Limos na umento ng mga maralitang obrero

FEU Advocate
July 25, 2024 17:57


Nina Andrea Dulay at Dianne Rosales

Pangunahing sigaw ng mga manggagawa ang kanilang kampanya para sa nakabubuhay na sahod. Ngunit sa kabila ng demokratiko at makatarungang kahilingan, tila nakikipaglaro ng bingi-bingihan at bulag-bulagan ang estado na taliwas ang pagtugon sa panawagan ng mga maralitang obrero.

Sa walang humpay na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, bayarin, at buwis, paano maituturing na tagumpay ang dagdag-sahod na hindi man lang ramdam sa dulo ng sikmura?

Makatuwirang singil

Kahit anong husay sa trabaho, ang sahod ng mga manggagawa ay hindi tumutumbas sa kanilang pagkayod. Sa halip, ang mga kapitalistang walang awa’t walang gawa’y patuloy na binabarat ang lakas-paggawa ng proletaryo.

Natamasa na nitong ika-17 ng Hulyo ang Wage Order No. NCR-25 o ang P35 na umento sa sahod ng mga manggagawa sa National Capital Region (NCR).

Tataas sa P645 mula P610 ang sahod ng mga manggagawang kabilang sa non-agriculture sector, habang magiging P608 naman mula P573 ang sahod ng mga kabilang sa agriculture sector, service and retail, at manufacturing establishments.

Sa kabila ng ipinasang umento, malayo pa rin ito sa arawang sahod na P1,190 na kinakailangan ng isang pamilya upang mabuhay nang disente, batay sa pag-aaral ng IBON Foundation. 

Pumapatak umano sa P767 ang karaniwang wage gap—o kulang na pera bago maabot ang family living wage—ng mga manggagawang Pilipino.

Binigyang-diin din ni GABRIELA Women’s Party-list Rep. Arlene Brosas na ang P35 dagdag sa sahod ay malaking insulto sa mga manggagawa at lubhang kulang upang mabuhay nang may dignidad ang isang pamilyang Pilipino.

“Hampaslupa ang tingin ng gobyerno sa mga manggagawa. By approving such a meager increase, the government is treating our workers as mere slaves, disregarding their basic needs and rights (Sa pag-apruba sa gayong kakaunting pagtaas, tinatrato lamang ng gobyerno ang ating mga manggagawa bilang mga alipin—binabalewala ang kanilang mga pangunahing pangangailangan at karapatan),” ani Brosas.

Buhay at kamatayan ang inaalay sa pakikipaglaban para sa makatarungang sahod, trabaho, at karapatan ng mga manggagawa. Subalit, katumbas ng dugo’t pawis nila’y kakarampot na umentong mas masahol pa sa barya.

Naglabas naman ng pahayag ang labor leader at 2022 National Elections presidentiable na si Ka Leody De Guzman sa kanyang Facebook post at sinabing isa rin umanong insulto ang nasabing halagang idinagdag sa mga manggagawa na nagtatrabaho sa kalakhang Maynila.

“Napatunayang muli ang katuwiran sa matagal nang sinasabi ng kilusang unyon na dapat buwagin ang mga regional wage boards at ang Wage Rationalization Act (RA No. 6727) na lumikha nito,” saad ni De Guzman.

Mula nang itakda ng Wage Rationalization Law ang iba’t ibang sahod sa mga rehiyon sa bansa, bumaba sa halos 5.7 bahagdan ang tunay na halaga ng sahod sa kabila ng 67.6 porsiyento na labor productivity o halagang nililikha ng mga manggagawa.

Hindi gahaman ang masang anakpawis kagaya ng ipinupukol sa kanila ng malalaking korporasyon at gobyerno. Higit na hindi dapat mistulang namamalimos ang mga manggagawa, sapagkat makatuwiran at makatarungan ang kanilang hinihinging pagtutumbas sa kanilang lakas-paggawa.

Pananamantala para sa makasariling ganansya

Parusa sa mga manggagawa ang P35 umento sa sahod na napakalayo sa panukalang dagdag na P750 na arawang sahod sa buong bansa.

Makunat sa pagbibigay ng taas-sahod ang mga dambuhalang korporasyon sa kabila ng kanilang tinatamasang pribilehiyo. Ang Corporate Recovery and Tax Incentive for Enterprises o CREATE Act na nagpapababa ng kanilang corporate income taxes ay isang pruweba ng kasakimang ito.

Sa panayam ng FEU Advocate sa isang security guard na piniling hindi magpakilala, inihayag nito na hindi sapat ang dagdag-sahod para sa manggagawang may binubuhay na pamilya.

“Sa mahal ba naman ng pamasahe pati mga bilihin ngayon, kulang na kulang pa ‘yong P35 kung tutuusin. Karamihan pa sa aming mga manggagawa, eh, pamilyado na. May mga anak na binubuhay tapos pinag-aaral. Kahit nga sa binata, ‘di ‘yan kakasya,” anito.

Dagdag pa niya, malaki ang nababawas sa kanilang sahod dahil sa walang-humpay na pagsirit ng implasyon. Kaya’t makatuwiran ang kanilang paghiling ng taas-sahod upang mabawi man lang ang halaga ng perang nababawas sa kanila.

“Para bang hirap na hirap silang dagdagan ang sahod naming mga manggagawa. ‘Di bale sana kung tatamad-tamad kami, minsan nga sobra pa kami sa oras [ng trabaho]. Wala nang mura sa panahon ngayon, mapapamura ka na lang sa mahal ng mga bilihin. ‘Yong isang libo nga parang barya na lang din,” dagdag pa nito.

Nakapanayam naman ng FEU Advocate ang kasalukuyang Secretary General ng Kilusang Mayo Uno na si Jerome Adonis. Paliwanag nito, ang konsepto ng sahod ay marapat na buhayin ang pamilya ng mga manggagawa, hindi lang para mabuhay ang taong mismong nagtatrabaho.

“Hindi kailanman nakamit ng mga manggagawa ang antas na nakabubuhay na sahod. Palaging nandoon sa kapos na kapos, kulang na kulang. Kaya ang impact (dulot) n’yan, marami sa anak ng mga manggagawa ay kapag nagkakasakit, hindi man lang maipagamot. Marami sa anak ng manggagawa ay malnourished (kinukulang ng nutrisyon), hindi mapakain ‘yong aming pamilya ng balanced (pantay) na pagkain o nutrisyon,” ani Adonis.

Dagdag pa niya, marami sa anak ng mga manggagawa ay hindi na makapag-aral dulot ng mga bayarin, pamasahe, at baon na nagiging pangunahing problema ng mga manggagawang Pilipino. Ang pagpapanatili ng napakababang sahod ay nagluluwal ng mas maraming problema na nakaaapekto sa ating lipunan.

“Ang nasa forefront sa pambabarat sa sahod ng manggagawang Pilipino ay ang Malacañang mismo—si Bongbong Marcos, ang Department of Labor, at ang DTI (Department of Trade and Industry). ‘Yong P35, akala nila matutuwa ‘yong mga manggagawa, nabwiset pa lalo. Kasi sobrang degraded (nakabababa), P35 lang pala ‘yong katumbas ng aming pinagpapaguran araw-araw,” sambit pa nito.

Sa kabila ng deka-dekadang pagtungo sa lansangan at pagdagundong sa kanilang mga panawagan, tila bihag pa rin ng mahabang tanikala ang masang manggagawa na labis ang pagkadismaya. Ang modernong pang-aalipin sa kilusang paggawa ang nagpapanatili sa kanilang siklo ng panaghoy at pagbulusok ng buhay.

Isa itong manipestasyon ng paninilbihan at interes ng estado para sa pag-unlad ng mga dayuhan at lokal na malalaking kapitalista; ang walang-habas na pagkamkam ng malalaking tubo.

Barikada tungo sa tunay na kaunlaran

Ang siklong panawagan ng mga manggagawa para sa makatarungang sahod ay tila nababakuran gawa ng mga desisyon ng mga nakaluklok sa kapangyarihan.

Balakid sa adhikain ng mga manggagawa ang mga ipinapatupad na polisiya sa bansa. Isa na rito ang Republic Act No. 6727 na naglalahad ng mga pangangatwiran ukol sa napagdesisyunang minimum wage lalo na sa iba’t ibang rehiyon ng bansa. 

Nakalulungkot isipin na sa hirap ng buhay ay walang magawa ang obrero kundi sikmurain ang P35 na umento sa sahod na kung tutuusi’y mas higit dapat ang kanilang nakukuha. 

Isa ring pahirap sa bawat Pilipino lalo na sa mga manggagawa ang Value Added Tax o Consumer Based Tax kung saan nagmamahal ang presyo ng mga bilihin dahil sa dagdag buwis. 

Hindi lingid sa kaalaman ng nakararami ang hirap ng kasalukuyang estado ng ekonomiya na sanhi ng repleksyon ng libu-libong Pilipinong umiinda sa hindi kasapatan ng mababang sahod upang matugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan. 

Bukod sa mga balakid na ito, pangamba rin ang posibilidad na mawalan ng trabaho ang 40,000 hanggang 140,000 manggagawa dahil sa P35 umento sa pasahod.

Nabanggit sa isang ulat ng ABS-CBN ang sentimyento ni Socioeconomic Secretary Arsenio Balisacan na maaapektuhan nang negatibo ang gross domestic product, ngunit one-tenth of one percent ng mga manggagawa ang maaaring maapektuhan. 

“It could increase [the] unemployment rate but it is a negligible number (Maaaring tumaas ang bilang ng mga mawawalan ng trabaho ngunit hindi nakababahala ang datos),” ani Balisacan. 

Umani naman ng reaksyon mula sa mga netizen ang nasabing ulat. May mga nadismaya dahil sa mababang umento sa pasahod samantalang ang mga nasa matataas na posisyon ng mga kumpanya o sa gobyerno ay milyon ang nakukuha. 

Batid ng nakararami, lalo na ng mga grupo ng manggagawa, ang hindi pantay na pagtingin sa kanilang marangal na trabaho na sinasalamin ng kakarampot na sahod na kanilang nakukuha. 

Ang mga manggagawa ay gulugod sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa. Patuloy silang itinatali sa pagdaralita ng mga itinuturing na lingkod-bayan sa paghahangad na makamit ang nakabubuhay na kita. Sa kakarampot na umento, tila pinagdadamutan at pinapatay ng bayan ang mga naglalaan ng dugo't pawis para sa kanilang kabuhayang siyang nagpapalago sa yaman ng bansa.

(Dibuho ni Mary Nicole Halili/FEU Advocate)