Panawagan para sa susunod na tatanglaw
- April 22, 2024 05:45
FEU Advocate
August 04, 2024 19:34
Nasungkit ng Far Eastern University (FEU) Lady Tamaraws ang unang panalo sa 2024 V-League Women's Collegiate Challenge nang mangibabaw sila sa De La Salle-College of Saint Benilde (DLS-CSB) Blazers, 25-16, 25-14, 25-20, kaninang hapon, ikaapat ng Agosto, sa Paco Arena sa lungsod ng Maynila.
Pinakinabangan ng Morayta-based squad ang 23 errors na nakamit ng CSB Blazers sa kabuuan ng laro.
Sa panayam ng FEU Advocate, binigyang-diin ni head coach Manolo Refugia ang kanilang defensive strategy kontra sa CSB Blazers.
“Nag-stick lang kami doon sa sistema namin, sa block namin, na maramdaman ng Benilde, ‘yung block namin, doon kami nag-step up (umangat),” aniya.
Pinangunahan ni outside hitter Chenie Tagaod ang Lady Tams sa unang set, 25-16, kung saan nagtala siya ng apat na puntos gamit ang kaniyang isang attack, dalawang service ace, at isang block.
Patuloy na sinamantala ng Morayta-based squad ang pagkakamali ng kabilang koponan na nagtala ng sampung opponent errors sa ikalawang set, 25-14.
Nagpaulan naman ng mga atake ang green-and-gold middle blockers na sina rookie Clarisse Loresco na may pitong puntos at si Faida Bakanke na may anım na tantos, dahilan upang mapanalo ng Morayta ang ikatlong set, 25-20, at ang kabuuang laban ngayong araw.
Matapos ang laro, binanggit ni Coach Manalo ang kanilang layuning manalo at matuto ang mga manlalaro.
“Objective (Layunin) naman namin is manalo and also (at) ‘yung [isang] objective (layunin), [kung] ano pa ‘yung natutunan ng players (mga manlalaro),” ayon sa kaniyang pahayag.
Tinalang Most Valuable Player of the Game si Faida Bakanke na nagtala ng 12 puntos mula sa 11 attacks. Sinundan siya nina Jazlyn Ellarina at Gerzel Petallo na may 11 at siyam.
Tatangkain ng FEU na makuha ang ikalawang panalo kontra Lyceum of the Philippines University sa susunod na Linggo, ika-11 ng Agosto, sa parehong lugar.
- Marcus Isaac D.G Bandong
(Litrato mula sa V-League)