Tender is the Flesh
- November 06, 2023 08:55
FEU Advocate
August 25, 2022 07:25
Ni Ma. Emilia Nicole Bertulfo at Brit Charles Quevedo
Isang makabuluhang pagdiriwang ang pagsapit ng ika-12 ng Agosto dahil pagkilala ito sa Pandaigdigang Araw ng Kabataan o mas kilala bilang International Youth Day (IYD). Simula pa noong taong 1999, ipinagdiriwang na ito ng mga kasapi ng United Nations sa iba’t ibang lupalop ng mundo na may gampaning ipagyabong ang potensyal ng kabataan sa kahit anumang larangan.
Walang kumpas na pag-unlad at walang kupas na pagsiklab—hindi lamang sa araw na ito kinikilala ang boses at kilos ng kabataan. Sa kasalukuyang panahon kung saan lakas at tibay ang kanilang pwersa patungo sa tagumpay, ang tanyag na bansag na ‘pag-asa ng bayan’ ay titulong kanila pa ring inaangkin at mananatiling kanila lamang.
Bagama’t ang bawat bata ay bukod-tangi, mas pinagtitibay nito ang kaisahang kamalayan at kahandaan ng bagong henerasyon hinggil sa mga napapanahong isyu at adyenda na sila ang pangunahing tampok.
Bunsod ng lahat ng ito, patuloy na tinatangan ng kabataang Pilipino ang sikap at punyagi. Ngunit sa kabila nito, mayroong mga isyu at suliraning humahadlang sa daan ng kabataan tungo sa kasarinlan at kaunlaran. Kung kaya’t kasabay ng pagdiriwang ng IYD taon-taon ay ang pagsulong ng mahahalagang adhikaing para sa masa at higit na sa mga kabataan.
Tulad na lamang ng adhikaing itinataguyod sa loob ng inklusibo at mapa-angkop na komunidad ng Far Eastern University (FEU). Nararapat lamang na gampanan ng institusyon ang tungkulin nito sa kabataang Tamaraws upang maging mas maalam at mulat sa mga usaping ito. Kabilang na rin dito ang mga problemang kanilang hinarap, kinakaharap, at haharapin pa.
Ilan sa mga paraan upang makamit ang tunguhing ito ay ang mga organisasyon at patakaran na inimplementa ng Unibersidad.
Bago ang Lahat
Ang kabuuang kalusugan nati'y sadyang may malaking tungkulin tungo sa katiwasayan ng ating sari-sariling pamumuhay. Subalit, sa kabila ng importansya nito, hindi maikakailang ating nakakaligtaan ang ilang aspeto ng ating kalusugan; lalong lalo na ang pangkaisipan. Kung ang pisikal, pandamdamin, at pang-espirituwal na kalusugan ay sapat na kinikilala, nararapat din lamang na bigyang pansin ang kalusugang pangkaisipan—bago ang lahat.
Isa ang FEU Guidance & Counseling (FEU G&C) sa mga abenidang tutumutugon sa isyu ukol sa pangkaisipang kalusugan sa loob ng Unibersidad. Tumutugon ang kanilang opisina sa sikososyal na alalahanin ng mga estudyante sa pamamagitan ng serbisyong etikal, propesyonal, at kumpidensyal.
Sa pamumuno ni Dra. Shiela Marie Hocson, direktor ng FEU G&C, prayoridad nila ang pagbibigay ng produktibong serbisyo sa mga kabataan sa pamamagitan ng sikolohikal na suporta.
“We seek to contribute to the holistic development of students by providing them psychological support and helping them prepare for their future roles as productive members of society (Hangad namin ang maka-ambag sa malawakang pag-unlad ng mga estudyante sa paghandog ng suportang sikolohikal at paghanda sa tungkuling kanilang haharapin bilang mga produktibong miyembro ng lipunan),” ayon ito sa websiteng FEU G&C kung saan binibigyan ng mas detalyadong deskripsyon ang mga serbisyong kanilang inaalok.
Bagamat may kaparaanan ang FEU G&C para umagapay sa mga estudyante ng Unibersidad, hindi maipagkakaila na maraming kabataan pa rin ang napag-iiwanan higit lalo sa aspetong ito.
Batay sa salik na isinagawa ng Philippines WHO Special Initiative for Mental Health sa ilalim ng pangangasiwa ng Kagawaran ng Kalusugan (Department of Health) noong 2020, humigit kumulang 3.6 milyong Pilipino ang dumaranas pa rin ng malubhang isyu sa kalusugang pangkaisipan.
Ayon naman sa Mind (2017), isang mental health charity ng Inglatera, ilan sa mga karaniwang sanhi ng isyu na ito ay ang lipunan, kapaligiran, o sikolohikal na kapasidad ng isang tao sa pamamaraang pang-aabuso, pangungutya, at panggigipit. Bagama’t normal lamang ang makaranas ng lungkot, takot, galit, at pag-aalinlangan, nagiging isang ganap na isyu ito kung nakakaapekto na ito sa damdamin at pag-iisip ng isang tao — maging ito man ay pangmatagalan o pansamantala lamang.
Isa sa mga ekslusibong proyekto ngFEU G&Cay ang kanilang bagong lunsad na FEU TeleWellBeing o online counseling. Pumapaloob sa serbisyo nito ay isang maikling panayam (intake interview) na susundan ng saglitang diskusyon para sa proposed counselling plan. Sa pagsasagawa nito, kaagapay ng organisasyon ang kanilang mga opisyal at iba pang propesyonal sa ganitong larangan.
Bukod sa FEU TelleWellBeing, handog din ng organisasyon ang QOTD o quote of the day na ibinabahagi sa ilang social media platforms katulad ng kanilang Facebook page upang magbigay inspirasyon at motibasyon sa kabataang Tamaraws.
Mahirap man ang kinakaharap ng mga kabataang Tamaraws, handang tumulong ang FEU TeleWellbeing upang mapakinggan ang kanilang mga sitwasyon.
Ayon kay Daynekeyre Jesus Consulta, isang mag-aaral mula sa kursong Business Administration Major in Economic and Law Track, at Student Council Treasurer ng Institute of Accounts, Business and Finance (IABF), ibinahagi niya ang masalimuot na sitwasyon kung saan siya'y nakaranas ng isyu ukol sa kanyang kalusugang pangkaisipan.
“I became more and more anxious about the things I do and will do; terrified of what others will say about me, whether they have a positive or negative impression of me. (Mas nabahala ako sa mga na gagawin ko, natakot kung ano ang sasabihin ng ibang tao, ito man ay maging positibo o negatibong pananaw),” pagsasalaysay ni Consulta.
Marahil ang mga araw man ay madilim, mayroong mga pusong mapagkalinga at mapagmahal na handang umunawa at makinig ng walang pagsusumbat at paghuhusga. Ang emosyonal na suportang natanggap ni Consulta mula sa kanyang malalapit na kaibigan ang naging karamay niya rin sa paghihirap na naranasan.
Hindi man naging madali ang mga pangyayaring kinaharap ni Consulta, naniniwala siya na ang paghingi ng agarang tulong at paggamit ng mga serbisyo mula sa mga propesyonal ay lubos na nakatulong sa kanyang pagpapagaling.
“I pushed myself to seek help with the professionals because no one, even myself can help me from what I experienced but the experts that can slowly guide me medically, physically and emotionally (Humingi ako ng tulong sa mga propesyonal dahil wala sino man, kahit sarili ko, ang makakatulong ngunit ang mga dalubhasa ay magiging gabay sa pagtulong sa medikal, pisikal, at emosyonal na aspeto),” dagdag pa nito.
Isa rin si Allys Xander Cruz, isang 1st Year student mula sa Institute of Health Sciences and Nursing, na nakaranas ng labis na mental stress dala ng online learning set-up dulot ng pandemya.
“Nang magsimula ang pandemya marami ang mga bagay ang nagbago, kabilang na dito ang sistema ng edukasyon. Ako ay nahirapan sa makabagong sistema na online class. Dahil sa presyon na aking nadama noon mga araw na nag umpisa pa lang ang ganoong sistema ay naapektuhan ang aking kalusugang pangkaisipan (When the pandemic started, there were a lot of things that changed including the educational system. I had a hard time with the new system via online class. Due to the pressure that I felt during those times, my mental health was affected),” saad ni Cruz.
Maiba Tayo
Upang makamit ang kalayaan at kaunlarang nararapat sa lahat, isang matinding suliranin muna ang dapat resolbahin. Ang tuluyang pagtuligsa sa diskriminasyon at panliligalig sa Pilipinas ay matagal nang problemang nanatili pa ring mithiin. Sa lipunang kinamumuhian ang pagkakaiba-iba; ang maiba tayo, ayos lang kaya?
Ang FEU Sexuality and Gender Alliance (FEU SAGA) ay isang organisasyong may adbokasiya na itaguyod ang pangkalahatang karapatan at labanan ang diskriminasyon sa loob ng FEU.
Ayon kay John Ross Cruz, Vice President of External Affairs ng FEU SAGA, ang iba’t ibang isyu tungkol dito ay may iba’t iba ring pinagmumulan.
“Discrimination could either be seen through violent acts against people or in a system with policies which inflict harm on certain sectors (Ang diskriminasyon kasi, makikita sa harap-harapang bayolenteng akto na labag sa mga tao o sa sistema kung saan ang mga polisiya ay naghahatol ng panganib sa isang batayang sektor),”
Bukod pa rito, batay rin sa siyasat ngGlobal Gender Gap Report of World Economic Forum na inilathala ng Philippine Commission on Women noong 2020 ay bumaba ng walong puwesto ang Pilipinas sa ranggo batay sa panlipunang pagkakapantay-pantay.
Dahil sa matinding pagbaba sa ranggo at hindi sapat na pagkilos upang bigyang hustisya ang minorya, nagsisilbing suporta ang FEU SAGA sa mga Tamaraws na naging biktima ng diskriminasyon sa kasarian at harassment.
“The implementation of SOGIE Anti-Discrimination Bill is a call for justice by the members of LGBTQIA+, political prisoners, victims of gender-based violence, and victims of the vehement and violent war on drugs and red-tagging (Ang pagkabit sa SOGIE Anti-Discrimination Bill ang panawagan ng hustisya para sa mga miyembro ng LGBTQIA+, political prinosers, biktima ng gender-based violence, at mga biktima ng huwad at marahas na war on drugs at red-tagging),” dagdag pa ni Cruz.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang organisasyon sa pagbibigay-tulong sa mga iba-ibang suliranin tungkol sa hustisya ng sosyo politikal, karapatan ng kabataan, panlipunang serbisyo at pagka-demokratiko.
Pagyabong sa Inklusibong Komunidad
Ayon sa website ng FEU Policy on Diversity and Inclusion within the FEU Commmunity, binigyang-diin nito ang pagpapayabong ng kasanayan sa “cultural adaptation competencies” at pagsulong ng “multi- at inter-disciplinal inclusive approaches.”
Marahil ang daan patungo sa inklusibong edukasyon ay bako-bako subalit sinusubok ng institusyon na ipadama at maipabatid ang kanilang adhikaing "non-divisive" at "non-discriminating."
Upang tugunan ang panawagan sa isang inklusibong FEU, ilan sa mga konkretong programa na nakapaloob sa FEU Policy on Diversity and Inclusion at inisyatibang ipinatupad ay: patakaran patungkol sa dibersidad at inklusyon, accomodation policy para sa mga estudyanteng mayroong mental health condition, mental health inclusivity, all-gender restrooms, multi-faith room, school attire options, at ang option to include gender identity in the Student Information Sheet.
Ang mga programang nabanggit ay kaalinsunod sa Commission on Higher Education’s Memorandum Order 1, series of 2015, Establishing the Policies and Guidelines on Gender and Development in the Commission on Higher Education and Higher Education Institutions (HEIs).
Ang pagtugon sa mga isyu ng lipunan ay isang tungkuling dapat nating gampanan. Naipamalas at maipamamalas pa ang aktibong integrasyon ng kabataan sa pagpapabuti at pagpapaunlad ng lipunan kung lahat ay magtutulungan, aaksyon, at sama-samang kikilos upang harapin ang bukas na hinahangad.
Ang mga suliraning kinakaharap ng kasalukuyang henerasyon ay marapat na bigyang pagpapahalaga sapagkat layunin nitong mapagyabong ang aktibong presensya at partisipasyon ng kabataan sa pagpapaunlad ng kinabukasan ng bansa. Isa itong paraan ng pagpapamalas na ang mga kabataan ay kasama sa pagsulong ng makabuluhan at mga adhikain para sa lipunan—dahil hindi pasisiil ang mga pag-asa ng bayan!
(Dibuho ni Mary Vel Custodio)