Devosora delivers 14 points despite loss to UST
- March 01, 2023 09:00
FEU Advocate
December 23, 2022 08:48
Sa kabila ng kasiyahang sana’y dala ng Kapaskuhan, animo’y mga napupunding parol ang mga manggagawang pilit na kumikislap sa dilim na hatid ng masalimuot na reyalidad. Mahirap man pero hawak pa rin ang pag-asang kinang at liwanag na maibibigay nila sa kani-kaniyang tahanan ngayong paparating na Kapaskuhan.
Ngayong Pasko, patuloy ang pagpasok ng mga hamon sa pinto ng tahanan ng bawat pamilyang Pilipino. Mga salimuot na ang punterya ay kapamuhayan ng mamamayang Pilipino—maliit na sahod, taas presyong bilihin, at kontraktwalisasyon.
Diwa ng Kapaskuhan
Marahil ang Pasko na ang pinakamahabang okasyon ng mga Pilipino. Pagsapit pa lamang ng Setyembre, nagsisimula nang magsabit ng mga parol at iba’t ibang palamuting pampasko ang mga tao sa mga tahanan at lansangan.
Ayon kay Clifford Sorita na isang sosyolohista, mayroong pag-aasam na uuwi na sa Pilipinas ang mga kababayan natin sa ibang bansa o mga overseas workers tuwing papatak ng Ber months kaya ganoon na lang ang kasabikan ng mga Pilipino sa pagpatak pa lamang ng Setyembre.
“The ‘Ber’ months represent a psychological time clock for most Filipinos to prepare a jammed Christmas calendar with family and friends (Ang Ber months ay nirerepresenta ang sikolohikal na oras ng paghahanda ng pamilyang Pilipino para sa nalalapit na Pasko),” dagdag ni Sorita.
Bunsod nito, kabilaan na rin ang mga pagdiriwang ng Christmas party sa paaralan, trabaho, at kani-kaniyang tahanan. Nakalabas na rin sa merkado ang mga panindang madalas lamang makita tuwing pasko tulad ng Christmas tree at mga pailaw na iba’t iba ang kulay at ritmo ng kislap.
Tila isang perpektong pagkakataon kung tatanawin ang Kapaskuhan—malayo sa lungkot at paghihirap. Ito ang panahon ng pagsasama ng mga pamilya at pagpapaigting sa pananampalataya sa Diyos.
Taliwas sa paniniwalang kasiyahang dala ng kapaskuhan sa maraming Pilipino, nariyan pa rin ang mga luha at dagok. Mga paghihirap na pilit ikinukubli sa mga ngiting ibinibida ng bawat pamilya tuwing Pasko.
Pagsibol ng kalbaryo
Matatandaang taong 2020 nang lumaganap ang Coronavirus disease 2019 o COVID-19 sa bansa–na naging unang naging kalaban ng mga manggagawang Pilipino. Sa pagdami ng kaso ng mga nahahawahan ng makamandag na sakit, siya namang pagdami ng mga nawalan ng trabaho.
Batay sa ulat mula Philippine Statistics Authority (PSA), umakyat sa 17.7% o nasa bilang 7.3 milyong Pilipino ang nawalan ng trabaho noong Abril 2020 dulot ng pandemya.
Taong 2022 na lamang halos nanumbalik ang takbo’t galaw ng ekonomiyang nagbukas muli ng oportunidad sa mga Pilipino. Ayon sa pinakabagong tala ng Labor Force Survey mula sa PSA, naging 95.5% ang employment rate sa bansa noong Oktubre 2022, mas mataas kumpara sa 95% noong Setyembre.
Tinatayang nasa 47.58 milyong Pilipino ang mayroong trabaho ngayong Setyembre, mas mataas naman sa 45.9 milyon noong Hulyo 2020 at 44.90 milyon noong Hulyo 2021.
Magandang indikasyon kung maituturing ang mga nailatag na datos. Subalit, kakaibang dagok ang sumasakal sa mga mangaggawa habang papalapit ang Pasko gaya ng kawalan trabaho
Sa isang ulat mula CNN Philippines, libo-libong grupo ng mga manggagawa ang nagtipon-tipon para sa kanilang panawagan sa pamahalaan ukol sa pagtaas ng suweldo noong Nobyembre 30 kasabay ng pagdiriwang ng Bonifacio Day
Sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin, pakiusap ng mga manggagawang katulad ni Elmer Labog ng Kilusang Mayo Uno na gamitin nawa ng gobyerno ang mga confidential fund bilang pagtugon sa mababang sweldo.
“Tama ang ganyang panawagan dahil wala namang saysay ano, ang paggagamitan ng intelligence funds… at mas akma na ilaan ito sa mga sweldo,” pagpapaliwanag ni Labog sa isang panayam sa CNN.
Hamon Ngayong Pasko
Sa datos na inilabas ng PSA, pumalo sa 8% ngayong Nobyembre 2022 ang implasyon mula 6.1% noong Hunyo, 6% noong Agosto at 7.7% noong Oktubre. Gumagapang naman pataas ang implasyon nitong mga nakaraang buwan, habang sumasabay ang pagtaas ng mga pangunahing produkto sa merkado.
Sa nasabing pagtaas, naging malaking pasanin ang implasyong tila ‘sing-taas ng mga bituin sa gabi ng Kapaskuhan na nakapanlalamig para sa mga manggagawang kakarampot ang kita. Bunsod nito, ang mga bilihin ay tila bituing kay hirap abutin dahil sa presyong hindi makatarungan at naaayon sa kanilang sinusweldo.
Sa isang artikulo, binigyang-diin ni Gerardo Sicat, isang ekonomista, na ang implasyon ay dulot ng mas mataas ang demand kumpara sa suplay kaya may pagtaas sa kabuuang lebel ng mga presyo sa merkado.
“In general, inflation happens because aggregate demand often exceeds the supply of output. Thus, we observe an increase in the general price level (Sa pangkalahatan, ang implasyon ay nangyayari dahil ang pinagsama-samang demand ay kadalasang lumalampas sa suplay ng awtput. Kaya, naobserbahan natin ang pagtaas sa pangkalahatang antas ng mga presyo),” saad ni Sicat.
Ayon pa kay Sicat, ang kasalukuyang implasyon na nararanasan ng bansa ay kombinasyon ng domestic economic factors at ekonomikal at politikal na estado sa labas ng bansa.
Dagdag pa rito, ang giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine ay sanhi ng pagtaas ng presyo ng langis na siyang nakaaapekto sa mga desisyon ng mga namumuhunan at may-ari ng mga negosyo sa bansa.
Sa isang panayam ng Business World, inilarawan ni Senior Economist Cid Terosa na tuwing may krisis ay mas ginugusto ng mga may-ari ng negosyo na lumipat sa mga developed na bansa kumpara sa mga developing na bansa tulad ng Pilipinas.
“In times of crisis, capital moves away from developing countries to developed countries that are perceived to be safer havens for capital investments. This means that developing countries like the Philippines will most probably lose potential investments simply because foreign investors would like to be more cautious with their investments. (Sa panahon ng krisis, lumalayo ang kapital mula sa mga papaunlad na bansa patungo sa mga mauunlad na itinuturing na mas ligtas na kanlungan para sa pamumuhunang kapital. Nangangahulugan ito na ang mga umuunlad na bansa tulad ng Pilipinas ay malamang na mawawalan ng mga potensyal na mamumuhunan dahil ang dayuhan ay mas maingat sa kanilang pamumuhunan),” ani Terosa.
Nitong Nobyembre, napansin ng Department of Trade and Industry (DTI) ang paggalaw ng presyo ng mga bilihin sa merkado lalong-lalo na ng mga produktong pang-Noche Buena.
Ayon kay DTI Undersecretary Ruth Castelo, nasa 10% ang itinaas ng presyo ng mga panghanda sa Noche Buena mula taong 2021.
"Ito po 'yung current presyo na ibinebenta sa merkado. Ang range po ng pagtaas niya compared to 2021 ay nasa 10% po. Meron pong pinakamalaking 27%, depende sa produkto," ani Castelo sa isang panayam.
Kasabay naman ng patuloy na paglobo ng presyo ng mga bilihin, bumungad ang magulo at pahirapang sistemang transportasyon sa bansa na numero unong apektado ang mga manggagawa. Sinabayan pa ito ng taas pasahe sa mga pampublikong transportasyon dulot ng pagtaas ng presyo ng gasolina.
Ayon sa Department of Energy, ang porsyento ng itinaas ng presyo ng gasolina para sa taong 2022 ay umabot na ng 13.5 piso kada litro, 24.60 piso kada litro naman para sa diesel at 19.15 piso para sa kerosene.
Setyembre naman ng aprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang mungkahing taas pasahe ng grupo ng mga drayber. Piso kada apat na kilometro ang itinaas sa mga pampublikong dyip samantalang dalawang pisong pasahe naman kada limang kilometro para sa mga bus.
Isa ang drayber ng dyip na si Rechie Villena mula Batangas sa mga ikinagalak ang balitang dagdag pasahe. Aniya, ito ay malaking tulong para sa mga katulad niyang maliit ang kinikita ngunit mataas ang pangangailangan.
“Magandang balita ‘yung dagdag pamasahe dahil mataas ang presyo ng gasolina ngayon tapos ang mahal din ng mga kailangan bilhin gaya ng langis, pag-aayos ng gulong para sa magandang pamamasada,” pagkukuwento ni Villena.
Ilan lamang ang mga nabanggit na problema sa maraming nakaambang hirap sa mga manggagawa ngayong Pasko. Ito na marahil ang mga rason kung bakit sa paglipas ng panahon, ang paskong sadlakan ng ngiti at tuwa ay tila nabalutan na ng pangamba. Ang ngiti na sana ay nakabida sa Kapaskuhan ay napapalitan na ng aray at panawagan.
Hiling ngayong Kapaskuhan
Kanya-kanyang pahayag ng pagkadismaya ang ibinahagi ng mga nasa sektor ng paggawa. Tila ba sinusubok ng mga suliranin ang kanilang kapasidad at kakayahan sa buhay.
Inilarawan ni Joy Almacen, 13 taong nagtatrabaho sa pabrika, ang kaniyang pagkadismaya gayong mataas na ang presyo ng mga bilihin. Aniya, hindi niya alam paano makakabili ng damit para sa mga anak kasama na ang handa ngayong nalalapit na pasko.
Agad na tumutol si Almacen hinggil sa pahayag ni DTI Undersecretary Castelo na sinabing kasya ang isang libong piso para sa pamilya may apat o limang miyembro para pambili ng Noche Buena.
“Sa totoo lang hindi kasya dahil sa taas ng mga bilihin, lalo na may mga anak akong bata at kasama ko pa ang aking mga magulang, hindi talaga magiging sapat,” paliwanag nito.
Tulad ni Almacen, isa rin si Hector Polanco na ang trabaho ay gumawa ng speaker mula Marikina City sa mga umaaray sa taas presyong bilihin. Aniya, tumataas ang presyo habang ang kanilang kinikita ay nakatengga sa mababang antas.
“Kung iisa-isahin po natin ang mga ingredient na kakailanganin, ang all purpose cream po na dating nasa 50 pesos lang, humigit kumulang 80 pesos na. ‘Yung bawang at sibuyas na dating sampung piso lang, nasa 20 pesos na,” saad Polanco.
Aminado siya na sapat naman ang kinikita nilang mag-asawa para tugunan ang mga pang-araw-araw na gastusin subalit nariyan pa rin ang pangamba niya lalo na at hindi imposibleng tumaas pa nang tumaas ang mga bilihin at kulangin ang kanilang badyet sa papalapit na Pasko.
Para naman kay Josefina Balagoza, 13 taon nang nagtitinda sa kanilang maliit na sari-sari store sa Marikina City, mas nanaisin pa rin niyang maghanda ng munting salo-salo para sa pamilya ngayong pasko kahit na nagmamahal ang bilihin.
“Ngayong pasko, wala namang espesyal pero sama-sama kami sa isang munting salo-salo. Masakit sa bulsa kasi nga ang mahal ng bilihin ngayong pasko pero bilang isang small business owner, pero mas uunahin kong intindihin yung pamilya ko para ‘di ako masyado ma-stress,” sambit ni Balagoza.
Kilala bilang palaban ang mga manggagawang Pilipino kung kaya’t sa mga panahong ang tinik ng panahon ay sumusugat sa kanilang kapasidad at kakayahan, patuloy silang titindig at puputulin ang mga problemang nakatusok sa kanila.
Tulad ng kutitap ng ilaw na sumasabay sa ritmo ng pagkakataon, sumasabay din sa agos ng buhay at naghihintay ang mga manggagawa sa posibilidad na darating muli ang panahong hindi na pangamba ang babalot tuwing sasapit ang Kapaskuhan kundi liwanag at kasiyahan.
- Andrea Dulay at Jinn Anne Fulgencio
(Dibuho ni Alexandra Lim/FEU Advocate)