Lady Tam Booters, wala pa ring talo sa pag-abante sa preseason finals

FEU Advocate
August 24, 2024 20:30


Ni Vince Matthew Jaramilla

Nananatiling malinis ang win-loss record ng Far Eastern University (FEU) Lady Tamaraw Booters sa pag-usad nila sa championship round ng United Women's Invitational Football League na nagsimula noong unang araw ng Agosto.

Sinimulan ng green-and-gold squad ang kanilang kampanya sa group stage ng paligsahan kontra Manila Digger Football Club (FC) kung saan nakamit nila ang kanilang unang panalo, 4-0.

Sa sumunod nilang laban, ipinagpatuloy ng FEU ang pagpapamalas ng mabisang opensa at depensa sa 3-0 na tagumpay laban sa De La Salle University (DLSU) Lady Booters.

Nanaig pa rin ang mga atleta ng Morayta kontra Tuloy FC ng Muntinlupa sa kabila ng unang mga goal laban sa kanila, 6-2, upang ipagtanggol ang kanilang dominasyon sa Group A ng liga.

Partikular na nangibabaw sa mga laro at kinilala bilang mga Woman of the Match sina Lady Tam forward Judie Arevalo laban sa Manila Digger FC at Tuloy FC, at Lady Tam midfielder Sarahgen Tulabing noong katapat ang DLSU.

Dala ng tatlo nitong pagkapanalo, nakakuha ang FEU ng siyam na puntos upang makamit ang top seed sa lahat ng mga kalahok na koponan. Pumangalawa naman ang Manila Digger FC, sinundan ng DLSU, at Tuloy FC sa panghuli.

Samantala, pinangunahan ng Kaya FC - Iloilo ang Group B, kasunod ang University of the Philippines (UP) Fighting Maroons sa ikalawang puwesto, Ateneo de Manila University Blue Eagles sa ikatlo, at University of Santo Tomas Lady Booters sa ilalim ng standings.

Umusad ang bawat top two ng mga grupo sa semifinals kung saan FEU at UP ang nagharap, habang magkalaban ang Kaya FC - Iloilo at Manila Digger FC.

Sa tunggalian ng dalawang pamantasan mula sa University Athletic Association of the Philippines noong ika-18 ng Agosto, pinangunahan ng mga forward na sina Dionesa Tolentin at Tulabing ang green-and-gold squad. Muli nilang natamo ang tagumpay sa pamamagitan ng kanilang mga goal sa ika-13 at ika-47 na minuto ng laro, 2-0, at tuluyang nakapasok sa finals.

Sa panayam ng FEU Advocate, ipinahayag ng Woman of the Match na si Tolentin ang pangangailangan nilang pagbutihin pa ang kanilang laro upang masungkit ang kampeonato sa susunod nilang laban.

“‘Yung mindset (kaisipan) namin [is] to win the league (ay maipanalo ‘yung liga). Kailangan hindi magpakampante kasi bilog ang bola. Marami pa kaming lapses (kakulangan) na kailangan i-work out (ayusin) so that [pagdating] ng finals, [makakapag-adapt] (makakapag-ayos) na [kami],” aniya.

Binahagi naman ni Tulabing ang kahalagahan ng pagsunod nila sa kanilang nabuong sistema.

“Kailangan lang po talaga naming sundin ‘yung pinapagawa na system (sistema) para magkaisa kaming lahat,” wika ng atleta.

Makakaharap ng FEU ang top seed ng Group B ng liga na Kaya FC - Iloilo, 3-1-0, para sa korona ng paligsahan sa finals game bukas, ika-25 ng Agosto, sa Rizal Memorial Stadium sa Lungsod ng Maynila.

(Litrato mula sa United Women’s Invitational Facebook page)