Mamamatay-tao ang burukratang sistema sa pelikulang ‘2 Valid IDs’

Ni Mikaela P. Sindac

#TAMlakayan: Tumatakbo ang oras, humahaba ang pila, kumakalam na ang sikmura, habang nagpapatong-patong na ang bayarin. Sa pakikipagsapalaran ni Sylvia, isang magsasakang nagtungo sa Maynila upang ipaospital ang kaniyang asawang si Roman, napilitan siyang harapin ang nakababalisang hamon sa siyudad. Aligaga’t nagmamadaling makuha ang pera para sa kaniyang naghihingalong asawa, matapang niyang sinuong ang di-makataong sistema sa tulong ng kaniyang mga kapuwang hikahos din sa buhay. 

Taliwas sa mga nakasanayang magaan at kuwelang pelikula ni Marietta Subong, na mas kilala bilang ‘Pokwang,’ mabigat na pagganap sa karakter ni Sylvia ang kaniyang binigyang-buhay sa ‘2 Valid IDs.’ Gayundin ang kaniyang katuwang na si Joey Marquez na gumanap bilang si Ramon. Isinalaysay ng kanilang mga palaban na karakter ang karanasan ng inaalipustang Pilipino sa lente ng mga pesante — pursigido, malakas ang loob, at walang sinusukuang laban. 

Naisahan ka rin ba ng Kamaynilaan?   

Sa pagsisimula pa lamang ng pelikula, dinala agad ang mga manonood sa pamilyar na tagpo sa loob ng mga pampublikong ospital. Mula sa mga pasilyong siksikan hanggang sa mga kuwartong halos wala nang espasyo, lantad na ang kalagayan ng mga pasyente bagama’t wala pang namamagitan na diyalogo.

Bukod sa mga bidang tauhan na sina Ramon at Sylvia, binuhay ang palabas sa pamamagitan ng pagpapakilala sa kanilang mga magiging kasangga. Kabilang dito si Denver na ginampanan ni Zaijian Jaranilla, isang binatang nag-aalaga sa kaniyang nakaratay na lolo sa iisang ospital, at si Mercy, isang labandera na ginampanan ni Meryll Soriano na pansamantalang nagpatuloy kay Sylvia sa kaniyang tahanan.

Pare-parehong biktima ng mapaniil at palpak na sistema, nakabuo sila ng matatag na kapisanan sa loob at labas ng ospital. Nagsilbi silang sandigan ng isa’t isa sa nakapapagod nilang pakikipagtunggali. 

Kinakatawan ng mga tauhan ang mga Pilipinong galit at sukang-suka na sa sistema ngunit walang magawa bunsod ng kahirapan. Gayunpaman, naipakita ng mga karakter ang tanging nasasandalan ng mga Pinoy sa gitna ng kalbaryo — ang isa’t isa.

Kabaligtaran ng mga palabas na naglalarawan sa mga maralita bilang suwail, bayolente, at mapahangas, tumpak na isinabuhay ng mga karakter ang lehitimong uri ng pakikipagkapuwa na nakaangkla sa prinsipyo, malasakit, at kakayahang makiramay sa kapuwa kahit sila mismo ay salat sa kalinga at pag-unawa.

Sa mga susunod na bahagi, masisilayan ang desperadong pagtawag ni Sylvia sa kanilang kamag-anak sa ibang bansa upang makapagpadala ng pera kapalit ng kanilang titulo sa lupa. Matatandaang mga magsasaka ang mag-asawang Sylvia at Ramon na noo’y umaasa lang sa pagtatanim. Sa kahabaan ng pelikula, sabay nilang binabalikan ang simpleng buhay sa probinsiya habang nasa Maynila. 

Naging mahalagang yugto ito sa pelikula upang iguhit ang linya sa pagitan ng pamumuhay ng mga pesante at ng mga taga-siyudad. 

Bunsod ng kakulangan ng mga pasilidad at serbisyong pangkalusugan sa kanayunan, napipilitan ang karamihan na lumuwas sa lungsod. Umaasang mapupunan ng Kamaynilaan ang ginhawa’t kalinga na hindi nila makakamit sa sariling pamayanan.

Ngunit sa ganap nilang pagtapak sa siyudad, agad na binabali at itinatapon ang hinuha nilang progresibong realidad. Mula sa pagtatanim ng palay, prinsipyo’t paniniwala naman ngayon ang kailangan nilang ibaon sa lupa upang iligtas ang sarili sa mapanamantalang espasyo. 

Paano mo nasabing tao ka? 

Sa lente ni Sylvia, tila tinitimbang sa kapirasong papel ang esensiya ng buhay sa Kamaynilaan. Inabisuhan siya na kailangan niya ng dalawang valid na identification card (ID) upang makuha ang ₱127,000 na ipinadala mula sa ibang bansa. Kailangan niya umano ng iba pang uri ng pagkakakilanlan upang matukoy na siya talaga ang tagatanggap ng napakalaking salapi.

Pinag-ugatan ng burukratang pamamaraan ng pamahalaan ang ganitong danas sapagkat kailangang mahigpit at mariing ipatupad ng gobyerno ang kanilang mga panukala. Iminumungkahi ito bilang kagilas-gilas at walang pagsusumamo ang makatitibag sa ganitong uri ng sistema. 

Bilang isang magsasaka na araw-gabi nagpupunla, hindi pamilyar si Sylvia sa ganitong klaseng kalakaran. Hindi dahil mangmang ang kaniyang karakter, kung hindi dahil ito ang sadyang dinaranas ng mga manggagawang magdamag na napipilitang magbanat-buto.

Tinatangay ng gahamang sistema ang mga mahalagang kabatiran upang mawalan ng muwang ang mga Pilipino sa oras na umusbong ang perhuwisyo. Sa ganitong paraan, nailalako ng mga opisyal ang kanilang sarili bilang ‘lingkod-bayan’ — tutulungan ka nila, bibigyan ka ng pera, at sila ang magsasalba sa’yo. 

Bunga nito, marami ang napag-iiwanan ng magulo at pabago-bagong sistema  

sa bansang mas pinapatatag ang propaganda at pamomolitika. 

Kaya naman, marahil hindi na bago sa mga manonood ang danas ni Sylvia. Maaaring magsawa ang mga saksi sa kaniyang sigalot at posibleng makaramdam ng inip sa mga pagpapasiya niya. Gayunpaman, pagpabor sa sistematikong balakid ng mga Pilipino ang pagturing sa problema ni Sylvia bilang ‘simple’ o ‘mababaw.’

Pagsang-ayon din ito sa burukratikong sistema ng bansa. Isa itong uri ng pagkampi sa estruktura ng pamahalaang nanghihingi muna ng senyales ng pagkaubos bago ipagkaloob ang saklolo.

Maliban pa sa pagtamo ng pera, ganito rin ang karaniwang eksena sa mga tanggapan ng papeles sa bansa. Sangkaterbang proseso para sa pagkuha ng subsidiya o ayuda, samot-saring katunayan upang makuha ang mga kinakailangang dokumento, at tadtad na serye ng prosidyur na umaabot sa isa hanggang labinlimang hakbang. 

Sa pelikula, matutunghayan ang pagod ni Sylvia sa paulit-ulit na pagpila sa iba’t ibang opisina upang makuha ang kaniyang ID. Dagdag pa rito, pinahapyawan din sa palabas ang kaniyang pagkalito sa mga kailangang sagutan sa pagpaparehistro.

Sunod-sunod ang kaniyang mga katanungan kung tama ba ang mga inilagay sa talaan ng impormasyon na kadalasa’y nakasulat sa wikang Ingles. Bagama’t panandalian lamang ang pagsipat sa suliranin, nailarawan pa rin ng pelikula ang dagdag pagsubok na hinaharap ng mga ordinaryong Pilipino sa loob ng maka-dayuhang bansa. 

Kaugnay pa nito ang pahirapang proseso sa pagkuha ng Guarantee Letter na magagamit bilang pambayad sa pagpapagamot. Bilang kapalit, kinakailangan muna pumila magdamag ng mga Pilipino sa mga bangketa dahil limitado lamang ang maaaring mabigyan nito.

Bagaman hindi naipakita sa pelikula ang ganitong tagpo, matagumpay pa ring naisalaysay kung paano ginagawan ng paraan ng mga Pilipino ang nakamamatay na sistema. Kaya naman ang naghihingalong Sylvia, napilitan na lamang kumuha ng fixer na inirekomenda ng kaniyang kaibigan na si Mercy. 

Humahantong sa nakasusulasok na sitwasyon ang sistema na siyang nagtutulak sa mga Pilipino na lumabag sa batas. Dala-dala ang kaniyang prinsipyo, tutol si Sylvia sa ganitong pamamaraan. Ngunit dulot ng pangangailangan, tinulak siya ng pagod at kagipitan na tuluyang kumapit sa patalim. 

Sa katunayan, hindi lamang pagdududa ang ipinababatid tuwing kinakailangan pa ng indibidwal na patunayan ang kaniyang eksistensiya. Kalakip din nito ang pagtataka kung ano ang kaniyang pagkukulang para pagkaitan ng kalinga habang nagmamakaawang makita ang kaniyang halaga.  

Anong gusto mong patunayan? 

Nagiging anyo na ng galit ang pagdurusa ng mga tauhan tuwing tinatangay sa kanila ang aninag ng pag-asa. Dulot nito, nagkaroon na ng hindi pagkakaintindihan ang mag-asawang Ramon at Sylvia. Nais nang umuwi ni Ramon sa probinsiya at doon na lamang pumanaw. Sa kaniyang palagay, pinapalala lamang ng ospital at kabuoang kaligiran ng lungsod ang kaniyang kalagayan.

Gayunpaman, inilalaban ni Sylvia ang lahat ng kaniyang makakaya upang makuha ang ipinadalang pera para sa operasyon ng kaniyang natatanging pamilya na si Ramon. 

Kaya naman nang makakuha na si Sylvia ng dalawang valid ID, nakamit na niya ang pera. 

Ngunit sa puntong ito, napagdesisyunan na niyang isantabi muna ang pagpapaopera kay Ramon at gamitin na lamang ang salapi upang tuparin ang kahilingan nitong umuwi sa probinsiya. 

Bagaman pagpapagamot ang pangunahing hamon ni Sylvia, napagtanto niyang mahalaga rin isaalang-alang ang hangarin ng kaniyang asawa. Sa huli, pareho nilang inunawa ang ipinaglalaban ng isa’t isa habang pinipiling magsama sa hirap at ginhawa.

Ngunit hindi naghihintay ang sakit. Sa matagal na panahon na iginugol ni Sylvia sa pakikipagsapalaran makuha lamang ang kanilang pera, lumala na nang husto ang kalagayan ni Ramon. 

Nadagdagan na rin ang kaniyang mga karamdamang pisikal at sa malapit na pagtatapos, ang nag-iinit na luha ni Sylvia ang sumalubong sa walang imik na asawang si Ramon.

Ipinakita ni Sylvia ang pagkabigo sa bawat luhang pumapatak sa kaniyang sunod-sunod na hikbi. Kasabay ang malakas na ihip ng hanging humahampas sa kaniyang mukha, patuloy siyang nagluksa sa tinakbo ng tadhana at sa sistemang nagdulot sa kasalukuyang kalagayan ng kaniyang pinakaminamahal na asawa. 

Tulad ng kalagayan ni Sylvia, marami na ang pinaslang ng mapangahas na kalakaran ng Pilipinas. Kasama na rito ang mga sawing makabili ng napakamahal na gamot sa bansa. Pinaiigting pa ng mga makapangyarihan ang sistematikong kahirapan at tuluyan nitong binubura ang mga nasa laylayan. 

Nagsisilbing handog ang pelikulang 2 Valid IDs para sa mga tsuper na hindi nakatanggap ng subsidiya dahil kulang ang hawak na dokumento, mga magsasakang pinapabalik-balik para sa katiting na salapi, mga maralitang tinanggihan na mabigyan ng tulong dahil walang pinanghahawakang papeles, at mga nakaramdam ng pagkagutom, pagkahiya, at pagka-insulto sa kalagitnaan ng napakahabang pila kapalit ng isang pirasong papel.

Ipinauunawa ni Sylvia, Ramon, Mercy, Denver at iba pang mga karakter sa pelikulang ito na may karapatan ang mga Pilipino na magalit, magtanong, at manumpa sa gitna ng pagkatakot, pagdududa, at pag-aalinlangan. 

Iniimbitahan tayo ng pelikula na sabay manggalaiti sa hindi umiiral na pamahalaan, na isumpa ang mga politikong may kakayahang magpagamot sa ibang bansa habang binubulok at ninanakawan ang sariling baryo. Huwag na huwag makalimot singilin ang mga itinuturing na lingkod-bayan, at kamuhian ang burukratang uri ng sistema na siyang kumikitil sa integridad at dangal ng sambayanang Pilipino.

Matutunghayan ang 2 Valid IDs sa mga piling sinehan mula pa noong Oktubre hanggang sa kasalukuyan sa halagang ₱199. 

(Latag ni John Dave Hanz Clavero /FEU Advocate)