KWF: Komisyon o Krisis sa Wikang Filipino?

FEU Advocate
October 01, 2025 11:19


Ni Jasmien Ivy Sanchez

Laging nakapaloob ang pakikibaka ng wika sa bawat talata ng kasaysayan. Ngunit sa kasalukuyan, ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) mismo ang nasa gitna ng diskurso—nasasangkot sa politika at nabibigong magsulong ng matibay na hakbang para sa mga katutubong wika. Patuloy itong kinukuwestiyon kung nagagampanan pa ba nito ang tungkulin sa lipunang hinahati ng globalisasyon at kolonyal na impluwensiya.

Itinatag noong 1991 sa bisa ng Republic Act 7104 ang KWF, ang pangunahing ahensiya na inatasang mangalaga at magpaunlad sa pambansang wika. 

Ngunit matapos ang tatlong dekada, nahaharap ito sa samot-saring kritisismo: pinupuna ang sistemang padrino sa loob ng institusyon, kakulangan ng seryosong pananaliksik, at mabagal na pagpapatupad ng mga programang dapat sana’y sumasaklaw sa iba’t ibang wika sa bansa.

Kapangyarihan ng wika

Mula pa noon, nananatiling hamon ang pagbabalanse ng pagkakakilanlan sa gitna ng sari-saring wika at kultura. Kaya’t iginiit ni Manuel L. Quezon na hindi magiging ganap na bansa ang Pilipinas kung walang pagkakaisa sa wika.

Sa kaniyang paningin, ang wika ang tulay ng isipan at damdamin, at kung hindi ito maitatag, mananatiling watak-watak ang mga Pilipino. 

Kaya’t ipinasa noong ika-13 ng Nobyembre 1936 ang Batas Komonwelt Blg. 184 na lumikha sa Surian ng Wikang Pambansa. Makalipas ang ilang dekada, naisabatas naman ang Republic Act 7104 na nagtatag sa KWF noong ika-14 ng Agosto 1991.

Ayon sa panayam ng FEU Advocate kay Ronnel Talusan, isang propesor mula sa Departamento ng Wika at Lingguwistika, tungkulin ng KWF na manguna sa pagpapaunlad, pagpapanatili, at intelektuwalisasyon ng wikang pambansa, gayundin sa pangangalaga sa iba pang katutubong wika ng bansa.

"Ang pinakapapel nga nito sa kasalukuyan ay panatilihing magkaroon ng pag-unlad sa wikang Filipino... siyempre mailahok ang wikang rehiyonal at wikang katutubo, magkaroon ng mga pananaliksik, mapayabong ito at makilala at maipakilala sa mga bansa malapit sa Pilipinas. Maitaas ang antas ng wikang Filipino, o magkaroon ng ganap na tinatawag na intelektuwalisasiyon sa wikang Filipino,” paliwanag ng propesor. 

Ngunit sa kabila ng magagarbong pahayag, nananatiling tanong kung gaano na kalayo ang narating ng KWF sa pagbuhay sa mga wika. 

Bagama’t mandato nitong isulong ang Filipino bilang wikang panturo, opisyal na wika, at salamin ng identidad, kapos pa rin ang aktuwal na pagtupad ng Komisyon sa mga layuning ito.

Sa praktikal na kalakaran, patuloy na nangingibabaw ang Ingles sa akademya, negosyo, at pamahalaan. Kaya’t higit pa sa simpleng kakulangan sa pagpapatupad, ito’y nagpapahiwatig ng pagkiling sa kolonyal na institusyon at sistemang padrino sa politika na humahadlang sa pag-unlad ng pambasang wika.

Kapag tahimik ang mga pahina

Kaya’t sa paglipas ng mga taon, hindi na bago ang pagdududa sa halaga at direksiyon ng Komisyon. Kamakailan pa nga’y lumabas ang isang artikulo ng Rappler na kumukuwestiyon sa pagtupad ng kanilang mandato.

Ito’y mga usaping hindi lamang nakaaapekto sa imahen ng institusyon, ngunit naglalantad din ng mas malalim na problema sa pamamalakad at direksiyon nito.

Para kay Talusan, patuloy pa rin namang natutupad ng KWF ang ilang tungkulin nito, subalit madalas itong nababahiran ng politika.

"Sa tingin ko, nagagawa pa rin naman. Kaya lang, may mga pagkakataon na nahahaluan nga ng kontrobersiya o problema kung saan kapag napasok na ng politika ang ibang ahensiya... may nailagay na pinuno na hindi siya dapat doon or may mga programa na hindi masiyadong naisaalang-alang na pag-aralan o saliksikin o pag-usapang mabuti bago ilunsad,” saad ng propesor.

Lalo pang napaigting ang mga kontrobersiya matapos umani ng batikos ang pagtatalaga kay Atty. Marites Barrios-Taran, isang Certified Public Accountant na nagsilbi bilang Vice President for Administration and Finance, University Legal Counsel, at Director II sa House of Representatives, at Board Secretary naman sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, sa kabila ng umano’y kawalan niya ng kadalubhasaan sa wika, panitikan, at kultura.

Kung kaya’t saad ni Rita Morales, isa ring propesor sa Departamento ng Wika at Lingguwistika, dapat may sapat na kaalaman sa lingguwistika, kultura, at mga rehiyonal na wika ang hinirang na direktor-heneral ng KWF.

"Ang pinakamahalagang diin doon ay 'yung dapat may expertise siya doon sa disiplina, 'no. ‘Tsaka, dapat may background siya sa linguistics... expertise siya sa kultura, panitikan, lalo na doon sa lengguwahe na tumutukoy doon [sa] ethnolinguistic region sa Pilipinas,” aniya.

Dahil dito, lalong nagiging kahina-hinala ang kakayahan ng pamunuan na itaguyod ang isang ahensiyang nakaugat sa lingguwistika, pananaliksik, at kulturang Filipino kung ito mismo’y salat sa kaukulang kaalaman at karanasan.

Ipinakikita nito ang matinding banggaan sa pagitan ng mandato ng KWF at sa kakayahan ng pamunuan nito na tuparin ang tungkulin sa intelektuwalisasyon at pagpapalago ng wikang Filipino.

Lalo na't nangingibabaw rin ang kakulangan ng Komisyon sa pangangalaga at pagpapayabong ng wikang Filipino at mga katutubong wika.

Lumalabas ang mga ulat sa paglipas ng mga dekada na hindi sapat ang implementasyon ng mga programang pangwika, lalo na sa ibang rehiyon buhat ng maraming katutubong wika ang nanganganib nang mawala.

Ayon sa datos ng KWF, nasa 40 sa 135 katutubong wika sa bansa ang nasa iba't ibang antas ng panganib—mula sa “vulnerable” hanggang “critically endangered.”

May mga rehiyon pa na kakaunti ang materyal pangwika, samantalang may mga bayan na nakararanas ng kakulangan sa dokumentasyon, pagsasalin, at mga guro na walang sapat na pagsasanay sa lokal na wika.

Sa kabila ng mga proyekto tulad ng “Mapa ng mga Wika” at digital archiving ng ilang katutubong wika, marami ang nagtatanong kung sapat na ang mga ito upang hingin ang tunay na pagbabago. 

Sa halip na makita ang Filipino bilang bukas at buhay na lengguwahe na yumayakap sa iba’t ibang katutubong wika, nakadarama ang ilang komunidad na sila’y muling nabubura mula sa pambansang naratibo. 

Batay naman sa Kalihim ng Buklurang Mag-aaral sa Filipino (BUMAFIL) na si Andrea Menzies, hindi niya masyadong maramdaman ang presensiya ng ahensiya, dahil sa kaniyang obserbasiyon, mas hinihikayat ang paggamit ng Ingles sa paaralan at sa pang-araw-araw.

“Hindi ko ito masyadong nararamdaman, sapagkat mas hinihikayat ang mga mag-aaral na gamitin ang lenggwaheng Ingles sa kadahilanan na ito ay mas propesyonal pakinggan. Bukod dito, mayorya ng mga mag-aaral ay [may] mas nais gamitin ang wikang Ingles sa paaralan at sa pang-araw-araw na pamumuhay dahil mas napapahayag nila ng maayos ang kanilang sarili gamit ito,” ani ng estudyante.

Kaya bilang isang pagkilos, pinangunahan ni Dr. David San Juan, katuwang ang Tanggol Wika, ang masusing pangangalap ng lagda, na pinirmahan din nina Morales at Talusan, upang makapaghain ng liham kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nananawagan ng mas angkop at kalipikadong liderato sa Komisyon.

Patuloy rin silang nangangalap ng lagda mula sa iba’t ibang sektor at pamantasan upang hilingin sa pamahalaan na muling pag-isipan ang nasabing pagtatalaga. Para sa kanila, isa itong malinaw na insulto sa maraming iskolar, manunulat, at intelektuwal na higit na karapat-dapat sa posisyon.

Sa ganitong mga panawagan, lumilinaw na hindi lamang tungkol sa isang tao o posisyon ang usapin, bagkus sa sistemang patuloy na nagpapayabong sa padrino—isang sistemang unti-unting kumikitil sa dangal ng wika at nagpapahina sa ugat ng ating pambansang identidad.

Sa halip na maglatag ng kongkretong hakbang laban sa patuloy na krisis sa paggamit at pagpapalaganap ng wikang Filipino, nagiging pugad ito ng mga itinapong produkto ng bulok na sistemang pampolitika.

Sa edukasyon, nananatiling nangingibabaw ang Ingles bilang pangunahing midyum ng pagtuturo habang patuloy na kumukupas ang kredibilidad ng KWF sa mata ng publiko. Sa mga nailantad na isyu ng ahensiya, paano pa mahihimok ang taumbayan na igalang at pagyamanin ang sarili nilang wika? 

Sa ganitong kalagayan, hindi lamang liderato ang nakataya kung hindi ang malinaw na kapabayaan at kawalan ng direksiyon—mga haliging dapat matagal nang naitataguyod para sa pambansang wika.

Ingklusibo’t makabuluhang reporma

Sa kabila ng mga mungkahing ipasa sa mga unibersidad ang tungkulin ng KWF, iginiit ni Talusan na hindi ito madaling maisakatuparan dahil nangangailangan ito ng masinsinang proseso.

“Hindi sa sinasalungat ko ang ideya na iyon... Sa totoo lang, eh, kung saan mas nangyayari 'yung pagsusumikap ng pagpapaunlad sa wikang Filipino sa kalahatan ay unibersidad ang gumagawa no'n... pamantasan, mga writer, creative institution. Siyempre, kasama ang KWF diyan pero kasi bilang itinitatag ito [sa ilalim ng] batas, hindi madaling pencil and paper lang na susulatin at ipapasa ito sa mga pamantasan at kayo ang gumawa nito,” saad niya.

Sinang-ayunan ito ni Morales sa hiwalay na panayam sa pagbanggit na mahaba-haba ang tatahaking proseso ng konsultasyon at pagdinig bago maisakatuparan ang pagbabago.

Kaya’t payo ng dalawang propesor, hindi dapat nakatuon lamang ang usapan sa paglilipat ng tungkulin, bagkus sa sistematikong pagtutulungan ng KWF, mga pamantasan, at iba pang institusyong pangwika. 

Sa ganitong balangkas, mas magiging produktibo ang kolaborasyon kaysa sa simpleng paghahati ng tungkulin.

“Ipagpatuloy ng mga unibersidad, palakasin ang mga programa, institusyon, iba't ibang mga iniisip na proyekto para patuloy na paunlarin ang wikang Filipino. Patuloy na paramihin ang mga propesor at mga manunulat, at mga intelektuwal na nagsusulong nito,” pagdidiin ni Talusan. 

Hinaharap ngayon ng ahensiya ang hamon kung paano gagawing buhay na kilusan ang KWF—kasama ang unibersidad, mga guro, manunulat, artista, at mismong sambayanan—sa pagtataguyod ng isang wikang hindi lamang umiiral ngunit humuhubog ng kinabukasan.

Bukod pa sa mga pamantasan, inudyok ni Morales ang iba't ibang sektor upang dalhin ang ganitong responsibilidad na magkaroon ng tulong mula sa iba’t ibang institusyon para sa pagpapaunlad ng wika.

“Higit sa lahat, pataas hanggang pababa dapat may suporta doon sa pangulo ng Pilipinas natin... at pababa sa Senado, congressman, hanggang sa mga political partylist. Kaya sa akin, walang problema kung saan mo ibibigay, saan mo ilalagay ang mga patakaran. Ang pinakamahalaga diyan ay 'yung will natin na gawin ito,” saad ng propesor.

Kailangang itaguyod ng KWF ang sarili nito bilang kilusan kung nais nitong maibalik ang dangal ng wikang pambansa—pagkilos na nakaugat sa komunidad at akademya, ngunit may sapat na tapang na kumalas sa pamomolitika. 

Maaaring magsimula ito sa mas aktibong pakikipagtulungan sa mga pamantasan para sa dokumentasyon at pananaliksik ng mga katutubong wika, pagbubuo ng community-based language programs, at pagsuporta sa mga manunulat at gurong itinataguyod ang Filipino sa iba’t ibang larangan ng diskurso. 

Sa ganitong paraan, hindi lamang nananatiling proyekto ng gobyerno ang wika, subalit isa ring kilusang panlipunan na may kakayahang mag-ugat sa masa at maglatag ng alternatibong bisyon para sa pambansang identidad.

Kung kaya’t sa dulo, binigyang-diin ni Talusan na patuloy na pumapasok ang mga wikang banyaga sa bansa, dahilan upang maging hamon ang pagtataguyod sa Filipino bilang pangunahing wika sa edukasyon, midya, at pampublikong diskurso. 

Ngunit malinaw na hindi lamang ito usapin ng lingguwistika, bagkus ng mismong kinabukasan ng ating kabataan. 

Habang patuloy na ginagamit sa pagtuturo ang wikang banyaga, hinahadlangan mismo ang kabataan na maunawaan ang aralin mula sa lente ng kanilang karanasan at pamayanan. 

Sa pribilehiyong patuloy na ibinibigay ng estado sa Ingles, sinasakal ang kakayahan ng susunod na henerasyon na mag-isip, magsuri, at manindigan gamit ang sariling wika.

Ang isang bayan na hindi nagpapahalaga sa sariling wika ay isang bayan na unti-unting kinakaltasan ng kaniyang kinabukasan. Ito’y magiging lipunan na madaling lamunin ng banyagang interes sapagkat pinutol nito ang sariling ugat.

Sinasagisag ng mga panawagang ito na hindi palamuti ang wika, bagkus ay gulugod ng pambansang kaunlaran. Panahon na upang igiit ang patakarang walang kinikilingan, pananaliksik na matibay ang pundasyon, at institusyong hindi madaling yuyuko sa pamomolitika.

Sapagkat sa huli, ang tunay na diwa ng KWF ay nasusukat sa kakayahan nitong maging haligi ng pambansang pagkakakilanlan, sandata laban sa kolonyal na tanikala, at tanglaw ng ating intelektuwal at kultural na kahusayan.

Dapat pangunahan ng KWF ang laban para sa wika, dahil ito ang ugat ng ating pagkatao, kaluluwa ng ating bayan, at haligi ng ating dangal. Ngunit hindi kailanman lalaya ang ating wika kung ang institusyong dapat nagtataguyod dito ay hindi makaalpas sa sarili nitong krisis. Sapagkat sa bawat wika na ating pinapanday, nakasalalay ang direksiyon ng ating kinabukasan bilang mga Pilipino.

(Dibuho ni Mary Nicole Halili/FEU Advocate)