FEU extends losing skid to 5 at the hands of AdMU
- May 26, 2022 15:21
FEU Advocate
March 31, 2026 11:24

Nina Shayne Elizabeth T. Flores at Mikaela Sindac
Ilang araw matapos ipahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kasalukuyang kalagayan ng Pilipinas bilang ‘normal,’ idineklara niya na sumasailalim ang bansa sa state of national energy emergency bunsod ng digmaan sa pagitan ng U.S.-Israel at Iran. Bago pa man ang anunsiyong ito, labis nang iniinda ng mga drayber at pasahero ng Public Utility Vehicle (PUV) ang patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo sa bansa.
Noong ika-28 ng Pebrero ngayong taon, nagsagawa ng air strikes ang U.S. at Israel laban sa Iran para wasakin ang missile capabilities at naval force nito na matagal nang banta sa seguridad ng dalawang bansa.
Nagdulot ito ng pagkamatay ng pinuno ng Iran na si Ali Khamenei na nag-udyok sa Iran na gumanti sa pamamagitan ng paglunsad ng missile at drone attacks sa mga base ng U.S.-Israel sa Kanlurang Asya.
Habang patuloy pa rin ang palitan ng mga pag-atake sa pagitan ng U.S.-Israel at Iran, higit na naapektuhan ang kalakalan ng langis sa buong mundo, kasama ang Pilipinas, partikular ang pagdaloy nito sa Strait of Hormuz na kontrolado ng Iran.
Presyo ng langis, paglala ng krisis
Nakadepende ang halos 98 porsiyento ng krudo ng Pilipinas sa Kanlurang Asya, kaya naman isa ang ekonomiya ng bansa sa mga pinakaapektado ng kasalukuyang tunggalian.
Bukod pa rito, iisa lamang ang plantang nagpoproseso ng krudo sa loob ng bansa, na pagmamay-ari ng Petron, kaya nanatiling import-dependent ang lokal na industriya ng langis.
Nakaangkla rin ang sistema ng industriya sa Oil Deregulation Law, kung saan walang kapangyarihan ang gobyerno na kontrolin ang presyo ng gasolina upang matulungan ang mga kompanya ng langis na makipagkompetensiya sa kanilang suplay at pagpepresyo ng produktong petrolyo.
Dahil dito, bago pa man maganap ang hidwaan sa pagitan ng U.S.-Iran sa kasalukuyan, malaya nang nakapagsasagawa ng oil price hikes ang mga kompanya para masiguro ang kanilang kakayahang mag-imbak ng karagdagang suplay ng langis.
Kaya naman, bilang paghahanda sa epekto ng krisis, sunod-sunod ang ipinataw na oil price hike ng mga kompanya ng langis nang magsimula ang Marso.
Inanunsiyo ng Department of Energy (DOE) ang mga sumusunod na pagtaas sa presyo ng petrolyo para sa linggo ng ika-17 hanggang ika-23 ng Marso:
Habang ang mga sumusunod naman ang retail prices na ipinatupad sa National Capital Region ayon sa datos ng DOE mula ika-10 hanggang ika-16 ng Marso, dagdag pa ang mga pagbabago sa sumunod na linggo:
Tinatayang 36 na porsiyento ng consumer price index basket ng bansa ay nakaangkla sa presyo ng langis. Bunsod nito, inaasahan din ang pagtaas sa presyo ng mga produkto at serbisyo gaya ng pagkain, transportasyon, at kuryente.
Mula rito, samot-saring pangamba ang kinakaharap ng mga drayber sa kanilang kinikita at ng mga estudyante sa perang nilalaan nila sa pamasahe at iba pang bilihin.
Daing ng mga drayber
Sa kasalukuyang krisis, malubhang naaapektuhan ang mga mamamayang umaasa sa pamamasada bilang kanilang pangunahing hanapbuhay.
Sa panayam ng FEU Advocate, inilahad ng UV Express driver na si Judith Gonzales ang epekto ng oil price hike sa gastusin niya sa araw-araw na pamamasada.
“Malaki ang epekto sa amin dahil… wala na kaming mauwi sa pamilya namin. Doon sa diesel napupunta, eh, ₱81, tapos gasolina ₱64. Saan ka nakakita na mas mahal pa ang diesel kompara sa gasolina ngayon?... Tapos nag-abono pa ako kanina, ₱1,000 kinarga ko, sarili ko pa ‘yan, ha. Eh, paano kung nakiki-boundary ‘yung iba?” aniya.
Sa ilalim ng sistema ng boundary, kailangang magbayad ang drayber sa operator o sa may-ari ng sasakyang kaniyang gagamitin sa pamamasada. Wasto ang salapi na babayaran ng drayber sa operator at ang sobra na lamang sa kaniyang kikitain sa isang araw ang mapupunta sa kaniya.
Ganito ang realidad ng karamihan sa mga drayber sa bansa. Kaya naman iniinda ng isa pang UV Express driver na si Ronaldo Gopas ang sistema ng boundary upang makapagpatuloy lamang sa pamamasada.
“‘Yung reklamo namin na pagbabiyahe, pagpapasada [ay] sobrang taas ng diesel. ‘Yung boundary ng UV [Express ay] ang taas din. ‘Di naman kami naiintindihan ng mga operator, inuuna [pa namin] ang mga senior, mga estudyante, tapos ‘yung diesel, hindi naman kami dini-discount, kahit na senior [na mga tsuper] hindi sila nagdi-discount, pataas kasi nang pataas,” saad niya.
Ayon kay Gonzales, mahigit-kumulang ₱500 na lang ang nauuwi niyang kita sa kaniyang pamilya dulot ng dagdag-presyo sa langis. Samantala, halos wala na raw nauuwi si Gopas dahil kulang pa ang kinikita niya sa pagkarga ng gasolina at pagbayad sa boundary.
Sa kasalukuyan, ₱2.49 na bilyon ang nakalaan sa Fuel Subsidy Program ng Department of Transportation (DOTr) na nakatakdang ipamigay sa mga PUV driver sa susunod na linggo, habang nauna nang nakatanggap ng ₱5,000 cash assistance mula sa gobyerno ang mga drayber sa Metro Manila.
Para kay Gopas, malaking bagay na ito para sa kaniya bunsod ng kahirapan. Ngunit sa hiwalay na panayam kay Boy Pineda, isang tsuper na nagmamaneho ng dyip sa kahabaan ng Morayta, kulang pa ang ₱5,000 para maitaguyod ang kanilang pangangailangan.
“Hindi sapat, eh, kahit gawin mong sampunlibo o bente mil [‘yung subsidy]. Sa susunod na araw, anong gagastusin mo? Sige nga? Sa susunod na araw, anong ipambibili mo ng pagkain? Limanlibo? ‘Yung maghapong pambili niyo, wala na, eh,” saad ng drayber.
Kamakailan lang, ilang drayber din ang nakaranas ng komplikasyon, tulad ng pagkahimatay, dahil sa pila sa bigayan ng subsidyo. Mistulang pagsubok pa rin ang pagpapairal ng mga mungkahing batas sa ligtas at makataong pamamaraan.
Gayunpaman, may ilang mga drayber na hindi makatatanggap ng subsidyo dahil sa isyu sa sertipikasyon, gaya ni Gonzales.
“Hindi nila mabibigay ‘yung subsidy ko, eh. Kasi wala akong card, eh… Hindi naman ako [ang may-ari nito]. Hindi pa na-transfer… [kaya] hindi ako makakuha,” aniya.
Ipinaliwanag ng drayberna si Gonzales na nahihirapan siya sa pagproseso ng UV Express na minamaneho niya dahil kailangan pa ng identification card (ID) ng may-ari sa pagpasa ng papeles.
Ayon pa sa kaniya, nasa ibang bansa ang may-ari ng sasakyan kaya hindi siya makapagbigay ng ID nito. Tanging deed of sale lang din ang pinanghahawakan niya na hindi sapat para payagang makatanggap ng subsidyo.
“‘Pag deed of sale lang, kailangan pa ‘yung ID ng may-ari, authorization ng may-ari. Eh, paano kung wala nga, nasa ibang bansa ang may-ari, [eh ‘di] hindi kami makakuha ng subsidy,” saad ni Gonzales.
Dahil dito, nagbabakasakali ang UV Express driver na mabigyang-konsiderasyon sa kabila ng kakulangan niya sa papeles.
“Kahit papaano sana maibigay na lang ‘yung subsidy namin kahit hindi kami, ‘yung sa operator ba. Kahit deed of sale lang ‘yung pinanghahawakan, dapat maibigay na nila kasi mahirap talaga ang biyahe ngayon,” hiling niya.
Mula rito, masisipat ang iba’t ibang epekto ng oil price hike sa mga PUV driver, kung saan hindi lamang dagdag-presyo ang kanilang inaalala, kung hindi pati ang burukratang sistema na nagpapahirap sa pagkuha ng tulong sa kanila sa harap ng krisis.
Pananamantala ng makapangyarihan
Imbes na makatulong ang ibang panukalang inihain ng Pangulo na naglalayong umanong makatulong sa masa, tila naging sangkap pa ito para madagdagan ang pasakit ng mga drayber.
Inireklamo rin ni Gonzales ang four-day work week na iniutos noon ng Pangulong Marcos Jr. para makatipid sa enerhiya at gasolina sa gitna ng malawakang pagtaas sa presyo ng petrolyo.
“Malaki rin ‘yung epekto sa amin dahil apat na araw lang, hanggang Huwebes lang ang pasok, eh. Biyernes, Sabado, Linggo, wala na. Eh ‘di hindi na kami babiyahe. Kasi wala namang pasahero na pumapasok. Siyempre, hihinto ka muna,” aniya.
Kabilang sa mandatong ito ang lahat ng ahensiya ng gobyerno, government-owned or -controlled corporations, local government units, constitutional bodies, state universities at colleges, at iba pang government instrumentalities.
Kagaya ng ibang PUV drivers, hiling ni Gonzales na magkaroon ng pagtaas sa presyo ng pamasahe para madagdagan ang kanilang kita.
“Baka ma-arrange po, puwede… taasan na lang ‘yung pamasahe kaunti para kumita naman kahit papaano… ‘yung driver… Kung hindi tataasan ang pamasahe, wala. ‘Yung iba, hihinto na lang talaga,” sambit niya.
Bilang tugon sa panawagan ng mga drayber, inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang fare hike para sa mga jeepney, bus, airport taxis, at transport network vehicle services na epektibo sana noong ika-19 ng Marso ngayong taon.
Pinahintulutan ng LTFRB ang pagpataw ng ₱1 sa minimum fare sa mga tradisyonal na dyip at dagdag ₱2 naman sa susunod na kilometro. Habang ₱2 naman sana sa mga modernong dyip at dagdag ₱2.30 sa susunod na kilometro.
Subalit, isang araw bago ito ganap na ipataw, iniutos ni Pangulong Marcos Jr. ang pagsuspinde sa pagtaas ng pamasahe bilang konsiderasyon sa gastusin ng mga komyuter na apektado rin ng krisis.
Ikinadismaya ito ng mga tsuper na umasa sa dagdag kita na makukuha sa fare hike kung sakali, lalo na’t sila ang pinakanasasadlak sa krisis sa langis.
“Sa hanay namin sa transport na ito nga, nagigipit na kami, na wala na kaming naiuuwi sa aming pamilya. Hirap na hirap na po ang sektor ng transportasyon sa kasalukuyan. Kaya 'yung sinasabi na hindi napapanahon, baka po puwede pag-isipan nila, dahil talagang lahat apektado dito sa pagtaas ng presyo ng petrolyo na ito,” ani Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) - National Capital Region President Ely Villena sa isang kilos-protesta.
Subalit, kahit nailatag na ng pamahalaan ang posibleng solusyon sa gitna ng krisis, tila nananatiling mapanganib ang kapakanan ng mga tsuper dulot ng mga panandaliang kalutasan na siyang mabisa lamang para sa iilan.
Pagtutol sa pagtaas ng krudo, mapaniil na sistema
Bukod pa sa mga tsuper, iniinda rin ng mga estudyanteng komyuter sa lungsod ng Kamaynilaan ang patuloy na pagtaas ng gasolina. Imbes na bigyang-tuon ng mga ito ang kanilang kakainin sa pang-araw-araw, pamasahe ang sentro ng kanilang gastusin.
Sa panayam kay ‘Eli,’ isang second-year Philippine studies student sa Polytechnic University of the Philippines, ipinahayag niya ang kaniyang simpatya para sa mga drayber bagaman may sariling danas din ang mag-aaral.
“Para makatulong na rin kahit papaano sa mga tsuper, ang binabayad ko sa kanila ay walang student discount. Dagdag pa rito na mas humahaba ‘yung oras ng paghihintay kasi may mga tsuper na hindi na bumabiyahe hangga’t hindi puno ang dyip dahil lugi na sila. Kung iisipin, ‘yung oras na paghihintay na ‘yon ay maaari ko nang mailaan sa pag-aaral, pero naiintindihan ko rin ang sitwasyon nila kasi sobrang hirap kumita ng pera ngayon,” saad niya.
Dagdag pa ng estudyante, naging doble ang kailangan niyang pagtitipid upang mapagkasiya ang baon niya sa isang araw sapagkat tumaas man ang pamasahe, nananatiling tiyak ang binibigay sa kaniyang panggastos.
“Hindi ko rin naman gustong manghingi ng dagdag-baon sa aking ina dahil madalas ay kulang din ang kaniyang kinikita sa pagtatahi. Para magkasiya ang baon ko sa araw-araw, nagbabaon na lang ako ng pagkain at tubig para pamasahe na lang ang aking paggagastusan. Kung iisipin, sobrang laking burden nito sa isang ordinaryong Pilipino — sapat lang ang kinikita o madalas ay kulang pa, pero kailangang tugunan ang mga pangangailangan sa araw-araw para mabuhay,” salaysay ng mag-aaral.
Ganito rin ang iniindang danas ni ‘Mhary,’ isang second-year political science student sa Pamantasan, bilang isang komyuter.
“Kahit noon pa man, mas malaki ang sakop ng budget ko sa pamasahe kaysa sa pangkain, halos umabot ng ₱200 ang nagagastos ko sa pamasahe. Sa pagtaas ng langis, mas naglalaan na ako ng pera sa pamasahe at hindi muna gumagastos sa iba pang bagay,” aniya.
Tulad nina Eli at Mhary, maraming mga estudyanteng komyuter ang isinasaalang-alang ang kanilang baon sa panggastos na lamang ng pamasahe papunta sa pamantasan at pabalik sa kanilang tahanan.
Kaya naman, kaakibat ng pabago-bagong implementasyon at kawalan ng kongkretong panukala hinggil sa krisis ng oil price hike, dinala ng PISTON ang kanilang hinaing sa isang kilos-protesta at malawakang transportation strike noong ika-19 hanggang ika-20 ng Marso.
Ipinahayag ng PISTON National President na si Mody Floranda ang kagustuhan nilang babaan ng administrasyong Marcos Jr. ang presyo ng krudo sa pamamagitan ng pagtanggal ng ₱6 kada litro na excise tax at ₱9 kada litro na value-added tax (VAT) sa langis.
“He should have suspended the tax on petroleum products, and not the fare hike (Dapat ang sinuspinde niya, ‘yung buwis sa krudo, hindi ‘yung pagtaas ng pamasahe),” ani Floranda.
Ganito rin ang naging suhestiyon ni Eli sa paanong paraan nararapat salabungin ng gobyerno ang kasalukuyang krisis.
“Para sa akin, hindi sapat ‘yung mga panandaliang aksiyon sa mga usaping malalim na ngunit hindi pa rin nabibigyan ng sapat na solusyon. Kailangan ng gobyerno na tanggalin ang VAT at excise tax sa langis para kahit papaano ay bumaba ang presyo nito. Hindi puwedeng ang mga manggagawa na nga ang pinakaapektado, pero sila pa ‘yung palaging nag-a-adjust,” aniya.
Sinipat naman ni Mhary ang malaking pagkiling ng Pilipinas sa ibang bansa sa pagtugon sa mga kinakailangan ng mga mamamayan nito.
“Naipapakita nito na masyado tayong dependent sa ibang bansa, at dahil sa gulo na nangyayari ngayon, lahat ng Pilipino ay apektado, lalo na ang mga ordinaryong mamamayan. Sa mga kaganapan ngayon, naghihirap ang mga driver sa pamamasada, ang perang ipangkakain nila ay itinatabi na lang para sa pang-gas nila. Ang mga estudyanteng katulad ko naman ay mas nagigipit sa pagba-budget ng baon,” paliwanag niya.
Bilang mga ordinaryong mamamayan, parehong kinikilala ng mga komyuter at drayber na magkasangga ang kanilang mga pasanin sa gitna ng krisis. Iisa rin ang panawagan nilang panagutin ang gobyerno sa responsibilidad nito sa mga Pilipinong apektado ng pagtaas ng presyo ng langis.
Kawalan ng kongkretong solusyon
Dagdag pa ng panawagan ng PISTON na tuluyang ipawalang-bisa ang Oil Deregulation Law na itinuturong dahilan kung bakit madaling namamanipula ng mga kompanya ang presyo ng langis.
Noong ika-18 ng Marso, naghain si Senate President Vicente Sotto III ng panukala para mapasawalang-bisa ang Oil Deregulation Law at ibalik muli ang awtoridad sa gobyerno na kontrolin ang presyo ng langis.
Samantala, inaprubahan naman ng Senado ang Senate Bill 1982 o ang ‘emergency congressional authorization’ na nagbibigay-kapangyarihan kay Pangulong Marcos Jr. na suspendihin o bawasan ang excise tax ng gasolina upang maibsan ang epekto ng kasalukuyang oil price hikes.
Sa kasagsagan ng tigil-pasada ng mga tsuper, naglaan ang DOTr ng mga bus para magbigay ng libreng sakay sa mga komyuter na apektado ngtransport strike. Dagdag pa rito, inimplementa rin ang 50-porsiyentong discount para sa lahat ng biyahe sa Light Rail Transit 2 at Metro Rail Transit 3 nitong ika-23 ng Marso.
Subalit, para kay Nanoy Rafael, isang miyembro ng PARA Commuters’ Network, isa lamang itong ‘band-aid solution.’ Pinuna niya rin ang kawalan ng kongkretong solusyon ng gobyerno sa kabila ng dalawang araw nilang protesta.
“We protested for two days, but we did not get any response to the crisis that commuters face. They do not have any resolutions to the rising prices on oil (Dalawang araw kaming nagprotesta pero wala kaming natanggap na tugon sa krisis na kinakaharap ng mga komyuter. Wala silang resolusyon sa tumataas na presyo ng langis),” sambit niya.
Magpapatuloy umano ang pagwewelga ng PISTON hanggang bigyang-aksiyon ng pamahalaan ang kanilang hiling.
Nagsagawa ng malawakang tigil-pasada muli ang mga drayber sa loob ng dalawang araw noong ika-26 hanggang ika-27 ng Marso upang panagutin ang gobyerno sa patuloy na pagtaas sa presyo ng langis.
Habang patuloy ang madugong digmaan at pagtaas ng krudo, nananatiling balisa ang lipunang mahihirapang nang husto sa kung paano maitataguyod ang kanilang kinabukasan. Unti-unting kikitilin ng mga panandaliang solusyon ang kabuhayan ng mamamayang Pilipino.
Wakasan ang panggigipit sa masang api, itigil ang pagkukunwaring makatao ang bawat panukalang inihahain, at ipamalas ng mga nangangako na sila ang kasangga at katuwang ng lipunan. Ngayon, magsilabasan ang mga nanghihimok ng boto tuwing halalan, gawing aksiyon ang panata, at panindigan ang posisyon sa liderato para sa ikabubuti ng bawat Pilipino.
Sa gitna ng krisis, marahil normal na ang kalagayan ng bansa para sa iilan — panibagong sikat ng umaga ang simbolo ng nakasisilaw na pag-asa. Ngunit sa mga sawing-palad ang kapalaran na nag-aabang sa kararatnan ng bukas, bawat taas sa presyo ng mga bilihin at serbisyo ang kikitil sa kakayahan nilang magpatuloy lumaban.
(Kuha ni James Neil Tamayo/FEU Advocate)