Pag-ani ng repormang agraryo, pagkalas sa kalugmukang piyudalismo

FEU Advocate
October 21, 2024 21:03


Ipinapasan ng bawat magsasaka sa kanayunan ang kapalaran ng Pilipinas bilang isang agraryong bansa. Ngunit sa patuloy na pambabarat ng mga panginoong maylupa sa mga magbubukid na nagtataguyod ng pagsasaka, pagbubungkal para sa tunay na repormang agraryo at lupa ang layunin ng mga aping magsasaka sa kabiguan ng estado na panindigan ang pangako nitong pag-unlad sa agrikultura. 

Ngayong buwan ng mga magbubukid, hindi lamang mga pananim ang nilalayong diligan ng nagkakaisang magsasaka sa Pilipinas. Hinahangad nila ang mas makatarungang pagtataguyod ng sektor ng pagsasaka bilang pangunahing industriya sa bansa. 

Mula rito, ninanais din ng mga magsasakang pumiglas sa malapiyudal na pananamantala ng kasalukuyang istruktura ng lipunan upang ganap nang mawakasan ang mga hindi matapos-tapos na suliraning nagpapahirap sa mga magbubukid.  

/Magtanim ay ‘di biro/

Malaki ang ginagastos ng isang magsasaka upang makapagtanim at umani ito ng palay. Sa kabila ng kapital na iginugugol dito, tinatawaran lamang ang pagbili ng palay sa mababang halaga pagdating sa merkado. 

Ibinahagi ni alyas “Aida” sa FEU Advocate ang kaniyang karanasan bilang isang magsasaka sa Isabela at ang mga suliraning kinahaharap nito. 

Nagngina iti bagas, ngem naglaka iti irik. Kasatnu garud tu ngay iti mannalon? …Uray nu ibagam met idiyay presyum nga nangato, nu ibaga na diyay gumatang nga ‘kastoy lang [presyo] iti irik,’ ay ket ited mo (Ang mahal ng bigas, pero ang mura ng palay. Paano naman kaming mga magsasaka? Kahit ibenta mo nang mahal, kung sinabi ng bibili na ‘ganito lang ang presyo ng palay,’ ibebenta mo pa rin sa ganoong halaga),” saad nito. 

Binanggit din ng matandang magbubukid sa panayam na malaki ang perhuwisyong dulot ng mga pananalanta ng bagyo dahil nasisira ang mga pananim sa malakas na hanging dala nito. 

‘Nu mataub iti pagay, anya apitim? Eh, ‘di awan! (Kung matumba ang palay dahil sa bagyo, ano’ng aanihin mo? Eh, ‘di wala),” sambit nito. 

Sa panayam naman ng FEU Advocate kay Danilo Ramos na tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), nananatiling mataas na singil sa renta ng lupa ang pangunahing isyu ng mga magsasakang walang sariling sakahan.  

“Nananatiling eight out of 10 ng [mga] magsasakang Pilipino ay walang sariling lupa. Pangalawa ay ‘yung problema sa usura. Usura, ito ‘yung mataas na interes [sa renta] na ini-impose ng mga usurero [nagpapautang] sa kanayunan,” anito. 

Tunay na nananatiling piyudalismo ang ugat ng problema ng mga magbubukid. Ipinamamalas ng kasaysayan na ang piyudal na relasyon ay nakaangkla sa pananamantala ng mga panginoong maylupa sa mga magsasaka o manggagawang-bukid. 

Bunsod nito, patuloy na naghihirap ang mga nagtatrabaho sa bukid dahil sa mababang pasahod at kita sa pagsasaka. 

Isa rin sa mga naging rason ng kahirapan sa pagsasaka ay ang pagsasabatas ng Rice Liberalization Law, o pagluwag sa restriksyon ng pag-angkat ng bigas sa Pilipinas mula Vietnam, Thailand, Myanmar, Pakistan, at India. 

“Bakit mababa [ang presyo ng palay]? Kasi nga ‘yung gobyerno, through National Food Authority (NFA), hindi na namimili ng palay sa magsasakang [Pilipino]. Kasi simula nang maisabatas ang Rice Liberalization Law noong 2019, ‘yung mandate ng NFA na mamili ng palay at magbenta ng bigas ay nawala,” paliwanag ni Ramos sa problema ng presyo ng bigas. 

Bukod pa rito, dagdag pasanin din ang import liberalization program ng gobyerno sa balikat ng mga magsasakang Pilipino. 

“[Ang import liberalization] ay ‘yung pag-angkat ng bigas, sibuyas, asukal, at iba pang agrikultural na produkto kahit mayroon naman tayo nito. Kaya in the last three years, number one ang Pilipinas [bilang] rice importer dahil mismo sa patakaran ng gobyerno,” saad ng lider ng kilusan. 

Bilang resulta nito, sinabi naman ng estudyanteng si Andre na malaki ang epekto ng problemang agraryo para sa mga mag-aaral. 

“Napapasa sa mga estudyante ang kamahalan ng bilihin dahil naihahati at nagigipit ang budget ng pamilyang Pilipino,” saad niya. 

Bagama’t mayroong batas ukol sa repormang agraryo sa bisa ng Comprehensive Agrarian Reform Law of 1988, patuloy pa rin ang dinaranas na paghihirap ng mga magsasaka dahil sa kawalan ng lupang sakahan at hindi makatarungang ugnayan sa merkado. 

/Maghapong nakayuko/

Tila pagkasadlak ang namumutawing naratibo ng mga magsasaka sa kasalukuyan. Kaya ang pagtakas sa mapaniil na kondisyon ang walang ibang hinihiling ng bawat isa sa kanila. 

Iti panawagan ko lang met ay ket ibaba da [gobyerno] diyay [presyo] iti bagas. Ingato met da bassit iti [presyo] irik ta kakaasi met iti tao nga mannalon (Ang panawagan ko lang sa gobyerno ay ibaba ang presyo ng bigas. Itaas din sana nila kahit kaunti ‘yung presyo ng palay dahil kawawa naman kaming mga magbubukid),” pithaya ni Aida. 

Ngunit sa ibang magsasaka, hindi sapat ang pagbibigay ng panawagan sa gobyerno. Sa tinagal-tagal ng suliraning kanayunan, sinasabi ng pangulo ng KMP na tila hindi kailanman nakinig ang gobyerno sa hinaing ng mga magsasaka. 

Dahil sa malawakang pagkadismaya, ipinaunawa ni Ramos kung bakit may mga nag-aaklas na magbubukid laban sa gobyerno. 

“Tingin namin, even ‘yung root cause ng armed conflict ay dahil sa kawalan ng lupa, inhustisya, at kawalan ng kalayaan [sa lupa]. Kaya para sa amin, ‘land is peace,’” aniya. 

Dagdag pa nito, ang patuloy na paglapastangan sa karapatan ng mga magsasaka ay nagmimitsa ng mas matinding galit sa kapabayaan ng gobyerno, sinasabing kulang ang pakikipag-usap para sa makabuluhang pakikibaka. 

“‘Yung mga taong nagpasya sa ibang porma [ng pakikibaka], hindi na sila nasasapatan na ang hawak lang ay placards at flags. Nakita nila ‘yung kawalan ng hustisya. May mga hayag, lihim, at armadong [pakikibaka]. Kami, nirerespeto namin ‘yung napili nilang porma dahil tingin nila ‘yun ang tama,” ani ng tagapangulo ng KMP. 

Mula naman sa yumaong ama ng Communist Party of the Philippines na si Jose Maria Sison, ipinaliwanag nito sa librong ‘Continuing the Struggle for National and Social Liberation’ kung bakit nagpapatuloy ang armadong pakikibaka sa kanayunan. 

The persistence of systemic violence [of the state] against the people justifies their perseverance and militancy in all forms of extralegal struggle (Ang pagpapatuloy ng sistematikong karahasan ng estado sa mga tao ay binibigyang-katwiran ang kanilang pagsisigasig at militansya sa lahat ng porma ng pakikibakang hindi naaayon sa batas),” saad nito. 

Magdamagang pinayuyuko ng lipunan ang mga naghihikahos na magsasaka gamit ang malapiyudal na pananamantala. Patunay ito na ang tuluyang kalayaan sa lupa lamang ang magbubunga ng mapayapang sakahan. 

Hangga’t hindi napuputol ang istruktural na pang-aapi sa kanila, patuloy na mamumutawi ang armadong tunggalian sa mga liblib na kabukiran ng bansa. 

/Tayo’y magsipag-unat-unat/

Malinaw na pagbabago ang kailangan sa kasalukuyan; ang tuluyang pagtapon sa piyudal na opresyon sa mga kabukiran. 

Para kay Sison, reporma sa lupa ang tunay na paglaya. 

Genuine land reform ends…all feudal and semi-feudal forms of exploitation. This emancipates the peasant majority of the people not only economically but also politically. This brings about the substance of democracy (Ang tunay na reporma sa lupa ay ang pagwawakas sa lahat ng porma ng piyudal na pananamantala. Pinalalaya nito ang mga magbubukid hindi lamang sa ekonomikal na aspeto kung hindi pati sa politikal. Ito ang bubuhay sa tunay na diwa ng demokrasya),” sulat nito. 

Isinaad naman ni Ramos ang resulta ng dalisay na reporma sa agraryo. 

“Kaakibat din [ng repormang ito] ay ang pambansang industriyalisasyon. ‘Yung agrikultura [ay] magsisilbi sa industriya, at ‘yung industriya ay kukuha ng mga raw material sa agrikultura—nagko-complement sila. Kung magkakaroon ng genuine land reform and national industrialization, susi ito sa pag-unlad sa kanayunan,” anito. 

Bilang estudyante, hinihikayat din ni Andre na makisangkot ang katulad niyang mag-aaral sa pagpapalawak ng kamalayan sa suliraning agraryo. 

“Sumali sa mga [organisasyon] na nakahanay sa mga magbubukid tulad ng ARPAK (Artista ng Rebolusyong Pangkultura), SAKA (Sama-samang Artista para sa Kilusang Agraryo), Amihan National Federation of Peasant Women, [at iba pa]. Kung medyo nag-aalinlangan ay maigi na paingayin ang mga isyu na nangyayari sa ating mga magsasaka tulad ng land grabbing, pekeng reporma sa lupa, [at] pamamasista [ng estado],” panawagan nito. 

Nakaugnay sa mga mag-aaral at ordinaryong mamamayan ang pasakit na dulot ng suliraning agraryo at lupang sakahan. Ang tuluyang pagbabago nito ang nag-iisang sigaw ng bawat magbubukid. 

Sa pakikibaka ng mga magsasakang api, kasama ang bawat Pilipino sa pagbuo ng minimithing malayang lipunan. Marapat lang na samahan natin sila sa paglaban at pagsulong ng mas makatarungang bansa sa pamamagitan ng pakikisangkot sa malawakang hanay ng pakikibakang agraryo. Araw-araw nating ipangako ang pagtataguyod sa kanilang kapakanan sa bawat lupang kanilang binubungkal, at siguruhing ang mga butil ng palay na kanilang aanihin bukas ay hindi ang huling bigas na kanilang kakainin sa kalugmukan. 

Mga linyang hiniram sa kantang “Magtanim ay ‘di biro.”

- Eryl Cabiles

Kuha ni Aleena Louise Abad

Mga litrato mula sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at Philippine Collegian

(Latag ni Ysh Aureus/FEU Advocate)