Lady Tamaraws, nasungkit ang top standing kontra CSB

FEU Advocate
August 24, 2025 16:12


Ni Joshua Kyle Beltran

Matapos maging tabla sa itaas ng standings, nakuha ng Far Eastern University (FEU) Lady Tamaraws ang panalo laban sa De La Salle-College of Saint Benilde (CSB) Lady Blazers, 25-22, 25-21, 23-25, 24-26, 15-18, para manguna sa ranking ng 2025 V-League Women’s Collegiate Challenge ngayong hapon, ika-24 ng Agosto, sa Paco Arena ng Maynila.

Hindi pa nakalipas ang 24 na oras mula sa kanilang panalo kontra Arellano University, nanguna sa atake sina Gerzel Petallo at Faida Bakanke sa unang set, 2-2.

Dahil sa kanilang pagkontrol ng bola at magandang net defense sa mga gilid ng court, nasungkit ng FEU ang set win, 25-22.

Sa puntong 21-19 ng ikalawang frame, tuluyang natambakan ang CSB matapos magtala ng tig-isang puntos sina Mitzi Panangin, Petallo, at Jaz Ellarina, 24-19. 

Isinara ni Clarisse Loresco ang set sa mabilisang spike, 25-21.

Sa pagbukas ng ikatlong set, hinarap ng Morayta squad ang pinakamalaking lamang ng kalaban, 6-14. Kaagad din namang humabol ang FEU sa pamamagitan ng opensa nina Ellarina at Lovely Lopez, 16-19.

Sa kabila ng successful challenge ng green-and-gold volleybelles sa net fault sa puntong 21-22, kinulang ang Lady Tamaraws sa pagsungkit ng straight-set win, 23-25.

Bagama’t tig-15 ang atake ng dalawang koponan sa ikaapat na set, nabigo ang FEU sa huling bahagi ng frame dala ng mas mabilis na opensa ng CSB, 24-26.

Kaagad namang nilayo ng Lady Tamaraws ang agwat ng laban sa anim na puntos pagdating ng ikalimang frame, 11-5.

Matapos ang sunod-sunod na palo ng Morayta spikers, tuluyang nakuha ng FEU ang panalo nang mag-service error ang Lady Blazers, 15-8.

Muling nagpasiklab si Ellarina bilang back-to-back na Player of the Game matapos magtala ng 21 puntos sa 15 attacks at anim na block. Samantala, nagpakita ng matinding opensa si Bakanke na may 22 puntos sa 17 attacks, tatlong block, at dalawang ace.

Nakalikom naman si Tin Ubaldo ng 26 excellent sets, habang nagtala si Petallo ng 14 puntos, 22 excellent receives at 10 dig.

Sa panayam ng V-League, binigyang-diin ni FEU team captain Ubaldo ang kahalagahan ng pokus sa kabila ng sunod-sunod na laro.

Nagma-matter talaga dito ‘yung consistency and composure. Though pagod kami from last game kasi gabi na kami natapos, tapos ito morning, parang hindi namin puwede i-excuse na pagod kami ulit. ‘Yung may kontrol talaga ng sarili namin is kami, kung paano kami gagalaw,” aniya.

Kasalukuyang may 4-1 win-loss record ang Lady Tamaraws na may hangaring ipanalo ang sunod na laro laban sa University of Perpetual Help System DALTA sa Martes, ika-26 ng Agosto, sa parehong lugar.

(Litrato mula sa V-League)