Pag-indak ng nasalanta sa dagundong ng daluyong sa darating na Pasko

FEU Advocate
December 23, 2025 09:00


Ni Joana Angelika Mikaela Sindac

Hanggang ngayon, mistulang naghahanap pa rin ng pahintulot ang mga nasalanta na ipagdiwang ang Paskong paparating. Bulyawan man ang langit nang paulit-ulit, tila bulong ang kanilang mga hiyaw sa gitna ng malakas na ihip ng hangin at bugso ng ulan. Dagdag pang minamaniobra ng pamahalaan ang kalalabasan ng bawat yugto dahil sila ang tunay na may kakayahang wakasan ang tagpuan ng kalamidad at kamatayan. 

Nakaabot sa Caraga, MIMAROPA, kanluranin, silanganin, at sentrong parte ng Visayas ang hagupit ng bagyong Tino nitong ikaapat ng Nobyembre lamang. Itinalagang humigit-kumulang dalawang milyon ang nasalanta, kabilang na rito ang mga nawalan ng tirahan, kabuhayan, at pamilya. 

Kaya naman ipinagpaliban muna ng mga biktima ng bagyo ang Pasko ngayong Disyembre sapagkat hindi kayang tumbasan ng pagdiriwang ang iniwang pinsala ng buhawi. Hindi pa rin matapos-tapos ang laban ng pagsagip sa dignidad ng sarili.  

Luha sa lupa

Nayanig ang payapang pamamalagi ng sangkatauhan nang bumuhos ang malakas na ulan ng bagyo at isa ang Cebu sa matinding naapektuhan nito. 

Nagsiliparan ang yero dala ng habagat at sinama nito ang halos 49,670 tahanan. Biglaang hagupit ng agos mula sa iba’t ibang panig ng lugar ang hindi inaasahang tatangay sa buhay ng mga nasalanta.

Sa panayam ng FEU Advocate kay Alo Danilo, isang family driver mula sa nasabing lugar, isinalaysay niya kung paano tuluyang anurin ang kanilang bahay bunsod ng patuloy na pagtaas ng tubig. 

“Dahan-dahan akong lumangoy papuntang basketball court [na] malapit sa bahay [namin]. Hindi pa ako umaalis dahil gusto ko pagmasdan ang tubig na malakas [na] umaapaw. Bandang alas-singko, naglakad ako papunta sa gitna ng tulay, tinitignan ko ‘yung bahay. Tatlong palapag, wala na,” kuwento niya. 

Dagdag pa ni Danilo, hindi niya inakalang mawawala sa isang iglap ang bahay na kaniyang pinagbuhusan ng dugo’t pawis nang napakaraming taon.

“Napahinto ako at umiyak. Parang hindi ko tanggap ang nangyari sa bahay namin dahil 17 taon namin na ipinundar, wash-out talaga. Hanggang ngayon, hindi pa naaalis ang trauma, kaunting ulan lang parang nawawala na ako sa isip,” aniya.

Kamakailan lamang, lumabas ang katotohanan patungkol sa flood control projects ng bansa. Natuklasang ginamit lamang bilang instrumento sa pagnanakaw ng mga kawani ng gobyerno ang mga inilunsad na proyektong naglalayong wakasin ang patuloy na pagbaha.

Sa kumperensiya ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. noong Agosto, inilahad niyang mula Hulyo 2022, umaabot sa ₱545.64 bilyon ang perang nakalaan para sa mga proyektong ito, ngunit ₱350 bilyon ang hindi tiyak o partikular ang katayuan kung nasimulan ba ito o natapos.

Iginigiit ng kongreso sa harap ng kamara ang pagsulong sa katarungan upang lumaya ang sanlibutan sa masalimuot na pagkakatali sa ganitong pamamahala. 

Subalit nagdaan ang trahedya. Inilibing ng bagyo ang mga biktima, humupa ang baha, at isiniwalat na nito ang bawat tahanang hubad—binigo lang muli ng pamahalaan ang estado.  

Kontrolado ang nangyari sa pamilya ni Danilo, mula sa sablay na flood control projects hanggang sa pagkukulang ng pamahalaan na magbigay ng lingkod matapos ang bagyo. Patunay ito na ang gahaman ang kumikitil sa dangal ng sambayanan.

Paskong puchu-puchu 

Makaraan ang isang buwan, bahagya lamang ang pinagbago sa kalagayan ng mga Pilipinong biktima ng bagyo. Naninirahan sa tolda, umaasa sa ayuda, at naghahanap ng posibleng pagkakapitan ng puhunan upang makapagsimula muli. 

Inamin ni Danilo na wala silang natanggap na tulong mula sa gobyerno matapos ang bagyo, mga vlogger pa ang nagbigay sa kanila ng pagkain at tubig.

“Noong ika-10 ng Disyembre [lamang], nagsalita ang Mayor namin. Hindi man lang nagpakita [noong] kasagsagan ng bagyo. Siguro nakonsensiya kasi biglang nagsalita sa Facebook niya, humingi ng tawad sa mga biktima ng bagyo lalo na sa mga na-wash out,” saad niya. 

Makikita ring naglilitawan ang sandamakmak na ‘vloggers’ lalo sa panahon kung saan nanghihina ang mamamayang nahihirapan, walang depensa sa pagkuyog ng mga tumutulong nang may kamera. 

Ninanais niya ring mabigyan ng kaunting panghanda sa darating na Pasko dahil paniguradong magbibigay raw ito ng kasiyahan sa kanila, burado man ang kanilang tahanan.

Sa usapin naman ng ₱500 para sa Noche Buena, ipinagtataka niya kung bakit nais tipirin ng pamahalaan ang mga Pilipino. 

“Anong gagawin namin sa ₱500? Baboy at manok, kulang pa. Ewan ko lang [baka] wala pang ingredients [‘yun]. Tig-iisang piraso ng karne [baka] sapat ‘tong 500,” giit ni Danilo. 

Tila nahuhumaling ang gobyerno sa ideyang ang mga Pilipino pa ang dapat magpigil at magkaroon ng kamalayan sa sariling estado sa buhay. Malalim ang pinamumukha ng ₱500 para sa Noche Buena.

Pangmamaliit ito at pagsisiwalat ng pamahalaan sa kanilang kawalan ng paglingap sa lipunan. Pagtanggal din ito sa karapatan ng karaniwang mamamayan na magkaroon ng marangal na pagdiriwang sa Pasko.

Sa panayam ng FEU Advocate kay Shane Rian Del Rosario, isang guro mula sa Departamento ng General Education ng Unibersidad, ipinaliwanag niya ang tunay na problema sa likod ng kontrobersiyang ito.  

“Hindi lamang usapin ito ng pagalingan mag-budget ng panghanda, tulad ng ipinapalabas nila Mariel Padilla, o usapin ng presyo ng bilihin dahil sa mataas na demand. Ito ay usapin ng kakulangan ng pamahalaan na tugunan ang mataas na halaga ng bilihin at ang patuloy na usapin sa bilyong mga ninakaw,” aniya. 

Dagdag pa niya, simbolo ng ‘disconnect’ ang pagtatakda ng gobyerno ng ₱500 na Noche Buena sa pagitan ng estado at karaniwang mamamayan. 

Ipinakikita ng diskusyong ito ang totoong tingin ng gobyerno sa pinamamahalaan nito. Ipinakikitang hindi nila tunay na naiintindihan ang nararamdaman at minimithi ng bawat Pilipino. Nilagdaan nang maigi ang linya sa pagitan ng pagiging mayaman at mahirap. 

Dagdag pa ng guro, Pasko ang sangkap sa pagkakaisa ng bansa.

“Bilang kabahagi ng pagka-Pilipino, ang Pasko ang nagsilbing cultural glue na nag-uugnay sa pagkakaibang mayroon tayo na nagsisilbing mekanismo ng pagbubuklod. Mahalaga [ang Pasko] para sa isang bansang madalas dumaranas ng krisis,” saad niya.

Pinatutunayan ito ni Danilo. Saad niya, kadalasan sa mga Pilipino, kinakaya ang lahat makapaghanda lamang tuwing pasko.

Ginugunita ang Pasko pagsapit pa lamang ng Setyembre. Sumisimbolo ito ng pagtutugma muli sa diwa ng bawat isa. Likas ito sa isang Pilipino, kaya naman anong karapatan ng pamahalaang nabubusog sa kaban ng bayan para diktahan kung paano idaraos ang Noche Buena?

Kadalasang pinuputol ang usaping ito sa pagbanggit ng presyo ng merkado at sa pagtitipid lamang. Ngunit lantad na pambabastos ito sa mga Pilipinong inaabangan ang Pasko, pang-iinsulto sa uri ng tao, at pagkuwestiyon sa lugar ng isang karaniwang mamamayan sa lipunan.  

Lumipas na ang ulan

Naninirahan pa rin sa ilalim ng tolda ang pamilya ni Danilo kasama ang iba pang nasalanta ng bagyong Tino. Nakasusulasok kung paano tumugon ang gobyerno sa bawat trahedya, kinakailangan pang magmakaawa ng mga Pilipino upang bigyan ng saklolo at suporta.

Kailangang maintindihan ng pamahalaan na dapat mabusising pag-aralan ang kondisyon o katayuan ng bawat kinaroroonan ng mga Pilipino sa bansa. Sa ganitong paraan, hindi paulit-ulit ang tagpo ng kalamidad at kamatayan.

“Ang pambansang pamahalaan ay dapat lalong palakasin ang mga programa ng National Disaster Risk Reduction and Management Plan [NDRRMP] 2020-2030 at ng AmBisyon [Natin] 2040. Kasabay nito ang pagpapatupad ng local na pamahalaan ng kanilang sariling pag-aaral sa heograpiyang kalagayan ng kanilang lugar at pagtatasa kung ano ang mga kakailanganin ng bawat barangay,” saad ni Del Rosario.  

Layuning pahupain ng NDRRMP 2020-2030 ang krisis sa klima ng bansa habang pinananatili ang likas-kayang pag-unlad. Itinataguyod din nito ang patuloy na pakikiisa ng paaralan at kabataan sa paggawa ng desisyon tuwing may kalamidad. 

Samantala, minimithi naman ng AmBisyon Natin 2040 na tuluyang wakasin ang kahirapan at magkaroon ng maginhawang pamumuhay ang bawat Pilipino sa hinaharap. 

Maaalalang muli ring binalikan ng karamihan ang Project NOAH na itinatag noong 2012 dahil sa matagumpay at agaran nitong pagbibigay ng kritikal na datos o ulat tuwing may sakuna. Subalit bunsod ng patuloy pagputol sa pondong nakalaan sana rito, naglalaho ang sanang pampatibay ng proyektong ito. 

Kabilang sa proyekto na ito ang pagkakaroon ng mapa na nagbibigay ng maagang patnubay sa panganib na paparating. Nagbibigay rin ito ng impormasyon kung saan maaaring manatiling ligtas ang mga mamamayan at mga lugar na dapat iwasan.

Bagama’t napag-iiwanan ng makabagong teknolohiya ang Project NOAH sa kasalukuyan, nakatutulong pa rin ito sa marami. Mapagtatantong kung sana’y hindi pinagkaitan ng gahaman ang proyekto, marami itong naisalbang Pilipino. 

Pagpapatibay sa pangmatagalang solusyon ang hindi magawa-gawa ng administrasyon sa kadahilanang nananaig ang pagiging ganid sa perang dapat para sa bayan. Taon-taon na lang sinusulong ang panandaliang adhikain at solusyon sa loob ng senado. Iisa ang suhestiyon sa panukalang batas—tipirin ang tao at hayaang tuluyang matangay sa ragasa ng bagyo.

Hinahangad ni Danilo na garantisadong maaasahan ang gobyerno sa panahon ng unos. Harapin mata sa mata ang nasalanta at tugunan ang kailangan nitong agapay. Tanggalin sa isipan na katangi-tangi ang pagiging matatag ng Pilipino, sapagkat pangangatwiran lamang ito ng magnanakaw upang mapatuloy ang pagsamsam sa salapi ng bawat distrito. 

Resulta lamang ng estruktural na kapabayaan ang nagtutulak sa bawat mamamayan na umasa sa sariling lakas imbes sa institusyong nagkukulang punan ang pangangailan nila.

Pinagkaitan ng tsansang mabuhay nang marangya at magdiwang nang magarbo ang Pilipinong paulit-ulit sumasailalim sa kalupitan ng gobyerno. Kaya’t pagbibigay-kalinga ang tanging hiling sa Pasko ng mga nasalanta. Ito ang dapat itaguyod ng pamahalaan, hindi ang panggigipit sa masang lubog sa kahirapan.

(Dibuho ni Darlyn Antoinette Baybayon/FEU Advocate)