Pagbabalik-tanaw sa Pagtamasa ng Demokrasya

FEU Advocate
February 26, 2016 04:46


Nina Daniza Fernandez at Ronica Trina Faye Francisco

Kapayapaan, katahimikan at kalayaan – 'yan na marahil ang hiling ng halos bawat indibidwal na namuhay sa administrasyong Marcos, tatlong dekada na ang nakararaan. Tila mga ibong nasa hawla ang pakiramdam ng mga tao noon; mga ibong gustong makawala, lumaya, at lumipad sa himpapawid.

EDSA Revolution o People Power Revolution, ang rebolusyon ng mga Pilipino na gustong pababain ang dating pangulo na si Ferdinand Marcos sa kanyang puwesto at itigil ang kalupitan ng Martial Law.

Sari-sari ang kuwento na ating naririnig tungkol dito. Isa si Teresita Estrella, uring manggagawa, sa mga taong nagbahagi ng kaniyang pakikibaka.

Ibinahagi ni Teresita ang kanyang karanasan sa rebolusyon. Pagkagaling daw nila noon mula sa trabaho ay dumeretso na sila upang makiisa sa People Power. Mula sa kanilang kumpanya sa Makati ay nilakad nila ito papuntang Crame.

Tatlong araw nagtagal ang pag-aalsa. Hindi lamang isang araw sila pumunta, pati ang kanyang mga katrabaho roon, bumalik-balik sa loob ng tatlong araw.

Hindi lingid sa kaalaman na nung panahon ng diktadurya, nalimitahan ang mga tao sa paggawa ng kanilang gusto, ang kanilang karapatan, maging ang ibang sektor na bumubuo sa ekonomiya. Kusang-loob ang pakikisama ni Teresita sa EDSA Revolution dahil hindi niya na umano nagustuhan ang naging epekto nito sa kanyang trabaho, sa kanyang sarili.

“Nahihirapan na ‘yung kumpanya na mag-import ng mga gamit kasi hinaharang na ang dollar. Malapit na kaming magsara. Kaya nung nagkaro’n niyan [EDSA Revolution], pati mga boss kasama diyan, nagkita-kita kami dun kasi kailangan na....”

Ibinahagi rin niya na hindi lamang mga taong naghahangad ng demokrasya ang naroon. Nung panahong iyon kasama ng mga pari at madre, libo-libo ang nakiisa upang makamit ang nag-iisang layunin.

‘Di mahulugang karayom ang EDSA nung panahon na iyon. Siksikan ang mga tao at halos walang kotse ang nakadadaan. Ngunit, ‘di gaya ng ibang rebolusyon, ang People Power Revolution ay nakilala rin bilang isang Bloodless Revolution.

“Ang maganda naman diyan, wala namang namatay. Sa dami-dami ng tao na nagpunta roon, peaceful ‘yan,” saad ni Teresita.

Sa loob ng tatlong araw ng pagkakaisa ng mga tao, maraming mga kuwento ang nabuo at mga alaala na hindi malilimutan. Ani ni Teresita, “ang hindi ko makakalimutan dun, sa dinami-dami ng tao, ang mga tao parang nagkakasundo, parang iisa ang gusto, iisa [ang] layunin. Iisa ang gusto ng mga tao – pagbabago...”

Ngunit taliwas naman sa naging pahayag ni Teresita ang pananaw ng isa pang nakilahok sa rebolusyon na si Aida Real ukol dito. Ayon sa kaniya mas gusto niya pa ang Martial Law kaysa kung anong kalayaan ang mayroon tayo sa kasalukuyan.

"Mas gusto ko pa ang [Martial Law] kasi nawala 'yung mga ‘adik adik’ at 'yung mga magnanakaw [bagay na tila naglipana saan man ngayon]," saad ni Aida.

Kung tutuusin, dini-disiplina lamang daw ni Marcos ang taong bayan. Para sa kaniya pinagkaisahan lamang si Marcos dahil hindi lahat ng kasamang nag-alsa laban sa kaniya ay hindi gusto ang pamamalakad niya.

Paliwanag ni Aida na pinababa na lamang siya, kasama ang kanyang mga ka-trabaho ng bus sa Magallanes noon at pinasama ng kanilang presidente ng kumpanya para makiisa sa rebolusyon. “Alam mo karamihan ng nag-rebolusyon dun, sa totoo lang… kaming mga nakaranas niyan, alam naming na hindi lahat ng sumama sa EDSA, against kay Marcos...”

Iilan lamang sila Aida at Teresita sa mga taong naging saksi ng makasaysayang rebolusyon na kinilala maging sa ibang bansa. Dalawang taong magkaiba ng pananaw, dalawang taong nagkasama sa magkaibang adhikain ngunit sabay bumabalik sa ‘di matawarang muling pagkamit ng kalayaan para sa Inang Bayan.