Mukha ng kamatayan sa mga duguang pahina

FEU Advocate
November 12, 2024 20:27


Makapagsasalita ba ang isang biktima ng War on Drugs sa harap ni Kamatayan? Para kay Patricia Evangelista, tungkulin ng isang mamamahayag na iukit sa kasaysayan ang mga pinaslang sa pamamagitan ng extrajudicial killings dahil wala nang pagkakataong makapagsalita pa ang isang bangkay sa ilalim ng sistemikong karahasan. 

Marahang hinabi ni Evangelista ang mga kuwentong dinanas ang kamay na bakal at madugong kampanya laban sa droga ng dating Pangulong Rodrigo Duterte sa talang-gunita na ‘Some People Need Killing.’ 

Hikbi sa bawat letra

Maririnig sa libro ang mga impit na pag-iyak ng naiwang pamilya ng mga biktima. 

Tanging mga anak o asawa na lamang ang kayang makausap ni Evangelista upang mag-ulat ng balita dahil malalamig na bangkay ng biktima na lamang ang kaniyang naaabutan sa kalsada. 

Nakasentro ang punto de bista ng pagsasalaysay sa ganitong uri ng hanapbuhay: pupunta sa crime scene, makakikita ng karatulang “Pusher, huwag tularan” sa bangkay, at balisang makikipag-usap sa mga naiwang pamilya.   

Ang mga bangungot sa panahon ni Duterte ang pinaghuhugutan ni Evangelista upang buuin ang pinagtagpi-tagpi niyang naratibo bilang mamamahayag sa masigalot na ‘War on Drugs.’  

Gayunpaman, isinaalang-alang niya ang sensibilidad ng mga biktima sa paggamit ng wika sa libro. Bilang adbokasiya, binigyang-lalim nito ang kuwento sa likod ng bawat naitalang pinatay sa Oplan Tokhang ni Duterte sa paglalarawan ng mga karanasan ng pobreng Pilipino. 

Bagama’t pagsasadula ito ng paglalakbay ni Evangelista bilang mamamahayag sa Rappler, naglaan din siya ng espasyo para sa pagsusuring politikal kung paano at saan nagsimula ang pag-angat ni Duterte sa kapangyarihan. 

Nagsimula ito sa personal na alaala ng manunulat na siyang isinilang noong unang EDSA Revolution, papunta sa pagdedetalye kung paano ipinunla ang kultura ng karahasan mula kay Marcos Sr. hanggang kay Duterte. 

Binigyang-diin sa libro ang muling pag-usbong ng kadiliman sa populistang si Duterte, habang isa-isa nitong binuhay sa mga pahina ang hikbi ng mga iniligpit ng Davaoeñong pangulo. 

Tinagurian mang ‘Tatay Digong’ ng iilan, walang iba kundi Kamatayan ang turing ng mga iniwang kamag-anak ng mga pinaslang nito sa kaniyang madugong termino. 

Hagulgol ng kaluluwa

Inilitaw ng manunulat sa dokumentong ito ang mga kuwentong nakakubli sa mga numerong nagpalalabnaw sa kanilang kamatayan. 

Pinakinggan at dinamdam ang bawat naratibong hindi nakukuha ng pangmasang midya, kung saan isa o dalawang linya ng pahayag lamang ang inilalabas sa balita. 

Malinaw ang trabahong pasan ni Evangelista: iukit sa kasaysayan ang kalapastanganan ng estado sa ngalan ng ‘pagbabago,’ sapagkat para sa pangakong “change is coming” ni Duterte, tila kamatayan lamang ang ipinalit nito sa pagkabuhay. 

This is a book about the dead, and the people who are left behind. It is also a personal story, written in my own voice, as a citizen of a nation I cannot recognize as my own…I am writing this book because I refuse to offer mine (Ang librong ito ay tungkol sa mga namatay, at mga taong iniwan nila. Ito rin ay personal na kuwento, gamit ang sarili kong boses, bilang isang mamamayan ng isang bansa na hindi ko makilala bilang sa akin…Isinusulat ko ang librong ito dahil hindi ko hahayaang buhay ko ang susunod na maging kuwento),” pagdedeklara nito sa unang kabanata. 

Sa malalim na buod ng personal na paglalakbay ng may-akda, ang aklat na ito ay isang mahalagang ambag sa panitikan at kasaysayan ng Pilipinas dahil sa makatao at makatarungang pagpapahalaga nito sa mga biktima ng sistemikong pang-aabuso. 

Maaaring salaysay ito ng mga pinatay ng kampanya laban sa droga, ngunit higit pa sa pagkukuwento ang ipinahihiwatig ng libro—kailangan nating tutulan ang pang-aabuso ng estado sa kapangyarihan nito. 

Bilang mga mamamayan sa kasalukuyang panahon, ibinabato sa atin ni Evangelista ang responsibilidad na baguhin ang panlipunang kamalayan. 

Kung saan hindi takot ang nadarama ng bawat anak na ipinanganganak dahil sa posibilidad na nakawin ng estado ang buhay ng ama at ina nito, o ng isang magulang na balisa sa bawat minutong lumilipas na wala sa bahay ang kaniyang anak. 

Pangako sa mga namatay

Sa kabila ng pagiging matapang ng libro, hindi sapat na binuhay lamang sa papel ang mga kuwento ng kamatayan. Marapat lamang na maunawaan ito ng isang ordinaryong Pilipino. 

Kailangan ng malawakang akses sa ganitong uri ng materyal kung nais natin ng makabuluhang pagbabago. 

Ang unang hakbang ay ang pagkamit ng makamasang pagsasalaysay. Dahil nakasulat sa wikang Ingles, tiyak na hindi ito maiintindihan ng mas nakararami dahil hindi ito ang wika ng masa. 

Kung tunay na para ito sa mga Pilipino, kailangang magkaroon ng pagsasalin sa wikang naiintindihan ng nakararami upang malinaw nilang nauunawaan na ang karahasan ay nasa kanilang mga harapan na mismo. 

Sa wikang malapit sa kanilang kamalayan din mas nakukuha ang pinakamalapit na depiksiyon ng poot, pagdadalamhati, at pagkadismaya ng kolektibong Pilipino kung saan mas malalim ang kanilang kakayahang unawain ang malalagim na karanasan.

Bukod pa rito, inuudyok ng panahon ang mga pamantasan na magkaroon ng mga librong tumatalakay sa karahasan ng estado at istruktural na inhustisya na nararanasan ng aping masa. 

Pasan ngayon ng akademya ang pagpalalalim ng diskursong pumapalibot sa karahasan ni Duterte at ng kapanalig nito, lalo’t lalo ngayong nagbabadya ang pagtakas nito sa pananagutan sa extrajudicial killings.

Taglay ng mga pananaliksik na ito mula sa mga pamantasan ang kakayahang maimpluwensiyahan ang mga susunod na polisiya’t politikal na istruktura ng ating lipunan—ang paghahabi ng mas makatao at makatarungang Pilipinas. 

Ito ang sinasalong obligasyon ng mga namulat at mamumulat ng libro: ipagpatuloy ang sinimulang landas ng kritikal na pamamahayag na binaybay ni Evangelista sa bawat araw na binalisa siya ng kaniyang propesyon. 

Sa pangakong ito, unti-unting inihahatid ang katarungang hindi kailanman maibibigay sa mga biktima ng drug war—ang mga taong ninakawan ni Duterte ng pangarap at pagkakataong masilayan ang minimithing ‘pagbabago.’ At sa pagpapatuloy ng mga institusyong binuo ni Duterte na magpalaganap ng malawakang pagkatakot sa awtoridad, mas lalo dapat nating paigtingin ang puwersa ng malawakang pakikibaka na sumalungat sa agos ng karahasan upang magkaroon ng saysay ang librong ito sa ating kasaysayan. 

Mabibili sa iba’t ibang branches at online shops ng Fully Booked ang librong ‘Some People Need Killing’ ni Patricia Evangelista sa halagang P799 para sa paperback copies at P1,105 naman para sa hardcover copies

- Eryl Cabiles
(Latag ni Jeffrey Dela Cruz/FEU Advocate)