Kung bakit mas malalim ang pighati ng estudyante kaysa sa baha

FEU Advocate
September 30, 2025 15:54


Nina Eryl Cabiles at Jasmien Ivy Sanchez

Hindi baha ang humahadlang sa pag-aaral ng mga estudyante kung hindi ang isang gobyernong paulit-ulit na nilulunod ng sariling kasakiman. Kaya’t umaalingasaw ang katiwalian sa bawat ‘class suspension’ ng pamahalaan—isang unos na higit pang mapanganib kaysa sa bagyo.

Malinaw na kontra-estudyante ang sunod-sunod na pagsuspinde ng klase sa mga bayang hinahagupit ng kalamidad. Sa kabila ng sabwatang korapsiyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), parehas na kakalampagin ng mga mag-aaral at kalikasan ang pamahalaan para sa mas makatarungang serbisyo.

Pagkalunod sa sistema

Muling hinarap ng maraming lungsod sa Metro Manila at kalapit na lugar ang matinding baha buhat ng sunod-sunod na bagyo at malalakas na pag-ulan sa mga nagdaang linggo at buwan.

Dahil dito, maraming lokal na pamahalaan ang nagdeklara ng suspensiyon ng klase at opisina sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan upang tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamayan.

Ayon sa Department of Education, mahigit 17,000 pampublikong paaralan sa siyam na rehiyon sa Pilipinas ang nagsuspinde ng klase noong ika-22 ng Setyembre dahil sa Super Typhoon Nando. Nakaapekto ito sa mahigit 10 milyong estudyante at higit 400,000 kawani ng edukasyon. 

Kung kaya’t para sa fourth-year Psychology student na si Kian Labrador, nagdudulot ito ng malaking abala sa mga katulad niyang komyuter na nanggagaling at umuuwi pa sa Laguna o minsan sa Muntinlupa.

“Sa totoo lang, nanggagalaiti ako sa galit kapag may class suspensions na inaanunsiyo kapag nasa biyahe na ako—lalong-lalo na kapag nasa bus na ako mismo. Kasi kapag nasa bus na ako, nasa Magallanes na banda since expressway. Magulo, sobrang daming tao tapos kulang pa sa mga murang transportation options para makauwi,” pagbabahagi niya.

Bukod sa pisikal na pagod, nakararamdam si Labrador ng panghihinayang sa oras at pera na nasasayang sa pabalik-balik na biyahe, lalo na’t paulit-ulit ang ganitong insidente tuwing may malakas na ulan o biglaang suspensiyon ng klase.

Higit pa rito, nababawasan din ang kaniyang pasensiya at kasiglahan dahil sa kawalan ng maayos na komunikasyon mula sa mga awtoridad. Kaya’t saad niya, malinaw na hindi sapat ang paulit-ulit na suspensiyon ng klase, sapagkat hindi nito tinutugunan ang ugat ng problema sa pagbaha.

Considering pa ‘yung mga issues ng korapsiyon ngayon na nagpapalala ng kabagalan, o kawalan dare I say, ng proseso sa lahat ng mga ‘to. ‘Yung kawalan ng long-term solution ‘yung main reason bakit paulit-ulit na naaantala ang klase ng mga estudyante, na lalo pang nagpapalala sa kalidad ng edukasyon natin,” aniya.

Kung sisipatin, ibinubunyag ng isyung ito na mabagal tumugon ang gobyerno sa kalamidad at hindi hinaharap ang sanhi ng problema, bagkus nilalapatan lamang ng pansamantalang solusyon ang epekto nito.

Ipinakikita rin nito ang hindi pagkakapantay-pantay sa pagitan ng mga estudyante, kung saan nagiging pangunahing biktima ang mga komyuter tulad ni Labrador sa kapabayaan at kakulangan ng pamahalaan sa maayos na sistema at komunikasyon.

Sa dulo, nananawagan ang estudyante ng mas maayos na pamamahala at agarang abiso mula sa gobyerno upang maprotektahan ang mga estudyante at guro sa pagbaha.

“Bilang estudyante, ang panawagan ko sa mga opisyal ng pamahalaan na namamahala sa flood control at edukasyon ay magkaroon ng pangmatagalang solusyon sa problema ng pagbaha at mas maging tapat at maagap sa kanilang mga tungkulin. Hindi sapat ‘yung paulit-ulit na suspensiyon ng klase—na most of the time ay late pang ina-announce—dahil naaapektuhan nito ‘yung kalidad ng pagkatuto at kaligtasan namin at ng mga trabahador sa sektor ng edukasyon,” saad pa niya.

Sa huli, malinaw na ang problema ay mas malalim kaysa sa baha o malakas na ulan. Isinisiwalat nito ang sistemang pabaya at kulang sa kahandaan na matagal nang umiiral, at ang mga estudyante lamang ang patuloy na naiipit sa kakulangan ng maayos na pamamahala.

Pagbaha ng katiwalian

Iniulat naman ng ilang organisasyong nagsusulong ng hustisya sa kapaligiran ang lumalalang epekto ng krisis pangklima sa mga paaralan. 

Ipinaliwanag ng Kalikasan People’s Network for the Environment sa panayam ng FEU Advocate na mahihirapan ang mga paaralang tugunan ang pagbibigay nila ng serbisyong pang-edukasyon buhat ng lumalalang krisis.

“Manila alone has suspended at least twice each month for the last three months due to inclement weather. These are not isolated incidents, but part of a pattern of more frequent weather-related interruptions (Sa Maynila pa lang ay dalawang beses kada buwan nang nagsuspinde sa nakalipas na tatlong buwan dahil sa masamang lagay ng panahon. Hindi ito magkakahiwalay na pangyayari bagkus ay parte ng paulit-ulit na pagkaantala dahil sa masamang panahon),” paliwanag ng grupo. 

Lampas sa simpleng paninisi sa klima, pinuna naman ng Kalikasan ang mga desisyon ng pamahalaan sa nangyayaring malawakang baha na nagreresulta sa pagkaantala ng mga klase.

Governance choices make flood impacts much worse…. Poor watershed management, unregulated land-use conversion, and weak environmental enforcement [are] drivers that amplify flood damage (Ang mga pasiya ng pamahalaan ay pinalalala ang epekto ng baha. Palpak na pamamahala sa daluyan ng tubig, walang regulasyong paggamit sa kalupaan, at mahinang pamamahala sa kalikasan ay nakapagpapalala sa pinsalang dulot ng baha),” anila.

Kritikal namang sinuri ng Center for Environmental Concerns - Philippines ang badyet ng gobyerno para sa susunod na taon, lalo na sa pagputok ng isyu sa kaliwa’t kanang anomalya sa DPWH.

The government’s allotted budget… reflects a devastating reality of weak climate action… and an administration that brands itself as green but enables greed and corruption at the expense of communities (Sinasalamin ng pondo ng gobyerno ang realidad ng mahinang pagtugon sa klima at ang administrasyong nagbabalatkayong ‘makakalikasan’ ngunit pinahihintulutan ang kasakiman at korapsiyon kapalit ng kapakanan ng mga komunidad)” saad nito sa isang pahayag

Kaugnay nito, dismayado ang maraming Pilipino sa nadiskubre nitong Setyembre na mga katiwalian sa mga proyektong flood control ng DPWH na umano’y kasabwat ang ilang kongresista at senador kasama ang ilang bigating kontraktor. 

Ayon sa imbestigasyon sa Senado, trilyon-trilyong piso ang posibleng ninakaw sa mga proyektong nakalaan sa mga impraestruktura para sa baha. 

Matapos ang paglabas ng kontrobersiya, sama-sama namang nagprotesta ang libo-libong Pilipino sa Luneta at EDSA Shrine noong ika-21 ng Setyembre upang sabay na panagutin ang mga sangkot sa nasabing korapsiyon at gunitain ang malagim na kasaysayan ng Batas Militar. 

Sa pagbaha ng katiwalian kaugnay sa mga proyektong para sa baha, umaalsa ang nagagalit na kabataan upang singilin ang pamahalaan sa pagnanakaw nito ng maayos nilang kinabukasan. 

Ipinaalala ng mga estudyante at kabataang lumabas sa lansangan na handa silang bawiin ang kanilang kapangyarihan, gayundin ang paninindak sa mga politiko na maghihiganti ang kabataan sa oras na sila’y makaahon sa baha. 

Isa lang ang kanilang sigaw: Ikulong na ‘yan, mga kurakot!

Pag-ahon ng masa

Kaakibat nito, hinahangad naman ng Kalikasan na matauhan na ang gobyerno sa hinaing ng mga Pilipino. Maaaring simulan ang pagbabago sa ilang suhestiyon ng grupo. 

Ilan sa kanilang mungkahi ay ang pagpapatigil ng mga “megaproject” sa mga protektadong lugar na may mayabong na saribuhay, maka-Pilipinong pagtugon sa mga sakuna, kasama ang tapat at maaasahang pamamahala sa proyekto ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.

Malinaw sa mga panukalang ito na magkaugnay ang nararanasang hirap ng mga estudyante at isang sistemang ganid sa yaman at kapangyarihan. Inaagos sa baha ang bawat araw na dapat ipinapasok nila sa klase dahil sa makasariling interes ng mga namamahala. 

Buhat nito, iniimbitahan ng katiwaliang ito ang hanay ng mga estudyante na pagmatyagan ang aksiyon ng mga nasa kapangyarihan. Kung maaari, makisama sa mga umiiral na pagkilos na humihingi ng kapanagutan at hustisya sa mga buwis na patuloy nilang sinasayang. 

Ngunit, hindi dapat nag-iisa ang sektor ng kabataan sa labang ito. Kailangan ding makiramay at makibaka ng Pamantasan sa adhikaing magbibigay ng kaginhawaan sa lipunan. 

Dahil hindi hiwalay ang suliranin ng paaralan sa mga estudyante. Nawawalan ng silbi ang edukasyon kung walang batang makapapasok nang ligtas sa tarangkahan ng eskuwelahan. 

Samakatwid, walang makauusad na aralin kung ang bawat ‘class suspension’ ay nangangahulugang pag-iwan sa mga estudyanteng pineperhuwisyo ng kalamidad. Higit sa lahat, kakampi ng tiwaling gobyerno ang paaralang pipiliing malunod sa baha ang kaniyang mga estudyante para lang umusad ang klase sa susunod na aralin.

Babad na babad na sa tubig-baha ang nagagalit na kabataan. Kung hindi kikilos at aayos ang pamahalaan ayon sa pulso ng kasalukuyang politika, tiyak na hindi mag-aatubiling umahon ang nagkakaisang kabataan upang patalsikin ang mga korap at ang kanilang mga kasabwat sa pangungulimbat ng kaban ng bayan. 

(Dibuho ni Chynna Mae Santos/FEU Advocate)