Negrito, natamo ang ikaapat na PVL Best Setter Award

FEU Advocate
August 18, 2025 10:07


Ni Vince Matthew Jaramilla

#SportsBites: Kinilala bilang Best Setter sa ikaapat na pagkakataon ang dating Far Eastern University (FEU) Lady Tamaraw na si Kyle Negrito sa 2025 Premier Volleyball League (PVL) on Tour na nagtapos kagabi, ika-17 ng Agosto. 

Tinanggap ni Negrito ang nasabing parangal sa ikatlong sunod na pagkakataon simula noong mabawi niya ito sa 2024 PVL Invitational Conference.

Pinangunahan ng starting setter ng Creamline Cool Smashers (CCS) ang kaniyang posisyon nang may average na 6.74 na excellent set sa bawat frame.

Nangibabaw rin ang galing ni Negrito pagdating sa serving sa kaniyang 0.42 ace kada set, sapat para makuha ang ikaapat na puwesto sa naturang kategorya.

Sa tulong ng kaniyang playmaking, nasungkit ng CCS ang bronze medal sa torneo.

Kasalukuyan namang pantay sa apat ang kanilang Best Setter award ng dati niyang kakampi sa FEU na si Gel Cayuna.

Samantala, itinanghal na kampeon ng PVL on Tour ang PLDT High Speed Hitters habang naiuwi naman ng Chery Tiggo Crossovers ang silver medal.

(Litrato mula sa Premier Volleyball League)