm launches FEU SCREEN
- December 10, 2021 04:37
FEU Advocate
December 23, 2024 19:59
Nina Eunhice Corpuz at Kasharelle Javier
Sa tipikal na isang linggo sunod-sunod na sunog ang naranasan ng mga residente ng Maynila nitong mga nakaraang buwan. Sa bawat pagwang-wang ng mga bumbero, ang isa’y mapapaisip kung saang usok ng lungsod ito papunta. Ngunit, ang kaakibat na epekto ng sunog ay patuloy pa ring dumadagdag sa paghihirap at pinagdaraanan ng mga biktima tuwing mayroong ganitong uri ng sakuna.
Nitong nakaraang buwan lamang ay umabot sa ikalimang alarma ang sunog sa kalye ng Oroquieta sa Barangay 31, Sta. Cruz, Maynila Masasabing ang delubyong ito ang isa sa pinakamalaking nakapinsala, dahil sa loob lamang ng siyam na oras naging pulbos na ang mga pinaghirapang gamit at ari-arian ng mga residente.
Bukod pa rito, naunang nagkaroon ng malakihang sunog sa Isla Puting Bato sa Tondo na tumupok sa libo-libong bahay ng mga residente noong ika-24 ng Nobyembre. Tinatayang ito ang naging pinamalakaking trahedyang nangyari sa Tondo at nasa walong libong indibidwal ang nawalan ng bahay.
Sa parehong araw ay nagkaroon din ng insidente sa Dangwa, pagitan ng Carola at Don Castillas Street sa Sampaloc. Napinsala nito ang sampung pamilya at umabot sa ikatlong alarma ang naturang insidente.
Ang lahat ng unos na ito ay nangyari lamang sa loob ng isang linggo. At sa loob ng mga oras na tinutupok ang mga bahay ng biktima, hatid naman nito ang masidhi at madilim na resulta.
Pag-alpas ng apoy
Kapag humagupit at nag-alab ang apoy, lalamunin nito ang buhay at impraestruktura hanggang sa abo na lamang ang matira.
Inihayag ni Ronnel Rubio, 36 na taong gulang at dalawang dekadang residente sa Oroquieta, na isa sa naging epekto ng unos ay mayroong mga nasunugan nang balat, nabalian ng buto, at napako ang paa.
Umabot din sa halos siyam na oras bago maapula ang sunog at maanunsiyo ang ‘fire out’ noong bandang alas sais ng umaga ng ika-28 ng Nobyembre. Tinupok ng naturang sakuna ang humigit-kumulang 500 bahay base sa ulat ni Rubio.
Ayon sa kaniya, nagsimulang kumalat ang apoy dahil sa ‘superkalan’ na pinaglutuan ng isa sa mga nakatira sa lugar.
“‘Yung pinagmulan kasi ng sunog, ang pagkakaalam ko, nagluluto ata ‘yan sa superkalan tapos puro mga light materials kasi ‘yung sa likod, eh. Mabilis umano [kumalat] ‘yung apoy. Ngayon, sa likod lang kasi namin din. Isang buong 500 na bahay halos magkakatabi dito lahat ‘yon nasunog talaga—walang natira,” aniya.
Matatandaang gabi nang mangyari ang sunog, dahilan para sa pagkataranta at hindi pagiging handa ng mga residente sa kung ano ang dapat na unahing isalba at ilikas.
Umagang buo, umuwing abo
Sa paglitaw ng araw, tila kasunod nito ang paglitaw ng apoy na siyang sumubok sa pag-asa ng mga residente ng Sta. Cruz.
Ikinalungkot ni Bonifacio Pidi, 50 taong gulang at 30 taon nang residente ng Oroquieta, ang nangyaring sunog na umubos sa kaniyang mga kagamitan, lalo na ang kaniyang bahay.
“Okay lang naman po kaya lang malungkot kasi sa nangyari ang dami pong nawala, tulad ng mga gamit lalo na ‘tong bahay ko, ubos po ‘yung gamit,” saad nito.
Ibinahagi rin ng 24 na taong gulang na si Dexter Dave Molam, isang repacker ng online shopping app at limang buwan pa lang nangungupahan sa lugar, na hindi sapat ang kanilang natatanggap mula sa mga opisyal ng lokal na gobyerno upang mapalitan lahat ng naipundar nila na nilamon ng apoy sa isang iglap.
“‘Yung ipon ko, ‘yung mga ideas ko, lahat po [nawala]. Kulang pa po ‘yung binigay nila na P10,000 per family. Kinabukasan po siya naibigay at kung may mga binigay [pang tulong] ay galing din po sa government,” paliwanag nito.
Ayon sa kaniya, nakatanggap ng P10,000 na ayuda ang kada isang pamilya, ngunit para sa isang baguhan pa lamang na repacker tulad ni Molam, hindi ito sapat dahil walang-wala rin ang mga biktima ng sakuna sa kasalukuyan.
“Nagbibigay sila pero parang kulang ‘yung gano’n. Kasi lahat po ng ipon namin, lahat po ng mga gamit namin, lahat po ng [importanteng dokumento] namin, nando’n po lahat. Wala pong nasalba [sa] lahat,” anito.
Marami sa mga biktima ang halos walang naisalba dahil biglaan lamang ang sunog.
Sa sitwasyon ni Molam, kagagaling lamang nito sa trabaho nang sumiklab ang apoy kung kaya’t wala itong naisalbang gamit at problema niya at iba pang nasunugan ngayon kung paano muling kukuha ng mga bagong requirements.
“Para sa akin, sobrang hirap kumuha ulit ng mga requirements like [ng] mga benefits’ IDs. Sobrang hirap na umpisa na naman sa una,” anito.
Dating service crew sa isang fast food chain si Molam at katatapos lamang ng kaniyang kontrata kaya wala pa itong matatanggap na benepisyo. Nangangahulugan lamang na magsisimula ulit sa umpisa mula sa delubyong dulot ng insidente.
Ibinahagi naman ni Judy Ann Urbano, isa sa mga apektado at anim na taon nang naninirahan sa Oroquieta, na nagkakasakit na ang kaniyang pamilya gawa ng epekto ng sunog.
“Sobrang [hirap] kasi ‘yung asawa ko lang ‘yung nagtatrabaho. ‘Yung anak ko nag-aaral. Nagkakasakit na nga kami. May ubo at sipon ‘yung anak ko pati rin lagnat. Mahirap din kasi. Magkano lang din naman ‘yung sahod. Tapos walang gamit sa pang-araw-araw ba. Kasi nasunog lahat ng gamit ng anak ko,” pagbabahagi nito.
Tulad ni Molam, isa si Urbano sa nangungupahan sa lugar na ngayon lamang naranasan ang masunugan.
Wala rin siyang naisalbang kahit ano maliban sa anak at mga importanteng dokumento.
“Wala [akong naisalba], kasi nagsiksikan [na ‘yung mga tao]. Inuna ko ‘yung anak ko, eh. ‘Yon lang ‘yung inuna ko. Hindi ko naisip ‘yung gamit kasi importante ‘yung buhay namin ng anak ko,” anito.
Nauna namang isalba ni Rubio ang kaniyang kabuhayang mga alagang manok. Aniya, may magiging pakinabang ang mga ito dahil maaari itong ibenta.
“Niligtas ko ‘yung mga manok kasi may mga buhay din ‘yan tsaka may mga value din ‘yan, eh. Nagalit pa nga asawa ko sa akin kasi inuna ko pa raw mga manok, eh. Naisip ko may mga buhay din ‘yan, kaya ‘yon naligtas ko talaga manok lang,” pahayag nito.
Dahil sa bilis ng pangyayari noong gabi ng sunog, naghihikahos at hindi naging maagap ang paglikas ng mga biktima. Ayon kay Rubio, pahirapan ang naging paglabas nila mula sa kanilang compound.
“Sa dadaanan nga namin sa exit namin para makalabas dito sa compound, maliit talaga kasi ‘yung daanan namin dito, lalo na ngayon na puro boarders ‘yung mga tao dito hirap na hirap sa paglabas ‘pag may mga ganiyang insidente na sunog,” anito.
Dito, kung saan may buhay
Hindi na bago sa naturang lugar ang masunugan taon-taon. Ngunit, hindi alintana ng mga biktima ang peligrong ito dahil dito na sila nagkaroon ng pamilya at nagpundar ng pangarap.
“Hindi [kami lilipat], mas maganda kasi dito kasi malapit sa lahat. Paglabas mo diyan, nandiyan na lahat, nandiyan ‘yung mga mall. ‘Pag dito sa kabila, nandiyan na ‘yung palengke, mga sakayan, kung saan-saang lugar nandiyan na, paglabas mo pa lang. Kaya mas maganda rin talagang tumira dito,” ani Rubio.
Ganito rin ang naging tugon ni Molam, na kung lilipat ito ng tirahan ay uuwi na lamang siya ng probinsiya. Para sa kaniya, tuloy pa rin ang laban sa pagbangon upang makahanap ng trabaho.
Ayon din kay Urbano, maaari naman silang maghanap ng ibang matitirhan ngunit mas mahal ito kumpara sa dati nilang inuupahan. Isa pa sa naging rason ay naging pamilya na rin ang turing sa kanila ng may-ari ng bahay kaya hindi nila ito maiwanan.
“Nasa P3,000 pataas na ang renta ganoon. Eh, siyempre, ako, ayoko maghanap ng ibang bahay kasi nasanay na ako sa may-ari ng bahay na ganoon siya sa amin. Parang kapamilya na ‘yung turing niya sa amin,” saad nito.
Sa ngayon, patuloy pa ring bumabangon ang mga biktima mula sa nagbabagang poot ng trahedyang nangyari. Ang mga biktima ay pansamantalang namamalagi sa covered court ng barangay habang naghihintay ng balita para sa kani-kanilang tirahan.
Bilang tulong sa mga residente, ang ilan naman sa mga estudyante ng Pamantasaan ay naglunsad ng donation drive para sa mga biktima.
Tuloy-tuloy man ang pagbibigay ng tulong, nagiwan naman ito ng abo na bakas mula sa apoy na dahil patuloy pa rin itong nangyayari. Sa mga ganitong klase ng sakuna, ang mga mahihirap ang nangungunang biktima kaya dapat lamang na maagap na umaksiyon ang mga nakatataas upang mabigyan ng kongkreto at agarang solusyon ang kinakaharap na problema. Dahil hindi habang-buhay na maidadaan lamang sa relief goods ang buhay at pangarap ng mga biktima.
(Kuha ni Thea Danielle Morin/FEU Advocate)